may raket na inapplyan 'yung friend ko. sabi ko, patingin ng link applyan ko rin. bale, trabaho na 'to ulit tapos magkalaban kami dahil isa lang 'yung position. sabi ko, testing lang. wag ko na raw applyan sabi ni friend1. kailangan ko rin naman ng trabaho pero titingnan ko muna sa interview. kaya inapplyan ko. apat kaming nakapasok sa interview at ang plot twist nag-apply din si friend2 na dati kong kaopisina. hala, magaling 'tong si friend2 eh, may lisensya pa at mahigit isang dekada sa conservation work. 'yung isa, hindi namin friend , hindi talaga namin kilala. sa araw ng interview, may isa pang plot twist, umatras si friend2 at si not friend kaya dalawa na lang kaming nag-aagawan sa posisyon ni friend1. nagkainteres talaga ako sa trabaho pagkatapos ng interview, may bago e pero sa tingin ko may matutunan akong bagong tech skills. alam mo 'yung feeling na gusto mo namang aralin pero gusto mo na ring trabahuhin at the same time para may suweldo ka. bibihira ang ganoong oportunidad na parang assignment lang sa school yung trabaho mo kasi natututo ka rin ng mga bagong bagay.
hiningian na ako ng character references at walang sumasagot sa mga inireto kong dating mga boss. mga nilamon na ng bagong normal. irekomenda na sana ako nang magkatrabaho muna bago pa makulong uli sa panibagong siste ng quarantine. kailangan kong sumuweldo uli. tuyong-tuyo na uli ang balon, as in P159 sa banko, walang stocks, walang mutual funds. ito na yata ang ibig sabihin ng recession.
iniisip ko rin kung saan ako titira sa lungsod ng Batangas. anong puwedeng gawin sa gabi? maghahanap ba ako ng simbahan? gusto kong mapagod nang husto bago umuwi ng panibagong bahay, gym kaya? ayoko magbuhat. badminton kaya? ayoko ng mga tao. ayoko nang magsulat sa bahay kung malaking bahagi ng araw ko'y nagsusulat na sa trabaho. magturo kaya sa pinaka malalapit na unibersidad? wala akong matatambayang kaibigan doon. 'yung friend ko na nagbigay ng link sa trabaho ay may trabaho rin sa gabi. wala akong maaabala o matutulugan kung naiinip. baka hindi na ako sanay mag-isang mamuhay matapos ang higit isang taong nasa bahay lang at nasa sariling bayan lang. pero kailangan kong umusad uli at makabawi.
No comments:
Post a Comment