Wednesday, May 31, 2017

Mayo 29, 2017

Si Ted, Tita Lucy, Tita Sheila, at Ako

     Pumunta kami ni Ted sa quarterly na Christian Writers’ Fellowship sa OMF Lit sa Mandaluyong. Galing s’yang Cavite. Galing akong Batangas. Ano lang, paalala lang to ourselves na dapat talaga nagsusulat talaga kami. O may mga ginagawa para mapaunlad pa ang mga panulat sa kabila ng napakaaaaaaaaraming kaabalahan sa buhay.

     Naisip na naming ‘wag na lang tumuloy pero naisip din naming minsan lang ang ganitong pagsasama-sama ng mga kapatid namin sa panulat; apat na beses lang sa isang taon. Kaya tumuloy na kami at nauwi rin ako sa pagkikipnuluyan kena Ted. Kahit na sinabi na n’yang hindi masyadong warm welcoming sa bahay nila.

     Si Sir Nelson Dy ‘yung speaker, author ng Regret No More at How to Mend a Broken Heart. Mga titles na hindi ko pa nararanasan. Ang ganap n’ya ay hurting writer to healing writer; sa dami raw kasi ng mga nakakasakit at nakakalason na nababasa sa Internet ay kailangan ng mga mambabasa ng encouraging at inspiring words. Sobrang supportive pa ng wifey ni Sir Nelson na si Tita Lucy na ikinuha pa ako ng kape dahil tinamad akong tumayo.

Si Ted, Sir Nelso Dy, at Ako

     Tapos, meron akong na-discover na awkward feeling kapag ganitong mga writers’ mingle-mingle. ‘yung tanong na “writers kayo?”. “Uhhhmm (tingin kay Ted)  minsan po”. Tapos, eto pang mas awkward sagutin “anong sinusulat n’yo?” Si Ted precise and specific e, blogging – motivational/inspirational. Pagdating sa’kin; napaisip talaga ako ano ba talagang sinusulat ko. ‘tas ayun na, sinabi kong tula, sanaysay, blogging-personal, technical-government, journalistic misan, para akong karinderya; sari-sari basta lang makabenta.

     Anong nang oras kami ni Ted nakauwi sa Trese Martires? Mga pasado ala-una na. Ngalay na ngalay, ihing-ihe at gutom na gutom. Inakyat-bahay na namin ang mga nakakandado nilang pinto. Nagsaing/Naglugaw si Ted at nagbukas ng de lata. May pasok pa ako bukas at naka-iskedyul sa baranggay. “Ano bang ginagawa natin sa buhay natin Ted?”

     Para kaming mga martyr na nagpakasakit. Yae na’t kada apat na buwan lang naman. (*pabulong lang:) Malay mo naman maawa sa’tin ang OMF Lit tapos i-publish na ‘yung mga contributions natin kasi matiyaga tayong pumupunta. Biruan lang namin pero slightly true. Nagpalit ang ako ng malaking t-shirt. Walang tutbras-tutbras o panghilamos. Humiga ako sa kama ni Ted matapos n’yang tsekin ang amoy ng unan n’yang ipapahiram sa’kin. Tapos, nahiga na rin s’ya sa may sahig.


       Sa Agosto ulit?

Saturday, May 27, 2017

Mayo 22, 2017



Hamak na mas mainam
Kung walang kalmot
'Pagkat wala ring alam


#
Dyord
Lipa, Batangas
Mayo 22, 2017


Mayo 26, 2017



Nagpapa-load ako sa tindahan sa may kanto ng Abbey Road nang marinig ko ang isang mahabang “Huuyy!!”. Pamilyar ang mukhang pinanggalingan. Bumungad sa’kin ang mga bakod sa kanyang ngipin.

Kahit madilim-dilim at matagal-tagal na kaming di nagkita, nakilala pa rin ako ng isang kababata dati sa simbahan. Si Lovely, kapatid ni Gel. Sunday Schoolmates. Mga mahigit kalahating dekada na rin siguro nang huling magkita.

Bumalik lahat ng junior at young people years. Alaala ng youth camps. Alaala ng house visitations. Alaala ng children’s outreaches. Alaala ng Sunday Schools. At iba pang Western Christian activities na ginagawa rin ng Baptistang Filipino. Shuuk. Shuuk. Shuuk. Parang mabibilis na bus sa express way.

“San ka ngayon?”, “Kumusta na si Vernon?”, “Kumusta na si Rr?”, “San ka nagwer-work?”, “San ka nagcher-church?”; pinagkasya ang maraming tanong sa saglit na mga minuto. Pinagkasya ko rin ang “Sa Abbey Road lang”, “Tatlo na pamangkin ko”, “Kasama pa rin ni Mama”, “DSWD”, at “doon pa rin” na mga sagot sa saglit na mga minuto.

Lumipat sila ng simbahan kasabay ng malaking kontrobersiya na hindi pa rin lubusang nasasarhan. Kahit malapit ako sa simbahan nila, hindi rin naman ako puwedeng mangamusta dahil baka malagay pa ako sa balag ng politikal na alanganin. Politikal na nga ang halos buong linggo kong pamumuhay, ayoko namang pati ang Linggo ko.

Naalala ko pa rin ang lasa ng tuna omelette na baon n’ya noong una naming youth camp sa Jabez, sa Dasma. Parang gusto ko pang makipagkuwentuhan pero hinihigit na rin ako ng paa ko pauwi.

#

Mayo 26, 2017
Dyord
White House





Friday, May 26, 2017

Mula sa Mesa


Pre-Employment Assistance Fund (PEAF) ang tulong na iginagawad ng Programa namin sa mga miyembro ng pamilyang kabilang sa 4Ps (ang ating bersyon ng Conditional Cash Transfer) na naghahanap ng trabaho. Tulong dapat ito sa pamasahe pang-asikaso ng mga papeles, pambayad sa medikal, panggawa ng resume, at pangkain habang di pa sumusuweldo ang aplikante.

Kaya lang; may mga pagkakataon na endo na ‘yung manggagawa bago pa dumating ang kanyang PEAF. May mga kaso pa ngang inabot ng isang taon bago dumating ang tulong.

Hindi namin malilimutan ni Tita Nel ‘yung isang aplikante. Wala ako nang ipinasa ang mga dokumento. Hindi ko rin nakausap man lang. Ngayong tsinek ko ang mga dokumento para iproseso na sana, napansin kong may mga bura-bura ang petsa. Tinawagan ko ang aplikante para tanungin. Tinawagan ko rin ang nanay na nagpasa ng papel para tanungin. Magkaiba sila ng sagot!

Niloloko ako.

Gusto lang makakuha ng tumataginting na limang libo kaya pineke ang petsa sa mga  dokumento. Hindi kasi puwedeng mag-apply ng PEAF kung nagtatrabaho na. Nagpadala ako ng mensahe na hindi ko na ipoproseso ang papel. Pupunta raw sila sa opisina para sa paglilinaw. ‘yung mga magulang lang nung aplikante ang dumating. Mainit agad ang ulo nung tatay. Ang mahal-mahal daw ng baranggay clearance at nagkandadapa pa raw sa pagkuha ng NBI; tapos ay basta-basta ko lang tatanggalin? Pauli-uli s’ya sa harap ng lamesa namin ni Tita Nel habang nagsisigaw. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw.

Kumukuha ka ng mga dokumento, hindi para sa tulong kundi para makapag-apply ka ng trabaho. Marami rin kasing nagpapaproseso lang sa mga employer tapos kapag nakuha na ang PEAF ay hindi na nagtatrabaho. Ginagawang easy-money ang social services.

Nagkanda-utal-utal ako sa kaba sa pagpapaliwanag na may bura-bura sa mga petsa ng ipinasa nilang mga dokumento at magkaiba ang sinasabi ng aplikante at ng nanay n’ya. Unang beses namin na may aplikanteng nag-amok sa tanggapan namin ni Tita Nel. Kung pwede matapos ma-endo saka bumalik sa’kin. “HINDI NA!” sigaw nung tatay. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw hanggang sa makababa sila ng opisina.

Ninerbiyos kami ni Tita Nel pero ibinalik namin lahat ng dokumento nila.

 ....

Meron din naman kaming nakakataba ng pusong mga aplikante. Dalawang working students, of legal age naman. Si Novhel at si Jamaica na magkaklase sa kursong Computer Science. Sa umaga, service crew sila sa McDo at sa gabi ay estudyante ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa (KLL). Graduating na sila pareho ngayon.

Nakuwento ni Novhel na ‘yung hanap-buhay ng tatay n’ya sa loob ng 26 na taon ay ang paglalako ng mga damit at tuwalya sa mga subdibisyon sa Taguig, Caloocan, at iba pang lungsod sa Kamaynilaan. Marami na nga raw nakitang artista ang tatay n’ya sa paglalako nito. Sa isang linggo, nakakapag-uwi naman ito ng P 2,500- P3,000 para sa kanila. Siyempre, gusto na n’yang patigilin ang tatay n’ya sa pagtitinda kaya s’ya nagtiya-tiyagang umuwi pa sa Brgy. Tamak kahit alas-onse na ng gabi at bumangon ulit ng maaaga para naman dumuty sa McDo.

Dumating na ‘yung PEAF ni Novhel pero ‘yung kay Jamaica ay wala pa rin hanggang ngayon.

Sa taas, sinusubukan naman nila lahat ng paraan para mapabilis ang proseso ng PEAF. Laging isyu ang Pre na prefix na sa totoong buhay ay Post naman dahil sa tagal dumating ng tulong. Kaya ang naging solusyon ng Opisina-Sentral ay tanggalin na ang prefix na Pre. Employment Assistance Fund (EAF) na lang s’ya ngayon. Ang laking tulong.

Hindi na ako pumapayag na iiwan lang ang mga papel sa mesa ko nang hindi nakikipag-usap. Hindi dapat transaksyonal ang ugnayan ng pamahalaan sa komunidad na nais nitong malinang at mabuksang-malay. 

Monday, May 22, 2017

An’ tanda


Sumama ako sa isang Family Development Session ni Mam Brenda. Tungkol sa Harassment ang talakayan ng mga karamihan sa nakikinig ay mga babae. Inoobserbahan ko kung paano s’ya nakikipag-usap sa mga komunidad. Marami rin naman akong natutunan tungkol sa harassment. Hindi lang pala s’ya pisikal o sekswal.

Maaari ka palang ma-harass o maabuso verbally o sa pananalita. May mga asawa na maaaring hindi nananakit physically pero nakakapanakit sa pamamagitan ng pag-aalimura o pandudsta sa asawa. Napaka simple ng mga ibinato ni Mam Brenda na halimbawang mga salitaan. “Ano ba yan, wala pang sinaing. Wala kang kuwenta!” kahit na maghapon kang naglaba at nadatnang nagpapahinga ng kaunti. Kasama na rito ‘yung mga demeaning gaya ng “tanga”, “malandi”, “bobo”, at “walang silbi”. May epektong sikolohikal ang mga nakakababang mga salita sa asawa o kaya’y mga anak.

Maari ring maabuso financially. ‘yung hindi pagbibigay ng asawa mo ng sustento sa mga anak ninyo o kaya ay hindi pagtulong sa mga gastusin sa bahay ngunit nakapag-bibisyo naman. O kaya ay ang paghadlang ng asawa na maghanap-buhay ang kanyang maybahay ay isa rin palang anyo ng financial abuse.

Ipinaliwanag din ni Mam Brenda ang Anti-VAWC (Violence Against Women and Children) Act, na maaring magsumbong sa kinauukulan ang mga nanay na inaabuso ng kanilang mga asawa. Nakakalungkot lang na tinatawanan lang ito ng mga nanay na nakikinig. Nakaka-relate man sila at may pangil man ang batas ngunit alam nilang titiklop din ang kanilang mga tuhod sa bandang dulo. Kahit naman daw kasi umabot pa sa baranggay o sa pulisya, hindi naman itinutuloy ang kaso. Kaya naman umuulit-ulit lang din ang pang-aabuso.

Nagbahagi ng sariling karanasan si Mam Brenda sa mga nanay. Marami na palang naging trabaho si Mam Brenda bago pumasok ng Kagawaran. Nagtatrabaho pa raw s’ya noon bilang production operator sa Maynila. Nakatulog daw s’ya sa bus noon dahil sa pagod at may katabi s’yang lalaki. Bigla raw s’yang nagising nang maramdamang may humawak sa kanyang dibdib. Bigla ring inalis ng lalaki ang kanyang kamay at nag-antanda.

“Hiii-nampas ko ng payong! Aba’y ano are, poon?!” pagbibida ni Mam Brenda.


Friday, May 12, 2017

Mayo 12, 2017


Lumaking nakamasid
Sa tamis na sumisid
Buhay-halang di batid
Bimpo'y nanlilimahid


#
Dyord
Padre Garcia, Batangas
Mayo 12, 2017

Tuesday, May 9, 2017

Hindi Umuuwi


Kapag sinabing umuwi, hindi naman necessarily sa bahay namin. Kapag sinabing umuwi, nagpapakita kena Roy, Alquin, at E-boy. Magtatanghalian pagkatapos ng kani-kanilang pagsimba. Minsan and’yan din si Nikabrik. Minsan wala naman si Uloy. Minsan wala si Roy. Pero madalas ngayon, ako ang nawawala. Hindi umuuwi.

Mga dalawang linggo lang naman kung tutuusin. May mga gising ako na hindi ko alam kung itutuloy ko pa ang pag-iral o puwedeng hindi muna mag-exist? May mga gising ako na parang naubusan ako ng kinetic energy at hindi ako makagalaw. Minsan, hindi ko gustong umuwi. Minsan, hasel ang pag-uwi. Ang laking energy ang kailangan para lang bumangon kung walang trabaho.

Kaya nang umuwi ako sinabi nilang pinagkukuwentuhan daw nila ako. Na kesyo may pinapaaral na akong boylet sa Garcia. Na kesyo may lihim akong lablayf. Na kesyo pamilyado na talaga akong tao. Alam ko ‘yun. Ginagawa din namin ni E-boy ‘yun noon nang si Uloy at Kakoy pa lang ang may trabaho sa malayo at bihirang umuwi. Kesyo may asawa na silang balo na may tatlong anak na pinapagatas kaya kailangang kumayod ng mabuti, tapos magtatawa kami.

Nakuwento rin sa’kin ni Ate Ivy sa dyip na tinatanong nina Roy kung sa trabaho ko ba raw ginugugol ang mahal na araw ko. Tumpak sa sulpak! Nasa disaster duty kami noon. Nagyaya pa ito sa inorganize nilang outing sa Laiya matapos ang long weekend para raw unwinding namin gaya noong isang taon sa Lobo. Pero hindi na gaya nung isang taon ang buhay ko ngayon.

“.z/,.” text message ko kay Roy nung araw ng outing nila. Siguro may problema si Kuya Jord aniya. “Palagi namang may problema ‘yun” dugtong kagad ni Uloy habang humihigop ng classic jelly freeze. Ano ‘yan coded message? Kailangang pang i-decrypt bago maintindihan? Naipit ko lang ang selpon ko, sabay higop sa aking nakakatusing na caramel macchiato.

Pero guilty naman talaga ako na nagsesend ng “               “ at “.” messages noong depress ako.

‘wag daw akong magpapakita kena E-boy at Uloy dahil bubully-hin pa nila ako. Dito ko na naisingit kung bakit hindi ako nagpaparamdam kahit umuwi man ako. Kapag umuuwi naman ako; lagi naman kayong nakasubsob sa mobile legends.


“Anong gusto mo? French fries?”

Wednesday, May 3, 2017

Mayo 03, 2017

Mayo 03, 2017

Nasa Post Disaster Needs Assessment kami ng Kagawaran kasama ng iba pang ahensya. Direktiba ito ng Office of the Civil Defense. May ganun palang opisina. Siyempre, tama ang hula mo ahensya ito sa ilalim ng National Defense. Nahigit ako rito ni Sir Charlz at babalik na naman pala ako ng Mabini para sa pagtatasa ng mga pangangailangan ng munisipyo para sa rehabilitasyon.

Sabi ng taga-NDRRMC; binubuo ang assessment team ng mga technical experts mula sa iba’t-ibang ahensya gaya ng DTI, DPWH, DSWD, DOT, DOH, DepEd, NHA, BATELEC, DOE, at iba pang akronims na isinasagot natin noon sa Araling Panlipunan. Iba’t iba kasi ang pagtingin ng kada ahensya sa epekto ng lindol. Pero sa lahat ng sektor ay kasama ang Kagawaran para makasulat ng Social Impact Assessment. Na hindi ko pa alam kung paano.

So, lumapit na ako sa DENR kung saan ako sasama. Mam Precy, pers taym ko pong sasama sa ganito ha. Kagabi ko lang kako binasa yung makapal na guidance notes tapos operation na tayo today. Si Mam Precy rin pala ay pers taym. So, sino ulit ang technical experts? ‘yung isang taga provincial office nagsabi nang hindi s’ya social worker talaga. Hindi ka nag-iisa kako.


Sa isang pagmemerienda namin nina Mam Precy sa Brgy. Gasang, sinabi ko sa kanyang hindi nakumpirma ‘yung Sekretarya nila. Napa-naku s’ya. Sabi ko, ‘yung sekretarya rin namin hindi pa nakumpirma. Nabastos pa nga. Pero halos parehas kami ng pangamba sa susunod na kabanata kung magpapalit ng kalihim: maaantala na naman ang pag-usad ng aming mga Kagawaran.

Monday, May 1, 2017

Bag(uio/yo)

Mahalumigmig at nagpapawis
Na bintanang nagtatampok ng malalawak
Na bukirin ng Pampanga't Bulacan
Pati na ng mga kaisipang malayo
Sa trabaho o para sa bayan
Namnamin ang malausok na samyo
Ng tupig sa Tarlac

Katulugan ang kalsada ng diktador
Dumilat na binabanas na
Sa loob ng bus kaysa sa labas
Maghanap ng solong kuwarto
Ngunit maluwag sa isa
Patalbugin ang lawas
Naghahanap ng lambing
At kalinga ng distansya't pag-iisa
Katulugan muli
Ang isang antolohiya
Ng mga tula ng di kilalang makata
Nang wala pang alas-nuwebe
Piliing hindi na muna
Umiral kahit otso oras lang

Minsan sa isang taon
Humikap ng panarili
Sa wagwagan, koreanong kainan,
Sa museo ng sikat na al agad ng sining,
Sa aklatan sa mga ulap,
Sa nakakatusing na kapihan,

Ako lang.
Ako
naman.

Kaya lang:
Itinaas ang signal; inulat ang magnitude
Mukhang kailangang palitan ang balabal
Kanina'y naghahanap na ng direksyon
Ngayo'y nag-aabang na ng direktiba
Isakbit ang pulang chaleco
sa mga bumagsak
                          
                              na balikat


Tapikin ang sarili
May mga pagkakataon pa
Baka bukas, makalawa,
Sa isang taon; basta!
Mga minsan.