Friday, October 16, 2020

Peel na Peel

Kagabi nagpa-diamond peel ako. Walong buwan na sa'kin ang coupon at malapit nang ma-expire. Natagalan dahil itinaon ko pa na nasa opisina lang ako buong araw kinabukasan para hindi naman maarawan agad kung magbabaranggay lang din ako maghapon. 

Nag-research pa nga ako ng diamond peel at mukha namang relaks lang 'yung mga babae habang niro-roll on-an sa mukha ng gel-like substance. Feel na feel at parang nakakawala ng pagod bukod ng karum'han ng mukha. 

Pasok ako ng medyo madilim na clinic sa Lipa. Nakakatuwa 'yung mga staff, parang walang dumating at sige lang sa scroll ng phones nila. "Massage sir?" bati ng staff. "Diamond peel po," sabi ko. "Ayaw n'yong magpamasahe sir?" pilit nung isa. "Diamond peel po," sabi ko uli. Pinaghintay ako sa couch. 

May dumating na late 40s at isang nasa early 20s or teen pa siguro, magkaakbay. Ayoko manghusga pero nakakaduda naman ang legalidad at kalinisan ng clinic. Tinawag na ko ng isang staff at s'ya raw "gagawa" sa'kin. Lalo akong napraning. Anong gagawin? Pinahiga na ako at tinapatan ng pagkaliwa-liwanag na study lamp. Naisip ko 'yung bag ko baka hal'watin at nakawan ako habang kunwari ay nagda-diamond peel o kaya baka may extra service dito. Humiga ako nang magkasalansan ang mga daliri at nakapatong ang kamay sa tiyan, parang nakaburol lang. 

"Sir, cleansing muna tayo ha," sabi ng staff.

Go sabi ko na accent lang ni Kris Aquino, 'yung may "w" sound sa dulo. Ang bango ng ipinahid sa mukha ko may yagasyas lang nang ikalat na. Nakapikit lang ako dahil sobrang liwanag ng ilaw sa mukha ko. "First time n'yo ba Sir?" tanong ng staff. Halata kasing kinakabahan ako at hindi raw ako nagto-toner. Pampalambot 'yun ng balat at pampabukas ng pores. "Bilad 'yan sa baranggay e," kako. Hindi raw sapat ang ligo lang para malinisan ang mukha. Pinunasan na nya ako ng malamig na malamig at matapang sa ilong na toner.

"Sir, pricking na kita ha," sabi ng staff. 

Go sabi ko uli na posh and confident. Ayun na p*ta, parang may dulo ng bolpen na kumayod sa noo ko. Saket! Pag-angat n'ya sa kung anong metal na pangkayod ay tinanong ko kung anong ginagawa n'ya. Ang pricking pala ay pagtitiris ng tigyawat, pag-araro sa black and whiteheads, o ang pagpapakasakit sa ngalan ng kagandahan. Sa pagkayod n'ya sa mukha ko ay nahigpit ang pagkakasalansan ng mga daliri ko't umiigkas ang mga paa. "'te di naman magugupit ang pisngi ko sa ginagawa mo no?" tanong ko. Napanatag naman ako nang sabihin n'yang matagal na s'yang nagtatrabaho sa clinic. 

"Hingang malalim Sir, sa ilong na tayo," sabi ng staff.

Akala mo naman sisisid kami sa... aahhh! Ang sakit nga! Parang sinusugatan na nga. Ano bang meron dun at ganun makakayod? Blackheads, mga karumihang di kaya ng ordinaryong hilamos ang sabi. Parang ginagayat ang ilong ko at bigla nga akong sinipon! Naluluha na ko at pagbitaw ng instrumento sa ilong ko ay tatanungin ko kung gunting ba ang hawak n'ya. Pawisan na rin kamay ko at di malaman anong pipisilin kada didiin 'yung pangkayod.

Naalala ko 'yung Brutus Speech to Ceasar noong hayskul. Kapag nasa linya raw kami ng "you pricked me!" dapat ay may sakit, may kirot, ang bilin ni Mam Gendrano. Kung ire-recite ko ngayon 'yung speech, baka maka-95 pa ako.

"Nasasaktan na si Sir," sabi ng assistant nung staff.

Pinunasan naman nung staff 'yung luha ko. Sabi kasi ni Charren, officemate ko, wala, hindi mo raw mararamdaman. Sabi rin ng Google Images, parang walang bahid ng kirot sa mukha ng mga modelo. Bakit sa'kin parang tinatasahan 'yung ilong ko! May mga clients nga raw na nakakatulog pa habang pini-prick ang mukha. Ah, baka pulitiko.

Natagalan dahil may mga blackheads na papalutang pa lang kaya kailangan ko raw bumalik para matanggal 'yun. Sa pagkakasabi nya sa kung gaano karami ay ganun ka nakakadiri ang mukha ko nang hindi ko nalalaman. "Uulit ka pa ba Sir?" tanong n'ya habang sumisinghot ako ng sipon at lumuluha. 

Ano bang naisipan ko? Bakit umabot ako sa ganitong pananakit ng sarili?

Bukod sa sayang 'yung coupons, may mahalaga kaming meeting: Municipal Inter-Agency Committee Meeting. Sa isang taon at mahigit kong pananatili sa bayan ay ngayon ko lang makakaupo sa meeting si Mayor. Kailangan makuha ko ang support n'ya sa isang national program na ilang taon na ring umiiral sa lokal.

Ako lang naman ang dugo't laman ng Program sa lokal na pamahalaan. Kahit pa sabihin ko na dapat ang tingnan ay ang program design at pipelined projects o ano bang kailangan ng mga komunidad; sa panlabas pa rin nakatingin ang mga tao. Kaya kailangan malinis, makinis, at mamula-mula, parang intimidation strategy. Pati gupit ko ngayon ay triple ang presyo sa ordinaryo kong gupit sa barbero. 

"Sir, lagyan ko kayo ng collagen mask ha, additional 150 pesos yun," sabi ng staff.

Kahit natapos na 'yung pricking, lumuluha pa rin ang mata ko. Ang lameeeeeg ng collagen mask sa mukha. Ang ginhawa na parang may dikya na bagong labas sa ref at pinatong sa mukha ko. Papatagin daw ng collagen ang mga linya-linya't mga lubak sa mukha. 'yung pinaka diamond peel, 'yung hinihintay kong roll on sa mukha, ang iksi lang. Parang hinigop-higop lang ang pisngi ko. 

Pagkatapos, binigyan ako ng salamin ng staff. Ang gaan ng mukha ko; parang numipis ang mukha ko. Handa na akong harapin ang department heads at si Mayor bukas sa meeting. Kakapalan ko na rin ang mukha ko para humingi pa ng isang job order para tulungan kami ni Tita Nel sa Program.


Sa meeting, nagpakita lang si mayor tapos umalis na rin agad. Isa-isa na ring nagpulasan ang mga department heads pabalik sa kani-kanilang mga opisina. Ayun, nagusot ang mukha ko.

#


Agosto 15, 2017
Whitehouse
Padre Garcia, Batangas

No comments: