Monday, September 29, 2014

Asin x Pride x Taguan




   Sinasabing mahirap na talaga ang bahay na walang asin. Sa mura na ng halaga nito kapag nawalan pa kayo, e masahol pa sa 3rd world ang kalagayan nyo. Pero akalain mo, mahirap din pa lang kumuha ng asin?

   Muli, nasa kusina kami nina Jeuel. Ako, si Alquin, at si Jeuel. Wala si Roy, me' heart problem. Heart burn to be specific.

   Ang senaryo, kumakain sila ng mais. Hindi ako, tamad akong tanggalin ang mga bahagi ng mais na sumisingit sa ngipin ko. Isa pa, ang gara sa pakiramdam ng may mga nakasingit sa ngipin.

   Kung may mais, dapat may asin. Meron namang asin sina Jeuel, ang problema ay walang willing kumuha. Ito ang kanilang mga arguments:

   Alquin: Dapat si Jeuel ang kumuha, una dahil siya ang may-bahay. Nakakahiya nga namang gumalaw ng casual sa hindi mo pamamahay at sa kusina ka pa mangangalkal. Pangalawa, siya na nga ang kumakain ng mais, siya pa ang kukuha ng asin?! Mukhang sala sa hulog ang ikalawa niyang argumento.

   Jeuel: Dapat si Alquin ang kumuha. Palagi  naman daw si Alquin naroon, hindi na ito iba sa kanila kaya ayos lang na siya ang kumuha ng asin. Isa pa, alam naman ni Alquin kung nasan ang garapon ng asin.

   At habang nagpapalitan sila ng argumento kung sino ang nararapat na kumuha ng asin, naka-isip ako ng magandang paraan para mapakuha sila ng asin.

   "Ang kumuha ng asin, pogi!" sabi ko. Sabi ko lang. Para lang matigil na ang disputes sa pagkuha ng asin. Isa pa, nauubos na yung mais nila.
 
   "Uuuuyy!!! Pogi yan, kukuha na yan ng asin." At lalong walang kumuha ng asin. Napaka-honest ng dalawa kong kaibigan.

   Nauubos na ang mga dilaw na butil sa mga busil ng mais. Wala pa ring naiingli na kumuha ng asin. Hanggang sa nagsukatan na ng distansya kesyo ikaw ang malapit at ikaw ang kumuha.

   "Alam nyo pride na 'yan", sabi ko. Natigilan ang dalawa. Alam na nila by this time, na kung sinong kukuha, siya ang magsusuko ng pride.

    At ang nagwagi: Si Jeuel ang kumuha ng asin. Siya ang nagsuko ng pride. O di kaya'y hindi lang nakatiis na kumain ng nilabong mais na walang asin. Para ka kasing  nagswimming ng walang tubig noon.


   Tagu-an

   Napagkasunduan naming sunduin sa bahay si Roy, ilang kembot lang naman 'yun mula kena Jeuel. Edi lumabas na nga kami, si Jeuel ay bumalik at kukuha raw siya ng pera at baka mapa-ibig sa madadaanan naming isawan. At dahil mainipin kami ni Alquin, e naisipan naming taguan si Jeuel.

   Ansaya kaya sa feels ng hinahanap-hanap ka. Masaya ring tingnan na lilinga-linga si Jeuel na tila tupang ligaw, tinatanaw kami sa malayo e andun lang kami sa harap ng sasakyan nila. Nagtanong-tanong pa ito kung nakita raw kaming umalis na. Haaay define entertainment...

   Ipinagkanulo kami ng batang pinagtanungan niya. Alam naming nakita na niya kami pero bakit hindi pa niya kami pinupuntahan? Anak ng Asin! Pride.

   Sino ba naman ang gustong mapagkatuwaan? O kung napagkatuwaan ka, meron ka bang guts para harapin na napagkatuwaan ka? Ang simple lang naman kung tutuusin. Lalapit ka lang at tatanggapin na napaglalangan ka. Hindi siya lumalapit, tinotorture na ang sarili niya. "Alquin,  nakita na niya tayo. Ayaw lang niyang lumapit. Hinihintay niya na tayo ang lumabas."

   Hindi kami lalabas. Pataasan na ng ihi. Hihintayin namin siya ang lumapit. Graaaabe!!! Nasasayang ang oras ng namin pare-pareho. Pero entertainment talaga ang pagtatasa ng aming maliliit na pride. Tumayo lang kami ni Alquin sa harap ng sasakyan.

   May kausap ang mokong, para hindi mainip. Iniinip niya kami pero hindi kami lalabas. Kung meron kang hinanap at nakita mo na di ba dapat ikaw yung lalapit? Tayo. Tawa. Tayo. Lalapit din yan.

   Ang nagwagi: Si Jeuel ang lumapit at sinabing kanina pa niya kaming nakita. Alam namin, hinihintay lang naming siya ang lumapit. Sa gabing iyon, ay talagang na-exercise ni Jeuel ang kanyang humility. Tunay ngang isa kang asin ng sanlibutang ito kaibigan!


   P.S.

   Pwedeng i-interpret yung pagtatago na hindi lang para masukat ang pride ng tao, kundi may mga taong hindi magpapahuli ng buhay.

Tuesday, September 23, 2014

Pasalubong x Tots x Konsiyensya


   Galing kami ni Alquin sa isang kaibigan sa Maynila. Bumisita ng mga ilang araw lang naman. Pumunta sa Divi para mamili at sa Luneta para umupo at kumain ng mangga.

   Naisipan naming pumasok ng isang tindahang tompyang. Lahat kasi ng presyo nila ay doble-numero; 66, 88, at 99, parang sa jueteng. Bumili kami ng traveling mug sa halagang 88 pesos. Tapos umiikot-ikot pa kami. Na dapat ay hindi na namin ginawa.

   Dahil likas na totful kami, naisipan naming bilhan ng pasalubong sina Jeuel at si Roy. 'Yun may sticky notes! Sakto, dahil apat, pare-pareho kaming meron basta kay Jeuel yung pink. Kahit namahalan kami sa presyo nitong 66 pesos ay binili pa rin namin. "Minsan lang naman, yaan mu na", sabi ng mga barat sa sarili nila.

   Maya-maya pa e nakuha naman ng makukulay na animal cut-outs ang atensyon ko. Naku! Otsentay-otso pesos. Mahalang! Pasalubong sana namin kay Nikabrik dahil makakatulong ito sa kanyang mga visual aids. Meron naman kaming nakita pa sa taas, siete pesos lang na mga pangdekorasyon sa scrap book, nahiya lang kami. Nakakahiya namang pumila sa counter ng department store tapos tag-siete pesos lang ang bibilhin mo. Kaya Nikabrik, next time na lang ang paslubong mo. At least, naalala ka namin. It's da tots dat kawnts!

   Pag-uwi namin sa probinsya, ilang araw lang ay tumulak naman ako pa-Masbate. Kaya  hindi ko na rin nakahuntahan si Nikabrik.


   Makalipas ang dalawang linggo...tanananan...ting

   Nakabalik na'ko sa Tiaong. Nagpunta sa Kaleyds, siempre sa Kubo. Sinalubong ako ni Nikabrik na may ngiting halatang maraming naipong kuwento.

    At....may pasalubong siya sa akin! Isang notepad na kulay brown ang sulatan at may piktyur pa ng kwago sa bawat pahina. Kaya naman isang tula ng pasasalamat ang nagawa ko:


          Danas na magkakahibla
          Ang tagal mo ring nawala
          Sa quaderno'y naalala
          "So touched" lang ang nasambitla



   Tompyang na saya at pagkakonsyensiya ang aking nadama.

Thursday, September 18, 2014

Roll Out!, Day 6

Day 6

   Ito na ang bigayan ng mga wheelchair. Lahat ng binisita namin simula pa nung Day 1 ay makikita naming tatanggap ng wheelchair.

   Pagdating namin sa benyu, nauna pa samin ang ilang mga beneficiaries, e kami itong kumpleto ang mga paa't nakakalakad e. Nakakatuwang pagmasdan ang mga taong kahit saglit mo lang nakapanay ay nakita mo kung paano sila nabubuhay sa kani-kanilang mga mundo nang may magkakahalintulad na kalagayan.

   Gumala-gala ako na parang politiko at bumati kena Nanay Susan, Clyde, Lexder, John Rey, at mga kapamilya na kasama ng mga ito. At dumating na rin si Mayora at nangamay sa mga beneficiaries at OB Staffs.

   Medyo naka-chokaran ko rin si Mayora at pareho kaming nabibigatan sa dami ng mga beneficiaries na mga bata. At sa mataas na bilang ng kaso ng polio. Nagpapasalamat din siya sa org na nagbigay ng mga wheelchairs dahil hindi rin kaya ng pondo ng bayan nila na mabigyam lahat ng wheelchair. At nagkwento pa siya ng mga programa nila para sa mga DAP. Maya-maya pa'y tumayo na siya para magsalita.

   Ako naman ay tumayo para kamustahin ang mga kabataan sa bleachers. Napag-alaman ko na mga bible school students sila at sila ang nakatoka para sa counseling. Amen mga brad!

  Bumalik ako sa upuan ko dahil magsasalita na si Ate Meryl Anna a.k.a The Baker Queen. Mapapansing abalang abala ako sa pag-uuli. Si Ate Meryl ay may polio rin, siya rin ang presidente ng mga may kapansanan sa barangay nila. Napakasarap din niyang magbake, siya ang nagpabaon sa amin ng chiffon, banana cake, at choco marble. Gumagawa rin siya ng mga doormat at basahan. Talo niya pa ang marami sa atin sa diskarte.

   Nasabi niya sa unahan na galing daw siya ng prayer meeting para magpasalamat para sa wheelchair na tatanggapin, kagabi lang. "Magtuod lang tayo sa Ginoo, at gihatag niya ang imong dasal", parang ganan yung sinabi niya na ibig sabihin ay magtiwala ka lang da Dios at ibibigay niya ang iyong panalangin. Sabi niya kahit ganun daw ang kalagayan niya ay nagpapasalamat siya dahil hindi naman daw yun poreber. Pagpunta niya sa langit hindi na niya kailangan ng wheelchair.  Ito lang ang nakayanan kong itranslate dahil nagmasbatenyo siya pero alam ko maganda yung ispitch nya kitang-kita ang liwanag ng kanyang pag-asa. Atsaka, nasorpresa sya magsasalita pala siya sa programa.

   Natapos ang bigayan. Lahat masaya. Lahat nagstroll sa covered court. Natapos rin ang walang humpay na piktyuran. Inapiran ko sina John Ray at Lexder bago kami kumain.

   Nag-iwan pala ng pang-lunch together si Mayora para sa staffs at municipal officers ma tumulong sa event.

   Bandang alas-dos na kami nakasakay ng barko. Nagpaalam sa mga nakatrabaho, sa lugar, sa hangin, at sa mga pagkain sa Masbate. Kalakip ng paalam ang panalanging makabalik muli.


Friday, September 5, 2014

Tidbits, Day 4

Day 4

Tampok ngayon ang mga pasilip sa buhay ng ilan sa mga recipients!

Nakuuu! Maaga na naman ang gising dahil magdadalawang team na kami sa dami ng dapat mabisita. Nangailangan na nga kami ng tulong mula sa City Info Office at Municipal Health Office. Kateam ko si Ate Bblor(local paetner), Sir Gino (nars), Pastor Duds, Ate Kat (social worker), isang doktor mula MHO at dalawang City Info Officers. 

Matapos ng morning devotion at breakfast,  ang first stop namin ay sa Brgy. Nursery.

Si Alvin Mendoza na tumawid pa kami ng ilog. Oha oha Kumakara David na, pero mababaw lang. Hanggang bukong-bukong ko lang. Natawa ako sa suot na sapatos ng MHO doctor na sumama samin, leather shoes. Black and shining. Matanda na si Lolo Alvin,  parang arthristis daw ang sakit niya ayon sa apo. Wala kasi silang pampacheck up para madiagnose ang dahilan. Nagbebenta lang sila ng asawa niya ng manok at pananim ng niyog. Tapos yung nainterbyu ko na apo nya ay nadisgrasya pa kaya nahinto sa pag-aaral. 

Sa Brgy. Bagumbayan naman naninirahan si Lola Kring-kring. Inaalagaan siya ng kanyang mga kamag-anak dahil mag-isa na lang ito sa kanyang bahay. Naduas daw kasi si Lola dati at aimula noon ay hindi na nakalakad. Sapantaha ng mga doktor na sumuri ay naapektuhan ng pagkaksdulas ang spinal cord ni Lola. Si Beauty Kakang ang nagbigay ng alyas kay Lola; bukod sa alyas ay dinadalhan ng pang- ulam ni Kakang sa araw-araw si Lola. Hindi kadugo ni Lola Kring-kring si Kakang,  amiga lang sila. Makwento si Lola Kring, madaldal din si Kakang, kaya nag-jive sila. Saludo kami sa mga kagaya ni  Beauty Kakang, kawani ng gobyerno, hindi social worker, pero may malasakit sa kapwa. Haba ng hair mo 'te!

Bago pa man saysayin ni Lola Kring-kring ang dekada sitenta dahil nag-uumpisa na siya sa panahon ng hapon, ay nag-paalam na kami dahil madami pa kaming bibisitahin.Long live Lola!

Thursday, September 4, 2014

Natapos na, Day 5

Day 5

Mumukat-mukat pa'ko nang mag-morning devotion. Sobrang antok pa talaga pero siyempre kailangan naming mag-maaga dahil malayo raw ang pupuntahan naming lugar ngayon. Maaga ngang dumating si Mam Abby dahil hindi pa ako nakakaligo.

Pumunta kami ng Cauayan Interior at Exterior, Bolo, at iba pang barangay na parte pa rin daw ng Masbate City. Sobrang layo na sa city proper, mga isang oras at mahigit na byahe; at hindi maunlad ang pamumuhay nila roon. Yung ibang barangay wala pang farm to market roads at kuryente. Bundok talaga ang set up. Maputik at matarik.

Astig nga e. Naglakad pa kami ng matarik na bundok para maabot ang isang beneficiary. Tapos nagkandadulas pa si Kuya Bry, para na talagang Howie Severino ang level.

Pagdating namin sa taas, sa bahay ni Mang Alex, napag-alaman naming 13 years na raw na may sugat ang paa niya at matagal nang patay amg paa nito. Hindi niya alam na diabetic siya kundi pa siya nabisita mg doktor. E ano pa nga bang ipapampadoktor niya?

Kung paano siya nabubuhay? Yung mga anak niya ay nangangamuhan para me makain sila. Sani niya nga kahit daw hindi na wheel chair ang ibigay sa kanila bagkos ay pagkain na lang.

Masyadong kalunos-lunos ang mga kalagayan ng mga kababayan natin sa Masbatenyo,  lalo na yung may mga dinadalang pisikal na kabigatan. Kung may magic wand nga lang sana ako. E di sana may pangkamot ako ng likod. Pero hindi e, hindi lahat ng gusto mong baguhin o tulungan ay magagawa mo ng kara-karaka. Paulit-ulit kong nakikitang limitado ako.

Pero pwera biro, maraming mga Differently Abled Persons (DAP) ang walang boses sa lipunan. Walang pumapansin sa kanilang mga hinaing.

Umuwi kami ng mas maaga ngayon. Nagmerienda at nag-groseri. Tapos, kinuha na namin ang pinalabhan namin sa Wash Your Problem. Ayos naman sa halagang 24 pesos ay nalabhan na anh apat kong damit. Mabango, nakatiklop, at plantsado na. Saan ka pa? Wash your problem na!

Sana dumating din yung panahon na malabhan ang mga problema nila sa buhay.

Setyembre 04, 2014
Masbate City

Wednesday, September 3, 2014

Operation Bakasyon, Day 3

Day 3

Dahil sa sobrang pagod sa pagbubuo ng mga wheelchairs, ay almusal na nila ako ginising. Hindi ako nakasama sa group devotion nila. Kasi naman 6 am. Mas maaga ngayon dahil papunta kami ng isla.

Pupunta raw kami ng Buntod. Palagi raw dinadala rito ang mga bisita ni Mayor. Pagmamalaki pa nila na isa raw ito sa mga highly climate change resilient na ecosystems. Mabilis daw magkaroon ng coral formations dito at talagang highly diversified ang flora at fauna community dito. Marami raw researchers ang pumupunta roon para maligo. Dapat pala talaga nag-marine bio ako.

Maagang dumating si Mam Abby and friend para samahan kami sa isla. Ilang minutong biyahe lang ang papuntang Buntod mula sa bayan. Mga 30 minutos, andun ka na.

Sa malayo pa lang, kita ko na ang mga bakawan at ang ginagawang kubo na nasalantang bagyong Glenda. Hindi pala siya isla kundi isang sandbar. I-google mo na lang ang pinagkaiba nila kaibigan.

Nagtagal kami doon ng hanggang tanghali. Nag-enjoy sila sa paglalangoy. Ako, na-enjoy ko ang ginataang balinghoy na dala ni Mam Abby na hawig pala ni Juana Change. Pati sa size.

Bumalik kami ng Balay ng medyo may lungkot sa aking kasing-kasing. Ang ganda kasi ng lugar tapos nagloko ang Retrica na photog app ko.

Pagbalik ng balay, nagpahinga ang ilang staff dahil may laro pa sila ng basketbol mamaya.Mga bandang hapon, nagpalaba naman kami sa isang laundry shop.

Para ngang gusto kong ipalaba ang utak kong may writer's block na naman. Ito kasi ang pangalan ng shop:

              Wash Your Problem

Setyembre 03, 2014
Masbate City, Bicol

Tuesday, September 2, 2014

Wiltseyr pa rin, Day 2

Day 2

Inumpisahan namin ang Lunes sa isang morning devotion sa dining area ng Balay Valencia. Sa harap ng aming aalmusaling itlog at tapa. Nag-umpisa ang umaga sa isang pisikal at ispiritwal na pagpapalakas. Amen!

Hindi pa kami natatapos mag-almusal ay dumating na ang mga social workers para sunduin kami papuntang city hall. Magcocourtesy call kami kay Mayor. O di ba?!

Intel mula kay Kuya Bry: Minsan yung LGU ang nakikipagpartner sa amin, tapos sila ang sumasagot ng board and lodging, food, local transpo, at iba pang expenses ng team within the jurisdiction of the official's power. LGU ang nagbabayad ng hotel accomodation at transpo namin habang nasa Masbate kami. Sinisiguro din nila na may magandang alaala ang mga bumibisita sa Masbate.

Pagdating namin sa city hall, wala pala si Mayor kaya ang City admin ang kausap namin. Nila Dok Carmi pala. Nagkape-kape at ngumiti-ngiti lang ang role ko 'ron. Volunteer eater talaga ako at hindi writer.

Matapos ng coutesy call at planning nila with the city admin ay nagpunta na kami ng Masbate Baptist Church kung saan nagbuo kami ng mga wheel chairs. At dahil non-verbal skills ang usapan dito ay pa-support support lemeng ako. Mga metal laps at bars tapod susuotan ng bolts at nuts. Step by step. Open wrench at close wrench. At 'yun na nga,  natapos ang 50 wheelchairs ng mga bandang 7 ng gabi. Pagod na pagod at sabik na sabik sa showet.

Kumain kami ng dinner at ' yon natapos ang Day 2 sa pagkatalo ng Gilas Filipinas laban sa Argentina sa FIBA World Cup.

Setyembre 2, 2014
Masbate City

Wiltseyr, Day 1

Isang buwan din akong nawala sa blogging scene, mabuti nga't nakabalik pa'ko.


Day 1

Nasa Masbate ako ngayon kasama ang isang humanitarian arm para mamahagi ng wheel chairs sa mga nangangailangang mga kababayan nating Masbatenyo. Pasensya na walang titik "enye" sa android keypad ko.

Mula Maynila, 15 oras ang byahe sa bus at barko papuntang Masbate. Natortyur lang ako sa bus dahil puro Robin Padilla movies ang pinalabas nung kundoktor. Nakadagdag pa sa stress si Rustom, ang taray bumaril ng lola mo. Bad boy pa siya dati. Padilla noon, Padilla ngayon. Bad boy noon, Bad boy ngayon. Wala masyadong pinagbago ang taste ng mga noypi pagdating sa iidolohin. Si Rustom lang ang nagbago: Bad boy noon...

Kung isasama ko yung byahe ko mula Quezon at mga oras na ipinaghintay ko ay 24 oras pala akong naglakbay. Bagong record sa buhay ko. Pagbaba ng team sa pier, ay naka-antabay na roon ang aming partners mula sa LGU, dalawang malulusog na social workers,  para dalhin kami sa aming titirhan sa loob ng 6 na araw. 

Dinala kami sa Balay Valencia,  isang transient house na hotel din. Oks naman ang interior at erkon naman ang kwarto. Sarap na ngang matulog pero kailangan pa namin magcourtesy call sa aming local church partner, sa Masbate Baptist Church at mag-umpisa na ng home visitation. Ito'y para ma-asses na ni Dok Carmi ang kalagayan ng mga beneficiaries. Kahit hilo-hilo pa ang buong team e umarangkada na kami.

Grabe yung mga kalagayan nila. May cerebral palsy, paralysis, poliomyelitis, at iba pang medical conditions na hindi ko alam kung ano yun. Mas pinahirap pa ang kalagayan nila ng mahirap nilang estado sa sa buhay. Meron din namang ilang inspiring gaya ni Baker Queen. Tingnan nyu na lang ang kwento ng kanyang sa hiwalay na artikel.

Pasado alas-otso na kami naka-uwi kasama ang mga social workers ng city government. Noong una parang mga sosyal na workers ang hitsurahin nina Mam Abby pero ng araw na'yon nakita ko yung dedikasyon nila sa sinumpaang tungkulin. Araw pa ng Linggo pa 'yun ha.

 iSalute!

Setyembre 2014
Masbate City