Gaya ng isang may mga pribilehiyo (low income sa panahon ng pandemya, walang umaasang mga bibig, may naipon kahit papano), naglaro lang kami ng Nintendo buong maghapon. Nang dalawang araw ng weekends. Sa office of the school principal! Bukod sa Nintendo, bitbit ko rin ang violin ko para makatugtog man lang kahit landi lang, for music's sake.
Sobrang toxic ng pagbubukas ng klase ngayon, lason na lason si Edison buong nakaraang mga linggo. Iba na ang moda ng pagkaklase, pero ganun pa rin 'yung kaabalahan sa kagawaran ng edukasyon. Ang daming gawa, pero ang dami pa ring kulang. Pagdating ko nga sa school nila, Sabado na ha, may ilang guro pa ring pumasok, si Edison nagtatapos pa ng drrm report tungkol sa mahina namang bagyong Ofel. Ako, naghanap na agad ng pakuluan ng tubig para makapagkape dahil hindi pa ko nag-aalmusal. May mga nakakatawang mga sagot sa modules, gaya na lang ng 'let she plant' para sa spelling ng leche plan. May mga magulang din na nag-unenroll ng mga anak dahil hindi raw talaga kaya. Hindi kami nalungkot, hindi naman de kalidad ang edukasyon sa moda ngayon. Kung kami lang susukat ha, hindi naman sila mapapag-iwanan talaga. Lalo na't maraming pinapasagutan lang sa iba o sa magulang ang modules. Nanggagaling kasi siguro ang anxiety sa magbubukas ang school year, lahat sila kumukuha ng modules. Lahat, modules ang pinag-uusapan, maraming module memes, baka 'mapapag-iwanan kami'.
Pero iniisip namin paano kung kami 'yung bata, pasukan na ngayon kaya dapat nag-aaral ako at karapatan ko ang de kalibreng edukasyon (though wala kaming konseptong karapatan namin 'yun nung mga bata kami, basta alam lang naming dapat nasa school kami). "Mabuti hindi sa panahon natin nangyari 'to no?" sabi ni Song habang nagsisindi ng kalan at magpiprito kami ng shanghai. May ilang krisis din sa panahong nasa paaralan pa kami, "Song! Grade 5 ako noon, nagkakaputukan (engkuwentro) na sa Cabatang at Anastacia! Nasaan ako? Pasok pa rin sa school!" Kasi 'yun ang normal eh, 'yun ang dapat ginagawa ng bata, mag-aral. "Noong nasunog din ang Recto (2nd year high school kami)," sabi ni Edison nagawan agad ng paraan na ituloy ang pasok kahit sa ilalim ng puno nagklase 'yung iba. Shortened lahat ng klase noon. Hindi sa kinukumpara namin ang mga krisis namin noon sa kasalukuyang pandemya, ang point lang ay kung may gusto at kaya na mag-aaral sa ngayon, edi i-serve ng DepEd, kasehodang magkagapang-gapang ang kagawaran at mga magulang. Binuksan n'yo na ang klase eh. Ayun, ang Recto at Central ay naka-work-from-home ngayon dahil may mga nagpositibong mga guro sa covid-19. Third contact nga si Edison, wala pang resulta 'yung direct and second contact sa district office pero kung magpopositibo ay isa-swab din s'ya dahil nagdala s'ya ng mga reports sa opisina. Kagabi pa lang sinabi naman na sa'kin ni Edison, "Ano, pupunta ka pa rito?". Safety is life but game is lifer. Hala, laro pa rin.
Ako na muna ang nag-chat sa mga kaibigan naming nasa ibang mga probinsya. Nasa video call kaming lahat habang naglalaro. Dito na kami nagdadautan at nagsisigawan. Si Clow nasa Cavite ngayon, hindi muna nagtrabaho. Hindi na susugal sa kapurat na sweldo sa munisipyo. Ilang beses ding nagsara ang munisipyo nitong nakaraang mga buwan. Si Malasmas naman nasa Bicol at may maagas-as na reception, parang radyo at may live coverage ng bagyo. Nawawala-wala pa ang signal. Niloloko namin na babalikan namin si Malasmas ang correspondent namin sa Bicol region makalipas ang ilang mga patalastas. Naka-skeletal workforce naman sina Malasmas sa Bicol at 4-working days lang din. Ganito lang muna talaga ang Switch Party sa ngayon at baka magtatagal pa. Pribilehiyong nakakapaglaro pa kaming nakataas ang mga paa sa panahon ng pandemya. Maya-maya nagpaalam na si Clow, bukas na lang uli, dahil magsasagot pa s'ya ng mga modules.
Just In: "Hoy! Nag-positive daw 'yung mga tao sa district office," as per Edison.
No comments:
Post a Comment