Sunday, April 5, 2020

Sinulat ko ito Pagkatapos ng Unang Job Interview


   Galing ako ng makasaysayang Intramuros kamakailan lang para sa aking pinaka unang interbyu sa trabaho. Nakita ko yung mga kastilaing gusali na halos ilang beses ng edad ko ang tanda. Nadaanan ko yung mga dinaanan ng mga ilustrado, daanan 'to ng mga rich kid noon, yung mga pader na ‘sintibay na ng panahon.
   Kung mayroong masarap ka kuwentuhan sa Intramuros, ito mismo ay ang mga pader. Biruin mo naman, halos mula sa panahon ng Kastila, Kano, at Hapon ay nar'yan na sila. Alam na alam nila ang ibig sabihin ng rebolusyon at digmaan. Malinaw nilang narinig ang mga hiyaw ng mga sibilyang hinahagupit kasabay ng mga pagsabog noong ikalawang digmaang pandaigdig; mapapahiya ang mga historian sa mga pader. Mas alam ng mga pader ang pinagdaanang kahirapan ng mga Pilipino sa nakaraang apat na siglo kaysa sa sinomang ekonomista.
   Habang tinutugaygay ko ang kahabaan ng pader sa harap ng malaking pang-rich kids na hotel at eskwelahan, tinanong ko yung mga pader kung kumusta naman ang Pilipinas sa pagpasok ng bagong milenyo. Kasi di ba nakisali-sali tayo, kasama ng 188 na bansa noong 2000, sa pagtatakda ng mga millenium development goals para sa darating na tatlumpung taon, at nangangal’hati na tayo sa itinakda nating deadline – sa 2030. Tahimik ang mga pader sa pangungumusta at pakiwari ko’y batong-bato na sila sa pag-usad natin palapit sa mga layuning ito.
   Sa 2030, malamang may sariling space research center na ang Pilipinas dahil sa istatistikang nasagap ko. Ayon sa IHS Asia Pacific, sa loob ng dalawang dekada ay magiging trillion dollar economy na ang bansa.  Tinataya ni Rajiv Biswas, isang ekonomista ng HIS, na kung magkakaroon ng 4.5 – 5% na pagtaas sa GDP ng bansa sa loob ng 2016 – 2030 ay mula sa kasalukuyang $280 billion economy ay magiging $680 billion economy ang Pilipinas kong mahal ng taong 2024. At sa parehong antas ng pag-angat ay papalo ito ng $1.2 trillion.  Kailangan lang daw nating paunlarin ang sektor ng pagmamanupaktura at siyempre pa ay ang pulot na mula sa tatlong malalaking titik ng ekonomiyang Pilipino – mula sa 10 milyong OFWs. Kahit parang over da bakod ang pagtatatayang ito, matamis isiping maiaahon ang Perlas ng Silangan mula sa tubog ng kahirapan.
  Marami ring tambay na kabataan sa mga pader ng Intramuros, 'yung iba nag-aaral, 'yung iba nagmamahal, at meron ding after-class chill lang talaga. Sa 2030, base sa istatistika mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) may halos 40 milyong kabataang mag-aaral mula sa elementary, hayskul, at kolehiyo. Ilang mag-aaral na naman ang pagkakasyahin sa isang klasrum? Ano na ang teacher-student ratio? Ilan dito ang magbabasa ng may pagtatanong? Nakakatakot isipin na tila wala tayong ihinahandang pangmatagalang solusyon sa edukasyong pambansa, e bilyon-bilyong piso ang ginugugol natin dito. Gravity! Parang hindi tayo natututo.
  Sa halos dalawang dekada natin sa paaralang Pilipino, sa pagkakawari ko’y inihahanda tayo ng kurikulum para sa pagkakaroon ng magandang trabaho para sa pagtulong sa magulang at pagtataguyod ng sariling pamilya; napaka-Pilipino naman talaga ng educational roots natin. Noong grade 5 ako, ‘yung edukasyon ay kumiling naman sa globalisasyon. Pero matanong ko lang ilan sa kabataan ang nabubuntis ng maaga? Ilan ang nagkaka-AIDS? Ilan ang napagsasamantalahan? Kung hindi ang sistema ng edukasyon ang problema, baka wala tayong hakbang para tugunan ang pabulusok ng ating moralidad bilang isang bansa. 
   Sa 2030, malamang nagho-host na talaga tayo ng Olympics dahil sa istatistikang nasagap ko. Ayon kay Frederick Neumann, isang ekonomista ng HSBC, kapag pinagsama-sama natin ang outputs ng mga siyudad sa bansa ay lalagay ito na halos kapantay ng Australian urbanities.  Ganung level. Ayon naman sa kanya, ito’y dahil sa mabilis na urbanisasyon sa bansa at sa madadagdag pang 25 milyong na maninirahan sa Kamaynilaan. Oo kapatid, 25 million na makikipagsiksikan sa EDSA at makikipaggitgitan sa LRT, hindi pa ito ang pinakamasikip at pinakamatagal na traffic na mararanasan natin. Ito raw 25 milyon na ito ang magdadagdag ng pag-unlad sa bansa. Kaya raw nangangailangan tayo ng maraming bahay, tubigan, at shopping malls.
   Gusto kong isama si Kuya Fredie sa may labas lang ng Intramuros, makalabas lang ng kauntian mula sa mga pader. Ililibre ko siya ng turon sa may Lawton para maipakita ko sa kanya yung mga kababayan nating nanunulugan sa maruming underpass. Sa 25 milyon na dadagdag sa Maynila, hindi lahat may desenteng trabaho, hindi lahat kayang bumili ng bahay o condo unit, at higit sa lahat hindi lahat kayang mag-shopping, kasama na ako. Dapat isinasaalag-alang din natin ang urban poor. Anong plano para sa kanila? Maliban na lang kung magkakaroon ng dystopia sa 2030, kung saan may tatlong dibisyon ng pader na maghihiwalay sa mahirap, may-kaya, at mayaman. Pero siyempre, hindi makataong solusyon iyon.
   Dapat bigyang importansya ang sektor ng mga mahihirap na taga-lungsod, hindi solusyon yung pagtatayo ng relocation site sa probinsya dahil sa deka-dekadang nagdaan e hindi naman nito natugunan ang problema. Para lang nagligaw ng pusa ang gobyerno. Bigyan sila ng maayos na matitirhan na matatawag nilang kanila at desenteng trabahong sasapat sa pang-araw-araw na buhay. Hindi ‘yung puro pangako ang ibinibigay sa kanila, hindi nila pwedeng isaing ‘yon. Mag-invest ang gobyerno sa scholarship ng mga kabataan dahil kapag nakatapos sila, piho naming iaalis nila kasama ng kanilang mga pamilya sa pagiging informal settlers, medyo may katagalan nga lang ang paraang ito. Hindi pwedeng sabihin ng gobyerno na “wala tayong pera” dahil sabi ng Sibika at Kultura “Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman”. Dalawa lang ‘yan e, ginahaman o hindi matalinong nagamit ang mga resources.
   Sa 2030, tinatayang nasa 128, 110, 000 na ang populasyon ng Pilipinas ayon sa PSA. Pero maaring mas dumami pa tayo dahil nasa 100 milyon na tayo sa kasalukuyan. May 128 milyong bungangang kakain, kapag hindi ito napakain ng estado, ilan dyan ang mag-aambag sa pagtaas ng kriminalidad, insurhensiya, at rebelyon. Mas maraming mag-aagawan sa oportunidad, mas mataas na antas ng walang trabaho kapag nagkataon. Kapag walang trabaho ang mga Pinoy, ang tendency ay maghanap talaga ng tatrabahuhin kaya baka mas lumobo pa ang populasyon.
   Para ipakita ang kasalukuyang pader ng mahirap at mayaman sa bansa, gagamit muli ako ng istatistika. Sa  pangkalahatan, ang kita ng pinakamahirap na Juan ay Php 187 (hal. nito ay yung mga nagkakalakal sa Payatas) kumpara sa kita ng pinakamayamang Juan ay Php 2, 038 (hal. nito ay yung mga nakabarong sa erkon na hall); halos 11 na ulit na mas malaki. Ito ang teleserye ng tunay na buhay, langit ang pagitan. 
    Sa kasalukuyan, may 28 milyong Pilipinong anak-pawis at 10 milyong walang trabaho. Uuwi na muna ako ng probinsya bago matrapik. Kung matanggap na ako sa trabaho, lalakaran ko araw-araw ang mga makasaysayang pader papuntang Muralla at umpisa na rin ng pakikipagsiksikan ko rito sa Maynila.
#
Dyord
Muralla, Intramuros, Maynila
2014
*Jilijinas ang file name na nakasulat sa Google Docs

No comments: