Thursday, October 29, 2020

Nabasa ko ang Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama Ang Anak Kong Autistic ni Fanny Garcia



Nabasa ako ang Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama Ang Anak Kong Autistic ni Fanny Garcia. Ngayon ko lang natapos 2020 kahit 2015 ko pa nabili 'yung libro. Wala pa akong pera noon, iniagaw ko lang sa MIBF 2015 dahil baka magustuhan ni Mama. May kapatid kasi akong autistic, si Rr.

Wala pang isang buwan tapos na ni Mama ang libro kahit na pagkakapal-kapal ng koleksyon ng mga akda. Naka-relate daw kasi s'ya kaya ambilis n'yang natapos.  Kahit madaling araw sa palengke, habang wala pang nagpapatimpla ng kape ay nagbabasa s'ya nang naka-flashlight.

Gaya ng pagkakaroon ng kasama sa bahay na autistic, tiyaga ang kailangan para tapusin ang libro. Hindi kasi nakakaaliw lang yung libro, may mga eksenang mabigat. Mabuti kung eksena sa pelikula e, kaso mo sanaysay at diary entries ang mga ito. Nangyari at nangyayari sa totoong buhay. Mapapadasal ka na sana umunlad na ang pagtingin o pakikitungo ng mga tao sa mga autistic ngayon. Sana mas "nauunawaan" na nila.

Grabe ang dedikasyon ni Mam Fanny sa pagtuturo kay Erick. Okay nga rin na slumbook ang thread dahil may dedication talaga bilang nanay, titser, manunulat, peryodista at tagapagtaguyod ng pamilya si Mam Fanny. Ang tagal ko ring binuno yung buong libro ha.

Mapapaisip ka na ang laki ng kulang natin sa mga programa na aalalay sa mga nanay na manunulat para hindi nila kailangang iwan ng tuluyan ang pagsusulat para magtaguyod ng anak o pamilya, lalo na kung may special needs. 'yung gastos nina Mam Fanny kay Erick ay hindi biro noong dekada na 'yun na magkano lang din ang suwelduhan. Gabangin pa ang mga guwang natin sa kababaihan, kultural na paggawa at may mga kapansanan. At hindi na ito niche ngayon. Marami nang ganito at kung niche pala 'to, gasino lang kurot noon sa national budget? I-take note natin ito.

Nakita ko rin na marami rin pala kaming kakulangan kay Rr pagdating sa pagtuturo. Nito ko na lang din naisip kung may paboritong kulay ba si Rr. Ulam, oo, alam na alam ang paboritong ulam. Nito ko na lang din naisip kung paano tinitingnan ni Rr ang paligid; kung paano ang ugnayan n'ya sa mga hayop na hindi n'ya kilala. Nito ko na lang din naisip na sila lang lagi ni Mama ang namamasyal sa ocean park; mahal din nga kasi at libre lang naman 'yun sa kanila. Nito ko lang din naisip na dapat pala isinasali ko na s'ya sa panonood ng mga dokyu. Ang daming "nito na lang" ang naisip ko habang binabasa ang slumbook ni Mam Fanny at Erick.

Hindi rin kami naka-intervene nang maaga pa lang. Wala kaming malay sa auti-autistic na 'yan sa probinsya. Wala rin kaming kamalayan noon sa special education pero nagpapasalamat kami dahil nang nag-umpisang yumabong ang SPED sa DepEd ay isa ang kapatid ko sa mga natulungan. Ramdam na ramdam namin ang hirap lalo na ngayong pandemya na modular ang pagtuturo. Sinong magtuturo? Wala akong pasensya. Si Mama naman ay pagod na sa palengke. Iba pa rin 'yung nakasanayan namin na pumapasok si Rr sa school. Marami pang dapat ikaunlad ang SPED ng pamahalaan pero nagpapasalamat na kami sa alwan ng serbisyo ng matitiyagang mga guro.

Binabasa ko 'yung computer encoding ni Erick. Lakas maka-socio-econ history. 'yung nakalinya 'yung mga ads at headlines mula sa magazine o dyaryo na kinokopya ni Erick sa computer n'ya; makikita mo 'yung itsura ng Pilipinas/Maynila noon. May pinagre-resign, may tinutugis, tungkol sa kung sino ang cover girl, tungkol sa popularidad ng presidente, showbiz, sports atbp. Wala namang binibigay na context si Erick pero parang ganun pa rin naman ang mga nakakabit sa mga patalastas natin ngayon.


Ngayon ko lang din nasilip ang deklarasyon ng mga estado partido patungkol sa mga batang may kapansanan. At mapapaisip ka na matagal na itong librong ito, mas matagal nang lalo ang laban para sa mga karapatan at pagtanggap sa komunidad. Ang dami kong naiisip na mga espasyong hindi palakaibigan sa mga kagaya ng kapatid ko na hindi namin naiiwasang hindi tumapak (ex: simbahan). Aping-api pala talaga kami sa sisteng pagsilip at hindi na lang namin napapansin dahil laging si Mama naman ang kasama ni Rr. Kulang pa rin sa mga espasyo hanggang ngayon. Ang bigat ng mga pailalim na sigaw sa pagitan ng mga talata.

Ang dami pang trabaho sa komunidad. Simulan natin sa pagiging mapag-alalay sa may babahagyang mga kakayahan at pagsusumikap sa pagiging mas mabuting komunidad.

Salamat Mam Fanny at Erick! Para sa may mga kamag-anak, kapamilya, kakilalang may special needs at autism, basahin n'yo ang Erick Slumbook at pakitulungan kami sa pagsusulong ng mas inklusibong komunidad.

Tuesday, October 20, 2020

Gone Gana


May interview ako sa isang international non-profit mamaya. Wala na akong pera pero bakit ganun, wala akong ganang magtrabaho sa kanila, o kahit na kanino pang konsultasyon o proyekto. Hindi ko pa kailangan ng pera, pero wala na ako; kumakain pa naman kami nang maayos. Mas inaatupag ko 'tong pagsusulat ng tula, ni wala na ngang bayad tapos ipapasa pa sa ibang bansa. E may gustong magbasa doon e. At least may libre akong kopya pagkatapos at nakasulat ako, nakabuo. Sayang ang ulan at pag-iisa sa bahay.

#

Oktubre 20, 2020
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon

Monday, October 19, 2020

Pandemic Switch Party


Gaya ng isang may mga pribilehiyo (low income sa panahon ng pandemya, walang umaasang mga bibig, may naipon kahit papano), naglaro lang kami ng Nintendo buong maghapon. Nang dalawang araw ng weekends. Sa office of the school principal! Bukod sa Nintendo, bitbit ko rin ang violin ko para makatugtog man lang kahit landi lang, for music's sake. 

Sobrang toxic ng pagbubukas ng klase ngayon, lason na lason si Edison buong nakaraang mga linggo. Iba na ang moda ng pagkaklase, pero ganun pa rin 'yung kaabalahan sa kagawaran ng edukasyon. Ang daming gawa, pero ang dami pa ring kulang. Pagdating ko nga sa school nila, Sabado na ha, may ilang guro pa ring pumasok, si Edison nagtatapos pa ng drrm report tungkol sa mahina namang bagyong Ofel. Ako, naghanap na agad ng pakuluan ng tubig para makapagkape dahil hindi pa ko nag-aalmusal. May mga nakakatawang mga sagot sa modules, gaya na lang ng 'let she plant' para sa spelling ng leche plan. May mga magulang din na nag-unenroll ng mga anak dahil hindi raw talaga kaya. Hindi kami nalungkot, hindi naman de kalidad ang edukasyon sa moda ngayon. Kung kami lang susukat ha, hindi naman sila mapapag-iwanan talaga. Lalo na't maraming pinapasagutan lang sa iba o sa magulang ang modules. Nanggagaling kasi siguro ang anxiety sa magbubukas ang school year, lahat sila kumukuha ng modules. Lahat, modules ang pinag-uusapan, maraming module memes,  baka 'mapapag-iwanan kami'. 

Pero iniisip namin paano kung kami 'yung bata, pasukan na ngayon kaya dapat nag-aaral ako at karapatan ko ang de kalibreng edukasyon (though wala kaming konseptong karapatan namin 'yun nung mga bata kami, basta alam lang naming dapat nasa school kami). "Mabuti hindi sa panahon natin nangyari 'to no?" sabi ni Song habang nagsisindi ng kalan at magpiprito kami ng shanghai. May ilang krisis din sa panahong nasa paaralan pa kami, "Song! Grade 5 ako noon, nagkakaputukan (engkuwentro) na sa Cabatang at Anastacia! Nasaan ako? Pasok pa rin sa school!" Kasi 'yun ang normal eh, 'yun ang dapat ginagawa ng bata, mag-aral. "Noong nasunog din ang Recto (2nd year high school kami)," sabi ni Edison nagawan agad ng paraan na ituloy ang pasok kahit sa ilalim ng puno nagklase 'yung iba. Shortened lahat ng klase noon. Hindi sa kinukumpara namin ang mga krisis namin noon sa kasalukuyang pandemya, ang point lang ay kung may gusto at kaya na mag-aaral sa ngayon, edi i-serve ng DepEd, kasehodang magkagapang-gapang ang kagawaran at mga magulang. Binuksan n'yo na ang klase eh. Ayun, ang Recto at Central ay naka-work-from-home ngayon dahil may mga nagpositibong mga guro sa covid-19. Third contact nga si Edison, wala pang resulta 'yung direct and second contact sa district office pero kung magpopositibo ay isa-swab din s'ya dahil nagdala s'ya ng mga reports sa opisina. Kagabi pa lang sinabi naman na sa'kin ni Edison, "Ano, pupunta ka pa rito?". Safety is life but game is lifer. Hala, laro pa rin.

Ako na muna ang nag-chat sa mga kaibigan naming nasa ibang mga probinsya. Nasa video call kaming lahat habang naglalaro. Dito na kami nagdadautan at nagsisigawan. Si Clow nasa Cavite ngayon, hindi muna nagtrabaho. Hindi na susugal sa kapurat na sweldo sa munisipyo. Ilang beses ding nagsara ang munisipyo nitong nakaraang mga buwan. Si Malasmas naman nasa Bicol at may maagas-as na reception, parang radyo at may live coverage ng bagyo. Nawawala-wala pa ang signal. Niloloko namin na babalikan namin si Malasmas ang correspondent namin sa Bicol region makalipas ang ilang mga patalastas. Naka-skeletal workforce naman sina Malasmas sa Bicol at 4-working days lang din. Ganito lang muna talaga ang Switch Party sa ngayon at baka magtatagal pa. Pribilehiyong nakakapaglaro pa kaming nakataas ang mga paa sa panahon ng pandemya. Maya-maya nagpaalam na si Clow, bukas na lang uli, dahil magsasagot pa s'ya ng mga modules. 

Just In: "Hoy! Nag-positive daw 'yung mga tao sa district office," as per Edison.

Friday, October 16, 2020

Peel na Peel

Kagabi nagpa-diamond peel ako. Walong buwan na sa'kin ang coupon at malapit nang ma-expire. Natagalan dahil itinaon ko pa na nasa opisina lang ako buong araw kinabukasan para hindi naman maarawan agad kung magbabaranggay lang din ako maghapon. 

Nag-research pa nga ako ng diamond peel at mukha namang relaks lang 'yung mga babae habang niro-roll on-an sa mukha ng gel-like substance. Feel na feel at parang nakakawala ng pagod bukod ng karum'han ng mukha. 

Pasok ako ng medyo madilim na clinic sa Lipa. Nakakatuwa 'yung mga staff, parang walang dumating at sige lang sa scroll ng phones nila. "Massage sir?" bati ng staff. "Diamond peel po," sabi ko. "Ayaw n'yong magpamasahe sir?" pilit nung isa. "Diamond peel po," sabi ko uli. Pinaghintay ako sa couch. 

May dumating na late 40s at isang nasa early 20s or teen pa siguro, magkaakbay. Ayoko manghusga pero nakakaduda naman ang legalidad at kalinisan ng clinic. Tinawag na ko ng isang staff at s'ya raw "gagawa" sa'kin. Lalo akong napraning. Anong gagawin? Pinahiga na ako at tinapatan ng pagkaliwa-liwanag na study lamp. Naisip ko 'yung bag ko baka hal'watin at nakawan ako habang kunwari ay nagda-diamond peel o kaya baka may extra service dito. Humiga ako nang magkasalansan ang mga daliri at nakapatong ang kamay sa tiyan, parang nakaburol lang. 

"Sir, cleansing muna tayo ha," sabi ng staff.

Go sabi ko na accent lang ni Kris Aquino, 'yung may "w" sound sa dulo. Ang bango ng ipinahid sa mukha ko may yagasyas lang nang ikalat na. Nakapikit lang ako dahil sobrang liwanag ng ilaw sa mukha ko. "First time n'yo ba Sir?" tanong ng staff. Halata kasing kinakabahan ako at hindi raw ako nagto-toner. Pampalambot 'yun ng balat at pampabukas ng pores. "Bilad 'yan sa baranggay e," kako. Hindi raw sapat ang ligo lang para malinisan ang mukha. Pinunasan na nya ako ng malamig na malamig at matapang sa ilong na toner.

"Sir, pricking na kita ha," sabi ng staff. 

Go sabi ko uli na posh and confident. Ayun na p*ta, parang may dulo ng bolpen na kumayod sa noo ko. Saket! Pag-angat n'ya sa kung anong metal na pangkayod ay tinanong ko kung anong ginagawa n'ya. Ang pricking pala ay pagtitiris ng tigyawat, pag-araro sa black and whiteheads, o ang pagpapakasakit sa ngalan ng kagandahan. Sa pagkayod n'ya sa mukha ko ay nahigpit ang pagkakasalansan ng mga daliri ko't umiigkas ang mga paa. "'te di naman magugupit ang pisngi ko sa ginagawa mo no?" tanong ko. Napanatag naman ako nang sabihin n'yang matagal na s'yang nagtatrabaho sa clinic. 

"Hingang malalim Sir, sa ilong na tayo," sabi ng staff.

Akala mo naman sisisid kami sa... aahhh! Ang sakit nga! Parang sinusugatan na nga. Ano bang meron dun at ganun makakayod? Blackheads, mga karumihang di kaya ng ordinaryong hilamos ang sabi. Parang ginagayat ang ilong ko at bigla nga akong sinipon! Naluluha na ko at pagbitaw ng instrumento sa ilong ko ay tatanungin ko kung gunting ba ang hawak n'ya. Pawisan na rin kamay ko at di malaman anong pipisilin kada didiin 'yung pangkayod.

Naalala ko 'yung Brutus Speech to Ceasar noong hayskul. Kapag nasa linya raw kami ng "you pricked me!" dapat ay may sakit, may kirot, ang bilin ni Mam Gendrano. Kung ire-recite ko ngayon 'yung speech, baka maka-95 pa ako.

"Nasasaktan na si Sir," sabi ng assistant nung staff.

Pinunasan naman nung staff 'yung luha ko. Sabi kasi ni Charren, officemate ko, wala, hindi mo raw mararamdaman. Sabi rin ng Google Images, parang walang bahid ng kirot sa mukha ng mga modelo. Bakit sa'kin parang tinatasahan 'yung ilong ko! May mga clients nga raw na nakakatulog pa habang pini-prick ang mukha. Ah, baka pulitiko.

Natagalan dahil may mga blackheads na papalutang pa lang kaya kailangan ko raw bumalik para matanggal 'yun. Sa pagkakasabi nya sa kung gaano karami ay ganun ka nakakadiri ang mukha ko nang hindi ko nalalaman. "Uulit ka pa ba Sir?" tanong n'ya habang sumisinghot ako ng sipon at lumuluha. 

Ano bang naisipan ko? Bakit umabot ako sa ganitong pananakit ng sarili?

Bukod sa sayang 'yung coupons, may mahalaga kaming meeting: Municipal Inter-Agency Committee Meeting. Sa isang taon at mahigit kong pananatili sa bayan ay ngayon ko lang makakaupo sa meeting si Mayor. Kailangan makuha ko ang support n'ya sa isang national program na ilang taon na ring umiiral sa lokal.

Ako lang naman ang dugo't laman ng Program sa lokal na pamahalaan. Kahit pa sabihin ko na dapat ang tingnan ay ang program design at pipelined projects o ano bang kailangan ng mga komunidad; sa panlabas pa rin nakatingin ang mga tao. Kaya kailangan malinis, makinis, at mamula-mula, parang intimidation strategy. Pati gupit ko ngayon ay triple ang presyo sa ordinaryo kong gupit sa barbero. 

"Sir, lagyan ko kayo ng collagen mask ha, additional 150 pesos yun," sabi ng staff.

Kahit natapos na 'yung pricking, lumuluha pa rin ang mata ko. Ang lameeeeeg ng collagen mask sa mukha. Ang ginhawa na parang may dikya na bagong labas sa ref at pinatong sa mukha ko. Papatagin daw ng collagen ang mga linya-linya't mga lubak sa mukha. 'yung pinaka diamond peel, 'yung hinihintay kong roll on sa mukha, ang iksi lang. Parang hinigop-higop lang ang pisngi ko. 

Pagkatapos, binigyan ako ng salamin ng staff. Ang gaan ng mukha ko; parang numipis ang mukha ko. Handa na akong harapin ang department heads at si Mayor bukas sa meeting. Kakapalan ko na rin ang mukha ko para humingi pa ng isang job order para tulungan kami ni Tita Nel sa Program.


Sa meeting, nagpakita lang si mayor tapos umalis na rin agad. Isa-isa na ring nagpulasan ang mga department heads pabalik sa kani-kanilang mga opisina. Ayun, nagusot ang mukha ko.

#


Agosto 15, 2017
Whitehouse
Padre Garcia, Batangas

Wednesday, October 14, 2020

Oktubre 14, 2020

Naglalakad ako sa kabila nang maulang pagabi. Nababasa lang nang bahagyang pilantik ng tsinelas ko ang aking balbong binti. Naliliwanagan yung kalsada ng mga dumadaang sasakyan. Ayos lang, kako. Papunta ako sa Tagpuan, kukuha ng pambayad sa kuryente tapos dadaan kay Edison, magbabayad din ng utang. Iniisip ko, kaya ko pang tumambay hanggang Enero ng 2021. Hanggang may biglang bumasa sa likuran hanggang puwitan ko, napahagingan ako ng isang itim at makintab na kotse at nabasa sa niragasang sanaw ng tubig. Parang sa pelikula, naaawa akong natatawa sarili dahil mukhang basahan pa naman 'yung suot ko. Pagkakuha ko ng pera, naalala ko wala nang tinta 'yung Zebra 0.5mm ko. Bumili kaagad ako ng mamahaling gel-pentel pen hybrid pero 0.3mm, tig-Php 89.75! 


Tungkol sa 'Sa Ngalan ng Lawa'


Akalain mo may isang grant-giving institution na nagpapasulat ng proposal sa inang wika? Lahat ng proposal ko ng Sa Ngalan ng Lawa nasa English. Wala kasing pera sa Pilipinas talaga, so bakit ako gagamit ng wikang Filipino sa pagbubuo ng proyekto? Oh, e di lumalabas nga na ang wika ng pagkita ang wikang uusad! Tungkol ba 'to sa wika o sa project? Eto na:



Ang Sa Ngalan ng Lawa ay isang pagtugon para buksan ang agham, aksyon at mga adhikaing pangkalikasan sa komunidad (citizen science). Bukod sa pagtugon sa samu't saring buhay, pagkawala ng mga likas na tirahan at mabilisang pag-unlad, ang Sa Ngalan ng Lawa ay naglalayon na magbumagal ang komunidad para lang magmasid ng samu't saring buhay. Wala munang pangako ng pagliligtas at pag-oobligang makiisa sa mga pagkilos. Magmamasid lang, nanamnamin ang rikit at pagkilala sa pag-iral ng mga di napapansin at pamilyar nang mga buhay sa Lawa ng Taal.


Kung Saan Nanggagaling:

Pare-parehong mukha lang ang nakikita ko sa mga pag-uusap tungkol sa lawa. Hindi ba isyu ng mga komunidad sa baybayin ang isyu ng Lawa? Isyu naman, iilan lang talagang kinatawan ang nakatakda sa batas na makaupo sa opisyal na mesa para sa pangangalaga ng lawa. Sa mga pagpupulong, palaging may nakikitang gap o kakapusan sa kamalayan ng komunidad sa ekolohiya at pamamahala ng lawa. Hindi alam ng mga tao na naninirahan sila sa isang protected area. Hindi alam ang agham sa likod ng pagkaubos ng tawilis, 'yung iba hindi naniniwalang nanganganib nang maubos ang tawilis. May isang konsehal pa ngang gustong ipatabas ang mga isay sa lawa. Kaya nagbabangayan, iba-iba ang siyensya ng mga tao. Kumusta ba kasi ang siyensiya sa paaralan? Ang siyensya sa komunidad? Ang wika ng siyensya at konserbasyon? 


Kung Paano:

Isa sa mga proyekto ng Sa Ngalan ng Lawa ay ang subuking bumuo ng imbentaryo ng samu't saring buhay, mapangalanan o matukoy kung anu-anong buhay meron sa Lawa ng Taal. Kung talagang samu't sari (biodviersity rich), aalamin ng komunidad nang nararanasan at hindi dahil sinabi lang ng libro (salamat kung nasa libro man) o ng iilang propesyunal. 

(1) Pag-oorganisa ng mga pagmamasid (observations) kasama ng mga kabataan sa komunidad,

(2) Paggamit ng iNaturalist app para matahi ang mga datos na makukuha ng mga baybaying baranggay


Layunin:

(1) Makapagbigay ng ibang pagtingin sa paligid at samu't saring buhay na labas naman sa pinagkukunan ng kabuhayan

(2) Mas gawing bukas ang agham, aksyon at mga adhikaing pangkalikasan sa komunidad

(3) Magsulong ng edukasyong embayronmental sa parehong impormal (sa komunidad) at pormal (sa mga paaralan) na platforms

Sa malayuang pagtingin, nakatanaw ang Sa Ngalan ng Lawa sa komunidad na nakikipamuhay (co-exist) sa mayaw (harmony) ng samu't saring buhay sa paligid.

Iba pang gamit:

1. Leafsheet, mga self-paced learning worksheets (maaaring magamit offline)

2. Iba pang mga pag-aaral, mas mainam kung makakalikha ng mga interes sa mga komunidad na may senior high schools ng mga pananaliksik sa banyuhay, ekolohiya at mga gawi ng komunidad sa kanyang paligid o agham panlipunan

Sunday, October 11, 2020

Pandemic Preachings 4


Actually, sermon. 

Dahil sa wifi na walang password, nakatambay ako sa labas ng simbahang katolika. Nauulinigan ko 'yung sermon ng pari tungkol sa walang kasiguruhang paligid. "Tumingin tayo sa ilog, hindi na tayo sigurado. Tumingin tayo sa bundok, hindi na tayo sigurado." Tungkol sa mga pagbabago sa bayan ng Tiaong ang sermon ng pari, pinataas n'ya pa ng kamay ang matatandang nakakaalala pa sa mga binabanggit n'ya tungkol sa paligid-ligid sa bayan. "Hindi na nga ako nayuko kapag tumatawid sa tulay(-bitin), at nalulungkot ako sa ilog," sabi ng pari. Nagbanggit pa ang pari ng ilang species ng ibon sa local name, "Nasaan na ang maria capra, ang martines, ang mga sabukot?" Ang kumpisal ng pari hindi n'ya rin alam kung anong nangyari. Natuwa akong marinig na ikinakalungkot din pala ng ibang tao ang mga pagbabago, kung hindi man masasabing pag-unlad, sa paligid. May nababahala pa rin pala sa pagkakatulak sa mga maria capra, martines, at sabukot sa di na maalman kung saan. Natuwa akong makarinig ng ganitong misa tungkol naman sa iba pa natinng mga kasalanan.

Friday, October 9, 2020

Aming Alkansya at ang Pandemya

Kakauwi lang nina Mama, nagpahinga muna s'ya sa sala at daing nang daing dahil tatlong araw nang matumal ang mga mamimili sa palengke. Nagdaan ang akinse, dumaan ang araw ng Linggo, ang tumal pa rin ng mamimili. "Mababahaw na 'yung labin'-dal'wang bundle ko [ng wrapper], hindi pa rin nauubos," daing ni Mama. May tatlong bagong kaso na ulit ng covid-19 sa baranggay namin at dalawa doon ay manininda sa palengke.

"Bakit nakakalat 'to?" bulong ni Mama habang hawak ang isang plastic bottle. Nagtaka ako kung anong meron. Alkansiya pala ni Rr ang botelya. "Papal'tan ko na lang," sabi ni Mama, idinagdag n'ya pala sa pambiling harina para may mamasa si Tangkad; "umabot din ng 171 pesos." Nakatago pala ang wala nang lamang bote sa damitan n'ya, baka binuklat din ni Rr kaninang umaga para tingnan ang alkansiya, pero hindi naman n'ya hinanap na ang laman. Paghiga ni Mama para matulog, tinanong ko si Rr kung nasaan ang alkansiya n'ya, "biniling harina," sabi n'ya nang nakatingin sa malayo. Alam nga n'ya ang nangyaring kurapsyon.

Naasikaso ko na lahat ng mga papel para makabiyahe papuntang Lipa. Maghahalwas na rin ako ng ipon. Babawasan ko na ang mutual funds ko sa insurance. Kahit masakit ang paper loss na mahigit 20%, huling baraha ko na 'to e. Nakuha ko na rin ang pera ko sa stocks kahit kakaumpisa ko pa lang ngayong taon. Tumubo naman ako ng 50% sa trading kaya lang, maliit pa lang naman. Nanghihinayang ako na panahon sana ito ng pagsasamantala sa mababang ekonomiya para mag-invest, kaya lang wala akong trabahong matino. Ito na lahat ang naipon ko sa paglalaboy sa development work, mabuti nga may naitabi. Pagkaubos nito baka tumingin na lang din ako sa malayo at mukhang malayo pa rin ang pagtatapos ng pandemya.

Thursday, October 1, 2020

So, Start Up?

Malinaw sa'kin na hindi ko na gusto uli mag-non-profit. Malinaw na malayo pa ko sa pagbalik sa public office. Magiging ano ako? Dapat laging may label, may legalidad kundi man legalismo. Ang natitira na lang na kahong maaaring suotan ay ang magnegosyo. So, start up? Natigilan ako at napatingala sa mga tala. Ganda ng gabi sa tabing-riles. Nadaanan ako ng pinsan ko na pa-English-English kahit lumayo na nga ako sa bahay. Kalokohan ko talaga, oo. Naghihintay nga pala sa'kin sina Ms. Abi at Ms. Marite sa Zoom, "Jord, and'yan ka pa ba?" 

Nag-iisip lang po [kung paano], sabay tawa nang bahagya lang. 



Linsyak na lawa 'yan.

Nakatambak na Business Idea

Naisip ko ang business idea na laundry-library fusion. Self-service na palabahan at puwedeng makahiram ng Filipiniana books habang hinihintay ang labada. Nainip lang ako nang maraming beses kakahintay sa labada ko sa isang di kumportableng palabahan.


Paano ang kitaan?

1. Paid service (P100/8kg inclusive of sabon)

2. Book sales

3. Drinks (haha)


Ano-anong Inputs?

1. Apat na automatic washing machines w/ dryers

2. Perfect location w/ parking

3. Sofa or puwedeng monobloc lang muna

4. Aircon

5. Bookshelves and books


Est. capital ko ay 300K (conservative) at saan naman ako kukuha ng ganyan? Ano namang iko-colateral ko kung sakali? Nakakatakot pa lang mangarap pero ang sarap palang magplano para sa sarili. Nakaka-excite!

Gusto ko pa rin ng social aspect, tipong puwedeng labang-kamay 'yung service. May mga nanay na partners na may designated baskets at puwede kang mamili sinong maglalaba ng damit mo. Mas mahal! Parang middle man lang ng palaba 'yung shop. Sisingil lang ako ng linkage fee siguro.

O kaya puwede ring writing workshop for school pubs? O kaya bible study venues habang naglalaba? O kahit anong social event habang may umiikot na washing machine sa paligid n'yo? Nakaka chill kaya 'yung ugong ng washing machines.

O pedicure services kaya?

#

Agosto 13, 2017
Whitehouse
Poblacion, Padre Garcia, Batangas