Thursday, December 28, 2017

Ngayon na lang ulit

Nakatabig ako ng kape
Hindi nahulog ‘yung
tasa
Pero merong nabasag.
Alam ko
May                    nabasag.

Tama ‘yung timpla ko
Pero iba ‘yung pait
Sana’y naman sa barako
Pero may kabog sa dibdib
Kutsarang bumabatingting
Kinakanawang halo-halong durog,
Pinulbos.        Sinunog.

Malagihay sa lasa
At mayagasyas kung lunukin
Alam ko.
May nabasag

Ngunit di ko alam
Kung saan lilimutin.
#

Sunday, December 24, 2017

Disyembre 22, 2017





     Gumawa lang ako ng mga pa-thank you cards sa opisina kanina. Ibibigay ko sa mga malaki ang naitulong sa Programa na mga nanay; mga nakasama kong magbahay-bahay, maningil ng ayaw maghulog, mamertdeyan, mamiyestahan, at hanggang sa lamayan. Mag-iiwan na rin ako ng ilang pa-thank you cards sa piling mga katrabaho ko sa gobyerno. Ang daming dapat bigyan sa totoo lang, kaso kulang na ang specialty board ko sa opisina. Nagkamali pa ako ng lay-out at print. Tinigilan ko na rin muna nang mabadtrip ako sa pagsusukat. Kinuha ko lang din ‘yung papasko ni Mayora na payong, papasko ni Bokal na groseri, at papasko ni Mam Galela na polo shirt.

     Papunta na kami nina Mama at Rr sa Rob. Umuwi rin kase ‘ko sa’min kagabi. Nakita kong butane pa rin ang ginagamit namin. Lalo namang mahal ang gastos sa isang lata ng butane at paulit-ulit bumi-bumili sa isang buwan. Delikado na rin ‘yung burner ng butane. Isang maling saltik, parang masasabugan na ang kamay ng magsisindi ng apoy. Ang dahilan ni Mama kaya nagtitingi-tingi sa panglutong gas ay walang pambili ng bagong burner ng lpg. Ang labo rin ng mga 25 watts na ilaw. Kaya sabi ko ay sumama na sa’kin sa Rob kasi may passport appointment din naman ako.

     Bumili ako ng isang stainless steel na lpg burner at apat na led na bumbilya para sa bahay. Binilhan ko rin si Mama ng Mother Dear, ‘yung aklat ni Candy Pangilinan tungko sa pagiging isang nanay ng batang may special needs. Kumain kami sa di masyadong matao na kainan. Minsan lang sila kumain dito ni Rr. Tapos, nagpanghimagas kami sa isang coffee shop. Umorder ako ng isang barako cup kay Mama, Choco Java Chip frappe kay Rr, at ang all-time-favorite kong Vanilla Latte; matched with brownies at Ferrero cake. Ang nanay ko tumanong na nang tumanong ng presyo. Wala na tayong pambiling gasul n’yan. Pagka-serve ng order namin, pumiktyur na si Mama nang pumiktyur na parang nagfi-fieldtrip. Piktyur kay Rr. Piktyur sa kape. Gusto ko sanang sawayin si Mama kaya lang ang daming tao. Next time, mag-oorientation talaga muna kami.

     Naghiwalay kami sa sakayan ng dyip. Biyaheng Tiaong ang sinakyan nina Mama at biyaheng Garcia lang ang sinakyan ko. May ilang araw pa akong nalalabi sa upa ko sa bahay. Ihahanda ko lang lahat ng iiwanan ko sa Garcia at dadalhin pauwi. Maya-maya nang makarating na sila sa bahay, nag-text na si Mama; “Ang liwanag ng ilaw, pwd magbasa kahit sa kwarto”.

     Marami rin talaga akong babasahin pag-uwi.

#

Dyord
Disyembre 22, 2017
White House

Wednesday, December 13, 2017

Sa may Kalaw Ave


     Galing ako sa isang development congress na pakana ng isang unibersidad sa Maynila. Nagmatyag lang. Sumilip sa kung ano-anong ginagawa ng mga indibidwal at organisasyon para sa ekonomiya, human rights, health, environment; sa ikauusad ng mga buhay-buhay natin. Nailatag din ang Ambisyon 2040 na kontekstuwalisadong bersiyon natin ng SDGs.

     Pauwi, nagkarera ang apat na dyip na biyaheng Buendia. Sabado, kaya uwian. Nagkasabay lang ang para ng isang ale at red light sa may Kalaw Ave. Hindi pala ale ang pumara,  lola na. Sa gitna ng kalsada tumigil ang dyip kaya may kalayuan ‘yung tatawirin ng matanda. Iika-ika pa s’yang lumakad at nakabalikwas ang kaliwang paa. Nagpabalik-balik tuloy ang tingin ko sa bumababang bilang ng stop light at sa slow motiong naglalakad na matandang ubanin.

     Nakahinga lang ako nang makatawid ang matanda sa kabilang kalsada. Inalalayang makasakay uli ng dyip ng isang barker na may diskuwento na rin.

     

Sunday, November 19, 2017

It Has Been a While; mga 2 Months

‘yung blog entry title ‘yung tagal bago ako nakauwi sa’min na isang dyip lang naman ang layo.

Bigla na lang kaming nagkasalubong sa daan ni Nikabrik. Bulleted lang ang kuwentuhan at fast forward. Saka na lang tatasahin at pagdidiskusyunan kapag nasa kusina na kami nina E-boy sa Linggo. Magkasama na nga pala sa seminaryo ‘yung dalawa ni Uloy, kinain na ng langit. Ako naman daw ay kinain na ng ‘bayan’. Malapit na rin naman yata akong umuwi ‘for good’.

Hindi naman kung anong masamang hangin ang nag-pauwi sa’kin. Isang kilo ng Tapang Garciano mula kena Tita Rose ang nagpauwi sa’kin. Wala naman akong lutuan sa bahay. Wala rin akong ref. Naisip ko, dapat man lang matikman ito nina Mama at Rr. Isa pa, unti-unti na rin akong naghahakot ng mga aklat pabalik sa bahay.

Hindi pa naluluto ang tapa ay naubusan na kami ng butane. Kaya nagparikit pa si Mama ng apoy sa labas. Ma, mukha na tayong nagluluto ng pagpag. Ang dami pa ring tambak sa paligid ng bahay. Ang taas na ng basura na nasa may pinto pa rin. Ito ang mga headlines sa pamilya namin et. al.:

a. Na-ospital si Tito Yoyon. Sa Batangas City na ito nadala noong kabilang linggo dahil wala nang tumanggap na pampublikong ospital na malapit sa’min. Sa pribado naman, puno na ang mga isolation. Gandang-ganda sina Mama sa serbisyo sa Batangas Medical Center, maya’t maya nagra-rounds ang mga doktor. May kung ano-anong kulay daw na card ‘yung mga pasyente. Nagdamot pa raw si Ate Ellen, ‘yung kinakasama ni Tito, ng mansanas nung hingin ito ng pasyenteng taga-Isla Verde dahil pauwi naman na sila. Nagka-pneumonia rin si Ate Ellen dati. Grabe naman…blah…blah..tungkol sa kung gaano kalayo ang Isla Verde.

b. Si Vernon ay nasa Taguig na nagtatrabaho. Nagma-manage pa rin ito ng online RPG account ng mga koreano. Mas malaki raw kasi ang kitaan sa Taguig. Maingay na rin ang pamangkin kong si Puti at “bite” ang tawag sa kuya n’yang si Top-top. ‘yung pamangkin ko na ipinanganak na 7 months-old lang ay burok na ngayon. Nakalimutan ko ulit ang palayaw.

c. Nagkaroon ng trick or treat sina Rr sa Central. Pinagsuot lang ni Mam Aiza ng itim na kapa, damit, at pantalon, tapos pinulbusan, supremo na raw. Wag lang di makasali ang mga differently-abled (PWD) students sa school event. Inimbitahan si Mama na umattend ng pag-oorganisa ng samahan ng may kapansanan at ng mga magulang na may anak na may kapansanan. Hindi naman daw n’ya maiwan si Rr ng tatlong araw. Isipin n’yo’y kapag kayo’y wala na! At di natuto yang si Rr mag-isa. Kayo’y mag-a-attend ng mga seminar tungkol sa mga ganyan na alam n’yo ang mga karapatan at programa para natutulungan n’yo ‘yung ibang magulang…blah…blah…blah tungkol sa community organizing.

d. Baka mawalan na ko ng trabaho. Performance rating blah..blah…blah… Hanap na lang ulit kapag natanggal. Ano pa?!

e. Nakasulong naman ng pambayad kay Ate Carla. Pero hindi na nga raw naningil simula nang maospital si Tito Yoyon. Aba! Ma, utayin n’yo yan at nakakahiyaaaa…blah…blah…blah tungkol sa debt management. Nag-fund raising daw si Mama ng pampaospital mula sa mga kamag-anak, tumulong din ‘yung kanong boyfie ni Auntie Alet.

f. Palagi na lang ding naka-noodles at itlog sina Mama at Rr. Palagi na rin kasing kasali sa suweldo sina Vernon. Madalas, si Mama pang naghahagilap ng pambiling patuka sa mga manok ni Papa. Mas mahal pa ‘yung patuka kaysa inuulam n’yo. Mabuti naman at na-peste ang 5 manok namin. Peste pa more.

g. Nagsigawan si Val at si Mrs. D. Parang hindi pa nararamihan si Mama sa sariling agenda ng buhay namin.

h. Napagawaan na rin ng pader ang banyo. Kahit medyo sala ang lapat ng haloblaks. Pero problema pa rin ang mga saksakan. Ang labo pa rin ng ilaw. Parami nang parami ang tulo sa bubong. Humihiwalay na ang ding-ding na plywood.

Nasaan ka pala nung kabilang linggo? Tawag ako nang tawag, hindi ka ma-contact.

Nagbakasyon ako sa malayong norte. At gusto ko na uling magbakasyon.

#

Sunday, November 5, 2017

Paano Pasarapin ang Hawot?


Gumising ako kanina. Wala na si Mama. Buhay pa naman s’ya, nasa palengke lang at nagtitinda. Binulat ko lahat ng natatakluban sa kusina. Ito lang ang nakita ko: kanin at tinapa. Nagbungkal pa ako kasi baka may itlog man lang o kaya kamatis o kahit patatas. Pero wala talaga. Kanin at tinapa ang tanging katotohanan sa kusina.

Ano ‘yan? Maghapong nakatayo sa bangko ang tatay ko. Maghapong nagtitinda sa palengke ang nanay ko. Tapos, hawot lang ang ulam namin?! Gusto kong magreklamo pero hindi puwede kasi wala naman akong trabaho pa. Hindi na lang ako kumain bilang protesta.

So, nagbasa ako. Tapos, nagsulat. Tapos, naghugas ng pinggan, nagpakain ng aso, naglaba at nagsampay. Parang nagdidilim ang paningin ko at may sumusundot sa sikmura ko. Kaya nilamas ko ang bahaw nang kanin at habang sinasangag ng tutsang-tusta kasama ng bawang; ay gumawa ako ng sawsawan mula sa suka, patis, kalamansi, at asukal. Prinito ang hawot. Nagtimpla ng kape.

Parang lumamig ang hangin at nagliwanag ang paligid. Habang ibinuhos ko ang pagod sa sinangag at hawot ay sabay ring bumuhos ang ulan. Ang sarap matulog pagkatapos.


#



Dyord
Hulyo 22, 2015
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

Wednesday, November 1, 2017

Bahay-Bahayan


Kabiles.
Nagulat na lang ako
Nang magising, ‘and’yan ka na
Nababatak ang ‘yong mga bisig
Ng dalawang supot ng groseri
Natawa tayo nang mahulog
Ang mga de-lata
Kasabay ng…
Nahihiya akong banggitin
Pero alam natin

Nilapirat natin ang mga laman
May kung anong mga sangkap
Na nagpapasarap at nagpalagablab
Ng apoy. Init ng bagong timpla.
Masuyong ihinain
Gutom na nilamon
Pista ang bawat subo
Kahiya-hiya mang aminin:
Dinadaig ang bawat kabanata
Sa mga tabloyd sa terminal
Limang metro kwadrado ang daigdig

Matatapos ang lutu-lutuan

Kahit hindi pa ‘ko tapos magbilang
Maliwanag pa sa buwan
Na wala ka na sa likod.
Na wala ka na sa harap.
Uuwi ka na,

Ako, naghahanap pa.

 #

Dyord
Oktubre 15, 2017
White House


Saturday, October 28, 2017

Adult Things


       Noong nasa bahay pa ako, isa sa mga pinagbabangayan namin lagi ni Mama ay tungkol sa basura. Grabe kami lumikha ng basura sa bahay. Mukha kaming dropbox ng iba’t ibang sachet. At subra din sa li-it ang basurahang plastik na mas matanda pa yata sa’kin. Kaya naman bukod sa naglulungad sa basura ang maliit na basurahan, may mga nakasabit pang mga plastik-plastik ng basura sa pinto. 

Ito pa naman ang pinto na dinadaanan kapag papasok sa trabaho. Minsan matitisod mo pa ang ang mga basura. Kaya siguro lagi kaming magulo sa bahay dahil laging mga basura ang sumasalubong samin, paalis at pauwi. Simple lang ang process flow. (1) Itatambak sa may pintuan. (2) Itatapon sa ilog. Ano gang choice ng mga taga Sitio Guinting? Hindi naman kami hinahakutan ng trak ng basura.

Sabi ko kay Mama, mag-segregate kami. Bumili s’ya ng garbage bags. Ako ang magbibitbit sa palengke kapag napuno na.  Sabi ko kay Mama, bumili na ng botelya ng shampoo at kahon na lang na habon. Never na-implement ang proposed project ko hanggang sa ako na ang na-segregate sa bahay.

      Nagsarili na ako.

      Mga isang taon na akong nabubuhay nang mag-isa. Kahit ka-boardmate wala. Pailan-ilang ipis at maraming langgam lang ang kahati ko sa bahay.  Ilang lukso lang at opisina ko na. Keri naman ang upa. May maliit akong sala, kuwarto, kusina, at banyo; pero kahit maliit ay inaabot pa rin ako ng kalahating araw bago makalinis.  

      Bumili ako ng garbage bags. Mahirap ngang mag-segregate. Nakakatamad. So sama-sama na lahat sa loob ng itim na plastik; tirang ulam, panis na kanin, empty sachets ng shampoo, balot ng cupcakes, kape, at sitserya. Nakakapuno ako ng isang garbage bag sa loob lang ng isang linggo. Tapos, nagkakanas-kanas na yung bag kasi nga halo-halo na sa loob. At nakasabit s’ya sa pinto ng kusina.

Ilang beses ko ring naabutan ang basura ko na nasa kalsada. Siguro’y hinalwat ng aso. Mabuti, hindi ako natitiketan. Ayon sa lokal na ordinansa ng Padre Garcia, may multang aabot sa sanlibong piso at pagwawalis ng kalsada kapag nahulihan kahit ng isang plastik ng sitserya sa tapat ng bahay mo. Pero mga di iilang beses na naabutan ko ang basura ko sa labas ng basurahan.

Hanggang sa tinapat na ako ni Ate Cris, ‘yung nakatira sa unit C. Tinatanggal talaga ng kapit-bahay namin ‘yung basura ko sa basurahan. Ang usbaw lang. Pinili pa nilang nakakalat yung basura ko sa kalsada. Hindi naman kanila ‘yung basurahan dahil issued ‘yun ng munisipyo. Nang mag-umpisa naman akong magtapon ng basura sa kapit-bahay namin sa kanan, gumawa naman sila ng takip ng kanilang basurahan. Parang naghahanap talaga ng gulo yung mga kapit-bahay ko. Tumitiyempo pa ako sa hating-gabi para lang magtapon sa mga basurahang inaangkin nila. 

Nakakalungkot ang kausabawan ng mga kapit-bahay ko. Pero naisip ko dapat maging malay na rin ako sa paglikha ko ng basura. Wala kaming sariling land fill sa bayan ng Padre Garcia. Ibinabiyahe pa ang trak-trak ng basura sa kalapit na bayan ng Taysan at ayon kay Kuya Uwey, ang Municipal Envronment and Natural Resources Officer, ay nasa 11, 200 kgs ng basura ang nalilikha ng buong bayan araw-araw. At meron kaming dalawang garbage compactor. May mga pina-power trip pa si Mayor na baranggay kapag hindi pumipirma sa mga resolusyon ng sanggunian ang kapitan nila; hindi sila hahakutan ng basura.

     Malaking ambag sa basura ko ay may kinalaman sa pagkain. Nanghihinayang ako kapag napapanisan ako ng pagkain. Pinagtrabahuhan ko ‘yun e. Ako ang bumibili ng bigas at ang hirap mag-isip ng uulamin tapos mapapanisan lang ako. Para akong nagtatapon ng pera. Kaya ayun, hindi na ako nagluluto kung hindi naman siguradong makokonsumo.

     Kapag bumibili ako ng lutong ulam, laging naka-plastik labo. Kung ang almusal at hapunan ko’y lutong-ulam, sa isang buwan may 112 na plastik labo ako na itinapon. Dinodoble kasi ng manininda ang plastik labo. Hindi pa kasama ang meryenda. Kaya bumili na rin ako ng food containers para lalagyan ng biniling lutong-ulam. Plastik pa rin, pero at least hindi single-use.

Kahit kapag nagte-take out sa fastfood, nasisigawan ko minsan ang crew kapag papadalhan ako ng plastic na kutsara’t tinidor. Hindi sa dahil gusto ko s’yang sigawan, bigla ko lang naalala. Sa sobrang bahagi na kasi ng sarili ko ‘yung paglikha ng basura, hindi ko na namamalayang lilikha na pala kong muli. Kaya pareho kaming gulantang sa counter kapag bigla kong naalala na may war on (single-use) plastic na nga pala ako. Kahit ‘yung plastik na pantusok ng siomai, hindi ko na pinapaligtas.

     Iwinaksi ko na rin ang pagbili ng sachets ng shampoo at kape. Kumbakit kasi ito pa rin ang binibili ko gayong maramihan din naman ako bumili. Ang dami-dami lang ng nagiging basura ko. Ang hilig-hilig natin sa tingi-tingi. Kaya siguro lahat na lang puwede mong makuha sa loob ng sachet, free texts, facebook data, freebies sa fastfood, tuition fee, sasakyan, at milyong-milyong pa-premyo. Milyon-milyong basura rin ang nililikha natin.  

Ayon sa Greenpeace, kabilang ang Pilipinas sa Top 5 ASEANs na tumatapon ang plastik sa karagatan. Ayon naman sa pananaliksik ni Jenna Jambeck ng University of Georgia, kabilang ang Pilipinas sa Top 10 na bansa na may mismanaged na plastik. May 275 million tons ng plastik sa sea floor natin at taon-taon ay nadadagdagan ito ng 8 million metric tons. At sa 2050, tinataya ng pag-aaral ng Ellen Macarthur Foundation na mas mabigat na ang plastik sa karagatan kaysa sa mga isda. Hindi ko lang alam kung counted ang bigat ng mga balyena kasi mammals naman sila.

       Kumain kami sa isang sikat na kebab resto malapit sa  Areneyow (Ateneo). Nakaka-in love si ate mo gurl. Parang shiny na Pokemon, sobrang bihira. Nag-take out s’ya ng kebab at dinig ko ang kalampag ng food containers n’yang inilabas sa bag. Itinanong kung ihahalo na ba ang sauce. May hiwalay pa s’yang lalagyan ng sauce. Nakatalikod ako sa counter pero gandang-ganda ako sa kanya.

      “A little inconvenience could save the seas,” sigaw ng mga lalagyan n’ya ng pagkain.

#













References:
Jambeck, Jenna R. et. Al. (2010),  Plastic Waste Inputs from Land into the Oceans.
Greenpeace (2017)
Municipal Environment and Natural Resources Office of Padre Garcia, Batangas








Thursday, October 26, 2017

Ginugunaguna

   Pinatawag ko sina ‘Nay Juliet at Ate Nelly para sa mga papeles ng Gabay-Kalinangan, 'yung community garden namin. Balak kasi naming maglagay ng kubo malapit sa gulayan namin para magsilbing social space namin. Term ko lang ‘yung social space. Sa kubo kami mag-uusap-usap tungkol sa mga suliranin namin sa komunidad. Doon din kami mag-aaralan tungkol sa iba’t ibang farming systems at management practices. Doon din kami magtetenor ng mga naani sa gulayan. Doon kami magkakaroon ng storytelling para sa mga bata. Sa kubo rin manunuluyan ang mga volunteers para makitulong sa komunidad sa pagsasaka.

Pagkatapos namin sa mga attachments ng proposal ay niyaya nila ako sa bertdey ni Nanay Salve. Ipininid ko agad ang folder. Bukas na lang ituloy at tayo'y mamertdeyan na. Ano ba naman ang isang araw na delayed ang social service?

Si Nanay Salve ang pinaka kinikilalang nagmiminanda sa kapitbahayan. Nagmiminanda, parang community elder. Medyo matriarchal ang dinamiko ng Gawad Kalinga sa Padre Garcia. Nang minsang may pulong kami sa pargola, ay naka-emergency mode si Nay Salve dahil papaanakin n'ya si Ate Jocelyn. Puputulin na lang ang pusod nang dumating ang mga health workers. S'ya rin ang tagapamayapa, kapag may nag-aaway sa kapitbahayan. S'ya ang umaawat sa nag-aamok at saka lang tumatawag ng pulis kapag hindi na nakikinig sa kanya. Si Nanay Salve ay ekstensyon ng baranggay hall sa Gawad Kalinga, ang dami n'ya ring functions.

Ang huling tanim n'ya ay siling panigang. Ang yabong at marami ring naibunga ang mga siling panigang dahil na rin siguro sa palangiti si Nanay Salve. Ang sunod n’yang itinanim ay mani. “Ser, hindi n’yo natikman ang mani ko. Ampula-pula at maalat ng mani ko,” pagmamalaki n’ya nang may kasamang halakhak. 

Ngayon na lang ulit ako nakatikim ng laing. Ng totoong laing. Maanghang-anghang at may pritong baboy na lahok. Pinapatuyo raw muna n'ya ang gabi bago gawing laing. Hindi rin labsak ang pagkakalaing pero hindi rin naman tuyot. Nakatatlong bulos ako ng kanin. Hindi na ako maghahapunan nito.

Pinipilit nila akong ihatid pauwi pero hindi na ako pumayag. Hindi na naman naulan at humabol pa rin ang sikat ng araw kahit mag-aalas singko na.  Sobrang kahel ng sinag pero mahalumigmig ang paligid dahil kakabuhos lang ng ulan. Nakakatanggal ng pagod mula sa magaspang na araw.

Nagpalsak lang ako ng headset at nakinig sa playlist kong Shawn Mendes na umaawit tungkol sa mga pagbabago sa buhay. Ilang beses pa akong niyakag makiangkas ng mga dumaang traysikel pero sumasaludo lang ako para magpasalamat at tumanggi. Mas gusto kong maglakad.

Pagdaan ko sa umapaw na spillway, napatingin ako sa sapatos ko. Ngumiti at nilusong ang baha pero hindi naman angat sa bukong-bukong ko. Nang maramdaman ko ang lamig ng tubig, natawa ako ng malakas. Nilapitan ako ng batang nagbibisikleta at may tinanong pero hindi ko narinig dahil max ang volume ni Shawn Mendes, kaya nginitian ko na lang din s’ya.

Sinusubukan kong irehistro sa isip ko lahat ng pakiramdam ko ng hapong ‘yon at ng maraming magagaspang na araw ngunit tinapos ng lambing ng komunidad. Kakatanggap ko lang ng memo for non-renewal nung isang linggo.

Kakailanganin ko ring matutunang makalimutan ang lasa ng laing ni Nay Salve.

#

Sunday, October 22, 2017

Cluster Meeting


     Andine  mga workmates ko. Present si Tsang Lorie, Bino, Ate Ruma, Mam Mildred, at si Leanne. Absent si Tita Digs, masakit yata ang tuhod. Cluster meeting cum pajama party Binagoongan, litsong manok, tirang barbekyu kaninang lunch, tsitserya, at malamig na juice ang pinagkaguluhan namin. Kainan at kuwentuhan lang. Puro na lang daw kasi kami trabaho.

     “May baso ka?”, “May pinggan ka?”, ‘May basahan ka?”, “Nag-mop ka ba ng sahig?”, “Bakit amoy pera?”, “May patubig ka naman?”, “Mahalin mo naman ang bahay mo”, atbp. Nabulabog ang bahay ko nang isang gabi. “Bakit isa lang ang tsinelas mo?” “Bakit kulang ang kutsara mo?” Mag-isa lang naman ako kako. Ang lagay gusto pang ipamukha ng mga sobrang gamit na nag-iisa lang ako sa bahay/buhay. Na maghahanap ako ng kasama para may gumamit sa kanila.

     At dahil hindi kinaya ng rice cooker ko ang gutom ng cluster 4, to be continued ‘yung bulos namin. Madalas ding de lata at kung ano-anong ulam lang ang kinakain namin. Iba rin kasing kumain talaga kapag may kasama. Nanghiram pa ako sa kapit-bahay ng pitsel para sa juice dahil wala nga akong gamit. Sinamahan na ni Ate Cris ng malamig na tubig ‘yung pitsel.

    Ininspek nila ang kuwarto ko. Napansin ang unan ko. Ang review ni Tsang habang namimilipit sa tawa ay “nyuminyumieeeeeeekk tagyawaaaat hikhikhik”. Kahit hindi ko naintidihan kasi sabay lumabas yung hagalpak n’yang tawa’t punchline, napahagikhik na rin kami. Kapag ginamit mo raw yung unan ko’y hindi ka pa nagigising ay may tagyawat ka na. Kailangan ko pang i-explain na gusto ko yung amoy ko sa unan.  Sabi ko rin naman sa text na magdala sila ng bedding or else makakatabi nila sa pagtulog ‘yung shi tzu ko. “May aso ba si Jord?” sabi ni Leanne. Wala, unan at kumot lang.

     Nung bumisita nga si Liyow, sabi n’ya gusto n’ya rin ‘yung amoy n’ya sa unan at kumot n’ya. Na-relax pa nga ang feedback ni Liyow pagkauwi nila sa Pasig. Pero si Donj, sinabihan kami na mga lamog daw kami. Pero mahimbing naman ang tulog namin pare-pareho.

     Nagkakuwentuhan pa rin tungkol sa trabaho. Ipinakita ko ‘yung habing Ilokos na nabili ko sa Agri-Link. Nagulat sila sa presyo nang ipakita ko ang balabal. May mga habi-yist kasi si Ate Ruma sa Ibaan. Meron daw pala talagang naghahabi sa bayan nila, nawala lang nitong mga 1950s at akala nga nila’y tuluyan nang namatay ang sining na ‘yun. Pero nagulat sila nang may umusbong na grupo ng mga naghahabi nang magkaroon ng pahiram puhunan ang Sustainable Livelihood Program sa Ibaan. Buhay pa pala ang sining! Nanlaki ang mata ko dahil magandang istorya yaan, babaan natin para masulat!

     Nang bubuklatin na kung ilan pa ang balanse sa targets namin, pinigil ko na sila. Ang mag-usap tungkol sa targets, pahihiramin ko ng unan. Hanggang sa nauwi na sa mga kuwentong misteryo at katatakutan. Si Tsang ay nanaginip na may maikling buhok na babae na nakaakap sa kanya. Si Ate Ruma naman ay ikinuwento ‘yung dalawang kaso ng nawawalang buntis sa kanila sa Mindoro. na ‘yung isa, nakita sa Calamba pero wala nang bata sa sinapupunan. Pinaanak nang di n’ya alam. Pero ‘yung isang nanay, hindi pa rin nakikita hanggang ngayon. Hanggang sa umabot sa Do-ol at sa barang ang usapan.

     Pero nang ako na ang magkukuwento, ayaw naman ni Tsang; kung ayaw ko raw ako’y gisingin pa n’ya sa madaling araw kapag s’ya’y naiihi. Inis na inis pa ang tiya mo at ang tagal n’ya raw hinintay ‘yung tae n’ya ay umurong daw. E nag-iintroduction pa lang ako sa kuwento ko habang ako’y nagwawalis ng hihigaan nila at naglalatag ng kumot. “May alam ka ba rito na hindi naman alam?”. Ay ayaw namang ipakuwento. Matapos magsiligo ay kanya-kanya na silang hilata at hilik. Walang nanghiram ng unan o tumabi sa’kin sa pagtulog.

     Ang aga kong nakatulog. Siguro’y iba nga ring matulog nang may kahambugan muna. Nagisig kami ng bandang ala-sais. Si Tsang ay nagkusa nang magsalang ng malagkit at ako nama’y nagpainit ng pangkape. Nag-almusal kami ng champorado.

     Naipagwalis at lampaso ako ni Tsang. Naipaglipat ako ni Leanne ng ilaw sa banyo. Ang dami kong ulam. Ang dami ko ring shampoo at sabon. Dapat siguro’y magpa-meeting sa White House linggo-linggo for good housekeeping.

#
Dyord
Oktubre 20, 2017

White House

Thursday, October 19, 2017

Oktubre 19, 2017


     Nabawi ko na ‘yung maayos na tulog nung last month. Hinahabol ko na naman yung antok ngayong huling tatlong araw. Siguro dahil nafu-frustrate lang ako sa tinatakbo ng kalendaryo at monthly goals ko. Pakonti nang pakonti yung mga araw pero hindi dumadami yung natse-tsekan sa to-do-list ko. Last month naman halos na-tsekan ko lahat. Ngayon, ang dami lang talagang hindi inaasahang kumain ng mga araw ko.

     Self-forgiving naman na ako. Ganun naman talaga hindi ko matatapusan lahat ng gusto kong matapusan. O e di sa susunod na buwan. O di kaya sa susunod pa. Lalo lang akong papagurin ng pagpupumilit maghabol. Lalo lang mahahapo nang walang nararating. Mahirap lang talaga sigurong matutunang gawin ang mga bagay-bagay nang paisa-isa lang.

     Kanina, bigla ko na lang inayang magkape si Uloy. Hindi lang kami magkaintindihan sa pagsasangat ng kalendaryo n’ya sa kalendaryo ko. Akala mo mga artista. Tapos, nagpaalalang konting minuto na lang bertdey na raw n’ya. Kaya pala. 

     Sana kaya rin naman.

   

Wednesday, October 18, 2017

Botelya-Barya (Bughaw)


     Meron akong apat na coin jars, mga botelya para sa barya. Lahat ng natitipid ko sa aking baong pangdalawang linggo (biweekly allowance) na mga baryables ay nahahati sa dalawang botelya, sa bughaw at sa dilaw. Lahat naman ng natipid ko na papel ay nahahati sa natitirang dalawang botelya pa, sa pula at lila.

     Dapat ang cash on hand ko bago ko withdraw-hin ang dumating na suweldo, hangga’t maari ay Php 0.00. Kumbaga, kailangan liquidated muna kumbaga sa gobyerno. Alam ko dapat lahat ng pinuntahan ng pera ko hangang kapiso-pisuhan. Tapos, panibagong budget na naman ako.

     Minsang bumisita si Mama, hinuho ko na yung bughaw na botelya. “May Puhunan” ang label ng bughaw na takip. Dito napupunta ang lima at sampum pisuhin. At sa loob ng sampung buwan ay nakaipon naman ako ng Php 540. Nasa lima’t kalahating dosena rin ‘yun ng Kopiko Twin Pack na tinitimpla ni Mama para sa mga nagbubulante sa madaling araw. Tamang-tama raw dahil pinasalubungan s’ya ng kaibigan n’ya mula Qatar ng termos na may gripong di-pindot.

     Conditional cash transfer ang ibinigay kong mga barya. Kailangang itala ni Mama ang araw-araw n’yang benta sa maliit na notepad na binigay ko sa kanya. Kailangan ding magbigay sa’kin ng Php 100 sa katapusan ng buwan bilang savings. Pero duda ako kung kakayanin ngang magbigay buwan-buwan, baka ibaba ko na lang ng Php 50 kada buwan.

     Gagawa kasi ako ng bagong botelya, ang aming travel bottle.

Sunday, October 15, 2017

Bumili ka ng Utak: Spotting a Fake News

When in doubt, fact check.

Dati natatawa pa ako kapag may kumakalat na fake news. Seryoso ba, may napaniwala 'yung article na 'to? Pero ngayong hanap-buhay na rin ang pagsusulat ng fake news, nakakabahala na 'yung pagkabulag ng marami. Hindi na healthy na malamang maraming Pinoy ang sobrang busy. Sobrang busy para magtimbang-timbang. Kaya ito ang ilang tips para hindi ma-turn off si crush dahil lang nag-like o nag-share ka ng fake news:

1.) I-tsek ang By-line.  Sino ba ang sumulat? Dating sexy starlet? Anonymous blogger? I-research muna kung may scandal ba s'yang kinasangkutan dati. May pangalan ba s'yang nakataya? Gaano ba s'ya ka-credible sa paksang sinusulat n'ya? Timbangin kung bakit kaya n'ya sinulat ang article.

2.) I-tsek ang About Us (Kahit walang tayo). Tungkol saan ba ang blog/page/website? Balita ba talaga ang inilalathala nila? Kailan sila nagsimula? This past eleksyon lang ba? Urirating mabuti kung sino ang sponsors ng page. Sino-sino ang nagla-like at nagshe-share, may totoo ba silang profiles? Ngayon, kung sa sukat mo'y magka-utak talaga kayo, sige lang, i-share mo.

3.) I-review ang definition ng news. Ang balita ay lathalain tungkol sa mahalagang pangyayari. Hindi nag-oopinyon ang balita. Hindi rin naglalarawan. May pagpapahalaga sa akyurasi ng mga datos. Ang balita ay may sources, hindi puro raw at daw. At lalong higit, hindi nagnanakaw ng larawan mula sa iba pang balita. Kahit sa blog, responsable pa rin ang manunulat para sa kahit anong inilalathala n'ya.

4.) Basahing mabuti. Kahit masama 'yung content. Kung responsable talaga ang manunulat, maayos ang grammar; nasa Ingles man o Filipino 'yung fake news. ABUSADO PA MINSAN SA CAPSLOCK AT EXCLAMATION POINT!!!!!!!!!!! Minsan may emoticons pa kasama ng mga mura. Ang sakit -sakit sa mata! Fake news na nga ayaw pang ayusin. Pumasa ba kayo sa Sulating Pormal?! Kaya magtataka ka kung bakit ang daming nagbabasa at nagpapakalat.

5.) When in doubt, fact check. Kung hindi ka sigurado, magbasa sa ibang news sites. Alisin ang 'bayarang media' mentality. Kung may bayarang media, pangalanan aling pahayagan at sinong nagbayad. Kung wala, trash talk lang ang 'bayarang media'. Huwag basta maniwala sa mga YouTube videos. Mas maraming news sites na nagbalita, mas kapani-paniwala.

6.) Choose your battles. 'wag ka nang mag-engage sa pakikipagsagutan sa comment section. Feeling ko nakakapag-generate ka pa lalo ng income para sa mga fake news writers kapag mataas ang post engagements nila. Pinaka mainam na i-report ang mga fake news sites and posts. Sa Facebook, i-click ang "v" icon sa bandang kanan ng post. I-click ang report. Tapos, "I think it shouldn't be on Facebook". Tapos, "It's a false story". Puwedeng i-hide lahat ng posts sa site na 'yun or permanently i-block mo na sila. Gutumin mo 'yung mga fake news writers.

7.) I-tsek ang emotional faculties mo. Namuhi ka lang ba lalo sa mundo or sa ibang tao after mong mabasa 'yung article? Ngayon, kung nagalit ka lang at wala ka nang napulot sa article baka hindi na healthy na magbasa nang magbasa pa mula sa site na fina-follow. Kadalasan, fake news ay trigger ng galit at harsh na reaksyon, 'yun lang bukod sa kinokondisyon ka sa mga maling pinagmumukhang tama.

Kung may kaibigang nagpapakalat ng fake news. Warn her out of concern. Wag iparamdam na tanga s'ya. Baka biktima lang, dahil too busy para mag-research. Never lose a friend over a shared fake news. At kapag marunong ka nang mag-spot ng fake news, baka i-unblock ka na ni crush. Ayiii!

Yours trolly,

Dyord
Oktubre 14, 2017
White House

#