Saturday, July 25, 2015

Taon-Taon na Lang Nag-Aanibersari


Tatlong taon na'ko sa blogging. Parang kahapon lang ako nag-umpisang mag-blog. Parang wala naman akong ikinatuto sa pagsusulat. Madami ngang nai-publish na entries pero parang wala namang kalidad o substance. Dapat sana quality over quantity. Parang puro patawa imbes na tuwa. Puro cliche. Puro hugot. Parang hindi ko yata blog ito. "Parang" nga lang ba o talagang alter ego ko lang ang blog ko? Parang tainga ko lang ang nahagip ng kamera sa 'kin sa pagkuha ng litrato ko.

(-)Dyord
July 11, 2015

Hindi ka nomon kasi talaga nagsusulat. Tapos, kapag tinanong ka ng "anung ginagawa mo ngayon sa bahay?"; sasabihin mo; "nagbabasa at nagsusulat". Mas marami kang time para maglaro ng PSP. Mas maraming time ang ginugugol mo kay Yaya Dub. Mas maraming oras kang tulog. Hindi ka naman talaga nagsusulat most of the time. E ambagal mo pa magbasa. Wala kang disiplina at determinasyon. Magiging inhinyero kang puro plano pero walang naitayong gusali. Tsk. Tsk.

(-)Dyord
Hulyo 18, 2015

O, ano may naisulat ka na ba ulit? Tatlong araw ang nakalipas, nakatapos ka ng isang series ng anime, may inilago ka ba? May akda kang natapos? Wala na naman. Wala ka nang pag-asa boy! Hanap ka na lang ng ibang pagkakaabalahan, wag na ang pagsusulat. Dahil ang pagsusulat ay isang disiplina ng pagtuklas. Pagtuklas sa sarili. Pagtuklas sa pupuntahan ng buhay. Pagtuklas ng marami pang buhay.

May patimpalak ka na namang sinalihan? Sa Ingles pa? Mananalo ka ba ga naman d'yan? Tsk. Tsk. Mabuti pa sa lotto, may pag-asang manalo...

(-)Dyord
Hulyo 22, 2015

Yung boses mo sa blog parang hindi pa rin ikaw. Parang kopya pa rin sa ibang manunulat. Hindi pa rin tunog-Dyord. Ganyan ka ba talaga kapag nagkuwento? Ikaw na ba talaga ang nagsasalita sa blog mo? Kasi parang hindi naman ikaw na ikaw. Baka naman meron kang imahen na gustong buuin para sa sarili mo. Dapat talagang may honesty ka, talagang tapat at totoo ka sa craft mo. 'Wag masyadong magkulay kung abo talaga ang naganap. Panatiihin mong pula ang pula at puti ang puti. Suggestion ko lang naman sa'yo. Ikaw rin.

(-)Dyord
Hulyo 23, 2015

Hoy! Negamind! Namumuro ka na! Nanahimik lang ako. Talagang talaga ka. May mga napangyari naman ang blog kahit papano. Hindi naman nasayang ang isang taon. Wag kang ano d'yan. Halimbawa....

1. Nakasali ng blog tour recently. Yung umuulan ng libro.

2. Nabigyang pagkilala ang isang tula sa Saranggola Blog Awards noong Disyembre 2014 lang.

3. May isang entry na nakapasok sa isang antolohiya ng mga sanaysay. Hindi pa nga lang nailalabas yung proyekto.

4. Nakapagrebyu rin ng ilang libro.

Ang konti nga no? Pero oks lang yan. Hindi mo naman sinusukat ang tagumpay nh blog sa dami ng #achievements o bilang ng views. Ang mahalaga ay nakapagsulat ako. Naka-akda. Nagkaroon ng mga pagkakataong mas makilala ang sarili at matuto sa buhay. Isang taon na dapat ipagpasalamat sa nagbigay sa 'kin ng panulat.

Sa marami pang mga akda sa papel, pisikal man o cyber! (Taas ang bolpen)

Amen.

(+)Dyord
Hulyo 25, 2015

No comments: