Sunday, February 28, 2021

Dalawang Pelikula, Isang Dokyu

inip na inip lang. 

nagsulat ako kahapon buong araw.

alam ko may mga dapat pang tapusin.

walang tapon sa mga pinanood ngayon.

tungkol sa mga nasa, nais, at pagkalaho

sa mga pagitan ng katinuan at kalayaan.

pinag-uundayan ng saksak ang pagkabagot.

alas-singko na nagtanghalian.

nakailang tasa na ng kape, di ko nabilang.

iniiisip ko pa lang kung anong oras ako uuwi.

tulog lang si Song sa lubog nang sofa.

inulit ko lang yung damit ko kahapon pagkaligo.

ang bango ng Sunsilk na pink.

hindi namin maubos ang leche flan.


Friday, February 26, 2021

rakets2.0

nag-aabang sa isang job interview na parang ayoko na gusto ko. tingnan ko lang muna kung anong zodiac sign ng boss ko. tanungin ko rin siguro kung anong zodiac animal at elements nung mga tao. kaya 'yung work e, iniisip ko lang kung kaya ba akong buhayin nung kumpanya tipong may service car ba o puwede bang samahan na rin ng driver. may pa-iPhone ba? ilang horsepower 'yung erkon. ayoko mag-uniform. mga ganyang considerations.

pandemya o, nasa probinsya ka, lahat ng trabaho'y ginto't pilak namumulaklak kaya dapat lunukin lang ba muna uli ang lahat? ayoko namang maging plastik. huyy, late ka na sa interview! wala ka pang ligo man lang.

Tuesday, February 23, 2021

rakets1.d

mag-isa lang sa hotel. halos walang ibang bisita ang apat na palapag na hotel. ang mura lang. kailangan ko lang ng matutulugan para hindi ko na kailangang gumising ng madaling araw. sabi ko kanina, yayakapin ko ang pag-iisa pero parang hindi na ako sanay na matulog na hindi katabi ang kapatid ko o kasama sina Mama. sinanay na ako ng pandemya na nasa bahay o naglalakad lang sa maliit na bayan namin sa Tiaong. pakiramdam ko mag-isa ako sa malaking siyudad na nagsisimula na uling maging abala kahit paunti-unti. iniisip ko kung papatulan ko bang magtrabaho sa siyudad na dalawang dyip lang ang layo sa'min. kaya ko na ba uling kumain, matulog, at tumambay mag-isa? 

Monday, February 22, 2021

rakets1.c

maulan, asngaw ang mga natuyong ipot sa aspalto ng Evangelista. nasa isang habong ng kapihan sa siyudad ng Batangas. may nagsasalitang mag-isa na matanda. hindi pa nga tapos sa isusulat ko para sa isang institusyon pero sabik na kong maghubad at humiga, humigang hubad sa isang hotel. mga minsanang paggamit sa institusyon para lang masigurado mong hindi 'yung pinapasulat nila ang gusto mong gawin sa buhay, kaya naman aagaw ng sandali para isulat kung anong ibig. sumulat para sa sarili. sumulat hanggang antukin. sumulat nang hubo't hubad. bibihira ang may ganitong pagkakataon na pag-isahin ang gastos ng hanap-buhay na pagsusulat at luho ng paglikha. magsusulat ka sa isang mamahaling kapihan, susulat nang bahagyang may tapang. magsusulat ka sa isang malamig na hotel, susulat nang may init ng paghuhubad. makipagtalik sa pag-iisa. papakin ang magdamagang lungkot hanggang dumighay ng ngiti. tumila ang ulan sa sinaunang kampana ng simbahan. 

may lumapit sa'kin, nag-aalok ng bolpen, 3 for 100, parang birong nalamang nagsusulat ako ngayon mismo. pangtustos sa pag-aaral ng nakababatang kapatid. nakangiti akong tumanggi. narinig ko binigyan s'ya ng limos ng ale sa likod. 

Saturday, February 20, 2021

rakets1.b

babangon muli
nang madaling araw na ilusyon ang inidlip
puyat ng pangangailangang gumising agad
gan'to nga pala ang damdaming nauna ka sa araw
may sumisinag na lungkot habang pinupulot ang lasog na sarili
gan'to pala ang mga madaling araw ng Pebrero
gan'to nga palang ginaw ang gumigising sa mga namamasukan
na sapat lang para sa susunod na tali ng mga hikab at unat 
gatong pa sa mga nginig na isama sa usapin kung kaninong kasalanan 
ang mga pagbabanat ng gulugod kung madaling araw
manunuot ang mga kamamadaling araw na lamig
hanggang mamanhid, hanggang masaulo ng nanghihimagod
na gulugod ang mga pagbangon sa panaginip ng pag-angat
hinihintay ka ng mga suki, parokyano at buena mano,
mainitan lang ng galpong ang sikmura
magsasara ang mga sinag ng lungkot


#








wala lang. pinagising lang nang maaga ng isang beses, akala mo naman aliping sagigilid na ko. kala mo hirap na hirap sa buhay. buti nga may mga inaantay. wala lang, parang naramdaman ko lang lahat ng mga napipilitang bumangon ng madaling araw. 


Wednesday, February 17, 2021

paramdam

kung hindi pa buburog ang bulkan
hindi rin maiingli ni iibo man lang
samantalang napagod ang mga pahaging
binagyo ngunit di matinag-tinag
kahit pa nakikita'y hahayaang manigas,
malusaw, umasngaw, mamuo, mabitak, 
hangga't may ipapalit ng anyong materyal:
madurog, umasbok, malubsak, kumanas, 
ano ba naman ang dalawang araw o linggo
isang iglap lang para sa mga di karaniwan
pero dekada ng tag-gutom sa naghihintay
ikinabuburo ng mga buryo't alak na ring lalasing
sabay na ang awit, taghoy, sayaw at tahimik na tula
sumangguni na sa mga dambana't diwata
ang hirap palang mag-abang sa mga babaylan
kung hindi pa uungol ang mga bulkan
papayapain ka rin lang ng maigsing
kamusta

x




Monday, February 15, 2021

abang

buong akala'y tinakasan na ng inip
baka walang babalik pero palinga-linga,
isang libong mukha ng buwan na buryo't buraot
pailing-iling sa pagtanggi: "mamatay nang nag-aantay"
kahit inuupos ng kawalang ingay ng malalayong yabag
magmumurang walang lutong, ikukumpisal sa hangin
ang mga nasa, abuhin nawa ng lumalagitik nang alab
at nagmamadaling nahapak ang tigang na sanga
parikit sa kung anong isinugba, gatong sa liyab
masamang biro na pahahabain ang gabi
uunanin ang init at ikukumot ng inip

#





Thursday, February 11, 2021

rakets1.a

hindi ko makukuwento lahat ng tungkol sa raket dahil kasama yun sa pinirmahan kong kontrata na suweldo lang ang binasa ko. kaya pira-piraso lang. kaya ng tanungin ako kung anong proseso ko sa pagpili at pagsulat ng 'subject' or isotrya sa field, wala akong masabi. maraming beses andun lang ako, magsisimula lang ako ng ordinaryong pagbati tipong parang makikisindi ng yosi ganun ka-casual tapos mamaya may istorya na ako. at basta alam ko lang na "shet" s'ya yung istorya ko at ito ang anggulo. 

nag-aral kami ng ilang teorya bago ang aktuwal na raket. salimbayan ang mga apelyido at taon kung kailan dinesenyo ang mga frameworks at approaches. may nagtanong pa tungkol sa mackenzie organizational change. may nagtanong kung journalistic ba ang approach. may nagsabi na parang ethnographic ang proseso. tinitingnan ko mga pics nila sa zoom, oooooh ang dami nang experience neto, ooooh naka-sablay siya, ooooh may yseali fellowship logo eme. ang ganda ng mga lens kapag iba-iba 'yung hahawak ng kuwento.

pinapaliwanag ko kay tita cars 'yung proseso ng trabaho: madali lang. wowowee approach. para lang akong si willie na tatanungin anong kuwento. tapos kung anong sabihin ng contestant, 'yun na 'yun. 'yun na 'yung kuwento. ganun ang pagtingin nya.


ginto sa goto

siguro mga bandang brunch, pinabangon ako ni mama. nagmamadali, kumain daw ako ng dala nila. inilabas n'ya agad ang binalot na goto mula sa isang handaan. akala mo naman cake 'yung dala sa excitement. pinisil-pisil pa n'ya ang goto para ipagmalaking "ay may mga karne 'yan!" at ipinainit ko na nga ang aking almusal. magkasing mahal na pala ang karneng baboy at baka ngayon. ilang buwan na rin pala kaming forced veganism dahil sa after-crisis ng on-going pandemic.

Wednesday, February 10, 2021

ewan

hindi na naman tayo makatulog. nasayang lang 'yung ilang gabi ng anti-histamine ko. pinabayaan ko rin kasi, isang gabing puyat lang at wala na sunod-sunod nang uumagahin uli ang tulog. sira pati mga ritwal sa umaga dahil kalahati na lang ng araw ang natitira. nakakainis dahil kung kailan parang naayos ko na ay magugulo uli ang ritmo ng antok gabi-gabi. tapos, buong magdamag lang akong maiinis sa wala. seryoso, hindi lungkot o takot ang pumupuyat sa'kin ngayon kundi inis. at nakakainis pala yung ganitong pakiramdam. inis na minsan susubukan mong gamutin ng aliw o ng inip pero bumabalik-balik din.

Monday, February 8, 2021

Ano Ang Ibig Sabihin ng Inflation

Nakisuyo si Ate Ellen kay Mama ng pamamalengke, nagpadala ng 500 pesos at listahan. Ang bilin ay kay Mama na ang sukling 100 pesos at ipdala na lang ang pinamalengke sa isang kakilala. Tipid nga naman sa pamasahe. Pagkatapos mamalengke ni Mama nang lahat ng nasa listahan ay walang natira sa 500 pesos at imbunado pa s'ya ng 100 pesos. 

Ito ang ibig sabihin ng inflation

rakets

ilang minuto na lang bago ang isang zoom meeting para sa isang raket na binigay ni adonis, isang kaibigan sa dating kagawaran namin sa gobyerno. dati lang kaming magkasama sa laylayan ng scoreboard - "underperforming" sa Batangas, ngayon boss na s'ya sa isang international development arm ng isang estado sa mga mahihirap na bansa kaya nakuha ko rin ang raket na 'to. gagalingan ko na lang para di naman masira ang friendship namin ni don. minsan, makakaraos ka talaga sa higit ng ilang kaibigan sa gobyerno dati. hindi totoo 'yung sinabi ni erap dati na walang kaibi-kaibigan. paano ako nahanap ni adonis? mula sa isa pang kaibigan namin na si tita cars, si tita cars ang nagtatapon ng mga raket sakin simula nung pandemya. ano pa bang alam naming gawin pagkita kundi tungkol sa pagsusulat tungkol sa social dev? marunong pala si tita cars magluto, ako lang pala yung walang ibang alam. akalain mo, sa gitna ng interview nawalan pa ng kuryente! wala pa naman akong data. kung kailan ang lapit-lapit na ng raket, manganganib pang pumalya. 

bago ako tumambay sa coffee shop para sa first day ng raket, pinatugtog ko si gloc 9. Wala lang, para lang paalalahanan na ganito pa rin ang tunog ng pagkukuwento tungkol sa mga komunidad na gusto kong gawin balang araw, kailangan ko lang kumita ng pera ngayon at sumulat ayon sa brand image ng institusyong may paraket. 

bago pa man dumating ang susuwelduhin, nagkukuwentahan na kami ni Mama kung anong uunahin: (a) sariling kuwentador (b) mga ngipin namin. At magdedesisyon kaming mga ngipin namin ang uunahin pagkasuweldo. isang taon na kaming walang dentista! mas mahal nang magpadentista sa ngayon pero lalong wala kaming matatrabaho pare-pareho kapag sumakit ang mga ngipin. t'saka isang taon na! 



Sunday, February 7, 2021

tuna omelette

nagutom ako nang hating-gabi kaya lumabas ako para mag-withdraw ng huling huhugutin sa bangko. alam ko may 100+ pesos na lang ako matapos kumuha ng 300 pesos sa bangko. wala nang ibang kukuhanan. nangungutang na ako mula sa 4.2-5.0 K pesos hanggang March 9 at maayos na uli ako. bumili ng tuna omelette sa 7-Eleven. wala naman, gusto ko lang isulat. 

Kung Paano Umusap ng Isang Makahiya

i got this friend na introvert,

namoroblema ako lately kung paano aabutin ang isang kaibigan nang hindi s'ya titiklop. baka kasi isipin n'yang kaya ko lang s'ya kinukumusta ay dahil may ipinapagawa ako at nilagpasan na ako ng mga deadline. pakiramdam ko nga ang kulit ko na rin masyado na ako na ang nahihiya kaya binubura ko 'yung ilang messages ko sa viber. sa sobrang desperado akong malaman kung anong nangyayari ay nakinig na ko ng podcasts tungkol sa kung paano makitungo at igalang ang mga espasyo ng introverts, kahit na hello! ako rin ay isang makahiya!

iniisip ko na lang na ako rin naman, maraming hindi sinasagot na pangungumusta kaya quits-quits lang 'to sana dapat. pero naiinis ako na nahihiya na nag-aalala na naiirita na nagtatanong at kung ano-ano pang pakiramdam na nakita lang 'yung sinabi mo pero walang ni ho ni ha. medyo torture na nagbubukas ako araw-araw ng email at viber para maghintay ng sagot. uulitin ko, marami ring pangungumusta ang hindi ko sinasagot, pero tahimik kong pinagpapasalamat, hindi ko pa rin sinasagot kaya patas lang na matasak ako ng tinik ng iba pang makahiya

buti nga, 

lilipas din 'to, alam ko at iniisip ko kung tama lang bang pinili kong makipagkamay sa kapwa makahiya't magkandatinik-tinik pero mas mahapdi palang maghintay na bumukas uli ang mga nakatikom. sana nasa mabuti s'ya, mabuti nga sa kanya na lang.

kung piniling tumikom ng makahiya, 'wag mong kausapin. 'wag mong hipan. hayaan mo lang at magbubukas uli kung kailan. nakakapikon ang panahon, hindi ang kaibigan.

pero siguro ako, magsasabi na kong napipikon na talaga ko, 





Thursday, February 4, 2021

bad3p

badtrip akong naglakad-lakad palabas. hindi ko alam kung saan ako pupunta. basta gusto kong umalis. sumakay ako ng dyip papuntang tagpuan. nainggit ako sa walang malay na lasing na nagkandabali na ang leeg sa dyip sa kalanguan. parang gusto ko ring maging walwal na parang walang bukas. bumababa ako sa tagpuan, para tumigil sa pagitan ng fastfood, mall, convenient store, at coffee shop. wala na akong pera masyado. ang tagal kong nakatayo sa may gutter, paiwas-iwas sa mga dumaraang sasakyan. ang dami nang tao kahit saan. di ko alam san ako uupo. hanggang nakita ko 'yung maigsing upuan sa isang waiting shed na wala naman masyadong naghihintay dahil iba naman ang babaan ng dyip. doon ako umupo. pinadaan ko lahat ng sasakyan. gusto ko lang uli mawala't sumulpot sa ibang lugar, ngayon din. pero hindi ganoon nawawala basta ang badtrip. kailangan ko na itong ikain. seryoso, ginagawa ba 'to ng isang bente-siyete anyos? hindi ko alam kung hanggang anong oras pa pero sana hanggang ngayong gabi lang at lumipas na uli.

Wednesday, February 3, 2021

riles1

ayun ilang beses nang padaan-daan 'yung mga empleyado ng perokaril sa riles. kung makapagturo-turo at sukat-sukat sa baybay riles, akala mo walang nakikitang mga tao. gusto yata nilang pinapanood sila ng mga taga-riles. maririnig ko pa sa isang residente na tatanuning ang perokaril kung "tuloy na tuloy na ba ga 'yan?". 

may nagsasabing dose metro magkabila meron namang ang sabi ay kinse. may bulong-bulungan pang may pa-meeting na raw sa pagpapaalis. walang gumagamit ng salitang demolisyon, lalo na ng relokasyon. ang maririnig mo lang na mga salita ay hahagipin, papaalisin, lilipatan, paano at pupuntahan. 

"pandemik pa naman,"
"saan tayo susuot neto?"
"sana mapaalis na ang mga taga riles nang mabawasan ang nakawan dito,"

"hold your breathe," sabi ng may-ari ng sari-sari store habang pinapaliwanag kung hanggang saan ang hahagipin ng perokaril. abot hanggang sa mga tituladong lupa. babayaran naman daw sa presyuhan ngayon. mineeting na sila para kung babakuran ang riles ay makakapag-usap sa right of way para sa mga bahayan sa tawid-riles na malayo't titulado.