Umuwi si Papa ng isang hapon. Pagbaba sa motor, paika-ika dahil sobrang sakit daw ng paa n'ya. Ibinababa lang ang bag at itinabi ang helmet. Paulit-ulit ang daing dahil masakit na masakit, "matanda ka na, Gadingan" sabi ni Papa sa sarili n'ya. Pumasok sa kwarto, naghubad ng sapatos at nagrolyo ng paa sa bote habang aguy nang aguy. Kaya pala may bote akong nasipa noong isang gabi pa. Lumabas uli si Papa paika-ika ang isang paa para magpatuka ng kanyang mga manok. Aguy nang aguy habang nagpapatuka ng manok, manok na lang daw ang libangan n'ya dahil hindi na s'ya makakapagbasketbol. Wala rin namang laro ngayon dahil may pandemya pa rin.
Nadat'nan pa ni Mama si Papa na daing nang daing. Kulang daw sa inom sabi ni Mama. Depensa naman ni Papa ay dahil puro karne ang ipanapabaon ni Mama. Hindi ko sigurado kung anong siyensya ang nakalukob sa pamilya namin. Sumasakit na rin ang likod ni Mama kapag bumabangon ng madaling araw.
Kada magbibihis ako para mag-fieldwork, tinatanong ni Papa kung ayos na ba ang trabaho ko. Ang ibig sabihin ng ayos sa kanya ay regular, may bonus, hindi nag-eendo. Sabi ko disiotsong araw na trabaho. Ang dami n'yang sinasabi pa pero hindi ko naman s'ya pinapatapos dahil umaalis na agad ako, "tanghali na."
1 comment:
*sigh* Adulting... Fighting lang lagi, Jord... ✊
Post a Comment