Day 20, Biyernes
May klase ako mamaya.
Nasa palengke sina Mama at Uwe tapos aalis naman sina Papa at Tito Eddie para magbarik/magtong its, kaya tahimik naman sa bahay. Pero bandang alas nuwebe ng umaga, umuwi na sina Papa at Tito. May nangyari pero walang nakanta. Pumuwesto na lang ako sa tabing-sapa at isinabit ang wifi pocket sa puno para maka-check in sa klase.
Nakita ko ulit yung mga kaklase at teachers namin sa fellowship sa Benilde. Nag-video chat lang kami via Zoom, nagkumustahan dahil hindi naman pare-pareho 'yung sitwasyon at pagtugon namin sa krisis ng covid19. Iba ang set up sa probinsya kaysa sa Maynila. Nasa 3,000+ na ang kumpirmadong kaso ng covid19 sa bansa at hindi pa namin alam kung kelan kami magka-class uli ng nasa laman at dugo.
Sa bahay, okay naman kami. Hindi pa naman kami sinasam-an ng kaisipan. Minsan lang binabangungot sina Mama at mga pinsan ko pero tinatawanan lang sa umaga. Isang madaling araw, sumigaw ng pagkalakas itong si Uwe, "OOOH MY GAĆAAD!!!" parang naka tong its sa tuwa pero hindi nya raw maalala ang panaginip nya. Para manatili kaming maayos, nakakatulong ang mga pelikula, libro, baraha, at paghahalaman sa mga paso (lumang lata, sirang balde, at lalagyan ng mga kalakal sa palengke). Sana makaani kami.
Bandang hapon, usap-usapan sa palengke na nagkahabulan sa sabungan. Kaya siguro naghinaw ng paa si Kuya Eddie pag-uwi, makati raw ang dinaanan nila. Siguro sumuot ang sila nina Papa sa sukalan kakatakbo. Napansin namin na may nawalang manok na nakatali. Tahimik lang ang dalawa ni Papa at hindi nagkukuwento, ayaw mapahiya. Tawang-tawa kami sa kusina. Noong kakadeklara lang ng community quarantine, pauwi galing palengke sina Idon at Uwe nang may dadaang patrol ng pulis, takot na takot daw si Idon. "Ano ba 'don wala ka namang ginawang kasalanan" sabi ni Uwe pero magkasama naman silang tumalilis sa sukalan para magtago sa mga parak. Like father, like daughter.
No comments:
Post a Comment