Friday, May 26, 2017

Mula sa Mesa


Pre-Employment Assistance Fund (PEAF) ang tulong na iginagawad ng Programa namin sa mga miyembro ng pamilyang kabilang sa 4Ps (ang ating bersyon ng Conditional Cash Transfer) na naghahanap ng trabaho. Tulong dapat ito sa pamasahe pang-asikaso ng mga papeles, pambayad sa medikal, panggawa ng resume, at pangkain habang di pa sumusuweldo ang aplikante.

Kaya lang; may mga pagkakataon na endo na ‘yung manggagawa bago pa dumating ang kanyang PEAF. May mga kaso pa ngang inabot ng isang taon bago dumating ang tulong.

Hindi namin malilimutan ni Tita Nel ‘yung isang aplikante. Wala ako nang ipinasa ang mga dokumento. Hindi ko rin nakausap man lang. Ngayong tsinek ko ang mga dokumento para iproseso na sana, napansin kong may mga bura-bura ang petsa. Tinawagan ko ang aplikante para tanungin. Tinawagan ko rin ang nanay na nagpasa ng papel para tanungin. Magkaiba sila ng sagot!

Niloloko ako.

Gusto lang makakuha ng tumataginting na limang libo kaya pineke ang petsa sa mga  dokumento. Hindi kasi puwedeng mag-apply ng PEAF kung nagtatrabaho na. Nagpadala ako ng mensahe na hindi ko na ipoproseso ang papel. Pupunta raw sila sa opisina para sa paglilinaw. ‘yung mga magulang lang nung aplikante ang dumating. Mainit agad ang ulo nung tatay. Ang mahal-mahal daw ng baranggay clearance at nagkandadapa pa raw sa pagkuha ng NBI; tapos ay basta-basta ko lang tatanggalin? Pauli-uli s’ya sa harap ng lamesa namin ni Tita Nel habang nagsisigaw. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw.

Kumukuha ka ng mga dokumento, hindi para sa tulong kundi para makapag-apply ka ng trabaho. Marami rin kasing nagpapaproseso lang sa mga employer tapos kapag nakuha na ang PEAF ay hindi na nagtatrabaho. Ginagawang easy-money ang social services.

Nagkanda-utal-utal ako sa kaba sa pagpapaliwanag na may bura-bura sa mga petsa ng ipinasa nilang mga dokumento at magkaiba ang sinasabi ng aplikante at ng nanay n’ya. Unang beses namin na may aplikanteng nag-amok sa tanggapan namin ni Tita Nel. Kung pwede matapos ma-endo saka bumalik sa’kin. “HINDI NA!” sigaw nung tatay. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw hanggang sa makababa sila ng opisina.

Ninerbiyos kami ni Tita Nel pero ibinalik namin lahat ng dokumento nila.

 ....

Meron din naman kaming nakakataba ng pusong mga aplikante. Dalawang working students, of legal age naman. Si Novhel at si Jamaica na magkaklase sa kursong Computer Science. Sa umaga, service crew sila sa McDo at sa gabi ay estudyante ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa (KLL). Graduating na sila pareho ngayon.

Nakuwento ni Novhel na ‘yung hanap-buhay ng tatay n’ya sa loob ng 26 na taon ay ang paglalako ng mga damit at tuwalya sa mga subdibisyon sa Taguig, Caloocan, at iba pang lungsod sa Kamaynilaan. Marami na nga raw nakitang artista ang tatay n’ya sa paglalako nito. Sa isang linggo, nakakapag-uwi naman ito ng P 2,500- P3,000 para sa kanila. Siyempre, gusto na n’yang patigilin ang tatay n’ya sa pagtitinda kaya s’ya nagtiya-tiyagang umuwi pa sa Brgy. Tamak kahit alas-onse na ng gabi at bumangon ulit ng maaaga para naman dumuty sa McDo.

Dumating na ‘yung PEAF ni Novhel pero ‘yung kay Jamaica ay wala pa rin hanggang ngayon.

Sa taas, sinusubukan naman nila lahat ng paraan para mapabilis ang proseso ng PEAF. Laging isyu ang Pre na prefix na sa totoong buhay ay Post naman dahil sa tagal dumating ng tulong. Kaya ang naging solusyon ng Opisina-Sentral ay tanggalin na ang prefix na Pre. Employment Assistance Fund (EAF) na lang s’ya ngayon. Ang laking tulong.

Hindi na ako pumapayag na iiwan lang ang mga papel sa mesa ko nang hindi nakikipag-usap. Hindi dapat transaksyonal ang ugnayan ng pamahalaan sa komunidad na nais nitong malinang at mabuksang-malay. 

No comments: