Kung isasapelikula ang ginagawa ko ngayon sa opisina, 'Patayin sa Clerical Works si Barbara' ang magiging pamagat. Pang-indie film na walong oras ang haba. Ako ang bida, at ang scenes ay umiikot lang sa pagpi-print, pagpi-fill up, pag-i-stapler, at pag-e-encode. Challenging ang magiging editing, script, at ang cinematography. Nakikinikinita mo na ang vibe ng pelikula?
Boring.
Nakakaumay ang ginagawa ko ngayon. Para kasi ito sa accreditation ng mga benepisyaryo ng Kagawaran para maging Civil Society Organizations (CSO) sila. Meron itong 12 document attachments at tigdadalawang kopya lahat. Meron kaming 10 grupo ng benepisyaryo sa Padre Garcia. Nasa 250+ na A4 size ang fi-fill up-an. Nakakalungkot na directives lang ang ibinaba ng Central Office sa'min at walang kasamang A4 size paper. Kami na ang bumili. Kami na ni Tita Nel ang magfi-fill up para sa mga tao dahil baka magsala-sala pa ay lalo kaming maghirap sa papel at kumonsumo ng mas maraming oras sa pag-uulit. Pagkatipon namin sa kanila, pipirma na lamang sila.
Dapat kasi hindi na namin ito trabaho. May ahensya talaga ng gobyerno for Standards, para sa pag-aacredit ng mga CSOs, kaya lang kulang sila sa tao kaya ibinaba na sa'min ang pag-a-accredit ng mga grupo. Bakit daw kailangang gawing CSOs na yung mga grupo? Sa pagkakaalala ko ay para raw maprotektahan at masigurong may pinuntahan ang mga pondo na iginawad sa kanila simula 2016. Para hindi na raw maulit ang pork barrel scandal. So, iniisip ko na lang na ang pahihirap ko ay para maprotektahan ang public funds.
"It's a paper government"
-M.R. Spiegelman
Pero, nakakatamad talaga. Hindi ako ipinanganak para mag-encode at mag-fill up. Ang alam ko ay technical works at community engagements ang in-applyan kong trabaho. Hindi ako kumuha ng Professional-level sa Civil Service Commission para sa clerical works. Sirang-sira ang kaluluwa ko sa ginagawa ko ngayon. So, iniisip ko na lang baka maging mas matiyaga pa ako sa buhay sa ginagawa kong ito. Para sa pagpapaunlad talaga ng sarili ko ito. Pero...
Boring talaga, Bes eh.
Dapat ba mag-resign na ako at ituloy ko yung pangarap kong maging marine biologist at mag-scuba diving sa Mariana Trench? O sumama sa mga wildlife explorations at magsulat ng article tungkol sa mga newly discovered species? O sumulat ng ambahan at diona habang nagte-trek sa Himalayas? Kahit ano, wag lang mabagot. Hindi ako handang mamatay sa bagot para sa bayan.
Mas marami nakong nakausap na papel kaysa sa tao. Ano na bang papel ko sa bayan? Ang mag-asikaso nang mag-asikaso ng sandamakmak na papel? Sabi ni VP Leni, "people want to be served hand and foot". Pero ang masakit na katotohanan, 'yung kaliwa't kanang kamay at paa mo, nakapako na sa gabundok na papel.
No comments:
Post a Comment