Saturday, July 18, 2015

Plata x Brain x Pulot



Kanina, papunta ako kena E-boy dahil sa simbahan nila gaganapin ang Prayer Force. Sa gawaing ito sama-samang nanalangin ang Christian community ng bayan ng Tiaong; iba-ibang denominasyon.

Hindi na 'ko nagtanghalian dahil mag-isa lang akong kakain, kaya minabuti ko na lang na mas maagang pumunta kena E-boy. Bandang alas dose ay naglakad na 'ko papuntang palengke. Sa palengke, dun naman ako sasakay pa' Lusacan.

Habang nagmumuni-muni ako sa daan. Habang iniisip ko kung bakit kaya hindi ako nagugutom gayong pandesal lang ang almusal ko. Habang iniisip ko ang puwedeng mangyari sa buhay ko next week. Habang iniisip ko yung panaginip ko kagabi. E nakindatan ako ng magkaibigang Bonifacio at Mabini! Parang awtomatikong yumuko ang katawan ko at pinulot ang sampung pisong plata. Kahit pala maraming naglalaro sa utak, ambilis makilala ang pera.

Iba yung tuwa na naramdaman ko. Aba! Sampumpisong plata na mainit-init pa dahil sa bilad sa araw kaya ang napulot ko. Biyaya na ito. Saan ka makakapulot ng sampum pisong plata ngayon? Mas maliit pa sa 20000000000000/1 ang probability na makapulot ka ng sampum pisong platang mainit-init pa. Yung feeling na natanggap ka sa trabaho na maraming kakompitensyang aplikante, ganun! Ganun ang saya ko sa sampum pisong napulot.

Salamat sa Diyos dahil puwede ko na itong ipambili ng palamig sa palengke. O ipamasahe papunta kena E-boy. Ang ibig kong sabihin malaking tulong na 'to! Di pa man ako nanalangin, may biyaya na agad sa'kin!

Dyord
Hulyo 17, 2015

No comments: