Pinatawag ko sina ‘Nay Juliet at Ate Nelly para sa mga papeles ng Gabay-Kalinangan, 'yung community garden namin. Balak kasi naming maglagay ng kubo malapit sa gulayan namin para magsilbing social space namin. Term ko lang ‘yung social space. Sa kubo kami mag-uusap-usap tungkol sa mga suliranin namin sa komunidad. Doon din kami mag-aaralan tungkol sa iba’t ibang farming systems at management practices. Doon din kami magtetenor ng mga naani sa gulayan. Doon kami magkakaroon ng storytelling para sa mga bata. Sa kubo rin manunuluyan ang mga volunteers para makitulong sa komunidad sa pagsasaka.
Pagkatapos namin sa mga attachments ng proposal ay niyaya nila ako sa bertdey ni Nanay Salve. Ipininid ko agad ang folder. Bukas na lang ituloy at tayo'y mamertdeyan na. Ano ba naman ang isang araw na delayed ang social service?
Si Nanay Salve ang pinaka kinikilalang nagmiminanda sa kapitbahayan. Nagmiminanda, parang community elder. Medyo matriarchal ang dinamiko ng Gawad Kalinga sa Padre Garcia. Nang minsang may pulong kami sa pargola, ay naka-emergency mode si Nay Salve dahil papaanakin n'ya si Ate Jocelyn. Puputulin na lang ang pusod nang dumating ang mga health workers. S'ya rin ang tagapamayapa, kapag may nag-aaway sa kapitbahayan. S'ya ang umaawat sa nag-aamok at saka lang tumatawag ng pulis kapag hindi na nakikinig sa kanya. Si Nanay Salve ay ekstensyon ng baranggay hall sa Gawad Kalinga, ang dami n'ya ring functions.
Ang huling tanim n'ya ay siling panigang. Ang yabong at marami ring naibunga ang mga siling panigang dahil na rin siguro sa palangiti si Nanay Salve. Ang sunod n’yang itinanim ay mani. “Ser, hindi n’yo natikman ang mani ko. Ampula-pula at maalat ng mani ko,” pagmamalaki n’ya nang may kasamang halakhak.
Ngayon na lang ulit ako nakatikim ng laing. Ng totoong laing. Maanghang-anghang at may pritong baboy na lahok. Pinapatuyo raw muna n'ya ang gabi bago gawing laing. Hindi rin labsak ang pagkakalaing pero hindi rin naman tuyot. Nakatatlong bulos ako ng kanin. Hindi na ako maghahapunan nito.
Pinipilit nila akong ihatid pauwi pero hindi na ako pumayag. Hindi na naman naulan at humabol pa rin ang sikat ng araw kahit mag-aalas singko na. Sobrang kahel ng sinag pero mahalumigmig ang paligid dahil kakabuhos lang ng ulan. Nakakatanggal ng pagod mula sa magaspang na araw.
Nagpalsak lang ako ng headset at nakinig sa playlist kong Shawn Mendes na umaawit tungkol sa mga pagbabago sa buhay. Ilang beses pa akong niyakag makiangkas ng mga dumaang traysikel pero sumasaludo lang ako para magpasalamat at tumanggi. Mas gusto kong maglakad.
Pagdaan ko sa umapaw na spillway, napatingin ako sa sapatos ko. Ngumiti at nilusong ang baha pero hindi naman angat sa bukong-bukong ko. Nang maramdaman ko ang lamig ng tubig, natawa ako ng malakas. Nilapitan ako ng batang nagbibisikleta at may tinanong pero hindi ko narinig dahil max ang volume ni Shawn Mendes, kaya nginitian ko na lang din s’ya.
Sinusubukan kong irehistro sa isip ko lahat ng pakiramdam ko ng hapong ‘yon at ng maraming magagaspang na araw ngunit tinapos ng lambing ng komunidad. Kakatanggap ko lang ng memo for non-renewal nung isang linggo.
Kakailanganin ko ring matutunang makalimutan ang lasa ng laing ni Nay Salve.
#
No comments:
Post a Comment