Saturday, October 15, 2016

Trip to Tiaong: Ang Nawawala at Ang Nagwawala

Trip to Tiaong: Ang Nawawala at Ang Nagwawala

Unang beses makikitulog si Roy sa White House. Hindi ‘yung sa US, kundi ‘yung sa PG. Sa Padre Garcia, sa inuupahan ko. Aalis din s’ya kinabukasan ng madaling araw para magtrabaho na muli sa Batangas City. Dalawang sakay na lang ‘yun mula sa White House.

Mula kena E-boy sumakay kami papuntang Bantayan kung saan naman kami sasakay pa’ ‘Garcia. Sabi ko, ako na ang bibili ng panghapunan namin. Hindi ko pa rin kasi s’ya nalilibre mula sa sweldo ko sa pagiging government employee. Pero mag-withdraw muna tayo kako kasi wala na akong cash.

Pagbaba namin sa may ATM, binuksan ko na ‘yung bulsa ng bag ko kung sa’n ko nilalagay ang ATM card ko. Wala ito ro’n. Kalmado pa rin ako. Baka nasa ibang bulsa o bahagi lang ng bag ko. Sinilip ko sa isa pang zipperan; pero wala pa rin. Kalmado pa rin pero bumibilis na ang paghahalwat ko. Baka naman nasa main bahagi ng bag ko, sa pinaka malaking zipperan! Halwat, halwat halwat; pero wala pa rin. Baka nasa dalawang bulsa sa tabihan; pero waley.

“Hala Roy! Nawawala ang ATM ko!!!”

Mag-relax lang daw ako at dahan-dahanin ko ang paghahalwat. Inulit ko lang ‘yung ginawa ko sa ikatlong talataan; naghalwat ako ng mas mabagal pero mas mabilis na ang tibok ng puso ko. Wala pa rin. Binulwas ko na lahat ng laman ng bag ko; pero wala talaga. Wala ro’n ang ATM card ko!

“Sigurado ka bang d’yan mo inilagay?”. Oo man! Siguradong-sigurado akong doon lang. Laging may luntiang kard sa bulsang ‘yon para madaling makita at kunin. Wala namang kukuha noon dahil galing ako sa simbahan. Simbahan namin at sa simbahan nina E-boy lang ako galing maghapon. Sabay naalala ko ang aking kulay abong ‘kikay kit’. Nasaan na ‘yun? Nilalagay ko rin kasi ro’n ang kard ko minsan. Naiwan ko sa banyo ng simbahan nina E-boy!

*kikay kit: shaver, sabon, shampoo, deo, tutbras, tutpeyst, pamango, minsan nandun din ang ATM kard

Minessage ko kagad si E-boy at Babes na babalik kami para sa kikay kit ko na naiwan sa banyo ng simbahan at pakitingin na rin kung may kard sa loob. Kinakabahan ako kasi baka wala naman sa kikay kit ko. Kinakabahan ako kasi kailangan naming maabutan ang last trip at gumagabi na. Ang tagal pang mag-reply ni E-boy at Babes. Ang tagal talaga ng lahat ng bagay kapag kailangang-kailangan mo na! Pabalik na kami ng Lusacan nang mag-reply si Babes na andun nga ang kit pero walang kard, with matching snapshot sent via FB messenger.

Parang naramdaman ko na ang hanging Amihan. Nanghihinayang na agad ako. Nagulat si Tay Noli na bumalik kami, e kakaalis lang namin. Mabilis kong ininspek ang banyo, walang kard, kahit sa basurahan. Mabilis ko ring inalog-alog ang kit, wala nga talaga. Nagtanong si Babes kung may pangkain pa ba ako, sumagot naman ako ng oo dahil naniniwala pa rin akong hindi ito nawawala at hindi ako mawawalan! Umalis din kami ni Roy agad.

Pabalik muli kami ng Bantayan. Pinakiusapan ko s’ya na s’ya muna ang sumagot ng hapunan namin. Nangangapa rin si Roy sa’kin kung paano n’ya aapuhapin ang matindi kong pag-aalala. Marami akong sana habang nasa dyip. Sana ikinain na lang natin ‘yun. Sana hindi na lang ako nagtipid ng sobra sukdulang magkalamares lang ako gabi-gabi. Sana ibinili ko na lang ng mga libro. Sana ibinili ko na lang ng Nintendo 3DS. Kasi sayang kung mawawala lang e.

Pagdating namin sa karihan sa Bantayan, pumili ako ng dalawang ulam. ‘Yung paborito kong kilawin na may sayote at adobong baboy na may taba. Na-stress ako e at si Roy naman ang magbabayad. Pagkabayad agad kong dinampot ang biyulin ko at ang jacket ni Roy baka madoblihan pa kami. Naabutan pa namin ang last trip. Sabi ko kay Roy, puwede rin namang naiwan ko sa White House ang kard ko at Harinawa. Ayokong magpakaasa-asa dahil baka masaktan lang din ako sa huli. Inabot ko na kay Roy ‘yung jacket n’ya. “Kanino ‘to?!”  Suot pala n’ya jacket n’ya. Suot ko rin jacket ko. Hindi pala sa’min ang jacket na ‘yun.

Sa byahe, iniisip ko na pera lang ‘yun. Pera lang. Maliit na bagay. Puwede ko pang kitain. Maibabalik pa. Marami pa akong blessings sa buhay na hindi pera in nature kaya sinubukan kong bilangin. Meron akong nauuwian at napapagpahingahan. Meron akong pamilya kahit palpakin. Meron akong mapagmahal na mga kaibigan. “Mahal ko naman kayo”sina Roy, Uloy, E-boy, at iba pa. Tawa nang tawa lang si Roy. Wala naman kasi talagang sa’kin e.Kasi isinasabay ko sa bilis ng takbo ng dyip ang proseso ko ng pagtanggap sa masamang biro ng buhay. Gusto kong mapadpad ng hangin ang panghihinayang at pagmamahal ko sa salapi bago kami bumaba.

Kung dumating man kami sa bahay at walang kard doon kahit na maipagtaktakan ko pa ang White House, ayoko nang magmukmok pa. Magtitipid pa rin ako at hindi dahilan ang minsang nawalan kaya nagbulagsak sa pananalapi. Mag-iipon na lang ulit ako. Hindi na ako magkakalamares dahil baka magkagalamay na ako paggising ko isang umaga. Magso-siomai naman ako gabi-gabi. Makakaipon ako ulit. Basta, hindi PERA ang nagpapaligaya sa buhay ko.

Bumaba naman kami ng Abbey Road ng magaan ang kalooban ko. Tanggap ko na kung anuman ang hatol ng inampalan. Kung naroon, edi salamat. Kung wala ro’n, edi salamat pa rin. Habang nililiban namin ang bakod dahil pinagpadlockan na kami ni Roy ng main gate, umaasa pa rin ako pero hindi ko kasi iniiwan talaga ang kard ko e. Hinanap ko sa mga kahon ng sapatos, lagayan ng groseri, mga pahina ng libro, pero wala pa rin.
Umupo ako at nagpasalamat na nakarating kami ng ligtas. Naghanda ng kakainan namin ni Roy. Naghanda ng tutulugan ni Roy, kasi wala nga pala s’ya mahihigaan buti na lang ‘yung nadampot naming jacket ay binilot na table cloth pala kaya may mahihigaan na s’ya. Binanas na ako kaya pinasyang magpalit ng damit - doon ko nakita ang ATM kard.

Idinais ko sa dibdib ko yung kard at humiga sa sahig, parang nanghina ako talaga, nagpatirapa at umusal ng “Hindi na po mauulit, salamat sa pagtuturo”.

 Muntik-muntikanan na kong mawalan ng 11K.

No comments: