Tuesday, December 21, 2021

Disyembre 21, 2021

Nasa Perez Park ako sa harap ng Kapitolyo ngayon. Hinihintay ko si Ms. Boots para sa isang art criticism award na napalunan ko, may trophy at catalogue pala. Panes, art criticism. 

Sana mas marami pang puno sa mga parke para may mainam tambayan yung gusto magmuni. Chararat ng placing at estitika mga upuang bakal, naiinitan din naman so di mo rin maupuan. Naghanap ako ng medyo maliliman. 

Sa kinauupuan ko ay kitang kita ko rin ang mga luntiang basurahan. Chararat din ng pagkakapuwesto. Maganda 'yung stone art or sculpture sa gitna ng parke na tinatambayan ng mga Gen Z, nawalan ng integridad sa kung ano-anong nakasalampak sa parke. May stone work ng lira sa isang sulok. May mapang bato ng Quezon sa likuran ko na may mga puti-puting tigkal ng pinturado't konkretong kabute na di mo nga rin maupuan dahil bilad sa araw. Mga itim na basurahan. Mga pulang santa klaus at pailaw na higanteng krismas tri sa gabi. Children's playground sa bandang kanang bukana at ilang sementong gnomes. May ilan ding konkretong ulo ng kalabaw sa may harapan ng stone art. 

Sa mga puno, mabuti naman may ilang native species gaya ng narra. May mangga at niyog din. May mahogany malapit sa kalye. May isang namumukod tangi na parang south african species ng red orchid tree. Ilang halaman sa paso na mukhang naghihintay lang ng patak ng ulan. May nabasa akong batas na hinihingian ang bawat munisipyo ng native tree park o forest park. Hindi ko lang alam ilang puno dapat para matawag ang parke na isang gubat pero mas madali yatang magmulta na lang ng 100K pesos kaysa magdisenyo ng native forest park sa kasalukuyang kung-ano-ano-na-lang-maisipang siste. 

Dumating na si Ms Boots ng bandang alas-onse. Pinuntahan ko ang kahon sa kotse dahil nga mabigat dalhin. Ibinaba sa sasakyan ang malaking kahon; kasing laki ng kahon ni Chuckie. Ambigat nga ang trophy at catalogue. Nagpasalamatam kami ng mabilisan sa kalye. Bakasyon na ng mga tao sa akademya't mga institusyon. 

Pabalik ng Perez Park, may dumaang ilang battery-operated na pampublikong sasakyan. Parang kaya naman palang sumabay sa agos ng modernisasyon at pressure ng climate hype. Sino kayang may-ari ng mga mini bus? Sana hindi isang tao lang. 

Pagbalik ko ng parke, ibinaba ko ang kahon para tingnan ang nakakapit na label sa kahon. Ang ganda ng layout, iba -iba pa ang kapal ng mga salitang Ateneo, Art at Awards, yung 0 sa 2021 ay parang nalalaglag sa may t ng Ateneo.

Napansin ko rin na hindi ko pala pangalan ang nakasulat sa kahon. 

#

Disyembre 21, 2021
Perez Park, Provincial Capitol
Lucena City/
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon

No comments: