Tuesday, March 30, 2021

p*cha, Lord! Thanks!

ilang gabi na akong hindi agad makatulog. ang daming nangyayari. paisa-isang nanalo ng grants para gastusan ang advocacy na luho na naming mag-ina. luho talagang mag-adbokasiya sa Pilipinas, lalo na sa panahon ng krisis. sa mga nakalipas na buwan kasi tadtad ako ng rejection emails at paulit-ilit na iniisip kung ano ba 'tong ginagawa ko sa buhay. may mga gising na pakiramdam ko ay isa akong mababang uri ng slime, tipong lvl 1 spawn. at may mga gabi namang boss level na hindi ako makatulog dahil ang dami kong gustong gawin habang marami ring nangyayari. kaya minsan intensyonal akong nagmamabagal; bilang pasasalamat. malakas 'yung buga ng cortisol sa daloy ng dugo kada makakatanggap ng rejection emails at grabe rin naman ang buga ng dopamine at adrenaline kada may congratulations emails. biglang mapapaigtad at walang pag-iisip na masasambit mo ang mahabaging langit kahit tatlong salita pa lang ng email ang nababasa mo. magkaiba ang antas ng pasasalamat sa bawat pagtanggi at pagtanggap, pero parehong bahagi ng proseso ng multiberso na hindi mo mamapa ang daloy. walang piho kung kailan dapat sumabay o lumaban sa agos dahil hindi mo rin alam kung saang dimensyon ka pupulutin. kaunti na lang at maaari na uli akong umupo para makapaglakbay sa mga kalawakang labas sa lumilimitang pisikal na mga batas. hindi ko na alam ang sinasabi ko, saglit lang ang gumuhit sa lalamunan ang mga pagkapanalo; hayaan n'yo  na kong malasing. cheers?!

rakets1.f

yoko na, sakit na ng bungo ko. isang kendeng na lang e. ughh.

hindi ako namo-motivate ng malaking bayad or pera in general.

tumawag si boss consultant kahapon, kung anong oras ko raw mapapasa. 

anong oras ng evaulation bukas? tanong ko.

natawa si boss. 9am. okay sir. kaya naman.

sino ang mag-eeval? mga big boss na 'yun sabi ni boss.

mapapagalitan si adonis kapag wala sabi ni boss.

si adonis ang nagreto sakin sa raket.

ayokong mapahiya s'ya at mapahiya ako.

okay, motivated na ako.

bakit sanay tayo na tinutulak ng takot mapahiya?

halatang sanay sa mapagpahiya at mapag-alipustang kultura ng trabaho.

napasa ko ang output by 9:03am.

'yoko na talaga. haha.


Sunday, March 28, 2021

sarado muna

Okay.


Pinapaalis na yung non-profit sa bldg. Sa lgu kasi naman talaga 'yung lupang kinatitirikan ng conservation center. Binabawi na nila matapos ang halos isang dekadang paghawak ng non-profit. Kaya ako talaga hinire ay para tahiin ang lgu-ngo partnership para sa susunod pang 3 taon. Eh nag-apply pa nga ako ng 12 years na partnership!


Ayun, hindi kami na-renew at may planong proyekto na ang lgu para sa center. Sa gobyerno naman talaga 'yung lupa at maganda rin naman na bigyan sila ng pagkakataong mamahala. Ayaw naman natin ng may monopolyo sa galing.


Siyangaps, mag-iisang taon na ako sa non-profit sa Oktubre at balak ko i-turn over 'yung center pabalik sa gobyerno sa anibersaryo ng pagkaka-hire sa'kin. Hindi ko natahi ang relasyon nila tapos parang may pa-farewell party pa para sa center.


Agosto, 2019



matapos ang isang taon ng di pa natatapos na pandemya.


tumawag sa'kin si Ms Jane na dating kaopisina sa non-profit. una s'yang nag-resign sa'kin pero una akong nawala. tawang-tawa na agad kami sa buhay namin wala pa kaming napapag-usapan sa pagsagot ko pa lang sa tawag. isa sa mga balita n'ya ay mamahinga muna ang tanggapan ng non-profit namin simula sa Hunyo.


nagyayaya raw si Ms Ann, dati naming boss, na mag-camping at manood ng mga bituin siguro.



Marso, 2021

Ito na Yata ang Ibig Sabihin ng Pagbangon

umuwi ako isang gabi galing sa pagtambay kena Song. pagbuklat ko ng kaserola, "uy sinigang!" nakakabawi na yata kami mula sa krisis. sinandok ko ang kanin at ibinubo ko ang lahat ng sabaw ng sinigang sa kaunting kanin. akala ko karneng baboy pero isang gayat lang pala ng manok at sandamakmak na gabi. pero mahal din ang gabi ha. pagsubo ko, nalasahan ko ang alon sa dalampasigan ng La Union. wala nang ibang kanin, wala na ring ibang ulam, kaya inubos ko na lang ang tubig-dagat na sabaw ng sinigang. 

kinaumagahan, pagdaan ko sa palengke sabi ko kay Mama: "Ma, 'yung sinigang n'yo.." hindi na nya ako pinatapos at sinabi ni Mama na "sobrang alat di ga?"  aba'y oo. 

Friday, March 26, 2021

rakets2.b

at yun nga, hindi ko itinuloy ang trabaho. kanina nag-send na ako ng email to formally withdraw my application. nalaman kong may kinakalabit na mga tali ang dati kong boss na tinerminate ako tatlong araw bago s'ya mag-assume ng opisina, yup nalason ako kahit hindi kami nagkita sa opisina. hindi ko kaya ang ganoong uri uli ng polusyon kahit bakas na lang ng amoy nya lalo na't iba magtrabaho ngayong may pandemya, hindi mo na gustong idagdag pa ang pang-opisinang teatro. kahit na maingat na kinalabit ang mga pisi, mabilis ding nakarating sa'kin ang mga pagbagting. palalagpasin na rin muna ito, pasasaan ba't makakatalang uli tayo. marami pang raket d'yan.

Thursday, March 25, 2021

puwesto

 sa bulante lang dati ang puwesto ni Mama sa palengke. isang maliit na barung-barong: kapihan ng mga nagbabagsak ng gulay at prutas sa bagong palengke ng Tiaong. may lumang palengke ang Tiaong na ilang beses nang sinubukang ipasara pero naharang ni tulfo. ang puwesto ang tumulong magpatpos sa'kin sa kolehiyo. ito ang nagpalabas sa mga pamangkin sa ospital. ito ang himpilan ng iba pang mga magulang na may anak ring may natatanging kondisyon. kainan ng mga may natatanging kondisyon na gumagala-gala sa palengke.


hanggang sa giniba ng bagong meyor ang ang mga barung-barong na bulantihan at itinabi sa dry goods. hindi na nga naman nanlilimahid ang itsura ng mga puwesto ng gulayan. pero nalula lahat sa presyo ng bagong puwesto, 75K ang bayad para sa rights ng bagong 5x5 m na puwesto sa palengke. bukod pa ang tiket na 30 pesos araw-araw. umaray ang mga manininda at nagreklamo. madali namang kausap ang munisipyo, "kung aayaw sa presyo ay maraming iba na gustong pumuwesto." dumelihensya ang mga manininda, kasama na si Mama. nagmistulang APEC summit ang puwesto ni Mama dahil sa iba-ibang lahi na nagpapautang na dumadaan sa tindahan para sa araw-araw, makal'wahan o lingguhang hulog. kada transakyon ay naglilista sa maliit na neon notes. ang titingkad ng kulay ng mga neon notes ni Mama. sa loob ng anim (6) na taon, hindi nahustuhan ang bayad sa puwesto, hindi rin nakakakuha ng permit dahil kailangan nga munang hustuhan ang puwesto.

taon-taong kinakabahan na paaalisin na 'yung mga kulorum; mga walang permit. kahit pa nakakal'hati na sa bayad sa puwesto. nauunsiyami ang pagpapaalis kapag nagpipiket ang mga manininda sa harapan ng munisipyo. umasa na lang ang mga manininda sa pagpapaliban kung eleksyon. pero ngayong taon, iniligtas ang pananatili sa mga puwesto ng pandemya. noong umpisa ng kwarantin, mga may permit lang ang pinayagang magtinda. nasa bahay lang kaming lahat, buong pamilya kasama ang mga pinsang sina Idon at Uwe. hindi namin alam kung gaano katagal tatagal ang mga ayuda o kung hanggang saan aabot ang kaunti kong ipon. bago pa magkaubusan, nakabalik sa puwesto sa palengke si Mama kasa-kasama si Uwe dahil dagsa ang mga mamimili sa kakaunting puwestong may permit. ang puwesto ang bumuhay sa'min ngayong pandemya.

pinapaupahan ni Mama ang sariling puwesto kay Ate Carla, kapwa bisaya na magpuprutas. nakapuwesto ang kapihan sa harapan ng gawaan ng lumpia wrapper na puwesto naman ni Madam. Si Madam ay na-lockdown sa Cebu matapos ang Southeast Asian date nila ng jowang kano. si Mama ang humawak ng wrapperan sa kondisyong mapakain man lang si Tangkad, pamangkin ni Madam, na tagaluto't masador. kahit mautay-utay na rin ang ilang  utang ni Madam sa Tiaong. kahit papano bukod sa kape't lumpia wrapper ay may passive income si Mama sa upa ni Ate Carla kaya nakakapagpadala pa sa mga apo n'ya sa San Pablo ng mga pagkain, prutas at gatas lalo na noong nawalan ng trabaho ang kapatid ko sa elektroniks.

noong pandemya, kay Mama rin nagpapabili ang mga kumare n'yang nasa strong lockdown at napakalimitado ng paglabas. ihahatid n'ya pa ang pinamili sa boundary ng baranggay dahil hindi nga pinapapalabas ng baranggay ang mga residente kahit iisa lang ang naging kaso. sa puwesto rin dinaraanan ng mga magulang ang modules ng special education ng Recto dahil namamalengke rin naman ang mga magulang.  sa puwesto rin iniiwan ng mga kaibigan ang mga lutong-ulam, gulay at prutas na mula sa kanilang ani, minsan nga may sariwang gatas pa ng baka. sarado ang puwesto namin kapag mamimigay sina Mama ng ayuda, may medical mission o dadalaw sa mga magulang o may kapansanan na may sakit kasama ng maliit na non-profit sa bayan. 

noong maaari nang lumabas, sa palengke ako nag-aalmusal kapag umaga at nakikinig sa mga usap-usapan ng mga tao. ang pagbalik sa mga probinsya. kawalan ng trabaho. magandang ani. nangangamatay ang mga baboy. nagmahal ang baboy at halos kapresyo na ng baka. sobrang mahal ng saging. minsan naabutan kong naroon ang isang kumare ni Mama, may pasa-pasa. sasamahan n'ya raw sa piskalya at sa VAWC dahil nginudngod at pinagsusuntok ng bayaw sa sugalan matapos n'yang singilin ng utang. Habang wala si Mama ay si Idon ang magbabantay sa puwesto dahil nangatulong na si Uwe sa Alabang, nakisabay sa pagluwas ng isang magpuprutas. kalunos-lunos na krisis.

noong maaari na uling maningil ng utang, minsan naaabutan ko na rin ang indian, vietnamese, taiwanese at kapwa pinoy sa puwesto para sa kani-kanilang mga sinisingil. nag-umpisa na uling lumabas ng mga neon notes. mas marami pang notes si Mama kaysa kay Idon at Rr na nag-aaral at naka-modular. sa madaling araw, kapag pasahan na ng modules ay nag-iilaw si Idon sa puwesto para magsagot. pag-uwi , iinit pa ang ulo ni Mama kapag kailangan na nilang mag-module ni Rr dahil ang daming nararamdamang masakit o kaya makati ng kapatid ko kapag mag-aaral na. nagkakapaluan pa.

wala kaming alam sa mga puwesto. kung paano kumikita. paano ang gastusan. paano umiikot. basta dumadaan lang kami doon kapag may kailangan. kapag ako'y nagkakape at wala si Mama para umihi o bumili ng ulam at nataunang may mamimili, hindi ako magkandaugaga kung magkano ba ang mga paninda. minsan mali-mali pa ako magsukli. hindi ako marunong maghiwag ng lumpia wrapper. dumadaan ako sa puwesto kapag may mga kailangan sa bahay. si Rr, sumusunod kay Mama sa umaga dahil wala ngang pasok at aktibidad ang SPED ng Recto kaya sa palengke s'ya nakatambay. si Papa, kung walang pang-ulam  pang-gasolina sa motor. lahat saming pagdaan ay papalabas ang pera ng puwesto.

isang daan ko minsan ay hindi ko na nakita si Ate Carla at saging na lang ang prutas. "lumipad na uli si Girl, atin na uli 'yang puwesto," sabi ni Mama na ibig sabihin wala na s'yang aasahang buwanang paupa. s'ya ang namuhunan sa saging at nasa tatlong libong piso rin. isang balik ko pa ay may mga ponkan, mangga at mansanas na. kung sinong kumare raw ang namuhunan. sinasamantala ang mga naging suki ni Ate Carla na bumabalik sa puwesto para sa prutas. bahala na.

isang umaga, kakagising ko lang ay umuwi si Mama bigla. nagmamadaling nanghiram ng gunting. naiwan n'ya raw ang susi sa puwesto at kailangan n'yang sungkitin ang aparador. "aasikasuhin ko ang permit ko sa tindahan," sabi ni Mama. nagbanta na uli ang opisina kahit kasagsagan pa rin ng pandemya at wala na namang kasiguraduhan kung saan huhugutin ang ipang-aasikaso ng mga rekusitos ng permit. sa kompyut ng city engineering ay nasa 33,000 pesos ang penalty ni Mama sa puwestong walang permit sa loob ng anim na taon.

nakiusap daw s'ya sa engineering na wala s'yang makukunan ng mahigit trenta mil. "14,000 pesos" na lang ang sabi ng kanyang permit. "hindi ko naman po kaya yang ganyan Tita e," pakiusap daw ni Mama sa municipal engineer. "sige, ganito na lang, ayusin mo ito ha. bilisan mo kasi malapit na akong magretiro baka pagbalik mo dito iba na ang makausap mo," sabi ng city engineer at saka ginuhitan ng touch and go, hinipan ng bahagya at isinulat ang bagong babayaran; "7,500 pesos". baba naman raw s'ya sa fire (dept.) nakiusap din dahil hindi n'ya kayang mag-fire extinguisher at kailangan n'ya ng clearance. napapayag din n'ya.

nakakuha na s'ya ng permit bago pa n'ya ikinuwento habang naghahanda ng hahapunanin namin. kung saan humugot ng pera ay saksi ang matitingkad na neon notes. malaki-laki ang araw-araw n'yang susulungan. "hindi ako puwedeng tumigil," sabi ni Mama habang naggigisa ng gulay.

Wednesday, March 24, 2021

rakets2.a

may raket na inapplyan 'yung friend ko. sabi ko, patingin ng link applyan ko rin. bale, trabaho na 'to ulit tapos magkalaban kami dahil isa lang 'yung position. sabi ko, testing lang. wag ko na raw applyan sabi ni friend1. kailangan ko rin naman ng trabaho pero titingnan ko muna sa interview. kaya inapplyan ko. apat kaming nakapasok sa interview at ang plot twist nag-apply din si friend2 na dati kong kaopisina. hala, magaling 'tong si friend2 eh, may lisensya pa at mahigit isang dekada sa conservation work. 'yung isa, hindi namin friend , hindi talaga namin kilala. sa araw ng interview, may isa pang plot twist, umatras si friend2 at si not friend kaya dalawa na lang kaming nag-aagawan sa posisyon ni friend1. nagkainteres talaga ako sa trabaho pagkatapos ng interview, may bago e pero sa tingin ko may matutunan akong bagong tech skills. alam mo 'yung feeling na gusto mo namang aralin pero gusto mo na ring trabahuhin at the same time para may suweldo ka. bibihira ang ganoong oportunidad na parang assignment lang sa school yung trabaho mo kasi natututo ka rin ng mga bagong bagay. 

hiningian na ako ng character references at walang sumasagot sa mga inireto kong dating mga boss. mga nilamon na ng bagong normal. irekomenda na sana ako nang magkatrabaho muna bago pa makulong uli sa panibagong siste ng quarantine. kailangan kong sumuweldo uli. tuyong-tuyo na uli ang balon, as in P159 sa banko, walang stocks, walang mutual funds. ito na yata ang ibig sabihin ng recession.

iniisip ko rin kung saan ako titira sa lungsod ng Batangas. anong puwedeng gawin sa gabi? maghahanap ba ako ng simbahan? gusto kong mapagod nang husto bago umuwi ng panibagong bahay, gym kaya? ayoko magbuhat. badminton kaya? ayoko ng mga tao. ayoko nang magsulat sa bahay kung malaking bahagi ng araw ko'y nagsusulat na sa trabaho. magturo kaya sa pinaka malalapit na unibersidad? wala akong matatambayang kaibigan doon. 'yung friend ko na nagbigay ng link sa trabaho ay may trabaho rin sa gabi. wala akong maaabala o matutulugan kung naiinip. baka hindi na ako sanay mag-isang mamuhay matapos ang higit isang taong nasa bahay lang at nasa sariling bayan lang. pero kailangan kong umusad uli at makabawi.

Sunday, March 21, 2021

rakets1.g

dumating na ang ilang komento sa trinabaho ko at ganun pa rin pala kapangit sa pakiramdam na makatanggap ng alam mong malaki pa ang dapat ayusin sa gawa mo. nakaramdam uli ng kaba na baka hindi ko mabigay 'yung antas na hinihingi kapalit ng singil ko sa suweldo. baka mapahiya ko 'yung kaibigan na nagsangkalan ng leeg para sa'ken. naramdaman ko uling ma-rattle sa deadline at maghintay na bumalik ang ipinasang bola sa iba. naramdaman ko uli ang kabog at pasasaan ba't lilipas din.

*tatanaw sa malayo pagkasara ng laptop, sasabihin sa sarili na "susuweldo ka rin" 

Marso 21, 2021

gising pa rin at kinakapa ko lang ang keyboard sa dilim. tulog na tulog si Song, at oo, nakikitulog pa rin ako. hindi sa dahil ayokong matulog sa bahay. gusto ko lang siguro ng ibang lugar na pagsusulatan. ilang araw nang parang wala akong nararamdaman. parang manhid pero nalulungkot naman ako sa ilang pelikulang napanood. sinusubukan kong alisin ang pansin sa inis ko na di ako napapansin sa mga bagay na ginagawa ko ngayon. asar siguro dahil ang dami pa ring mga pagtanggi kahit na hindi naman daw ang pagbubukas ng pinto ngayon ang magtatakda ng potensyal na puwede kong maging. ayaw pang sabihing olats kung olats, at eto pa rin pala ako isang batang nagmumukmok at nagdadabog dahil ayaw ng natatalo. mas bata ang pakiramdam dahil ilang araw na ayaw kong pakinggan ang mga lagabag ng pagsasara ng mga pinto. paslit pa rin pala dahil gusto ko ngayon na, agad dahil kung hindi lang din ngayon ay ayawan na. utang na loob alam ko naman yung konsepto ng 'proseso' at hindi lalagpas kung para sa'yo pero sobrang naiinip na ako at kailangan ko lang mag-ingay sa espasyong ito para antukin ang paslit at maitulog na lahat. sigurado namang kapag may nangyayari na ay magliligalig pa rin ako kung para sa'kin ba talaga o kaya ko bang pangat'wanan ang mga pinasukag pinto. dahil ganun naman talaga ako, maligalig kahit sa sarili lang at sa madaling araw pa. alas tres na at mabuti na lang walang plano bukas,


x


kaninang umaga, ginising ako ng liwanag na tumatagos sa bintana ng klasrum ni Song. lubog na lubog ako sa sofa. ang banayad lang ng umagang init sa mukha hanggang paanan ko, parang naalala ako ng langit ngayong Linggo. hindi naman ako tinatawag. punong-puno ako ng gana at gusto kong sumubok uli. kaya ko na uling lumunok ng proseso sa agahan.  


Marso 21, 2021
Donya Concepcion H. Umali Elementary School
Lalig, Tiaong, Quezon


Thursday, March 11, 2021

Rayuma

Umuwi si Papa ng isang hapon. Pagbaba sa motor, paika-ika dahil sobrang sakit daw ng paa n'ya. Ibinababa lang ang bag at itinabi ang helmet. Paulit-ulit ang daing dahil masakit na masakit, "matanda ka na, Gadingan" sabi ni Papa sa sarili n'ya. Pumasok sa kwarto, naghubad ng sapatos at nagrolyo ng paa sa bote habang aguy nang aguy. Kaya pala may bote akong nasipa noong isang gabi pa. Lumabas uli si Papa paika-ika ang isang paa para magpatuka ng kanyang mga manok. Aguy nang aguy habang nagpapatuka ng manok, manok na lang daw ang libangan n'ya dahil hindi na s'ya makakapagbasketbol. Wala rin namang laro ngayon dahil may pandemya pa rin. 

Nadat'nan pa ni Mama si Papa na daing nang daing. Kulang daw sa inom sabi ni Mama. Depensa naman ni Papa ay dahil puro karne ang ipanapabaon ni Mama. Hindi ko sigurado kung anong siyensya ang nakalukob sa pamilya namin. Sumasakit na rin ang likod ni Mama kapag bumabangon ng madaling araw.

Kada magbibihis ako para mag-fieldwork, tinatanong ni Papa kung ayos na ba ang trabaho ko. Ang ibig sabihin ng ayos sa kanya ay regular, may bonus, hindi nag-eendo. Sabi ko disiotsong araw na trabaho. Ang dami n'yang sinasabi pa pero hindi ko naman s'ya pinapatapos dahil umaalis na agad ako, "tanghali na." 

Tuesday, March 9, 2021

rakets1.f

ayun. kung kailan nagbabawi ka. deadline na ng una mong raket ngayong taon. saka pinagsak'tan ng katawan, kumati ang lalamunan, sumakit ang ulo at nalugmok. may trangkaso yata ako. hindi mainam gawin pero para tipid sinubukan ko kung may panlasa ako. punta ako ng 7Eleven at bumili ng Gatorade at cookies. hindi ko mabuksan ang bote ng Gatorade. pagtikim ko sa cookies, "hmmm, lasang cookies!" sabi ko nang malakas. pagtungga ko sa inumin, "hmmm, lasang grapes!" sabi ko nang malakas uli. may panlasa ako, hindi 'to covid! see, mas tipid kaysa swab test. tanging propesyunal lamang ang gumagawa neto. natulog ako ng higit sa 20 hrs sa loob ng dalawang araw naman. walang ligo ng tatlong araw. walang kape-kape. hindi ko alam kung saang time space warp sumuot ang diwa ko sa saket. gumigising ako pero hindi ako bumabangon. kaunti lang din ako kumain. ikatlong araw na ako nabuhay namag-uli. balik na uli sa raket. SULAT!

Friday, March 5, 2021

rakets1.e

naghanda sa raket nang alas kuwatro ng madaling araw. tumawad pa nga ng 30 minutong idlip. nakatapos ng alas kuwatro ng hapon. parang nilason sa antok sa dyip. hinatid naman ako ni Don at Stephen sa mga pinaka malapit kong sakayan. ang dami lang tao. mahirap lang din kasi intindihin 'yung mga GIS ng gobyerno o masarap lang din ang kain ko ng tapa at kape sa tanghalian kaya ako inaantok.

pag-uwi, tumambay lang ako sa klasrum ni Song, nagtimpla ng kape at nanood ng pinag-aawayang airpods sa Tulfo.

Wednesday, March 3, 2021

grad

ang tagal ko nang binalak mag-masteral pero ang daming asungot. nang makumpleto ko yung recommendation letters mula sa mga paboritong propesor sa unibersidad, nakaselyo pa rin hanggang ngayon; ay natanggap ako sa isang parang systems changing scholarship ng isang mamahaling unibersidad. tapos, sumabog pa ang bulkan at nagkalat tayo sa pandemya kaya't mabuti na lang nakakuha ako ng libreng pag-aaral dahil mawawalan pala ako ng trabaho kalaunan. 

bukod sa praktikalidad, pinili ko rin 'yung fellowship dahil kakaiba ang dating sa'kin. pakiramdam ko may makikita akong hindi ko nakita dati. sobrang binuksan ko lang ang sarili ko sa mga bagay na hindi ko pa alam kahit na nakakatakot ang marami sa mga pinag-aralan namin. matapos ang isang taon, ayan, graduate na ako. iniisip ko pa kung anong puwedeng ikuwento o ipagpasalamat bukas sa zoom.

una, hindi ko wika ang wika ng ganitong komunidad ng mga negosyante. kahit na corpo pa ang una kong naging trabaho noon at nakikipagtrabaho naman sa ilang conyo na unibersidad dati pero hindi ako nasasanay. huy, pero inclusive 'tong program ha, in terms of gender, place (abot hanggang probinsya!), age at fields. Sinubukan kong isagad ang pagiging inclusive ng institusyon sa pagsusulat ng final output ko sa Filipino, ang katwiran ko'y puwede ring wika ng komersyo ang conversational Taglish; pinayagan naman ako. 

ay siyangaps, negosyo ang magiging sasakyan ko ngayon. hindi ko alam paandarin. may kaunti nag gasolina. umuusad ng mabagal ang daloy ng trapiko. nakakatakot para sa kagaya kong sanggol ang wika sa business. pero kailangang makarating e, so drive. ingat na lang.

baka hindi ito ang sabihin ko bukas sa grad rites sa zoom. nagpapasalamat lang ako dahil hindi lahat nabibigyan ng ganitong oportunidad. hindi lahat ay may luho na sa kabila ng pandemya ay maaaring tumigil ang ekonomikal na buhay at mag-isip ng mga bagay na gusto mong gawin at pakinggan ang iba pang gutom bukod sa kalam ng sikmura. salamat sa mga nakasama at nakakuwentuhan kahit pa ba delusyonal o maambisyon ang pagsubok na kurutin ng bahagya ang sistema. kahit paunti-unting kurot ay papasa rin at mararamdaman 'yan. para lang ding mahabang tula 'yung pag-aaral na ginawa buong taon na pagsilong sa mga ideyal at alternatibong mabuting mundo sa kung anong umiiral. 


[update ko pa 'to bukas]


ayun, wala na akong nagawa kaninang umaga hanggang mag-umpisa ang graduation rites sa zoom. wala rin akong nahandang speech. nagpakita na lang ako ng ilang visual arts na para bang nag- arts residency at writing workshop talaga ako at hindi social innovations. also, masaya to see the different mentors present there. ang gulo tuloy ng sinabi ko dahil walang outline at parang nasabi na lahat pero masaya naman. at hindi pa pala yata kami tapos as in tapos parang may kasunod pa.

ang ganda ng speech ni Ms Abi. ang supportive ni Tita Flor na nanay ni Miggy. ang kulit ni Roy ang daming napapansin at zinu-zoom sa zoom. ang ganda ng inedit na video ni Rona para sa'ming mga fellows. ang ganda pakinggan ng Agusanon na wika ni Kamille, puwede palang magsalita ng sariling wika sa isang social innovation event. ang ganda ng araw ngayon.

pagkatapos ng graduation, kaunting zoom chika lang at dumaan na ako sa 7Eleven para lang bumili ng merienda: crinckles at gatas. deserve ko ang lahat ng asukal para sa araw na ito. maaaring mabasa ang mga ganap namin dito.