Thursday, April 30, 2020

QQD46 (Noims)


Day 46, Miyerkules (Noymi sa Panahon ng Pandemik)

Excited si Mama na inilabas mula sa bag ang dala n'ya sa'king pasalubong galing palengke. May dala s'yang libro, Keeping Faith ni Jodi Picoult. Galing daw kay Noymi, sabay tawa ni Mama. Pagbuklat ko ng libro, nasa page 18 na agad ang simula, pilas ang malaking bahagi pa sa 100+ na pages pero makapal pa rin 'yung nobela. 

Bagong tambay sa puwesto ni Mama sa palengke. Luka ang tawag ng iba pero sabi ni Noymi hindi pa naman s'ya totoong luka dahil "nakakaligo pa naman ako at nakakapag-ayos ng sarili". Rexmar ang tawag n'ya kay Rr, sa kapatid ko, at anak n'ya raw 'yun. Galing daw Bulacan, ang sabi-sabi. Sabi ng iba matalino raw dati si Noimi, ganun naman lagi ang mga "iba" kapag nakakakita ng luka ang diagnosis ay laging nasobrahan sa talino. 

Hindi naman namin alam saan natutulog 'yun, hindi naman sa puwesto namin. Nakikikain lang at tambay yun dahil pinagtatabuyan sa ibang puwesto at natatakot daw ang mga mamimili. Saan 'yun nakatira ngayong may pandemik? Ewan, basta sumusulpot pa rin sa puwesto kahit walang quarantine o vendor pass. Kapag nga raw nadadaanan ng pulis at nasasaway dahil walang suot na mask, lalandiin lang nito ang pulis tapos wala na may immunity na s'ya sa umiiral na batas. Tatawa-tawang lalayo ang pulis.

QQD45


Day 45, Martes

Unang tulog ko nang tanghali ngayong taon. 

Paggising ko akala ko alas tres lang at umidlip lang ako ng isang oras, pero abala na sila sa pagluluto ng hahapunanin. Masakit sa ulo 'yung paggising pero masarap matulog nang walang inaalalang mga dapat tapusin. Maiksi lang din pala 'yung dalawang buwan kung iisipin. Nasa 8,000 na ang naitalang kaso at ayon sa isang a.i. sa Singapore ay matatapos ang covid19 sa July 8 pa pero 'yung krisis baka mas matagal pa. Mahaba-haba pa ang maitutulog ko n'yan. 

Tuesday, April 28, 2020

QQD44


Day 44, Lunes

Kakaiba ang araw na ito sa lahat. Paggising ko, hinagip ko kaagad ang tuwalya at dumeretso sa banyo para magbuhos. Ang init! Ito na yata 'yung sinasabi ni Greta Thunberg na "our house is on fire". Parang after nito, gusto ko lang muna magtrabaho nang magtrabaho para magkapera para magpa-erkon kahit ng kwarto lang namin. Naglaba ako, nagluto, nagtanim ng sibuyas, nagburo ng mangga, at iba pang home economics. Naligo rin ako ng bandang hapon. Dalawang beses akong naligo! Hindi magandang senyales para sa mga manggagawang bukid. Mahabang tagtuyot ito. 'wag naman.

...

Ang aga nawala nina Papa, nasa Morning Breeze na raw. Bigayan na pala ng amelioration. Kaya pala ang sigla. Pagdating ni Mama tinanong n'ya asan si Papa, sabi ko baka nasobrahan ng sigla at nakaderetso ng sabungan. May mga maliliit na sabungan ngayon sa baranggay namin, malamang sa ibang baranggay din. Eh wala eh, s'ya ang head of the family ayon sa guidelines kaya s'ya ang may quarantine pass at amelioration. Naghihintay na lang kami ni Mama kung gagastos s'ya sa bahay bukod sa panaka-nakang pa-softdrinks.

Narinig ko rin si Uwe sa harapan ng bahay kinakausap si Tito Eddie, "Pa, baka makakabahagi kami d'yan ni Idon kay't tig-singkwenta lang" tapos sinigawan s'ya ni Idon na magbabayad muna sila ng utang. "Wag kang hihingi ha! (kapag inabutan s'ya ni Tito) sabi ni Uwe. Mag-usap muna kayo bago kayo mag-budget hearing! Tawa lang kami nang tawa ni Mama dahil lumalaban pa para sa appropriation ng budget ang mga pinsan ko.

...



Hindi ko gets na pribilehiyo pala ang inspirasyon kapag krisis. Eh anong gagawin ko? Wala namang development job para sa'kin sa ngayon? Ang akin lang naman gusto kong tumula-tula, tutal mabubuang na ako dahil wala rin naman akong pinagkakaabalahan. T'saka ewan ko kung inspiring na gusto ko nang matapos 'yung isang sinusulat na tula dahil bahum-baho na ko sa kili-kili ko. 

...

Nakaramdam ako ng lungkot mga bandang ala-una ng madaling araw. Bumangon ako, nagbukas ng de lata at namahaw. Tapos, nag-send ng chat, oi nalulungkot ako tapos ayun nakatulog na. Salamat kay Mario para sa pagigng sleeping pill ko tonight.

...

QQD43 (Quaranzine)


Day 43, Linggo

Nagugustuhan ko si Eilish pero hindi [pa] lahat ng kanta n'ya. Ito ang official quarantine playlist ko, parang nalalasing sa pagkainip, kawalan ng ligo at iba pang kinaadikan. Trip ko ring gawing white noise habang nagle-lay out ng quaranzine. Pangit ko pa rin tumula, lalo na mag-lay out. Papagalitan ako nina Elai, Cy at Corvz dahil walang umunlad sa mga 1-on-1 lessons nila sakin noon sa pagdyadyaryo namin. Gusto ko lang ulit talaga magpakabaho at tumula ulit, at ugali ko ring mag-ayos ng tula sa kalagitnaan ng lay outing parang kung kelan ka nagbibihis saka ka naggugupit ng buhok sa kili-kili.

Babaklasin ko rin naman ang mga natapos kong tula ko sa zine at ipapasa kung saan-saan.


QQD42


Day 42, Sabado

May bagong dumadaang tren. Ang ganda ng bagon pero hindi kami sigurado kung anong nagpapatakbo sa makina dahil mukhang de-kuryente 'yung disenyo pero pareho pa rin ang ugong sa dati. Naglabasan ang mga tao sa riles para tingnan 'yung pagdaan. Lahat naman nagandahan sa tren. Matagal na ring usap-usapan ang pagbuhay muli sa ferocaril, panahon pa 'yun ni Gloria. Inam nga ring transportasyon pa-Maynila o kaya pa-Bicol kaysa uminit ang puwet mo sa bus dahil sa trapik. Mas matalino pa nga yatang maglagay ng bilyon-bilyon sa pagpapagawa ng inam na tren kaysa pagpapalawak ng kalsada.

Paalisin na ulit tayo, Ma. 

Saturday, April 25, 2020

QQD41


Day 41, Biyernes

Malapit nang maging porn ang pages ng journal ko this week. Puro x-x-x-x na ang laman dahil hindi nagagawa 'yung mga sinulat na dapat tapusin. Wala rin akong naisulat na matino tapos nangangarap pa kong makakuha ng Palanca. Ay, wala raw palang Palanca ngayong taon. So, magbara-bara tayo sa pagsulat ngayong taon! 

Pero seryoso, nakakawalang gana o hindi lang ako ginaganahan. Baka kailangan ko lang ng pampagana?

QQD40 (From Tong Its to Tarot)

Day 40, Huwebes

Sasali sana ako sa isang webinar tungkol sa bakawang gubat. Malaki kasi ang papel nito sa climate change mitigation sa mga komunidad sa kostal tapos nabasa ko pa sa isang national report 'yung tungkol sa dapat tingnan ang species ng bakawan at relasyon nito sa substrate o lupa na pagtataniman. Marami pa naman tayong species ng bakawan sa Pilipinas, nakita ko sa National Museum of Natural History na gusto ko nang mabalikan. Pero kahit anong pilit ko sa link, wala, hindi ako makapasok sa webinar. Tanghali kasi, kaya ambagal ng data. 

Sinubukan ko na lang pumasok sa isang live tarot card reading. Nakapasok naman ako. Naimbita pa akong basahan ng baraha. Kalokohan talaga ng mga tao ngayong quarantine, sari-sari na lang 'tong si kuya. Parang kasing edad ko lang, pero bihira 'to ah; isang millenial male na manghuhula. Nag-isip naman ako ng itatanong. Sakyan na lang ang trip at pare-pareho naman tayong naiinip. 

"Bakit s'ya nagcha-chat?"

Sobrang kaunti lang kasi 'yun mag-chat. Minsan aabutin ng ilang araw bago mag-reply. Tapos, ang tagal umalon ng 'typing' icon, halatang pinag-iisipan ang reply, parang nagsusulat ng mahaba tapos buburahin at mas iiklian ang reply. Pinag-iisipan. Pero lately, sunod-sunod 'yung chat, halos ilang segundo lang ang pagitan. "Ting! Ting! Ting!" ang ingay ng chatbox ko. 

Mas mahaba na 'yung chat at may "hahaha" na, parang mas hinahayaan na n'yang magdumi 'yung pakikipag-usap n'ya. Ay opo, ganun po ako ka-conservative, kapag maraming hahaha dirty chat na po 'yun sa'kin. Mga hahaha nang hahaha kahit hindi naman nakakatawa 'yung sasabihin, ang dumi po basahin.

Tapos ako, ayun 5-point-essay-type pa rin mag-reply at ako pa rin ang huling nagre-reply. Ayos lang naman sa'kin na parausan ng inip at bagot. Kaya sinubukan ko lang itanong kung meron bang iba pang dahilan bukod sa pagkainip. Baka naman meron pa?

Binalasa naman n'ya ang kanyang deck. Tak-tak-tak! Tapos, kumuha ng tatlong baraha. Pili ka sa tatlo. Patawa-tawa kong pinili 'yung pangalawa. Pinakita n'ya sa'kin 'yung baraha: ace of sword. Ang sarap lang sa pandinig nung paliwanag ng manghuhula. Baka iwanan ko na ng tuluyan ang simbahan at siyensya dahil sa ipinaparinig sa'kin ng mga bituin at baraha. Inaabot kayo ng madaling-araw, minsan. Nag-uusap kayo ng kawalang-tulog at ng kawalang-siguraduhang bukas. Nagkukuwento na ng kung anong hindi maganda sa kanyang sarili. Mas nakikita mong tao rin pala s'ya, may mga nasa, asam, takot, tanong; at naliligalig din. Nasagi ng baraha 'yung konting bahagi ng dibdib ko na baka higit pa sa nararamdamang inip ang pakikipag-usap. Kung mangungulit pa rin s'ya 'pag natapos ang quarantine, "hindi tayo sigurado, hawak n'ya ang espada". 

Malamang nakadepende 'yun sa kanya, pa-safe din 'tong mga hula-hula. Hindi pa ko sinilaw ng lubusan sa huwad na liwanag ng pag-asa. Pero kung hindi na nga mangulit pagkatapos, sana 'wag na lang munang matapos ang lahat. Sarili lang inisip, hirap na hirap na nga 'yung marami. Pero hindi kaya dapat mag-ingat ako sa hawak n'yang espada? Baka kailangang hindi gaanong malapit. Baka nakakasugat. Hindi naman ako naniniwala pero nagtanong pa uli ako ng isa pa. Mukhang di akma 'yung tanong ko, hindi 'yun dapat tinatanong. Dapat hintayin mo lang 'yung sabihin sa'yo.

"Gusto ko lang malaman kung blah, blah, blah, atbp."

Binalasa n'ya ulit ang deck. Baka paratangan pang bogus e. Tak-tak-tak! Naglagay uli ng tatlong barahang nakatalikod sa'kin. Pinili ko yung pinaka una. Pagharap ng baraha, isa sa mga suit of pentacles - seven. Tama ako sabi ng baraha. Dagdag pa n'ya "kung ano s'ya ngayon, pinaghihirapan n'ya itong buoin para ipakita o ipakilala ang sarili sa mga tao." Grabe naman 'yung barahang 'yun, may pagbubuo ng sarili pang nalalaman. Natawa ako dahil mataas nga ang sense of self n'ya. Medyo may yabang [pero okay lang sa'kin]. Magkasabay na nasa estadong kilalang-kilala ang sarili at tinatanong kung paano kinikilala ang sarili. Kaya mukhang s'yang self-absorbed. [Pero hindi, pramis].

Ang seventh suit of pentacles na baraha rin ang may kinalaman din sa direksyong norte. Sa pakiwari ko'y hindi naman ako maliligaw, alam ko na 'yung ruta ng dyip papunta ron e. Mura lang din pamasahe. 

On average, 15-day interval ang chatting ko. Sa Mayo Uno ko na uli s'ya icha-chat, kilusang Mayo Uno talaga. I'm writing a concept paper na nga on Slow Landi Movement, baka ito na ang maging TED Talk ko balang araw. 

Friday, April 24, 2020

QQD39


Day 39, Miyerkules

Inabot ako ng Huwebes ng madaling araw. Natapos ko 'yung trabaho sa kabila ng paagaw-agaw sa oras ng paglalaro ng Sims City at Nintendo. Pinilit ko na talaga nung gabi, walang baklasan 'to sa upuan hangga't hindi natatapos ng maayos. Sabi ko sa e-mail: eto na at ayooooko na. Salamat sa raket Tita Cars! Idinamay mo pa talaga ako. haha. Hindi ko pa naman kailangan ng pera, at least sa ngayon, kaya gusto ko na munang magpakatamad ulit. 

QQD38 (Sabihin na lang nating Tulang Experimental)

Day 38,
Martes

Ah,
wala!

Tamad


talaga.

Pero
gusto ko
nang

matapos
ito.

QQD37


Day 37, Lunes

Sira na ang oras ng tulog ko. 

Nakakatulog ako ng alas-dos ng madaling araw nang wala namang natatapos o nauumpisahan. Sabi ko kahit ano lang sana ang isusulat sa kada entry sa blog, 'yung kahit walang sense, walang coherence pero ang tagal ko pa ring tumitigil spara mag-isip. Tapos, kapag mahihiga, mag-iisip pa rin. Mababahala na inabot na pala ng madaling-araw at di na healthy 'yung ganitong tulog. Tapos gigising ako ng bandang alas-diyes, pinakamaaga na 'yung bandang alas-nuwebe, inaabot pa nga ako ng alas-onse at ramdam ko na 'yung hulab ng init ng tanghali. 

Darating sina Mama, magtatanong ako kung marami bang tao sa palengke, kung anong dala nilang pagkain ni Uwe at kung anong puwedeng lutuin. Magpapa-uyuhan kung sino ang mauunang maligo. Maasiman sa'kin si Mama. Tapos, kapag naligo na ako at mabango, masakit pa rin daw sa ilong. Mabaho o sa mabango, wala akong lugaran kay Mama. Tapos, dudustain n'ya ko sa isusuot kong damit dahil mukha raw akong basahan. Ma, pagkatapos nito, magsusuot ako ng barong at sapatos na balat. 

Gumalaw-galaw ka, sisipa-sipain ako ni Mama. Manonood kami ng TikTok, pampaantok sa tanghali. Tutulugan ako ng mga pinsan ko at ni Rr. Alam ko, may ipinapagawa pa sa'kin pero tinatamad talaga ako. Para akong nilulusaw ng haring araw Abril. 

...

'yung pinapagawa sa'kin ni Tita Cars, 'ayun hindi pa rin tapos. Hindi rin ako nag-uumpisa ng bagong librong babasahin. Hindi rin kami nanonood ng anime. Pero ako, sikal na sikal na gumawa ng kung ano-ano basta 'wag lang 'yung nasa harap ko na ang deadline. Hindi rin naman ako kinukulit ni Tita Cars sa messenger, kilala n'ya ako. Alam n'yang lalo akong magpapakatamad kapag siningil n'ya ako dahil deadline. Kilala ko rin naman s'ya, alam kong hindi pa rin s'ya tapos. Alam kong peyk ang deadline na ibinigay n'ya sa'kin o kung totoo man alam kong kaya n'ya 'yong iisod pa. Humingi na s'ya ng dalawang araw na deadline extension. 

Ang bilin n'ya lang: "Ayusin mo ha".

QQD36 (Kung Saan Ako Tumatambay)

Day 36, Linggo

Hindi ako masyadong palo sa video meetings. Una, ang lakas kumain sa data. Pangalawa, wala kang makatsismisan sa meeting. Wala kang masabihan ng side comments mo, kasi rinig ng lahat e. Ako pa naman 'yung hindi masyadong seryoso lagi sa mga meetings. Nakikinig naman ako, kaya lang gusto ko ng may element ng gulo sa meetings, kapag video conference konti lang. Pansin ng lahat kapag tumaas ang kilay mo para sumenyas. Pero ito ang uso ngayong krisis. Ito yung mga video conferences ko lately:

1. Fellowship - enrolled nga pala ako sa isang fellowship ng mga nasa development work sector. 

2. Saranggola - tumambay ako sa komunidad ng mga bloggers sa wikang Filipino. Nag-judge pala si Bob Ong sa isang category sa taunang patimpalak ng Saranggola. Wala pa namang final results.

3. Bible Study - karamihan sa malalapit kong kaibigan ay pastor, opo, right po, mga taong-simbahan. Para manatili ang kapayapaan ay naka-mute kaming lahat during the study. Paglabas ng kuya pastor namin, ayon trashtalkan ang mga mokong.

4. Webinars - hindi namin kaya mag-join kapag tanghaling tapat dahil sobrang bagal ng kapag data connection tapos may napasukan pa ako on wildlife, ang boring naman ng discussion. 

5. Live discussions - tumambay ako sa discussion ng That Thing Called Tadhana. Ang ganda ng insights ni Angelica, parang hindi n'ya masyadong sineseryo 'yung sarili n'ya bilang artista (na artist) pero solid 'yung mga input n'ya. Ayan, nakita ko rin na blogger din pala si Direk Tonet Jadaone. 

Ayan, parang nasasanay na ako sa pakikipagkapwa on screen.

Sunday, April 19, 2020

QQD35


Day 35, Sabado

Pinagtulungan na naming magpipinsan 'yung raket kay Tita Cars, halinhinan sina Idon at Uwe sa transcription tapos ako sa translation. Ligo, kain at linis ng cr lang ang pahinga ko. Si Idon nahilo yata kaya natulog ng tanghali. Tumigil lang kami lahat ng maghapunan at nanonood ng dokyu ni Sir Howie tapos, umuna silang bumalik sa pagtatrabaho sakin kasi ako ang nagprisintang maghugas ng plato. Inabot na kami ng bandang alas-onse at natulog nang hindi pa rin tapos. 

QQD34


Day 34, Biyernes

Hala, malapit na pala 'yung deadline ng pinapagawa ni Tita Cars. Ang bilis ng araw na hindi ko na namamalayang panibagong linggo na uli. Andun ako, sa pagitan ng 'wag sayangin ang ganitong panahon dahil minsan lang 'yung ganito kahabang pagpatay sa oras at mamahinga, 'wag kang hayok sa produksyon dahil pagkatapos nito, alipin ka na naman ng kapitalistang mundo. Mukhang maiksing panaginip lang ang pandaigdigang pagtitipid natin sa carbon budget at magigising tayo pagkatapos ng mumunting koronasyon. 

Ewans.

Thursday, April 16, 2020

QQD33


Day 33, Huwebes

Natapos ko na 'yung Alternative Alamat. Ikalawang kopya ko na ito, hindi ko maalaman kung kanino ko ipinahiram o kung saang bahay ko naiwan 'yung una kong kopya, hindi ko s'ya natapos basahin noon bago nawala. Ikalawa ko na 'tong kopya, napanalunan ko ito at nakuha noong MIBF 2017 pa, ngayon ko lang natapos. Inulit ko ulit 'yung ilang short stories na nabasa ko na dati, parang mas tumalino ako ngayon, na-gets ko na 'yung ibang kuwento. O baka talagang dala lang ng paglipas ng panahon ang dagdag na sensibilidad. Hindi naman kailangang maintindihan o maliwanag lahat ng kuwento pagdating sa dulo, minsan kailangan mo lang magtanong o kaya makiranas; makadama. 

Bagong libro na ulit bukas.

Wednesday, April 15, 2020

QQD32


Day 32, Miyerkules

Hindi naman talaga araw-araw, sisipagin kang magsulat. Ngayon dapat ang deadline ko ng maikling kuwento tungkol sa pamamahinga ng Lawa ng Taal dahil nagyeyelo na ito kada magtatapos ang Amihan. Tinatamad akong buksan 'yung notes at tapusin. Pakiramdam ko ang dumi ko para magsulat. Magulo ang daloy ko. Oo nga pala, nakabili na ng kikiam si Uwe! Bukas ko na uulamin at isasawsaw sa toyo na may kalamansi.

QQD31


Day 31, Martes

Sobrang tinamad lang ako buong araw. Pagabi na ako naliligo. Pagdating ng hapon, sumasakit 'yung ulo ko at wala akong ganang tapusin lahat ng dapat tapusin. Binigyan na pala ulit ako ng raket assignment ni Tita Cars at 'yun tinatamad akong umpisahan pa.

QQD30


Day 30, Lunes

Nasa 4,600+ na ang kaso ng buong bansa.

Biglang nayapos ni Ate Gemma si Mama nang magdeliver ito ng mga pagkain. Bigla rin naman daw bumitaw nang maalalang maraming pulis at kailangang mag-observe ng social distancing. Naka-total lockdown pa rin ang Tagbakin kahit patay na ang unang kaso doon, hinihintay yatang mag-nega lahat ng tinest doon for covid19 bago ulit buksan ang baranggay para makapamalengke sila. Wala pang liwanag para makabalik sa normal na buhay. 

"Ang awa ko doon sa lalaki kanina," si Mama nagkuwento tungkol sa lalaki sa may bukana ng palengke kaninang umaga, may bitbit pang listahan. Kitang-kita raw n'yang nagpupumiglas ang lalaki habang nakaposas. Nagpilit itong pumasok ng palengke kahit hindi naman ito ang nakatakdang araw ng pamamalengke ng baranggay nila. Napagbugbog ito ng tatlong pulis. Unang nanuntok ang lalaki, "ang sabi". 

Ang direktibang malinaw sa mas pinatinding enhanced community quarantine: kung lumabas ng hindi naaayon sa nakatakdang araw ng baranggay, kung lumabas at walang kasamang ID ang quarantine pass o hindi s'ya ang nakapangalan sa passes, "damputin n'yo nang damputin". Ang baranggay daw kasi na magulo ay tatanggalin sa ayuda ng pamahalaan o tatanggalin mismo ang kapitan. 

"Walang nagawa 'yung mga taga-baranggay," sabi ni Mama. Hindi nakaimik si Kap at yung mga konsehal at nanood lang. Ito ang take ni Mama sa sitwasyon: maano man lang malapitan ng taga-brgy at kausapin, e tao n'ya 'yun, apuhapin n'ya sana at kung mahalaga talaga ang bibilhin, oh edi magpasuyo na sa mga tanod. Ang aga-aga pa, mga alas-singko pasado lumalabas sina Mama papuntang palengke. 

Mukhang ito na ang magiging bagong normal.



Monday, April 13, 2020

QQD29


Day 29, Linggo (ng Pagkabuhay)

Bigla akong nagising ng may kaunting anx. Ewan ko bakit parang kumapit sa'kin 'yung fact na hindi forfeited ang bills at delayed lang. Pagkatapos ng quarantine parang gusto ko lang magtrabaho ng high paying salary sa QC, sa siyudad. Mag-iipon lang ako ng cash in bank. Konting tiis sa siyudad, tapos balik na uli ng probinsya. Kasehodang magkaleche-leche ang utak ko sa siyudad, makaipon lang muna. Para ano? Bumalik din ng probinsya dahil nadimonyo uli sa siyudad. Hindi ko talaga kayang tumira doon. Bumangon na ako para magtimpla ng kape, saka na isipin. May mga receivables pa akong pantawid. 

Lumakad uli ako sa riles papuntang mall para mag-withdraw, mga 30mins lang na lakad. Pagdating ko dalawa lang 'yung nakapila sa atm. Kailangang makakuha ako ng pera kasi sa Lunes, umpisa na 'yung limitadong brgy lang ang makakalabas at Miyerkules pa ang schedule ng window hours ng Lalig. 'yung lalaki sa unahan ang tagal sa harap ng atm, maya-maya umiling na s'ya at nag- "tsk tsk". Wala s'yang nakuhang pera kita ko. Pagharap ko sa atm andun pa yung resibo n'ya, 34 pesos lang ang balance. 

Kahit kanselado ang pampublikong transportasyon ayon sa batas, nakasakay naman ako ng traysikel, ako lang ang pasahero. Nasita n'ya ako na wala raw akong suot na mask, masisita lalo kami. Pati pala hindi pagsusuot ng mask ay labag na rin sa batas? Ngayon na lang kasi ako nakalabas. Ipulupot ko na lang daw sa mukha ko yung balabal bago ako bumaba sa palengke para dumaan sa tindahan namin. Pagpasok sa palengke andun mismo si Kap sa entrada, nagbendisyon sa'kin ng alkohol. Ang bango ng alkohol ng baranggay ah, amoy lambanog na may bahagyang tamis.

Dumaan ako sa tindahan namin, nanghiram ng mask kay Mama. Usap ng kaunti, sabi ko naka-withdraw na ako at gusto kong bumili ng kikiam. Tapos, nagpaalam na kong uuwi. Tinawag ako uli ni Uwe nang medyo nakalayo na ko sa puwesto namin may sasabihin daw si Mama. Pahiram ng pera. Bakit? Ibibili n'yong harina? Akala ko pupuhunanin para sa pagawaan ng wrapper. Hindi, kulang pala ang pera n'ya sa mga pabili ni Ate Gemma, kaibigan n'ya na nasa Tagbakin na naka-total lockdown. Pupunta kayo? May masasakyan naman daw s'ya. Ipinahiram ko 'yung 700 pesos ko, ewan ko kung babalik pa. 

Umuwi na ako at walang tinapos ngayong araw. Dapat pala binakante ko lang yung araw na 'to sa journal para makapagpahinga lang. Siyangapala, patay na 'yung unang kaso namin sa Tiaong. 

QQD28

Day 28, Sabado (de Gloria)

Gigising, kakain, luluto, tutulog, kakain. Para na kaming nasa time loop sa bahay.

Mga gusto kong gawin pagkatapos ng community quarantine:
1. Kumain ng l.s. siomai sa bayan
2. Kumain ng gulay sa salad bar sa bayan
3. Magkape sa bantayan, umupo sa may sambat
4. Magpalinis ng ngipin
5. Maghanap ng tatrabahuhin
6. Bumisita sa lawa
7. Mag-travel sa malayo
8. Maglaro ng Switch nang may kasama

Hindi naman masyadong mataas sa carbon footprint ang mga normalcy ko (except travel). 

QQD27


Day 27, Biyernes (Santo)

Nag-asikaso ako ng mga tanim na gulay tapos, balik sa pag-aaral.

Maaga rin pala si Ninong Joel, tanod, sa bahay. Hindi naman ito nakialmusal ngayon. Binabalaan pala nito sina Papa at Tito Eddie na 'wag na munang pumunta sa tupada dahil naitimbre na pala ito ng kungsinoman kay Kap at pupuntahan ng pulis ngayong umaga. Pero wala na s'yang nadat'nan dahil nasa patupada na ang mga boys na may quarantine pass. Hindi naman para ke puntahan ko pa sina Papa at sabihan, baka pati ako madampot.

Bandang tanghali na ako tumigil sa pagbabasa ng mga polisiya, sinalubong ko sina Mama at Uwe. Ngiting-ngiting ipinakita ang laman ng bag nila: mga bote ng gatas. "Fresh milk 'yan galing kena Ate Ruffa," sabi ni Mama. At may source pala tayo ng dairy products sa Tiaong? Kaunti lang daw ang tao sa palengke dahil sa mas lalong pinahigpit ang enhanced community quarantine nang mgakaroon ng kumpirmadong kaso sa Tagbakin. Enhanced na nga pero pinatindi pa. Ayon sa kapit-bahay naming tanod, may kinuyog sa palengkeng mamimili nang malamang taga-Tagbakin. Hindi naman kinumpirma ni Mama ang balita at umismid lang. "Sinunog pa nga raw ang bahay nung matanda," dagdag pa ng tanod. Umismid lang si Mama. Nasagap din namin na sa Lunes ay inaasahang ida-download na sa munisipyo ang P136 M mula sa dswd para sa social amelioration program. Pinaka mabilis itong ayuda ng Inang Kagawaran kapag nagkataon, baka kapag bumalik sa normal ang lahat kaya nating i-trim ang mga masalimuot na mga proseso kahit walang covid19 crisis? Ang mas mabilis at wala masyadong kuskos-balungos na pamahalaan na ang bagong normal.

Nagkatakbuhan nga raw sa may riles. May isang binatilyong nagtatakbo nang makakita ng pulis sa kalsada kaya hinabol na rin ito ng pulis papuntang riles. Hindi nito inabutan ang binatilyo sa pagtakbo, baka hindi rin nito alam kung bakit n'ya nga ba hinabol. Wala na itong naabutang patupada, wala na ring mga manok panabong. Ang nadaanan na lang daw ng pulis ay ang nilulutong manok. Hindi na n'ya malalamang sambot ito sa tupada. Pagkaalis ng pulis, saka nila inalabas ang alkohol at nagdisinpek ng kani-kanilang mga atay.

QQD26


Day 26, Huwebes

Kakagising ko lang at nagsusumbong na si Idon. Naghihimutok dahil pinakialaman 'yung ibon. Tinutukoy n'ya 'yung nakita naming pugad ng fantail na nasa pagitan ng mga bagin sa may ilog. Nilusong ni Tangkad at inilipat sa kulungan ng manok ang dalawang inakay. "Hindi na inisip ang hirap nung ibon, bago pa n'ya mabuo 'yung pugad," si Idon ang aga-agang nakikibaka. Ito na yata ang epekto ng Hayao Miyazaki films, mas nagiging mulat at malay tayo sa samu't saring buhay. Wala naman s'yang nagawa para pigilan si Tangkad. 

Ilang bagay na ikinasiya ko ngayong araw: umusbong na 'yung mga punla ng pechay, masarap 'yung lumpiang puso ng saging at lumpiang sayote't karots ni Mama, umulan ng saglit kaya nagputik ang naggigitak-gitak nang lupa, at nakatapos ako sa pag-aayos ng dalawang tula. 

Bukas may isang bagay lang akong gagawin na isinulat sa journal, kapag natapos ko 'yun puwede ko nang gawin kahit anong maisipan gaya ng paglalaro ng Switch. Sinusubukan ko ring magbasa ng mga sanaysay tungkol sa mga ibon sa librong 'Was Beethoven a Bridwatcher?' ni Daivd Turner. Isang ibon lang kada isang araw.

Bago matapos ang araw, nalaman ni Idon na patay na ang mga pipit. 

QQD25


Day 25, Miyerkules


Hmmm... gusto ko sanang isulat lang kung anong tumatakbo sa utak ko kaya lang nakikigulo 'yung editor sa loob eh. Hindi naman to ipa-publish sa kahit na anong print, bakit ang arte mo? Ilagay mo na ayaw mo hangga't maaaring sumali sa diskursong politikal na halos awayin ko 'yung malalapit kong kaibigang iginigiit na disiplina lang ang kulang sa'tin kaya tumataas ang kaso ng covid19 sa bansa. Isulat mo na wala na kong gustong tanggapin na paliwanag ng pamahalaan dahil dalang-dala na ako. Afterall, wala naman akong means of verification para suyurin lahat ng datos na ipapakita nila sa media. Sayang lang ang data ko kakasubay-sabay sa nakakapuyat na mga presscon, uubusin ko na lang kay @mimiyuuh o kaya kay @mseverything, wala rin naman akong mapupulot pero at least sumaya ako.

Hmmm... tama na raw 'yun at delikado, may na-redtag na edchief ng isang campus publication sa Norte dahil lang may nasabihan s'yang puno ng laman ang ref, o tumindig s'ya para sa mga walang ref sa ganitong klaseng krisis. Nag-public apology s'ya dahil kakasuhan na s'ya ng cyberlibel at nagmakaawa diumano ang mama n'ya dahil kulang ang laman ng ref nila pangkuha ng abogado. Parang hinog na pigsa sa pagkanipis sa pamumuna at diskurso ang mga panatiko. Lahat ng pasalungat sa kanila ay kaliwa. Lahat ng ibang kulay ay dilaw. Lahat ng hindi 'sa'tin' ay kalaban. Nasa panahon tayo na dehado ang mga walang ref magnet. 

Dalawa lang yata ang ginagawa natin ngayong quarantine, bukod sa TikTok, kumain at magbigay ng opinyon. Nag-deactivate ako ngayong quarantine para magtapos din ng requirements sa school, pero ang dami kong kaibigang nagpi-pm ng mga pangyayari ngayon. So ano, damay-damay na tayong magalit o maasar? Paanong hindi ka maasar, 'yung isang school principal nag-share ng manipulated post tungkol sa papuri ng reyna para sa presidente natin. Baka nagne-Netflix and tea time 'yung reyna sa Europa at baka sa isang araw magpalayag na ulit ng mga galyon dahil nakalimutan na n'yang may maliliit nga palang bansa sa silanganan. Pero di ba, ilan ang maniniwala sa isang school principal? 

Hmmm... na-add pala ako sa isang group chat sa simbahan. Iba ito sa totoong group chat ng simbahan, walang boomers sa members ng group chat. Sa tingin ko, isang tapunan ng rants and thoughts tungkol sa quarantine governance ang group chat. Sa pagba-backread ko may mga juicy entries sa gc, may arguements tungkol sa kung may mandato ba sa simbahan na makialam sa mga usaping politikal lalo na sa pamumuna sa gobyerno. Tapos, may mga citings pala ng mga impormasyon mula sa hindi legit na sources si pastor (with all due respect po); na siyempre madudugsungan ng opinyon at malamang susuportahan ng isang bible verse habang nasa isang social media live preaching. Hindi ko alam, pano kasi hindi naman ako sumimba sa live e, sabi ni Mama basta magbigay na lang daw ako at dadaanan sa bahay, nahuli tuloy ako sa juicy updates. Pero di ba, ilan ang maniniwala sa isang chuch pastor? Mapapagalitan ako ni Mama kapag nabasa n'ya 'tong entry na 'to for sure.


Ayon kay Kristoffer Berse, sampo ng grupo ng biomathematicians, maaaring pumalo pa sa 140,000 hanggang 550,000 (estimated peak) ang kaso ng covid19 sa Kalakhang Maynila ng Abril-Hunyo. Sana may biomathematicians din sa probinsya, no? Mas trip kong makinig sa matematika at mga data mapping ngayon kaysa kung kaninong presscon. Mas may baling talaga tayo sa mga nasa likod ng mikropono kaysa sa mga nasa likod ng mga pag-aaral. Nakapagsalin na ng covid19 facts sa iba't ibang wika, may kiling talaga ang tainga natin sa mga taong may mikropono at nasa telebisyon. Ilang taon na ba yung school principal? Ilang taon na ba si pastor? Ilang taon ang may pinaka mataas ang kasong naitala? Ewan ko kung ako lang pero habang tumatagal hindi na ako nakikisali sa usapan ng matatanda.










Tuesday, April 7, 2020

QQD24


Day 24, Martes

Tanghali na ako nagising, like magtatanghalian na talaga.

May 3,764 na kumpirmadong kaso na ng covid19 sa Pilipinas at may isa na kaming kaso sa Tiaong, nasa Tagbakin. Wala kaming ospital na matino kapag kumalat 'yan. Kumpirmado na ring hanggang katapusan pa ng Abril ang enhanced community quarantine.

QQD23


Day 23, Lunes

Halos wala nang laman ang ref. 

Gabi pa lang inihanda na ni Mama ang malaking bag ng mga gulay, prutas, biskwit, at dalawang Chuckie para ipadala sa pamangkids na nasa kabilang bayan, sa San Pablo. Prize yata nila dahil napasaya nila ang lola nila sa kanilang TikTok videos. Tatlo ang pamangkids ko, magkakagulo sa dalawang Chuckie panigurado. Tatlo naman kasi rin dapat 'yun kaso nahigop na ng tito Rr nila ang isa.

Hanggang arko lang sa may Villa Escudero. May kaibigan si Mama sa hanay ng kapulisan. Puwede raw namang mag-abutan ng kung anuman ang galing nang magkaibang bayan. "Sobrang daming sundalo," sabi ni Mama. Bago dumating ng arko, ang daming sundalo. Pagkalagpas ng arko, ang daming sundalo. "Parang may darating na kalaban". Bagabang si Mama sa dala n'yang mga pagkain, buti nga hindi s'ya sinita dahil umupa s'ya ng traysikel papunta sa arko. 

Nag-videocall sa'min ang pamangkids tuwang-tuwa sa natanggap nila. Pinag-iipon na ulit si Mama ng tinapay para hindi raw sila magutom. Ang bilin ni Mader ('yung tawag nila sa lola nila) bigyan pa rin si Charlotte, 'yung pinsan nila, kahit pinagdadamutan sila nito. Nang tanungin si Puti kung bakit binigyan si Charlotte ng tinapay, "sabi ni Mader magagalit si Jesus kapag nagdamot," katwiran ni Puti. Magkaiba kami ng doktrina ni Mama. Iba ang training ko sa pamangkids, pangil sa pangil.

May bali-balitang ie-extend pa ang enhanced community quarantine hanggang katapusan.

Monday, April 6, 2020

QQD22 (Thoughts on Local Food Systems)


Day 22, Linggo

Thoughts on local food systems

Nagtanim ng pechay, nagko-compute na agad kami ni Idon kung magkano namin ibebenta ang per tali. Puwede nang sampung piso kada tali, dahil sina Mama at Uwe naman ang magtitinda, may dos sila kada mabentang tali ng pechay. Dahil wala pang 1m x 1m ang pechayan namin, baka umani lang kami ng limang tali, singkwenta pesos sa 45 days. Mapapaisip ka kung saan nanggagaling ang mga gulay sa palengke sa bayan. Sa palengke, ang sabi ni Mama marami sa ibinabagsak na gulay ay galing pang Norte o kaya galing pang Divisoria. Tapos, 'yung mga kaklase kong magsasaka ang pamilya, nagluluwas naman ng ani sa Maynila. Sa panahon ng pandemic na paralisado ang mga pagkilos ng mga produkto, mas nagiging lokal ang pamilihan, hindi na mainam na nakatingin lang ang isang probinsya bilang 'basket' o 'capital' ng ganitong gulay o ani. Kahit sibuyas capital ka pa ng Pilipinas, hindi mo mapapakain ang populasyon mo ng panay ginisa kung nasa matagalang pandemic crisis. 

Medyo matagal na akong naghahanap ng ipa, ipapanghalo ko sa nagawa kong compost para sa container gardening namin para mas mayabo ang lupang tataniman. Nasaan na ang mga pagilingan natin? 'yung rice mill sa may bayan? Nawala nang maging commercial ang hilera. 'yung rice mill sa may diversion road? Nawala nang hindi na magtanim ng palay matapos matayuan ng kalsada. Teka, saan pala kumukuha ng bigas ang bayan ng Tiaong? 'wag mong sabihing sa Norte o sa Mindoro pa? Saan pala napupunta 'yung lokal na bigas natin? Kung tuluyang mag-total lockdown ang Tiaong, self-sufficient ba tayo in terms of bigas?

Kada umuuwi si Mama, marami silang bitbit na gulay, prutas, minsan lutong-ulam na galing sa kapwa manininda o kaya sa mga pinapapuwesto n'yang mga magugulay sa harapan ng tindahan n'ya kapag madaling araw (pre-covid19). May dala s'yang adobong pugo galing pa sa kaibigan n'yang taga Paiisa, papasok na baranggay. Wala na raw mabiling patuka sa pugo kaya kinatay na raw nila ang mga pugo para ulamin. Si Papa, wala na ring mabiling patuka sa mga manok n'ya. Walang delivery ng feeds. 

Ang alam ko, meron kaming maliit na komunidad ng mga magsasakang natural at walang halong kemikal. Karamihan ng nasa organic farming ng Tiaong ay maeedad na. Nasa harapan sila ng munisipyo halos dalawang Lunes sa isang buwan para magtinda ng kanilang mga ani. Struggling pero thriving ang maliit na komunidad na 'to. Hindi ko pa alam kung anong puwedeng itulong ko sa maliit na komunidad namin ng mga magsasaka. 

QQD21


Day 21, Sabado

Tinamad lang ako buong araw. 

Hindi ko ginalaw 'yung pinapatrabaho sa'kin ni Tita Cars. O, nakatapos naman pala akong magbasa ng isang nobela, inabot din ako ng dalawang buwan sa pagtiyatiyagang tapusin ito. Hindi ko na-enjoy pero kailangang tapusin ang naumpisahang nabuklat.

Sunday, April 5, 2020

QQD20


Day 20, Biyernes

May klase ako mamaya.

Nasa palengke sina Mama at Uwe tapos aalis naman sina Papa at Tito Eddie para magbarik/magtong its, kaya tahimik naman sa bahay. Pero bandang alas nuwebe ng umaga, umuwi na sina Papa at Tito. May nangyari pero walang nakanta. Pumuwesto na lang ako sa tabing-sapa at isinabit ang wifi pocket sa puno para maka-check in sa klase.

Nakita ko ulit yung mga kaklase at teachers namin sa fellowship sa Benilde. Nag-video chat lang kami via Zoom, nagkumustahan dahil hindi naman pare-pareho 'yung sitwasyon at pagtugon namin sa krisis ng covid19. Iba ang set up sa probinsya kaysa sa Maynila. Nasa 3,000+ na ang kumpirmadong kaso ng covid19 sa bansa at hindi pa namin alam kung kelan kami magka-class uli ng nasa laman at dugo.

Sa bahay, okay naman kami. Hindi pa naman kami sinasam-an ng kaisipan. Minsan lang binabangungot sina Mama at mga pinsan ko pero tinatawanan lang sa umaga. Isang madaling araw, sumigaw ng pagkalakas itong si Uwe, "OOOH MY GAÀAAD!!!" parang naka tong its sa tuwa pero hindi nya raw maalala ang panaginip nya. Para manatili kaming maayos, nakakatulong ang mga pelikula, libro, baraha, at paghahalaman sa mga paso (lumang lata, sirang balde, at lalagyan ng mga kalakal sa palengke). Sana makaani kami. 

Bandang hapon, usap-usapan sa palengke na nagkahabulan sa sabungan. Kaya siguro naghinaw ng paa si Kuya Eddie pag-uwi, makati raw ang dinaanan nila. Siguro sumuot ang sila nina Papa sa sukalan kakatakbo. Napansin namin na may nawalang manok na nakatali. Tahimik lang ang dalawa ni Papa at hindi nagkukuwento, ayaw mapahiya. Tawang-tawa kami sa kusina. Noong kakadeklara lang ng community quarantine, pauwi galing palengke sina Idon at Uwe nang may dadaang patrol ng pulis, takot na takot daw si Idon. "Ano ba 'don wala ka namang ginawang kasalanan" sabi ni Uwe pero magkasama naman silang tumalilis sa sukalan para magtago sa mga parak. Like father, like daughter.




Sinulat ko ito Pagkatapos ng Unang Job Interview


   Galing ako ng makasaysayang Intramuros kamakailan lang para sa aking pinaka unang interbyu sa trabaho. Nakita ko yung mga kastilaing gusali na halos ilang beses ng edad ko ang tanda. Nadaanan ko yung mga dinaanan ng mga ilustrado, daanan 'to ng mga rich kid noon, yung mga pader na ‘sintibay na ng panahon.
   Kung mayroong masarap ka kuwentuhan sa Intramuros, ito mismo ay ang mga pader. Biruin mo naman, halos mula sa panahon ng Kastila, Kano, at Hapon ay nar'yan na sila. Alam na alam nila ang ibig sabihin ng rebolusyon at digmaan. Malinaw nilang narinig ang mga hiyaw ng mga sibilyang hinahagupit kasabay ng mga pagsabog noong ikalawang digmaang pandaigdig; mapapahiya ang mga historian sa mga pader. Mas alam ng mga pader ang pinagdaanang kahirapan ng mga Pilipino sa nakaraang apat na siglo kaysa sa sinomang ekonomista.
   Habang tinutugaygay ko ang kahabaan ng pader sa harap ng malaking pang-rich kids na hotel at eskwelahan, tinanong ko yung mga pader kung kumusta naman ang Pilipinas sa pagpasok ng bagong milenyo. Kasi di ba nakisali-sali tayo, kasama ng 188 na bansa noong 2000, sa pagtatakda ng mga millenium development goals para sa darating na tatlumpung taon, at nangangal’hati na tayo sa itinakda nating deadline – sa 2030. Tahimik ang mga pader sa pangungumusta at pakiwari ko’y batong-bato na sila sa pag-usad natin palapit sa mga layuning ito.
   Sa 2030, malamang may sariling space research center na ang Pilipinas dahil sa istatistikang nasagap ko. Ayon sa IHS Asia Pacific, sa loob ng dalawang dekada ay magiging trillion dollar economy na ang bansa.  Tinataya ni Rajiv Biswas, isang ekonomista ng HIS, na kung magkakaroon ng 4.5 – 5% na pagtaas sa GDP ng bansa sa loob ng 2016 – 2030 ay mula sa kasalukuyang $280 billion economy ay magiging $680 billion economy ang Pilipinas kong mahal ng taong 2024. At sa parehong antas ng pag-angat ay papalo ito ng $1.2 trillion.  Kailangan lang daw nating paunlarin ang sektor ng pagmamanupaktura at siyempre pa ay ang pulot na mula sa tatlong malalaking titik ng ekonomiyang Pilipino – mula sa 10 milyong OFWs. Kahit parang over da bakod ang pagtatatayang ito, matamis isiping maiaahon ang Perlas ng Silangan mula sa tubog ng kahirapan.
  Marami ring tambay na kabataan sa mga pader ng Intramuros, 'yung iba nag-aaral, 'yung iba nagmamahal, at meron ding after-class chill lang talaga. Sa 2030, base sa istatistika mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) may halos 40 milyong kabataang mag-aaral mula sa elementary, hayskul, at kolehiyo. Ilang mag-aaral na naman ang pagkakasyahin sa isang klasrum? Ano na ang teacher-student ratio? Ilan dito ang magbabasa ng may pagtatanong? Nakakatakot isipin na tila wala tayong ihinahandang pangmatagalang solusyon sa edukasyong pambansa, e bilyon-bilyong piso ang ginugugol natin dito. Gravity! Parang hindi tayo natututo.
  Sa halos dalawang dekada natin sa paaralang Pilipino, sa pagkakawari ko’y inihahanda tayo ng kurikulum para sa pagkakaroon ng magandang trabaho para sa pagtulong sa magulang at pagtataguyod ng sariling pamilya; napaka-Pilipino naman talaga ng educational roots natin. Noong grade 5 ako, ‘yung edukasyon ay kumiling naman sa globalisasyon. Pero matanong ko lang ilan sa kabataan ang nabubuntis ng maaga? Ilan ang nagkaka-AIDS? Ilan ang napagsasamantalahan? Kung hindi ang sistema ng edukasyon ang problema, baka wala tayong hakbang para tugunan ang pabulusok ng ating moralidad bilang isang bansa. 
   Sa 2030, malamang nagho-host na talaga tayo ng Olympics dahil sa istatistikang nasagap ko. Ayon kay Frederick Neumann, isang ekonomista ng HSBC, kapag pinagsama-sama natin ang outputs ng mga siyudad sa bansa ay lalagay ito na halos kapantay ng Australian urbanities.  Ganung level. Ayon naman sa kanya, ito’y dahil sa mabilis na urbanisasyon sa bansa at sa madadagdag pang 25 milyong na maninirahan sa Kamaynilaan. Oo kapatid, 25 million na makikipagsiksikan sa EDSA at makikipaggitgitan sa LRT, hindi pa ito ang pinakamasikip at pinakamatagal na traffic na mararanasan natin. Ito raw 25 milyon na ito ang magdadagdag ng pag-unlad sa bansa. Kaya raw nangangailangan tayo ng maraming bahay, tubigan, at shopping malls.
   Gusto kong isama si Kuya Fredie sa may labas lang ng Intramuros, makalabas lang ng kauntian mula sa mga pader. Ililibre ko siya ng turon sa may Lawton para maipakita ko sa kanya yung mga kababayan nating nanunulugan sa maruming underpass. Sa 25 milyon na dadagdag sa Maynila, hindi lahat may desenteng trabaho, hindi lahat kayang bumili ng bahay o condo unit, at higit sa lahat hindi lahat kayang mag-shopping, kasama na ako. Dapat isinasaalag-alang din natin ang urban poor. Anong plano para sa kanila? Maliban na lang kung magkakaroon ng dystopia sa 2030, kung saan may tatlong dibisyon ng pader na maghihiwalay sa mahirap, may-kaya, at mayaman. Pero siyempre, hindi makataong solusyon iyon.
   Dapat bigyang importansya ang sektor ng mga mahihirap na taga-lungsod, hindi solusyon yung pagtatayo ng relocation site sa probinsya dahil sa deka-dekadang nagdaan e hindi naman nito natugunan ang problema. Para lang nagligaw ng pusa ang gobyerno. Bigyan sila ng maayos na matitirhan na matatawag nilang kanila at desenteng trabahong sasapat sa pang-araw-araw na buhay. Hindi ‘yung puro pangako ang ibinibigay sa kanila, hindi nila pwedeng isaing ‘yon. Mag-invest ang gobyerno sa scholarship ng mga kabataan dahil kapag nakatapos sila, piho naming iaalis nila kasama ng kanilang mga pamilya sa pagiging informal settlers, medyo may katagalan nga lang ang paraang ito. Hindi pwedeng sabihin ng gobyerno na “wala tayong pera” dahil sabi ng Sibika at Kultura “Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman”. Dalawa lang ‘yan e, ginahaman o hindi matalinong nagamit ang mga resources.
   Sa 2030, tinatayang nasa 128, 110, 000 na ang populasyon ng Pilipinas ayon sa PSA. Pero maaring mas dumami pa tayo dahil nasa 100 milyon na tayo sa kasalukuyan. May 128 milyong bungangang kakain, kapag hindi ito napakain ng estado, ilan dyan ang mag-aambag sa pagtaas ng kriminalidad, insurhensiya, at rebelyon. Mas maraming mag-aagawan sa oportunidad, mas mataas na antas ng walang trabaho kapag nagkataon. Kapag walang trabaho ang mga Pinoy, ang tendency ay maghanap talaga ng tatrabahuhin kaya baka mas lumobo pa ang populasyon.
   Para ipakita ang kasalukuyang pader ng mahirap at mayaman sa bansa, gagamit muli ako ng istatistika. Sa  pangkalahatan, ang kita ng pinakamahirap na Juan ay Php 187 (hal. nito ay yung mga nagkakalakal sa Payatas) kumpara sa kita ng pinakamayamang Juan ay Php 2, 038 (hal. nito ay yung mga nakabarong sa erkon na hall); halos 11 na ulit na mas malaki. Ito ang teleserye ng tunay na buhay, langit ang pagitan. 
    Sa kasalukuyan, may 28 milyong Pilipinong anak-pawis at 10 milyong walang trabaho. Uuwi na muna ako ng probinsya bago matrapik. Kung matanggap na ako sa trabaho, lalakaran ko araw-araw ang mga makasaysayang pader papuntang Muralla at umpisa na rin ng pakikipagsiksikan ko rito sa Maynila.
#
Dyord
Muralla, Intramuros, Maynila
2014
*Jilijinas ang file name na nakasulat sa Google Docs

Friday, April 3, 2020

QQD19


Day 19, Huwebes

Tinapos ko lang 'yung raket ko ng kaunting translations kay Tita Cars. Research naman 'yun at hindi creative work pero nakakalugaw pala talaga ang magsalin ng wika lalo na't mahabaan. Inabot ako ng umaga hanggang hapon ng alas-sais. Nag-asikaso lang din ako ng halaman namin sa paso. Nagdagdag ng tanim na talong. Nag-flashlight na nga kami ni Idon sa diliman kakahukay sa pabulukan ng mga luto nang compost. Gabi na nakaligo. Nanood lang kami ng Tales of Princess Kaguya, ika-labing isang pelikula namin simula noong Lockdown Pilipinas. Ang ganda, kahit maraming pasakit at kalungkutan 'yung naging buhay nung diwatang taga Buwan sa mundo, sa huli hindi n'ya pinagsisihang namuhay s'ya kasama ng mga mortal. Ganun pala talaga tayong mga mortal, ang laki ng hatak sa'tin ng pagkalimot kung paano ang mabuhay. Ang dali-dali nating mabulag ng kaunting kislap. Ganunpaman, mapapaisip ka rin nga kung may buhay ba sa lugar na walang pasakit, dalita, kirot, at luha. Parang ang boring lang. Sadista pala tayong mga mortal. 

Nakatulog na akong naglalaro ng Nintendo.

Thursday, April 2, 2020

QQD18


Day 18, Miyerkules

Nasa 2,000 na ang covid19 cases. Hindi ko na sinusundan ang iba pang balita sa kung sinong binabatikos dahil innovative o di kaya naman ay incompetent. This virus is revealing colors of public figures beyond their political flags. Binabalatan din nito 'yung budhi natin, ipokrito ako kung di ko aamining wala ni katiting na ligaya nang mag-positive ang ilang masasamang nasa kapangyarihan. Deep inside naghihintay ako ng War of the Worlds na ending na katiting na nilalang ang magbabaliktad ng tatsulok. Kaya lang wala namang due process ang viral infection, hindi n'ya malalaman kung masangsang na pulitiko o mabuting mamamayan ang lulukubin. Ilan ang magiging collateral damage sa kada isang masangsang na pulitiko? May katiting din pala na tokhang spirit sa kakantu-kantuhan ng dibdib ko.

May limang kilong bigas na mula sa munisipyo at lahat pala ng bayan na nakapalibot sa'min ay may kumpirmado nang kaso ng covid19. Meron na ang Padre Garcia, Sariaya, Candelaria, Lipa at San Pablo. Kaninang madaling araw, nagsasalita si Mama ng tulog - gibberish. Natatawa ako at si Rr pa ang nagising at sumaway sa ingay n'ya. Binabangungot pala si Mama. Kinaumagahan, napanaginipan n'ya raw 'yung nag-positive sa San Pablo na humihingi ng tulong sa kanya. "Eh, ayoko nga s'yang hawakan." Ano ka naman, 'kako, frontliner? faith healer? "Nagpipilit akong hawakan kaya ako'y napasigaw na." Nagbabasa kasi ng mga anik-anik bago matulog. 

Wednesday, April 1, 2020

QQD17


Day 17, Martes

Binigyan ako ni Tita Cars ng raket. Tinatamad ako ng sagad sa skeletal system. Walang nang natitira ni isang patak ng kasipagan. Nakadagdag pa na hindi ko bet yung nadampot ko na nobela pero malapit ko nang matapos.

May ilang nag-pm sa'kin tungkol sa maaaring gawin sa mga ani ng mga magsasaka o kung anumang proyekto para sa kasalukuyang krisis. Una, nasa Tiaong ako at wala akong ni katiting na impluwensiya o koneksyon sa bayan namin. Pangalawa, hindi rin naman ako makakalabas-labas. Nagpapasalamat naman ako dahil may mga taong hindi mapakali nang hindi kumikilos pero hindi talaga ako naiinda man lang na mag-umpisa o makisali sa mga response intitiatives sa ngayon. Iniisip na namin 'to habang #TaalResponse pa lang, paano kami magdi-disaster response sa ganitong klaseng humanitarian crisis? Puwede namang sumali sa mga donation drives o data mapping initiatives pero wala talaga akong gana. Siguro kaya ayokong magkikilos dahil apektado rin kami? Si Mama lang ngayon ang kumikita. Kapag tumagal 'to, baka di na rin kayanin ng savings ko. Anong susunod kong uubusin? 

Iniisip ko pagkahupa na ng covid19 ako papapel. Pero baka on policies, magkokomento kami, ang youth sector ng ASEAN, sa Zero Draft ng Convention on Biological Diversity para sa vision ng UN 2050. Tinitingnan na isa sa mga dahilan ng covid19 pandemic at pagkalat ng sakit ang illegal trade ng mga hayop bilang exotic food. Akalain mo kahit hindi ako nakikisali sa wildlife trade, hindi kumakain ng exotic food, hindi tinamaan ng covid19, pero nauubos ngayon ang savings ko? Ang haba ng mga nire-review na protocols, declarations at targets ng iba't ibang Convention of Parties (COP) ng United Nations. Tungkol pa lang ito sa biodiversity o samu't saring - buhay, hiwalay pa 'yung sa target natin sa climate. Ira-ratify ng COP ang Zero Draft, hulaan n'yo kung saan, sa China! Marami pang tungkol dito sa isa kong blog.

Pero kahit anong tanggi ko na gusto ko lang magpahinga ngayon, deep inside gusto kong pumunta sa munisipyo namin. Mag-job order sa social welfare. Aralin ang memo ng social amelioration. Mag-inter-agency meeting. Gusto kong uminit ang ulo sa mga kakupadan at kapalpakan. Gusto kong sumalo ng concerns ng mga tao. Gusto kong magkabuwiset-buwiset bilang 'yun ang essence ng social work sa panahon ng krisis. Gusto kong magplanning, magmagaling. 

Pero mukhang dapat tapusin ko na ang raket ko kay Tita Cars, pambili rin ng kikiam at sukang pinakurat 'yun.


QQD16


Day 16, Lunes

Dahil si Tito Eddie at Papa ang may quarantine pass, sila ang laging wala sa bahay. Naghahanap-buhay? Nag-uuwi naman ng pagkain pero malamang napanalunan sa sabong o kaya sa tong its. Walang sosya-social distancing sa tabing-riles. Ang daming tao sa bilyaran, sa tong itan at sa binggohan. 

Kelan ba ko huling nag-tong its? Grade 3? Oo, trinain ako ng yumao kong Lola Romana, nanay ni Papa noong tumira s'ya sa'min dati noong grade schooler pa ako. Kasehodang bawal sa church namin ang baraha, walang nagawa si Mama sa biyenan n'ya. 

Marunong pa kaya ako? Pinanghiram ko sina Uwe at Idon ng baraha. "Hala, kuya ayaw nga kaming payagan humawak ng baraha ni Papa," pag-aalangan ni Uwe. Nang tanungin ko kung bakit, pangit daw sa babaeng humahawak ng baraha. Bawal-bawal, basta hiramin mo, magtotong its tayo. Marunong pa pala ako at mabilis ding natuto ang mga pinsan ko. This time, ipapasa ko naman ang ibinigay sa'king kakayahan ni Lola Romana.

Isang gabi nagpa-load si Idon sa malapit na tindahan. Malapit lang sa tindahan ang tong itan nang biglang may nagwang-wang. Nagtakbuhan ang mga nagtotong its, kasama sina Papa at Tito Eddie; nagkagulo at hindi n'ya rin malaman sa'n 'sya magtatago hanggang sa nakita nya na 'yung pinanggagalingan ng wang-wang, ambulansya pala. Inatake raw si Ka Upeng.

Eventually, kena Ka Upeng na ang tong itan.

QQD15


Day 15, Linggo

Sabi ni Mama parang new year ang mga mamimili sa palengke. Nagkaroon kasi ng fake news na 14 days na sasarahan ang palengke dahil lahat ng bayan na nakapalibot sa Tiaong may kumpirmadong kaso na ng covid19. Hanggang alas-dose lang naman ng tanghali ang palengke hours bandang magtatanghalian nakakauwi sina Mama at Uwe. Ang dami naming donors ng prutas at gulay. Minsan lutong ulam na rin ng mga taga palengke. 

Kahit pano, nabawasan ang alalahanin namin kaya lang hanggang ngayon wala raw delivery masyado sa palengke kaya wala pa ring kikiam. Ilang araw nang walang kikiam, nagdududa na ako. Baka sa isang araw, ako na ang mamamalengke. 

Nang gabi nakaagaw ako ng kaunting sipag mula sa dumaang musa para makapagsulat ng application sa isang international fellowship tungkol sa environmental sustainability. Wala pa rin naman akong naiisip na bagong trabaho, nakatingin lang ako na makapag-aral ngayong taon.