Monday, May 22, 2017

An’ tanda


Sumama ako sa isang Family Development Session ni Mam Brenda. Tungkol sa Harassment ang talakayan ng mga karamihan sa nakikinig ay mga babae. Inoobserbahan ko kung paano s’ya nakikipag-usap sa mga komunidad. Marami rin naman akong natutunan tungkol sa harassment. Hindi lang pala s’ya pisikal o sekswal.

Maaari ka palang ma-harass o maabuso verbally o sa pananalita. May mga asawa na maaaring hindi nananakit physically pero nakakapanakit sa pamamagitan ng pag-aalimura o pandudsta sa asawa. Napaka simple ng mga ibinato ni Mam Brenda na halimbawang mga salitaan. “Ano ba yan, wala pang sinaing. Wala kang kuwenta!” kahit na maghapon kang naglaba at nadatnang nagpapahinga ng kaunti. Kasama na rito ‘yung mga demeaning gaya ng “tanga”, “malandi”, “bobo”, at “walang silbi”. May epektong sikolohikal ang mga nakakababang mga salita sa asawa o kaya’y mga anak.

Maari ring maabuso financially. ‘yung hindi pagbibigay ng asawa mo ng sustento sa mga anak ninyo o kaya ay hindi pagtulong sa mga gastusin sa bahay ngunit nakapag-bibisyo naman. O kaya ay ang paghadlang ng asawa na maghanap-buhay ang kanyang maybahay ay isa rin palang anyo ng financial abuse.

Ipinaliwanag din ni Mam Brenda ang Anti-VAWC (Violence Against Women and Children) Act, na maaring magsumbong sa kinauukulan ang mga nanay na inaabuso ng kanilang mga asawa. Nakakalungkot lang na tinatawanan lang ito ng mga nanay na nakikinig. Nakaka-relate man sila at may pangil man ang batas ngunit alam nilang titiklop din ang kanilang mga tuhod sa bandang dulo. Kahit naman daw kasi umabot pa sa baranggay o sa pulisya, hindi naman itinutuloy ang kaso. Kaya naman umuulit-ulit lang din ang pang-aabuso.

Nagbahagi ng sariling karanasan si Mam Brenda sa mga nanay. Marami na palang naging trabaho si Mam Brenda bago pumasok ng Kagawaran. Nagtatrabaho pa raw s’ya noon bilang production operator sa Maynila. Nakatulog daw s’ya sa bus noon dahil sa pagod at may katabi s’yang lalaki. Bigla raw s’yang nagising nang maramdamang may humawak sa kanyang dibdib. Bigla ring inalis ng lalaki ang kanyang kamay at nag-antanda.

“Hiii-nampas ko ng payong! Aba’y ano are, poon?!” pagbibida ni Mam Brenda.


No comments: