Tuesday, May 9, 2017

Hindi Umuuwi


Kapag sinabing umuwi, hindi naman necessarily sa bahay namin. Kapag sinabing umuwi, nagpapakita kena Roy, Alquin, at E-boy. Magtatanghalian pagkatapos ng kani-kanilang pagsimba. Minsan and’yan din si Nikabrik. Minsan wala naman si Uloy. Minsan wala si Roy. Pero madalas ngayon, ako ang nawawala. Hindi umuuwi.

Mga dalawang linggo lang naman kung tutuusin. May mga gising ako na hindi ko alam kung itutuloy ko pa ang pag-iral o puwedeng hindi muna mag-exist? May mga gising ako na parang naubusan ako ng kinetic energy at hindi ako makagalaw. Minsan, hindi ko gustong umuwi. Minsan, hasel ang pag-uwi. Ang laking energy ang kailangan para lang bumangon kung walang trabaho.

Kaya nang umuwi ako sinabi nilang pinagkukuwentuhan daw nila ako. Na kesyo may pinapaaral na akong boylet sa Garcia. Na kesyo may lihim akong lablayf. Na kesyo pamilyado na talaga akong tao. Alam ko ‘yun. Ginagawa din namin ni E-boy ‘yun noon nang si Uloy at Kakoy pa lang ang may trabaho sa malayo at bihirang umuwi. Kesyo may asawa na silang balo na may tatlong anak na pinapagatas kaya kailangang kumayod ng mabuti, tapos magtatawa kami.

Nakuwento rin sa’kin ni Ate Ivy sa dyip na tinatanong nina Roy kung sa trabaho ko ba raw ginugugol ang mahal na araw ko. Tumpak sa sulpak! Nasa disaster duty kami noon. Nagyaya pa ito sa inorganize nilang outing sa Laiya matapos ang long weekend para raw unwinding namin gaya noong isang taon sa Lobo. Pero hindi na gaya nung isang taon ang buhay ko ngayon.

“.z/,.” text message ko kay Roy nung araw ng outing nila. Siguro may problema si Kuya Jord aniya. “Palagi namang may problema ‘yun” dugtong kagad ni Uloy habang humihigop ng classic jelly freeze. Ano ‘yan coded message? Kailangang pang i-decrypt bago maintindihan? Naipit ko lang ang selpon ko, sabay higop sa aking nakakatusing na caramel macchiato.

Pero guilty naman talaga ako na nagsesend ng “               “ at “.” messages noong depress ako.

‘wag daw akong magpapakita kena E-boy at Uloy dahil bubully-hin pa nila ako. Dito ko na naisingit kung bakit hindi ako nagpaparamdam kahit umuwi man ako. Kapag umuuwi naman ako; lagi naman kayong nakasubsob sa mobile legends.


“Anong gusto mo? French fries?”

No comments: