Friday, October 7, 2016

Homerun


Ito ang isked ko ngayong araw:

ü  Magpunta sa Gawad Kalinga Village para sa Gabay-Kalinangan Community Garden
ü  Mag-print sa office ng Rehabilitation of Bawi Eco-Trail Proposal
ü  Dumaan sa aking financial manager para sa additional investments
ü  Pumunta ng tanggapan namin sa Lipa
ü  I-meet ang kaibigan sa 7-11 para magpa-install ng InDesign at Photoshop
ü  Umattend ng CCF Center para sa isang Family Development Seminar
ü  Umuwi at matulog

Minsan lang maiba ang mga plano ko sa isang araw at kasama ang plano na ito sa minsan na ‘yun. Hanggang sa opisina lang ako ng Lipa at hindi na nagawa ang iba pang nasa checklist. May di inaasahang pangyayari: naiwan ko ang susi sa loob ng bahay ko bago ko nai-lock. Ibig sabihin: hindi ko mabubuksan ang pinto.

Mabilis akong mag-troubleshoot e kaya marami agad akong steps na ginawa. Ganun lang naman talaga e, hindi ka papaasar sa biro ng buhay sa’yo. Sakyan mo lang ga.

Step 1: Tinanong ko si Caretaker kung meron ga s’yang duplicate. Ambilis ng sagot n’ya: WALA EH.

Step 2: Tinext ko si Mam Galela, landlady, kung meron s’yang duplicate. Antagal ng sagot at hanggang ngayo’y wala pa.

Step 3: Tinext ko si Tita Nel, livelihood worker, na patanong naman kay Mam Galela kung may duplicate s’ya. Mabilis sumagot si Tita Nel na wala ron ang Mam Galela at nag-half day.
Nag-half day si Mam Galela, municipal social worker/landlady, kung kelan naiwan ko ang susi ng bahay ko sa loob bago ko nai-lock. Parang nagbibiro ang buhay. Ibig sabihin; hindi ko na mami-meet si kaibigan, hindi na makakapagpa-install, at hindi na makaka-attend ng family development seminar dahil kailangan kong makitulog o di kaya’y umuwi sa’min. Makitulog na lang. Kailangan kong makitulog!

Step 4: Hanap ng matutulugan. Chinat ko si kaibigang imi-meet na hindi na ako matutuloy kasi kailangan kong maghanap ng matutulugan just for the night kasi baka kinabukasan pa maresolbahan ang susi kong na-detain sa loob ng apartment ng sarili nitong occupant. Sa kasawiang palad, di n’ya na-feel na baka puwedeng makitulog ako sa kanila.

Step 5: Tinext ko si Alvin. Pero sa opisina sa Lipa ko na lang sinabi sa kanya. Niyaya ko s’yang magsulat ng proposals sa kanila. May rereviewhin pa raw s’yang talk. Edi mag-review ka habang nagsusulat ako sa inyo. Mag-overtime na lang daw kami sa opisina. Sa kasawiang palad, di rin n’ya na-feel na baka puwedeng makitulog ako sa kanila.

Oks lang. Masyado rin naman kasing biglaan. Nakakahiya rin sa pamilya ni Bino. Dinadala na nga ang trabaho sa bahay, dala pa ang katrabaho. Mukhang sa kalye ako magpapalipas ng gabi. Sumabay ako kay Tsang Lorie, cluster monitor, papuntang sakayan. Nakuwento ko na dal’wat kalahating buwan na’kong di nauwi at natulog sa’min. Na nami-miss ko na ang aso ko. Na parang biro ng buhay na pinagsarahan ko ng pinto ang sarili ko. Ni-lock ko pa. “All happen for a reason, dear,” sabay tawa ng singkit na mata ni Tsang.

Step 6: Umuwi uli ako sa amin.


No comments: