sa bulante lang dati ang puwesto ni Mama sa palengke. isang maliit na barung-barong: kapihan ng mga nagbabagsak ng gulay at prutas sa bagong palengke ng Tiaong. may lumang palengke ang Tiaong na ilang beses nang sinubukang ipasara pero naharang ni tulfo. ang puwesto ang tumulong magpatpos sa'kin sa kolehiyo. ito ang nagpalabas sa mga pamangkin sa ospital. ito ang himpilan ng iba pang mga magulang na may anak ring may natatanging kondisyon. kainan ng mga may natatanging kondisyon na gumagala-gala sa palengke.
hanggang sa giniba ng bagong meyor ang ang mga barung-barong na bulantihan at itinabi sa dry goods. hindi na nga naman nanlilimahid ang itsura ng mga puwesto ng gulayan. pero nalula lahat sa presyo ng bagong puwesto, 75K ang bayad para sa rights ng bagong 5x5 m na puwesto sa palengke. bukod pa ang tiket na 30 pesos araw-araw. umaray ang mga manininda at nagreklamo. madali namang kausap ang munisipyo, "kung aayaw sa presyo ay maraming iba na gustong pumuwesto." dumelihensya ang mga manininda, kasama na si Mama. nagmistulang APEC summit ang puwesto ni Mama dahil sa iba-ibang lahi na nagpapautang na dumadaan sa tindahan para sa araw-araw, makal'wahan o lingguhang hulog. kada transakyon ay naglilista sa maliit na neon notes. ang titingkad ng kulay ng mga neon notes ni Mama. sa loob ng anim (6) na taon, hindi nahustuhan ang bayad sa puwesto, hindi rin nakakakuha ng permit dahil kailangan nga munang hustuhan ang puwesto.
taon-taong kinakabahan na paaalisin na 'yung mga kulorum; mga walang permit. kahit pa nakakal'hati na sa bayad sa puwesto. nauunsiyami ang pagpapaalis kapag nagpipiket ang mga manininda sa harapan ng munisipyo. umasa na lang ang mga manininda sa pagpapaliban kung eleksyon. pero ngayong taon, iniligtas ang pananatili sa mga puwesto ng pandemya. noong umpisa ng kwarantin, mga may permit lang ang pinayagang magtinda. nasa bahay lang kaming lahat, buong pamilya kasama ang mga pinsang sina Idon at Uwe. hindi namin alam kung gaano katagal tatagal ang mga ayuda o kung hanggang saan aabot ang kaunti kong ipon. bago pa magkaubusan, nakabalik sa puwesto sa palengke si Mama kasa-kasama si Uwe dahil dagsa ang mga mamimili sa kakaunting puwestong may permit. ang puwesto ang bumuhay sa'min ngayong pandemya.
pinapaupahan ni Mama ang sariling puwesto kay Ate Carla, kapwa bisaya na magpuprutas. nakapuwesto ang kapihan sa harapan ng gawaan ng lumpia wrapper na puwesto naman ni Madam. Si Madam ay na-lockdown sa Cebu matapos ang Southeast Asian date nila ng jowang kano. si Mama ang humawak ng wrapperan sa kondisyong mapakain man lang si Tangkad, pamangkin ni Madam, na tagaluto't masador. kahit mautay-utay na rin ang ilang utang ni Madam sa Tiaong. kahit papano bukod sa kape't lumpia wrapper ay may passive income si Mama sa upa ni Ate Carla kaya nakakapagpadala pa sa mga apo n'ya sa San Pablo ng mga pagkain, prutas at gatas lalo na noong nawalan ng trabaho ang kapatid ko sa elektroniks.
noong pandemya, kay Mama rin nagpapabili ang mga kumare n'yang nasa strong lockdown at napakalimitado ng paglabas. ihahatid n'ya pa ang pinamili sa boundary ng baranggay dahil hindi nga pinapapalabas ng baranggay ang mga residente kahit iisa lang ang naging kaso. sa puwesto rin dinaraanan ng mga magulang ang modules ng special education ng Recto dahil namamalengke rin naman ang mga magulang. sa puwesto rin iniiwan ng mga kaibigan ang mga lutong-ulam, gulay at prutas na mula sa kanilang ani, minsan nga may sariwang gatas pa ng baka. sarado ang puwesto namin kapag mamimigay sina Mama ng ayuda, may medical mission o dadalaw sa mga magulang o may kapansanan na may sakit kasama ng maliit na non-profit sa bayan.
noong maaari nang lumabas, sa palengke ako nag-aalmusal kapag umaga at nakikinig sa mga usap-usapan ng mga tao. ang pagbalik sa mga probinsya. kawalan ng trabaho. magandang ani. nangangamatay ang mga baboy. nagmahal ang baboy at halos kapresyo na ng baka. sobrang mahal ng saging. minsan naabutan kong naroon ang isang kumare ni Mama, may pasa-pasa. sasamahan n'ya raw sa piskalya at sa VAWC dahil nginudngod at pinagsusuntok ng bayaw sa sugalan matapos n'yang singilin ng utang. Habang wala si Mama ay si Idon ang magbabantay sa puwesto dahil nangatulong na si Uwe sa Alabang, nakisabay sa pagluwas ng isang magpuprutas. kalunos-lunos na krisis.
noong maaari na uling maningil ng utang, minsan naaabutan ko na rin ang indian, vietnamese, taiwanese at kapwa pinoy sa puwesto para sa kani-kanilang mga sinisingil. nag-umpisa na uling lumabas ng mga neon notes. mas marami pang notes si Mama kaysa kay Idon at Rr na nag-aaral at naka-modular. sa madaling araw, kapag pasahan na ng modules ay nag-iilaw si Idon sa puwesto para magsagot. pag-uwi , iinit pa ang ulo ni Mama kapag kailangan na nilang mag-module ni Rr dahil ang daming nararamdamang masakit o kaya makati ng kapatid ko kapag mag-aaral na. nagkakapaluan pa.
wala kaming alam sa mga puwesto. kung paano kumikita. paano ang gastusan. paano umiikot. basta dumadaan lang kami doon kapag may kailangan. kapag ako'y nagkakape at wala si Mama para umihi o bumili ng ulam at nataunang may mamimili, hindi ako magkandaugaga kung magkano ba ang mga paninda. minsan mali-mali pa ako magsukli. hindi ako marunong maghiwag ng lumpia wrapper. dumadaan ako sa puwesto kapag may mga kailangan sa bahay. si Rr, sumusunod kay Mama sa umaga dahil wala ngang pasok at aktibidad ang SPED ng Recto kaya sa palengke s'ya nakatambay. si Papa, kung walang pang-ulam pang-gasolina sa motor. lahat saming pagdaan ay papalabas ang pera ng puwesto.
isang daan ko minsan ay hindi ko na nakita si Ate Carla at saging na lang ang prutas. "lumipad na uli si Girl, atin na uli 'yang puwesto," sabi ni Mama na ibig sabihin wala na s'yang aasahang buwanang paupa. s'ya ang namuhunan sa saging at nasa tatlong libong piso rin. isang balik ko pa ay may mga ponkan, mangga at mansanas na. kung sinong kumare raw ang namuhunan. sinasamantala ang mga naging suki ni Ate Carla na bumabalik sa puwesto para sa prutas. bahala na.
isang umaga, kakagising ko lang ay umuwi si Mama bigla. nagmamadaling nanghiram ng gunting. naiwan n'ya raw ang susi sa puwesto at kailangan n'yang sungkitin ang aparador. "aasikasuhin ko ang permit ko sa tindahan," sabi ni Mama. nagbanta na uli ang opisina kahit kasagsagan pa rin ng pandemya at wala na namang kasiguraduhan kung saan huhugutin ang ipang-aasikaso ng mga rekusitos ng permit. sa kompyut ng city engineering ay nasa 33,000 pesos ang penalty ni Mama sa puwestong walang permit sa loob ng anim na taon.
nakiusap daw s'ya sa engineering na wala s'yang makukunan ng mahigit trenta mil. "14,000 pesos" na lang ang sabi ng kanyang permit. "hindi ko naman po kaya yang ganyan Tita e," pakiusap daw ni Mama sa municipal engineer. "sige, ganito na lang, ayusin mo ito ha. bilisan mo kasi malapit na akong magretiro baka pagbalik mo dito iba na ang makausap mo," sabi ng city engineer at saka ginuhitan ng touch and go, hinipan ng bahagya at isinulat ang bagong babayaran; "7,500 pesos". baba naman raw s'ya sa fire (dept.) nakiusap din dahil hindi n'ya kayang mag-fire extinguisher at kailangan n'ya ng clearance. napapayag din n'ya.
nakakuha na s'ya ng permit bago pa n'ya ikinuwento habang naghahanda ng hahapunanin namin. kung saan humugot ng pera ay saksi ang matitingkad na neon notes. malaki-laki ang araw-araw n'yang susulungan. "hindi ako puwedeng tumigil," sabi ni Mama habang naggigisa ng gulay.
No comments:
Post a Comment