Sunday, March 21, 2021

Marso 21, 2021

gising pa rin at kinakapa ko lang ang keyboard sa dilim. tulog na tulog si Song, at oo, nakikitulog pa rin ako. hindi sa dahil ayokong matulog sa bahay. gusto ko lang siguro ng ibang lugar na pagsusulatan. ilang araw nang parang wala akong nararamdaman. parang manhid pero nalulungkot naman ako sa ilang pelikulang napanood. sinusubukan kong alisin ang pansin sa inis ko na di ako napapansin sa mga bagay na ginagawa ko ngayon. asar siguro dahil ang dami pa ring mga pagtanggi kahit na hindi naman daw ang pagbubukas ng pinto ngayon ang magtatakda ng potensyal na puwede kong maging. ayaw pang sabihing olats kung olats, at eto pa rin pala ako isang batang nagmumukmok at nagdadabog dahil ayaw ng natatalo. mas bata ang pakiramdam dahil ilang araw na ayaw kong pakinggan ang mga lagabag ng pagsasara ng mga pinto. paslit pa rin pala dahil gusto ko ngayon na, agad dahil kung hindi lang din ngayon ay ayawan na. utang na loob alam ko naman yung konsepto ng 'proseso' at hindi lalagpas kung para sa'yo pero sobrang naiinip na ako at kailangan ko lang mag-ingay sa espasyong ito para antukin ang paslit at maitulog na lahat. sigurado namang kapag may nangyayari na ay magliligalig pa rin ako kung para sa'kin ba talaga o kaya ko bang pangat'wanan ang mga pinasukag pinto. dahil ganun naman talaga ako, maligalig kahit sa sarili lang at sa madaling araw pa. alas tres na at mabuti na lang walang plano bukas,


x


kaninang umaga, ginising ako ng liwanag na tumatagos sa bintana ng klasrum ni Song. lubog na lubog ako sa sofa. ang banayad lang ng umagang init sa mukha hanggang paanan ko, parang naalala ako ng langit ngayong Linggo. hindi naman ako tinatawag. punong-puno ako ng gana at gusto kong sumubok uli. kaya ko na uling lumunok ng proseso sa agahan.  


Marso 21, 2021
Donya Concepcion H. Umali Elementary School
Lalig, Tiaong, Quezon


No comments: