Saturday, May 27, 2017

Mayo 26, 2017



Nagpapa-load ako sa tindahan sa may kanto ng Abbey Road nang marinig ko ang isang mahabang “Huuyy!!”. Pamilyar ang mukhang pinanggalingan. Bumungad sa’kin ang mga bakod sa kanyang ngipin.

Kahit madilim-dilim at matagal-tagal na kaming di nagkita, nakilala pa rin ako ng isang kababata dati sa simbahan. Si Lovely, kapatid ni Gel. Sunday Schoolmates. Mga mahigit kalahating dekada na rin siguro nang huling magkita.

Bumalik lahat ng junior at young people years. Alaala ng youth camps. Alaala ng house visitations. Alaala ng children’s outreaches. Alaala ng Sunday Schools. At iba pang Western Christian activities na ginagawa rin ng Baptistang Filipino. Shuuk. Shuuk. Shuuk. Parang mabibilis na bus sa express way.

“San ka ngayon?”, “Kumusta na si Vernon?”, “Kumusta na si Rr?”, “San ka nagwer-work?”, “San ka nagcher-church?”; pinagkasya ang maraming tanong sa saglit na mga minuto. Pinagkasya ko rin ang “Sa Abbey Road lang”, “Tatlo na pamangkin ko”, “Kasama pa rin ni Mama”, “DSWD”, at “doon pa rin” na mga sagot sa saglit na mga minuto.

Lumipat sila ng simbahan kasabay ng malaking kontrobersiya na hindi pa rin lubusang nasasarhan. Kahit malapit ako sa simbahan nila, hindi rin naman ako puwedeng mangamusta dahil baka malagay pa ako sa balag ng politikal na alanganin. Politikal na nga ang halos buong linggo kong pamumuhay, ayoko namang pati ang Linggo ko.

Naalala ko pa rin ang lasa ng tuna omelette na baon n’ya noong una naming youth camp sa Jabez, sa Dasma. Parang gusto ko pang makipagkuwentuhan pero hinihigit na rin ako ng paa ko pauwi.

#

Mayo 26, 2017
Dyord
White House





No comments: