Monday, October 31, 2016

Hugot at Larong Pinoy

Hugot at Larong Pinoy

1. "Welcome ka naman e. Open arms na nga ako. Kaya lang tinatakbuhan mo pa rin ako. Bakit? Dahil patotot ako?"
-Patintero/Tubiganan

2. "'yan tayo e. Pinitik-pitik ka na ng ilang beses na pagtanggi pero heto ka pa ri't nagbubulag-bulagan at nagpupursige."
-Pitik-Bulag

3. "Sana kapag kinanta mo ulit 'yung "Kalesa, Kalesa", at tinanong kung sinong sakay mo; ako na yung pipiliin mo."
-Kalesa, Kalesa

4. Sa kantang "Kumusta ka?", paano naman ako magsasaya kung sa bandang huli; "umikot ka, umikot ka, at humanap ng iba."

5. "Tsub! 'yung feeling na siya at saka 'yung panggulo ang nagkapareho."
-Teks, Maiba

6. "Noon; bahay-bahayan lang Bes. Ngayon; may PAG-IBIG na tayong hulugan."

7. "Naabot naman kita e. Para konting angat at agwat lang hindi na agad puwede?"
-Langit-Lupa

8. "Wala namang problema kung itayo ko nang itayo yung natutumba, ang nakakapagod kasi yung humabol nang humabol sa'yo."
-Tumbang Preso

9. "Pagkabilang kong tatlo, kung naka-move on ka na, please, magtago naman kayo dahil mas maliwanag pa sa buwan na ako; hindi pa"
-Taguan

10. "Dati hintuturo mo 'yung pilit kong hinuhuli sa palad ko, sana ngayon mahuli ko naman yung mailap na palasinsingan mo."
-Sawsaw, Suka
#









Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2016


Millenial Goals

Millennial Goals

Gumawa ako ng maagang TODO List for 2017:
1.      Makapag-implement ng livelihood projects na minungkahi ko ngayong taon.
2.      Makapag-enroll sa Open University ng Master Program sa Environmental Science.
3.      Makakuha na ng akmang life insurance.
4.      Makapagbayad ng maraming utang ni Inay (at least 40%)
5.      Makapagsalin ng isang research thesis tungkol sa Kapihan sa Quezon.
6.      Makapagpasa na ng totoong book proposal sa isang publisher.
7.      Makapag-serve ng 99 kids sa Project PAGbASA.
8.      Makapag-volunteer pa rin.
9.      Makakuha na License for Agriculturist.
10.  Makapag-build pa rin ng stocks sa mutual funds.
11.  Magtagal sa trabaho. Yes!

TODO List kasi kailangan ko nang ibigay lahat ng meron ako para lang matapusan ko ang 9 major #lifegoals ko para sa 2017. Kailangang itodo na ang disiplina sa katawan at igapos ang demonyo ng katamaran. Mga layunin ko pa lang ‘yan para sa sarili ko. Naniniwala kasi ako sa plano. Ang pangangarap kasi ay pagpapaplano at ang pagpaplano ay pangangarap. Bilang isang Project Development Officer, napaka halaga ng planning stage para sa sustainability ng proyekto at realization ng mga goals.

Kasama raw kasi ako sa Millenials. ‘yung henerasyong babad sa social media at share nang share ng mga viral hoax? ‘yung henerasyong outspoken-political-analyst pero absent sa social sciences kasi minor subject lang naman? ‘yung henerasyong shirtless na nagsasasayaw ng iba’t ibang #challenges? ‘yung henerasyong multi-tasker at walang matapos-tapos? ‘yung henerasyong palipat-lipat ng trabaho dahil pinupursige ang passions? ‘yung henerasyong maraming ka-hashtagans sa buhay: #makiuson #stopejk #macoyparin #todonatroll! Parang lahat naman kasi tayo millennials.

Nasa disaster response ako sa isang NGO nitong nagdaang linggo.  Iniwan ko muna ang Kagawaran, na isang paper government na mas marami pa akong nakakasalamuhang papel kaysa tao. Tinawag muli ako ng panulat. Habang namimigay kami ng solar lamps sa Isabela, sumilong kami ni Cervin sa sasakyan. “Anong purpose mo sa buhay?” tanong n’ya na parang kidlat na basta na lang tumama. Nilagay ko yung notbuk at bolpen ko sa may dibdib ko at kumunot. “Problema ng taong ‘to?” parang ganan ang sabi ng pagkamangot ko. Nagtaka at natawa ako; nainis rin. Kung alam n’ya lang kung gaano ko rin dati kadalas itanong sa sarili ko ‘yun.

Ngayon lang kami nagkasama ni Cervin sa isang disaster response mission. Mga tatlong araw pa lang kami magkakilala. Kapwa masugid na mambabasa, batang manunulat at millennial. Tatlong taon na s’ya sa NGO na pinagtatrabahuhan, achievement na ‘yun para sa mga millennial na gaya namin. May pinapaaral pa s’ya sa Bicol na mga kapatid at breadwinner din ng pamilya. Hindi ko alam kung nasa parehong wavelength lang kami o bukas lang talaga ang buhay n’ya kaya ako madaling nakasilip. Sa tingin n’ya ang layunin n’ya ay magbigay lualhati sa Diyos sa pamamagitan ng pagdodokyu ng buhay ng iba’t ibang tao. Sa hinaharap, mapapanood ko ang film n’ya.

Mahaba-haba rin ang listahan ko ng gusto kong mapangyari. Pero kabyos ako sa pagsagot kung bakit. “Hindi ko rin alam” sagot ko sa tanong n’ya. “Hindi ko rin nga alam bakit ako nag-volunteer ulit,” dagdag ko pa. Nakakalungkot na kahit na matapos ko pa ang sulatin na ‘to ay hindi ko pa rin malalaman ang dahilan sa mga pinagagagawa ko. Nakakatakot na baka ‘yung ginawa ko kasing pagtulong ay ginawa ko rin para sa sarili ko. Hindi kasi ako naniniwala na ginagawa ko ‘yung isang bagay na para lang sa Diyos. Hindi ako naniniwala na ginagawa ko ‘yung isang bagay para lang sa bayan o sa ibang tao.

Mapagduda ako sa’king motibo at malayo sa pagkadalisay. Hindi ko pa nababasa ang Purpose Driven Life. Nakakapagod ‘yung mabuhay dahil sa iisang layunin. Marami akong ginagawa dahil gusto ko lang. Marami akong ginagawa dahil naniniwala akong ‘yun ang dapat kung gawin. Marami akong ipinaglalaban dahil alam kong ako ang nasa tama. Sandamakmak ang mga pinaggagagawa ko dahil matindi ang pangangailangan. ‘yung mga gusto kong mapangyari, hindi ko rin sigurado kung gusto rin ni Lord. Wala rin akong masyadong alam sa taste N’ya. Sa Christian cliché na “Masaya naman po ako sa pinapagawa sa’kin ni Lord,” eto ang remarks ni Cervin: “Eh ang Lord ba masaya sa ginagawa mo?”

Hindi ko sinasabing maging atheist ka at ‘wag ka nang umattend ng bible studies. Ang sinasabi ko, ‘wag ka nang masyadong malungkot kung di mo pa sure kung ano ang specific purpose (with job description) mo talaga sa buhay. Hindi ka nag-iisa. Dalawa na tayo. Ang mahalaga may ginagawa ka at hindi ka nagda-drugs lalo na sa panahon ngayon. Baka kasi kaiisip mo nang kaiisip at kahahanap ng layunin sa buhay, wala ka na tuloy nagawa. Hindi pa naman natin alam kung kelan ang ating deadline.

Sabi natin #YOLO. Kaya sana kung  14 years lang ang isang henerasyon, gawin na nating makabuluhan ang henerasyon natin. Mag-set tayo ng goals. Magtakda tayo ng layunin kasama ng mga ka-Squad goals mo t’wing Biyernes. Mag-ipon tayo para sa hinaharap kasama ng ka-Relationship goals mo. Umpisahan mo nang i-convert ang mga Me-time mo sa pagbubulay-bulay kung nasaan ka na nga baga sa mga mithiin mo sa buhay. Isiping maige kung ‘yung ginagawa ko ba ngayon ay may maidudulot na maganda sa’yong kapwa, pamilya, pamayanan, bansa, solar system, at sa’yong sarili. #Preachy na.

Bes, ‘wag puro kilay goals.

Nang pauwi kami mula sa relief operation, nagbigay ako ng parang note to God. Ayoko pang mamatay na hindi ko pa alam kung anung purpose ko sa buhay. Or nagawa ko na ga hindi ko lang alam? Kahit anong oras kasi pwedeng gumuho ‘yung bahagi ng bundok at matabunan kami. Matulak kami ng dumadausdos na tubig mula sa bundok na para nang ilog. Ilang beses ngang nadulas ang gulong namin dahil sa putik. Salamat na lang at hindi kami nahulog sa bangin. Salamat sa Kalinga.

Dapat nga gang isama ko na sa goal ko na alamin ang purpose ko sa buhay? Hinahanap nga ba ang purpose sa mga bagay na nagagawa natin? Mas oks ba ang purposeful na buhay kaysa productive? Ang layunin ba ay itinatakdao nakatakda na? Ewan ko, marami pa kong papel na aayusin. Mas mapaghabol talaga ako sa deadline kaysa sa purpose in life.

Sana sa susunod masagot ko na si Cervin.




















Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2016

















Sunday, October 30, 2016

Tatlong Tula

Pasasaan Ga?

Umaawit ng imno sa simbahan
Tatamis din ika’t pasasaan
Ngunit di makapalakpak o makawagayway
Maitaas ma’y tuong hirap
Mga kamay’ nanginginig na sa ngalay

Araw-araw na nilikha
Ay di masayang tunay
Wala nang marinig na kalansing sa bulsa
May panahong di na rin marinig ang musika
Mas malakas ang hampas ng daluyong
Mas mabilis ang ritmo ng pusong balisa
Kung saan lalambatin
Ang sunod na isusubong isda

Tatamis din ika’t pasasaan
Nasisilam na sa alat ng dagat
Na tila walang dulo
Ang sakit sa ulo!
Ng nakakapasong sikat
Natutuklap na ang sunog na balikat
Makakasagwan pa kaya
Ang mga kalamnang pinupulikat?

Ngunit laging tangan ang gabay
Na nabasa, napilas na’t niluma;
Wika ng minsang naglakad sa mga alon,
Wika ng minsang humati sa dagat,
Wika ng minsang nagpakati sa mga isda,
“Alat ay may wakas”
Parang ga'y-an

Pasasaan ika’t tatamis din
Mararating ang marilag na bayan
Sa pagsasagwan ay makakapagpahinalay
Muling makakasama ng mga nauna
Sa kabilang baybayin at magpapahinga

#



Bes, Bitawe


Bitawe na yaan
Di naman n’yan masasagutan
Ang malawak na patlang
Sa bituka’t baga mo

Nagkandudurog ka na nga
Hihiwain mo pa ng mga piraso
Ng bubog na nanggaling mismo
Sa plorera mong sisidlan sana
Ng magagandang mga bulaklak
Kahit na nalanata na’y
Nasa gunita pa ang mga kulay

Minanhid ka na nga ng kirot
Binulag ka ng ng pag-iisa
Sinarili mo ‘yang pagkabasag
Akala mo kasi kaya mong ikaw lang
Akala mo tatawanan at sasabihang “ok lang”
Akala mo pabigat ka masyado
Sa krus na dinadala ng mga nasa paligid mo

Tama, malaki ang mga krus namin
May myoma si Mama,
May nakakasuklam na gobyerno,
Naghanap pa ng sarili si bebe ko
Pero di ibig sabihin nun:
Wala nang espasyo sa balikat ko

‘Bes’
Di lang yan tawagan
Bitawe na yaan
Pagpage ang sarili
Isuot mo yung niregalo ko
At magkakape tayo.


Hulong!

#


Kaya ko naman pala
Mag-McDo nang mag-isa
Ipasyal ang sarili
Di ka na hanap lagi

Di ka na hanap lagi
Lumagay sa tahimik
Tahan na sa paghibik
May agwat na sa labi

Ikinasawi ko nga,
Ikinamatay ko ba?
Ikinalakas ko pa
Kaya ko naman pala!

Umaalab na puso
Maningas na damdamin
Hinding-hindi susuko
Sa pagtula't dalangin

#


Ang Tatlong Tula ay mga lahok sa  Saranggola Blog Awards 2016


Tuesday, October 25, 2016

Patayin sa Clerical Works si Barbara



Kung isasapelikula ang ginagawa ko ngayon sa opisina, 'Patayin sa Clerical Works si Barbara' ang magiging pamagat. Pang-indie film na walong oras ang haba. Ako ang bida, at ang scenes ay umiikot lang sa pagpi-print, pagpi-fill up, pag-i-stapler, at pag-e-encode. Challenging ang magiging editing, script, at ang cinematography. Nakikinikinita mo na ang vibe ng pelikula? 

Boring.

Nakakaumay ang ginagawa ko ngayon. Para kasi ito sa accreditation ng mga benepisyaryo ng Kagawaran para maging Civil Society Organizations (CSO) sila. Meron itong 12 document attachments at tigdadalawang kopya lahat. Meron kaming 10 grupo ng benepisyaryo sa Padre Garcia. Nasa 250+ na A4 size ang fi-fill up-an. Nakakalungkot na directives lang ang ibinaba ng Central Office sa'min at walang kasamang A4 size paper. Kami na ang bumili. Kami na ni Tita Nel ang magfi-fill up para sa mga tao dahil baka magsala-sala pa ay lalo kaming maghirap sa papel at kumonsumo ng mas maraming oras sa pag-uulit. Pagkatipon namin sa kanila, pipirma na lamang sila.

Dapat kasi hindi na namin ito trabaho. May ahensya talaga ng gobyerno for Standards, para sa pag-aacredit ng mga CSOs, kaya lang kulang sila sa tao kaya ibinaba na sa'min ang pag-a-accredit ng mga grupo. Bakit daw kailangang gawing CSOs na yung mga grupo? Sa pagkakaalala ko ay para raw maprotektahan at masigurong may pinuntahan ang mga pondo na iginawad sa kanila simula 2016. Para hindi na raw maulit ang pork barrel scandal. So, iniisip ko na lang na ang pahihirap ko ay para maprotektahan ang public funds.


 "It's a paper government"
-M.R. Spiegelman 

Pero, nakakatamad talaga. Hindi ako ipinanganak para mag-encode at mag-fill up. Ang alam ko ay technical works at community engagements ang in-applyan kong trabaho. Hindi ako kumuha ng Professional-level sa Civil Service Commission para sa clerical works. Sirang-sira ang kaluluwa ko sa ginagawa ko ngayon. So, iniisip ko na lang baka maging mas matiyaga pa ako sa buhay sa ginagawa kong ito. Para sa pagpapaunlad talaga ng sarili ko ito. Pero...

Boring talaga, Bes eh.

Dapat ba mag-resign na ako at ituloy ko yung pangarap kong maging marine biologist at mag-scuba diving sa Mariana Trench? O sumama sa mga wildlife explorations at magsulat ng article tungkol sa mga newly discovered species? O sumulat ng ambahan at diona habang nagte-trek sa Himalayas? Kahit ano, wag lang mabagot. Hindi ako handang mamatay sa bagot para sa bayan.


Mas marami nakong nakausap na papel kaysa sa tao. Ano na bang papel ko sa bayan? Ang mag-asikaso nang mag-asikaso ng sandamakmak na papel? Sabi ni VP Leni, "people want to be served hand and foot". Pero ang masakit na katotohanan, 'yung kaliwa't kanang kamay at paa mo, nakapako na sa gabundok na papel.












Saturday, October 15, 2016

Trip to Tiaong: Ang Nawawala at Ang Nagwawala

Trip to Tiaong: Ang Nawawala at Ang Nagwawala

Unang beses makikitulog si Roy sa White House. Hindi ‘yung sa US, kundi ‘yung sa PG. Sa Padre Garcia, sa inuupahan ko. Aalis din s’ya kinabukasan ng madaling araw para magtrabaho na muli sa Batangas City. Dalawang sakay na lang ‘yun mula sa White House.

Mula kena E-boy sumakay kami papuntang Bantayan kung saan naman kami sasakay pa’ ‘Garcia. Sabi ko, ako na ang bibili ng panghapunan namin. Hindi ko pa rin kasi s’ya nalilibre mula sa sweldo ko sa pagiging government employee. Pero mag-withdraw muna tayo kako kasi wala na akong cash.

Pagbaba namin sa may ATM, binuksan ko na ‘yung bulsa ng bag ko kung sa’n ko nilalagay ang ATM card ko. Wala ito ro’n. Kalmado pa rin ako. Baka nasa ibang bulsa o bahagi lang ng bag ko. Sinilip ko sa isa pang zipperan; pero wala pa rin. Kalmado pa rin pero bumibilis na ang paghahalwat ko. Baka naman nasa main bahagi ng bag ko, sa pinaka malaking zipperan! Halwat, halwat halwat; pero wala pa rin. Baka nasa dalawang bulsa sa tabihan; pero waley.

“Hala Roy! Nawawala ang ATM ko!!!”

Mag-relax lang daw ako at dahan-dahanin ko ang paghahalwat. Inulit ko lang ‘yung ginawa ko sa ikatlong talataan; naghalwat ako ng mas mabagal pero mas mabilis na ang tibok ng puso ko. Wala pa rin. Binulwas ko na lahat ng laman ng bag ko; pero wala talaga. Wala ro’n ang ATM card ko!

“Sigurado ka bang d’yan mo inilagay?”. Oo man! Siguradong-sigurado akong doon lang. Laging may luntiang kard sa bulsang ‘yon para madaling makita at kunin. Wala namang kukuha noon dahil galing ako sa simbahan. Simbahan namin at sa simbahan nina E-boy lang ako galing maghapon. Sabay naalala ko ang aking kulay abong ‘kikay kit’. Nasaan na ‘yun? Nilalagay ko rin kasi ro’n ang kard ko minsan. Naiwan ko sa banyo ng simbahan nina E-boy!

*kikay kit: shaver, sabon, shampoo, deo, tutbras, tutpeyst, pamango, minsan nandun din ang ATM kard

Minessage ko kagad si E-boy at Babes na babalik kami para sa kikay kit ko na naiwan sa banyo ng simbahan at pakitingin na rin kung may kard sa loob. Kinakabahan ako kasi baka wala naman sa kikay kit ko. Kinakabahan ako kasi kailangan naming maabutan ang last trip at gumagabi na. Ang tagal pang mag-reply ni E-boy at Babes. Ang tagal talaga ng lahat ng bagay kapag kailangang-kailangan mo na! Pabalik na kami ng Lusacan nang mag-reply si Babes na andun nga ang kit pero walang kard, with matching snapshot sent via FB messenger.

Parang naramdaman ko na ang hanging Amihan. Nanghihinayang na agad ako. Nagulat si Tay Noli na bumalik kami, e kakaalis lang namin. Mabilis kong ininspek ang banyo, walang kard, kahit sa basurahan. Mabilis ko ring inalog-alog ang kit, wala nga talaga. Nagtanong si Babes kung may pangkain pa ba ako, sumagot naman ako ng oo dahil naniniwala pa rin akong hindi ito nawawala at hindi ako mawawalan! Umalis din kami ni Roy agad.

Pabalik muli kami ng Bantayan. Pinakiusapan ko s’ya na s’ya muna ang sumagot ng hapunan namin. Nangangapa rin si Roy sa’kin kung paano n’ya aapuhapin ang matindi kong pag-aalala. Marami akong sana habang nasa dyip. Sana ikinain na lang natin ‘yun. Sana hindi na lang ako nagtipid ng sobra sukdulang magkalamares lang ako gabi-gabi. Sana ibinili ko na lang ng mga libro. Sana ibinili ko na lang ng Nintendo 3DS. Kasi sayang kung mawawala lang e.

Pagdating namin sa karihan sa Bantayan, pumili ako ng dalawang ulam. ‘Yung paborito kong kilawin na may sayote at adobong baboy na may taba. Na-stress ako e at si Roy naman ang magbabayad. Pagkabayad agad kong dinampot ang biyulin ko at ang jacket ni Roy baka madoblihan pa kami. Naabutan pa namin ang last trip. Sabi ko kay Roy, puwede rin namang naiwan ko sa White House ang kard ko at Harinawa. Ayokong magpakaasa-asa dahil baka masaktan lang din ako sa huli. Inabot ko na kay Roy ‘yung jacket n’ya. “Kanino ‘to?!”  Suot pala n’ya jacket n’ya. Suot ko rin jacket ko. Hindi pala sa’min ang jacket na ‘yun.

Sa byahe, iniisip ko na pera lang ‘yun. Pera lang. Maliit na bagay. Puwede ko pang kitain. Maibabalik pa. Marami pa akong blessings sa buhay na hindi pera in nature kaya sinubukan kong bilangin. Meron akong nauuwian at napapagpahingahan. Meron akong pamilya kahit palpakin. Meron akong mapagmahal na mga kaibigan. “Mahal ko naman kayo”sina Roy, Uloy, E-boy, at iba pa. Tawa nang tawa lang si Roy. Wala naman kasi talagang sa’kin e.Kasi isinasabay ko sa bilis ng takbo ng dyip ang proseso ko ng pagtanggap sa masamang biro ng buhay. Gusto kong mapadpad ng hangin ang panghihinayang at pagmamahal ko sa salapi bago kami bumaba.

Kung dumating man kami sa bahay at walang kard doon kahit na maipagtaktakan ko pa ang White House, ayoko nang magmukmok pa. Magtitipid pa rin ako at hindi dahilan ang minsang nawalan kaya nagbulagsak sa pananalapi. Mag-iipon na lang ulit ako. Hindi na ako magkakalamares dahil baka magkagalamay na ako paggising ko isang umaga. Magso-siomai naman ako gabi-gabi. Makakaipon ako ulit. Basta, hindi PERA ang nagpapaligaya sa buhay ko.

Bumaba naman kami ng Abbey Road ng magaan ang kalooban ko. Tanggap ko na kung anuman ang hatol ng inampalan. Kung naroon, edi salamat. Kung wala ro’n, edi salamat pa rin. Habang nililiban namin ang bakod dahil pinagpadlockan na kami ni Roy ng main gate, umaasa pa rin ako pero hindi ko kasi iniiwan talaga ang kard ko e. Hinanap ko sa mga kahon ng sapatos, lagayan ng groseri, mga pahina ng libro, pero wala pa rin.
Umupo ako at nagpasalamat na nakarating kami ng ligtas. Naghanda ng kakainan namin ni Roy. Naghanda ng tutulugan ni Roy, kasi wala nga pala s’ya mahihigaan buti na lang ‘yung nadampot naming jacket ay binilot na table cloth pala kaya may mahihigaan na s’ya. Binanas na ako kaya pinasyang magpalit ng damit - doon ko nakita ang ATM kard.

Idinais ko sa dibdib ko yung kard at humiga sa sahig, parang nanghina ako talaga, nagpatirapa at umusal ng “Hindi na po mauulit, salamat sa pagtuturo”.

 Muntik-muntikanan na kong mawalan ng 11K.

Bes, SMP?

“Kapag pinalad po akong mahalal sa pwesto,
ay ipahuhukay ko pa s’ya mula sa Libingan ng mga Bayani”.
#roadtotrapo #stopthehate #neveragain

Kahapon ang deadline namin ng lahat ng Project Proposals para sa mga komunidad sa mga bayan ng Batangas. Simula Hunyo, pagbaba ko sa aking istasyon, sa Padre Garcia; sa tulong teknikal ni Tsang Lorie, sanlibo’t isang tasang kape ni Tita Nel, panalangin ng mga kaibigan, at sanlaksang biyaya ay nakakatha ako ng labing-isang (11) mungkahing proyekto na pangkabuhayan. Ito ang Shortlist ng Mungkahing Proyekto (SMP):

i-click para i-zoom
   Ang ilan sa mga proyekto ay naipasa na at nakapila na para sa implementasyon. Ang ilan ay nasa pagtatasa at pagrerebyu pa ng taas. Ang salaping gugulin ay magmumula sa regular fund ng DSWD na alinsunod sa General Appropriation Act of 2015. Napakaliit kung ikukumpara sa kabuuang budgetary allotment, ibig sabihin nag-underspending ako; pero sa’king pagtingin at panukat,  batay sa mga Ugnayang Panlipunang dinaluhan, ay matutugunan nito ang ilan sa mga totoong pangangailangan ng komunidad. Not really bad naman. 

   Para sa transparensi, bago matapos ang taon ay ia-upload ko sa Google Drive ang mga malambot na kopya (soft copies) ng bawat mungkahing papel nang masilip mo hanggang sa  particulars ng bawat proyekto. Diskusyonin, auditin, usisain mo ko tungkol sa mga proyekto basta holiday at sa ilalim ng higanteng payong ng isang mamahaling kapihan. At sagot mo, siyempre. Puwede ka rin namang maging pro-active at magbigay ng mga suhestiyon at panukala. Puwede ka ring mag-donate. Puwedeng-puwede ka ring mag-volunteer sa opisina ko, asar na asar kasi ako sa clerical jobs. Pero dapat sa mga gawain ng gobyerno, ang attitude mo ‘pakialamero’, kaya salamat sa pagbabasa nitong munting ulat.

   Ang ulat na ito ay para sa mga kaibigan kong nagtatanong ng “Anong ginagawa mo sa DSWD ... bukod sa mag-Facebook?” Ang ulat na ito ay para sa mga empleyadong nagtatanong ng “Where do my taxes go?” Ang ulat na ito ay para sa sarili kong nagtatanong ng “Bata, Bata, Bakit ka ginawa?” at “Ano bang ipinaglalaban ko?”

   Ang ulat na ito ay para sa’yo,”Bes, you deserve an explanation.



Delayed



Nang umuwi ako sa’min noong isang linggo, nahabag naman ako dahil wala masyadong pagbabago sa bahay. Makalat pa rin. Madilim pa rin. Delikado pa rin ang mga saksakan. Nahabag din ako sa kalagayan nina Tsaw-Tsaw at Dash-Dash dahil pareho nang giba ang mga bahay nila. May kaunting pagbabago pala, giba na ang aming katre dahil lugso na naman talaga na ito at binutas na ‘yung ding-ding namin para gawin na naming kwarto ‘yung dating tinutuluyan nina Tito Yuyon na barung-barong. Wala pa raw pambayad sa alwage at wala pa ring pambili ng materyales.

Lahat ng ito ay sinisingil sa’kin ni Mama. Bumili raw ako nito at niyan. Sabi ko ay utay-uaty lang at pagde-de latahin n’yo na naman ako ng dalawang linggo n’yan e. Halos dalawang linggo na nga akong walang almusal na kanin. Cupcake at coffee lang talaga sa umaga. Bumabawi na lang ako sa tanghali, minsan nga’y brunch pa. May babayaran pa naman akong laptop ngayong akinse.

Sinilip-silip ko ang tampipi ko. Hindi na aabot para sa lakad ko sa Sabado, pagdalaw kena Charm. Hindi na nga rin aabot na pangkain. Bibili pa ng A4 at isama mo pa ang printing at photocopy cost dahil pinagdadamutan na naman ako ng mga kaopisina ko sa baba. Tapos, nabalitaan ko na: Delayed ang sweldo namin.

Wala raw kasi ‘yung mga pipirma dahil may event at kakarating lang daw ng Cash sa Payroll. Hindi ko masyadong maabot-unawa ang validity ng dahilan na ‘yan. Kasi alam naman siguro ng Regional Office na may mga empleyado silang hindi robot at kailang kumain, mamasahe, magbayad ng bahay, tubig, at kuryente pati na ng insurance. Malinaw naman na ika-akinse at katapusan ang swelduhan.

Mga pag-aalala sa opisina kanina:

Kawani 1: Naku! Nakapangako pa naman ako sa tindahan na magbabayad ako sa Biyernes.
Kawani 2: Bertdey pa naman ni ano sa weekends, peram munang 1K.
Kawani 3: ‘Soli mo na lang sa’kin bukas. <*inabot ang ATM card> 5256 ang PIN, 10K laman n’yan ha. (Kahit 4K+ lang talaga)
Kawani 4: <*nakatingin lang sa tampipi>
Kawani 5: Hindi kami makakapag-date ni Baby Boy. <*sniff,*sob>


White House,
Dyord, Okt. 13,2016







Friday, October 7, 2016

Homerun


Ito ang isked ko ngayong araw:

ü  Magpunta sa Gawad Kalinga Village para sa Gabay-Kalinangan Community Garden
ü  Mag-print sa office ng Rehabilitation of Bawi Eco-Trail Proposal
ü  Dumaan sa aking financial manager para sa additional investments
ü  Pumunta ng tanggapan namin sa Lipa
ü  I-meet ang kaibigan sa 7-11 para magpa-install ng InDesign at Photoshop
ü  Umattend ng CCF Center para sa isang Family Development Seminar
ü  Umuwi at matulog

Minsan lang maiba ang mga plano ko sa isang araw at kasama ang plano na ito sa minsan na ‘yun. Hanggang sa opisina lang ako ng Lipa at hindi na nagawa ang iba pang nasa checklist. May di inaasahang pangyayari: naiwan ko ang susi sa loob ng bahay ko bago ko nai-lock. Ibig sabihin: hindi ko mabubuksan ang pinto.

Mabilis akong mag-troubleshoot e kaya marami agad akong steps na ginawa. Ganun lang naman talaga e, hindi ka papaasar sa biro ng buhay sa’yo. Sakyan mo lang ga.

Step 1: Tinanong ko si Caretaker kung meron ga s’yang duplicate. Ambilis ng sagot n’ya: WALA EH.

Step 2: Tinext ko si Mam Galela, landlady, kung meron s’yang duplicate. Antagal ng sagot at hanggang ngayo’y wala pa.

Step 3: Tinext ko si Tita Nel, livelihood worker, na patanong naman kay Mam Galela kung may duplicate s’ya. Mabilis sumagot si Tita Nel na wala ron ang Mam Galela at nag-half day.
Nag-half day si Mam Galela, municipal social worker/landlady, kung kelan naiwan ko ang susi ng bahay ko sa loob bago ko nai-lock. Parang nagbibiro ang buhay. Ibig sabihin; hindi ko na mami-meet si kaibigan, hindi na makakapagpa-install, at hindi na makaka-attend ng family development seminar dahil kailangan kong makitulog o di kaya’y umuwi sa’min. Makitulog na lang. Kailangan kong makitulog!

Step 4: Hanap ng matutulugan. Chinat ko si kaibigang imi-meet na hindi na ako matutuloy kasi kailangan kong maghanap ng matutulugan just for the night kasi baka kinabukasan pa maresolbahan ang susi kong na-detain sa loob ng apartment ng sarili nitong occupant. Sa kasawiang palad, di n’ya na-feel na baka puwedeng makitulog ako sa kanila.

Step 5: Tinext ko si Alvin. Pero sa opisina sa Lipa ko na lang sinabi sa kanya. Niyaya ko s’yang magsulat ng proposals sa kanila. May rereviewhin pa raw s’yang talk. Edi mag-review ka habang nagsusulat ako sa inyo. Mag-overtime na lang daw kami sa opisina. Sa kasawiang palad, di rin n’ya na-feel na baka puwedeng makitulog ako sa kanila.

Oks lang. Masyado rin naman kasing biglaan. Nakakahiya rin sa pamilya ni Bino. Dinadala na nga ang trabaho sa bahay, dala pa ang katrabaho. Mukhang sa kalye ako magpapalipas ng gabi. Sumabay ako kay Tsang Lorie, cluster monitor, papuntang sakayan. Nakuwento ko na dal’wat kalahating buwan na’kong di nauwi at natulog sa’min. Na nami-miss ko na ang aso ko. Na parang biro ng buhay na pinagsarahan ko ng pinto ang sarili ko. Ni-lock ko pa. “All happen for a reason, dear,” sabay tawa ng singkit na mata ni Tsang.

Step 6: Umuwi uli ako sa amin.