ilang gabi na akong hindi agad makatulog. ang daming nangyayari. paisa-isang nanalo ng grants para gastusan ang advocacy na luho na naming mag-ina. luho talagang mag-adbokasiya sa Pilipinas, lalo na sa panahon ng krisis. sa mga nakalipas na buwan kasi tadtad ako ng rejection emails at paulit-ilit na iniisip kung ano ba 'tong ginagawa ko sa buhay. may mga gising na pakiramdam ko ay isa akong mababang uri ng slime, tipong lvl 1 spawn. at may mga gabi namang boss level na hindi ako makatulog dahil ang dami kong gustong gawin habang marami ring nangyayari. kaya minsan intensyonal akong nagmamabagal; bilang pasasalamat. malakas 'yung buga ng cortisol sa daloy ng dugo kada makakatanggap ng rejection emails at grabe rin naman ang buga ng dopamine at adrenaline kada may congratulations emails. biglang mapapaigtad at walang pag-iisip na masasambit mo ang mahabaging langit kahit tatlong salita pa lang ng email ang nababasa mo. magkaiba ang antas ng pasasalamat sa bawat pagtanggi at pagtanggap, pero parehong bahagi ng proseso ng multiberso na hindi mo mamapa ang daloy. walang piho kung kailan dapat sumabay o lumaban sa agos dahil hindi mo rin alam kung saang dimensyon ka pupulutin. kaunti na lang at maaari na uli akong umupo para makapaglakbay sa mga kalawakang labas sa lumilimitang pisikal na mga batas. hindi ko na alam ang sinasabi ko, saglit lang ang gumuhit sa lalamunan ang mga pagkapanalo; hayaan n'yo na kong malasing. cheers?!
No comments:
Post a Comment