Friday, July 31, 2015

So Ano Na? (SONA 2015)

So, Ano Na?

Diskleymer: Wala akong balak batikusin si PNoy (ng sobra). Sa edad ko, wala pa akong naiaambag na malaki sa pag-unlad ng bansa. Di ko rin sure kung maabot ko ang edad ni PNoy ngayon ay mapapantayan ko ang ambag niya sa bansa. Simpleng kritik lamang po ito.

Kung si Donya De Explorer ng Sugod Bahay Gang (ng Eat Bulaga) ang tatanungin sa etomolohiya ng SONA, baka sabihin niya nga na ang SONA ay mula sa 'SO, ano NA?'. Parang nangagamusta nga lang. Sa kalagayan ng ating bansa.

Huling SONA na ni PNoy. Matatapos na ang anim na taong termino ng pamamalakad ng bansa. Nararapat lang na mag-ulat ang Pangulo sa tinagurian niyang mga 'boss' niya, ang sambayanang Finoy. Ikinararangal daw niyang pamunuan tayong mga boss niya. Siguro dahil sa magiging bahagi na siya ng kasaysayan at karangalan nga namang tapusin ang naatas na tungkulin sa kanya mula sa kanyang matataluti't maliligalig na mga boss na muntik na siyang sibakin sa puwesto.

Heart and Humor. Ito ang bihis ng buong SONA 2015 kung ako ang magtatatak. Bakit humor? Ilang beses bumitaw ng punchlines ang Pangulo, higit na marami sa kanyang pag-ubo. Binanggit ang kanyang kakaunti nang buhok na nahihirapan daw ang hair stylist niyang ayusin. Mistula raw itong nagsusuffice ng unlimited wants with limited resources. Tawa ang lahat. Binanggit din niyang sa susunod na humiga ulit sa kalsada yung congresswoman sa Negros dahil sa sobrang galak sa naipagawang kalsada, ay ipahuhuli na niya raw ito. Tawa na naman ang lahat. Ang pang-uuyam niya sa mga gustong manungkulan at magpaunlad kuno ng bayan ngunit walang mailatag na plano o pamamaraan, kung matatanda raw ito ang reaksiyon "Ah ganun?" (+taas kilay); at kung kabataan naman daw ang magrereact ay "Edi wow!". Tawa ulit ang lahat.

Pangitang-pangita na tinumbok ni PNoy ang natural na pagiging palabiro natin kahit na seryosong pangyayari ang SONA para sa buong bansa. Baka alam niya na may mga manonood na hayskul dahil pina-assignment ang SONA ng mga Araling Panlipunan teachers nila, kaya may mga bitaw siya ng biro para hindi mainip ang mga kabataan.

Puso. Una, napansin ko na may nag-ASL sa gilid ng monitor, para ito sa mga kababayan nating hearing impaired. Pangalawa, maraming testimonial videos ang ipinalabas. May mga beneficiaries ng 4Ps na napag-aral at honor student pa. May testimonya ng nakapag-TESDA at umasenso. May mga lugar na nagkaroon ng kuryente na nagbigay liwanag sa mga opurtunidad sa Mt.Province. Mayroon ding lugar sa Aklan na napagawaan ng kalsada at naging daan para sa mas masiglang kalakalan at pamumuhay. Mga nagkasakit at natulungan ng benepisyo mula sa PhilHealth. Hindi ko maitatangging nakaka-antig ang mga patotoo. At sa huling bahagi ng #SONA2015 ay pinasalamatan niya ang mga naging katuwang at inspirasyon sa pamumuno ng bansang kayumanggi. Pinasalamatan niya ang mga miyembro ng Gabinete (pati yung mga nadawit sa isyu ng pandarambong) na ginagabi sa kanilang mga pagpupulong. Yung hairstylist at stylist niya na nagbibihis at nag-aayos sa kanya upang mas lalong maging dignified ang looks niya sa mga pagharap sa mga boss niya ay pinasalamatan niya rin. Pati mga PSG na nagbabantay sa kanya at mga ulo ng estado na bumisita sa bansa ay nakatanggap din ng pasasalamat.

Andami-daming pinasalamatan ni PNoy, pero may isang mas tumagos sa 'kin yung pinasalamatan niya ang Presedential Household Staff (PHS), hinagip ng kamera ang isang matandang babae sa mga nakaupo kahilera ng mga kagalang-galang na mga pinuno ng bansa. Naluha ito, marahil hindi niya inasahan na mapapasalamatan siya dahil sa ginawa lang niya ang trabaho niya. Marahil ito ang namamahal sa paghahanda ng pagkain, paglilinis ng silid at buong bahay ni PNoy; parang pambansang katulong.

Napakalaki ng papel ni PHS sa bansa. Kung siya ang namamahala sa pagkain at paglilinis ng silid o tinutuluyan ng Pangulo, malaki ang naibabawas niya sa stress o sakit ng ulo na nakuha ng ulo ng estado sa maghapon. Ang mainit na sabaw na ihahain niya ay maaring magpaliwanag sa isip ng Pangulo at magdulot ng maayos na pasyang aapekto sa buobng bansa. Di ba? Malaking tulong sa bansa dahil katulong siya ng Pangulo. A helping hand kumbaga.

You got me there! Tumagos sa'kin yon. Kaya kudos para kay PNoy at ang creative media team na kumatha ng SONA 2015.



No comments: