When in doubt, fact check.
Dati natatawa pa ako kapag may kumakalat na fake news. Seryoso ba, may napaniwala 'yung article na 'to? Pero ngayong hanap-buhay na rin ang pagsusulat ng fake news, nakakabahala na 'yung pagkabulag ng marami. Hindi na healthy na malamang maraming Pinoy ang sobrang busy. Sobrang busy para magtimbang-timbang. Kaya ito ang ilang tips para hindi ma-turn off si crush dahil lang nag-like o nag-share ka ng fake news:
1.) I-tsek ang By-line. Sino ba ang sumulat? Dating sexy starlet? Anonymous blogger? I-research muna kung may scandal ba s'yang kinasangkutan dati. May pangalan ba s'yang nakataya? Gaano ba s'ya ka-credible sa paksang sinusulat n'ya? Timbangin kung bakit kaya n'ya sinulat ang article.
2.) I-tsek ang About Us (Kahit walang tayo). Tungkol saan ba ang blog/page/website? Balita ba talaga ang inilalathala nila? Kailan sila nagsimula? This past eleksyon lang ba? Urirating mabuti kung sino ang sponsors ng page. Sino-sino ang nagla-like at nagshe-share, may totoo ba silang profiles? Ngayon, kung sa sukat mo'y magka-utak talaga kayo, sige lang, i-share mo.
3.) I-review ang definition ng news. Ang balita ay lathalain tungkol sa mahalagang pangyayari. Hindi nag-oopinyon ang balita. Hindi rin naglalarawan. May pagpapahalaga sa akyurasi ng mga datos. Ang balita ay may sources, hindi puro raw at daw. At lalong higit, hindi nagnanakaw ng larawan mula sa iba pang balita. Kahit sa blog, responsable pa rin ang manunulat para sa kahit anong inilalathala n'ya.
4.) Basahing mabuti. Kahit masama 'yung content. Kung responsable talaga ang manunulat, maayos ang grammar; nasa Ingles man o Filipino 'yung fake news. ABUSADO PA MINSAN SA CAPSLOCK AT EXCLAMATION POINT!!!!!!!!!!! Minsan may emoticons pa kasama ng mga mura. Ang sakit -sakit sa mata! Fake news na nga ayaw pang ayusin. Pumasa ba kayo sa Sulating Pormal?! Kaya magtataka ka kung bakit ang daming nagbabasa at nagpapakalat.
5.) When in doubt, fact check. Kung hindi ka sigurado, magbasa sa ibang news sites. Alisin ang 'bayarang media' mentality. Kung may bayarang media, pangalanan aling pahayagan at sinong nagbayad. Kung wala, trash talk lang ang 'bayarang media'. Huwag basta maniwala sa mga YouTube videos. Mas maraming news sites na nagbalita, mas kapani-paniwala.
6.) Choose your battles. 'wag ka nang mag-engage sa pakikipagsagutan sa comment section. Feeling ko nakakapag-generate ka pa lalo ng income para sa mga fake news writers kapag mataas ang post engagements nila. Pinaka mainam na i-report ang mga fake news sites and posts. Sa Facebook, i-click ang "v" icon sa bandang kanan ng post. I-click ang report. Tapos, "I think it shouldn't be on Facebook". Tapos, "It's a false story". Puwedeng i-hide lahat ng posts sa site na 'yun or permanently i-block mo na sila. Gutumin mo 'yung mga fake news writers.
7.) I-tsek ang emotional faculties mo. Namuhi ka lang ba lalo sa mundo or sa ibang tao after mong mabasa 'yung article? Ngayon, kung nagalit ka lang at wala ka nang napulot sa article baka hindi na healthy na magbasa nang magbasa pa mula sa site na fina-follow. Kadalasan, fake news ay trigger ng galit at harsh na reaksyon, 'yun lang bukod sa kinokondisyon ka sa mga maling pinagmumukhang tama.
Kung may kaibigang nagpapakalat ng fake news. Warn her out of concern. Wag iparamdam na tanga s'ya. Baka biktima lang, dahil too busy para mag-research. Never lose a friend over a shared fake news. At kapag marunong ka nang mag-spot ng fake news, baka i-unblock ka na ni crush. Ayiii!
Yours trolly,
Dyord
Oktubre 14, 2017
White House
#
#
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2017
No comments:
Post a Comment