Saturday, February 6, 2016

Happy Friends Day!!!

     Kaalinsabay ng ika-labindalawang kaarawan ng Facebook, naglunsad din sila ng customizable na video clip na naglalaman ng mga pics ng mga kaibigan mo pati na rin ng mga alaala ng mga pinagsamahan n’yo na nakatala sa Facebook. Una ko ‘tong nakita sa feed ko, may post kasi si Jeuel ng Happy Friends Day video n’ya. Kung hindi ito customizable, parang ang gaganda naman ng pics na nakuha sa clip ni E-boy at kilala talaga ng Facebook yung malalapit n’yang kaibigan.

    Kaya sumubok din ako. Pinanood ko yung clip nung sa’kin at wala pang isang segundo ay natapos na ang video na isang pic ko lang ang pinakita. Ah baka iko-customize ko nga muna. Inaayos ko ang content tapos ibinahagi ko na sa wall ko. Pagsilip ko, ganun pa rin. Isang segundo lang ang clip na nagpakita ng isa kong pic at ‘yun, tapos na. Nirefresh ko. Play ulit. Ganun pa rin. Ako lang ang ipinakita ng Happy Friends Day video clip ko. Ako lang. Mag-isa.

     Medyo hiwa-hiwalay kami ng mga kaibigan ko ngayon. Si Roy, na magbebertdey na sa Peb. 06, ay tinext ko ng “Happy Friends Day! Uwi ka sa Sabado”? Nasa Batangas kasi siya at nagtatrabaho bilang account officer sa isang micro-finance. Si Alquin naman chinat ko sa Facebook at inayang umuwi sa long week-end para makapag-bisikleta sa Sampaloc Lake. Nasa Cavite naman siya at nagtatrabaho bilang encoder sa isang hatchery. Si Ebs naman ay makikita ko rin mamaya sa bahay nila pag-uwi ko. Nasa Macalelon kasi ako at kasalukuyang research assistant sa isang nag-mamaster’s thesis sa probinsya ng Quezon. Kung nasaan man silang lahat at kung anong pinaggagawa ng mga kaibigan ko. Sana ay masaya sila ngayong araw.

  Pag-uwi ko, dumaan muna ako sa Lusacan. Nag-kape kena Ebs. Kumain ng biskuwit. Nakipaghuntahan; kesyo magbibisikleta kami sa Lunes para bawiin ang ipinagtrabahong mga araw. Tapos, bukas daw pagkatapos ng mahabang linggo ng trabaho ay manonood kami ng pelikula.  Yooown!


     Sana ay maligaya ka rin sa mga kaibigan mo. Magpasalamat ka sa nagbigay n’yan sa’yo.

No comments: