Sunday, October 30, 2016

Tatlong Tula

Pasasaan Ga?

Umaawit ng imno sa simbahan
Tatamis din ika’t pasasaan
Ngunit di makapalakpak o makawagayway
Maitaas ma’y tuong hirap
Mga kamay’ nanginginig na sa ngalay

Araw-araw na nilikha
Ay di masayang tunay
Wala nang marinig na kalansing sa bulsa
May panahong di na rin marinig ang musika
Mas malakas ang hampas ng daluyong
Mas mabilis ang ritmo ng pusong balisa
Kung saan lalambatin
Ang sunod na isusubong isda

Tatamis din ika’t pasasaan
Nasisilam na sa alat ng dagat
Na tila walang dulo
Ang sakit sa ulo!
Ng nakakapasong sikat
Natutuklap na ang sunog na balikat
Makakasagwan pa kaya
Ang mga kalamnang pinupulikat?

Ngunit laging tangan ang gabay
Na nabasa, napilas na’t niluma;
Wika ng minsang naglakad sa mga alon,
Wika ng minsang humati sa dagat,
Wika ng minsang nagpakati sa mga isda,
“Alat ay may wakas”
Parang ga'y-an

Pasasaan ika’t tatamis din
Mararating ang marilag na bayan
Sa pagsasagwan ay makakapagpahinalay
Muling makakasama ng mga nauna
Sa kabilang baybayin at magpapahinga

#



Bes, Bitawe


Bitawe na yaan
Di naman n’yan masasagutan
Ang malawak na patlang
Sa bituka’t baga mo

Nagkandudurog ka na nga
Hihiwain mo pa ng mga piraso
Ng bubog na nanggaling mismo
Sa plorera mong sisidlan sana
Ng magagandang mga bulaklak
Kahit na nalanata na’y
Nasa gunita pa ang mga kulay

Minanhid ka na nga ng kirot
Binulag ka ng ng pag-iisa
Sinarili mo ‘yang pagkabasag
Akala mo kasi kaya mong ikaw lang
Akala mo tatawanan at sasabihang “ok lang”
Akala mo pabigat ka masyado
Sa krus na dinadala ng mga nasa paligid mo

Tama, malaki ang mga krus namin
May myoma si Mama,
May nakakasuklam na gobyerno,
Naghanap pa ng sarili si bebe ko
Pero di ibig sabihin nun:
Wala nang espasyo sa balikat ko

‘Bes’
Di lang yan tawagan
Bitawe na yaan
Pagpage ang sarili
Isuot mo yung niregalo ko
At magkakape tayo.


Hulong!

#


Kaya ko naman pala
Mag-McDo nang mag-isa
Ipasyal ang sarili
Di ka na hanap lagi

Di ka na hanap lagi
Lumagay sa tahimik
Tahan na sa paghibik
May agwat na sa labi

Ikinasawi ko nga,
Ikinamatay ko ba?
Ikinalakas ko pa
Kaya ko naman pala!

Umaalab na puso
Maningas na damdamin
Hinding-hindi susuko
Sa pagtula't dalangin

#


Ang Tatlong Tula ay mga lahok sa  Saranggola Blog Awards 2016


No comments: