"Ansakit.
Ansakit-sakit na.
Dito. Ansakit dito."
Ang tagal kong naghintay pero hindi pala mangyayari gaya ng maganda kong inaasahan. Tungkol ito sa application ko sa aking Alma Mater (SLSU-Tiaong) bilang instructor.
Dahil ilang araw na lang at magpapasukan na, pinasya namin ni Ate Tin na i-follow up na ang aplikasyon namin. Meron na siyang notice. Ako wala. Pero sumama pa rin daw ako para matanong kung meron ba para sa'kin na teaching load. Naku! Parang nakakahiya naman na ikaw lang ang may paramdam tapos makikisakay ako, kako. Sabi niya para malaman daw namin kung meron, kung wala e di move on. Pero nakakahiya talaga sabi ko.
Naisip ko na antagal-tagal ko na ring naghihintay. Wala ni ho ni ha. Naubusan na ng analysis, ng sapantaha. Dapat harapin ko na mismo ang katotohanan. Am I in or out?
Dapat lunukin ang hiya at ipagiling sa kumakalam na sikmura. Para kasing ang dating ay nagmamaka-awa ako para sa loads. Parang desperado. Desperado naman talaga ako. Sige, puntahan na ang campus directot para sa ikatatahimik ng kaluluwa ko.
Usapan namin ni Ate Tin before lunch pero after lunch na siya dumating. Kakatanghalian lang daw niya. Oks lang wala pa rin naman si direktor kanina, ngayon lang din ata dumating. Tinungo agad namin ang opisina niya, sinabi ni Ate Tin na kasama niya ko. Binungaran agad ako na isa pa lang daw ang kailangan nila. Hindi pa ko nakakabuwelo nang marinig na hindi ako makakapagturo. Hindi pa rin ako umalis sa opisina kahit na mukhang design lang ako ron. Habang binibigyan ni direktor ng teacher's advise si Ate Tin ay hindi ko alam kung saang sulok ng langit ko itatago ang pagkadismaya.
Hindi ko mapapasok ang akademya sa susunod pang dalawang school year dahil sa K-12. Magsi-senior high-an ang mga estudyante kaya mawawalan ng freshmen sa college. Sa pakonti ang population ng college sa loob ng two years kaya kaya na ito ng existong faculty. Kaya kahit magka-license pa ako sa next year, wala pa ring chance sa unibersidad.
Sinamahan ko pa rin si Ate Tin sa pagkuha ng syllabus niya. Pumapasok na sa isip kong magtrabahong muli sa Kamaynilaan na lalong nagpapabigat sa loob ko. Masaya naman ako at nakapasok naman si Ate Tin. Cum laude siya, licensed, at magaling naman talaga sa akademya. Kaya lang, medyo mahirap pagsabayin ang saya at dismaya.
Minahal ko kasi agad ang trabaho ko bago pa ito maging akin. Lahat ng balak kong gawin sa klase. Lahat ng gusto ko sanang ituro. Lahat ng kwento ko na dapat ibabahagi sa labas ng klasrum. Lahat ay natunaw sa lurok ng ulan sa'king diwa.
Binigyan pala ako ng pamasahe ni Ate Tin pauwi. Singkwenta. Pambili ko rin ng komport pud. Sumakay ako ng dyip [Backstreet Boys at adele ang playlist]. Kena Jul ako dumeretso. Sa isang mahabang bangko ako nahiga muna. Nagluluksa pero hindi umiiyak. Naghihinayang pero hindi susuko. Nagpapahinga lang.
Maya-maya lumabas na si Jul. Binalita ko nga. Inulit ang mga pangyayari. Hiniram ko ang kanyang dramatic lines na nasa taas, sabi ko ako ang may karapatang gumamit n'yan sa ngayon.
Dyord
Hulyo 1, 2015
™ Ang linya sa taas ay naisip ni Jul sa isang what-if scenario niya na hindi bagay isama sa post entry na 'to.
No comments:
Post a Comment