Tuesday, August 20, 2013

Na-Miss USA


     Kamakailan lamang, mga Lunes ng umaga . Halatang kakatapos lang ng malakas na ulan no’ng kinagabihan ’pagkat mababanaag ang kaputikan sa paligid. Maaamoy ang sig ang kahoy. Maririnig ang tama ng siyansi sa kawali, kaalinsabay ng mga huni ng ibong bumabati ng “Hooray for today!”
   Pinasya kong lumabas suot ang lumang gomang panyapak at mga 10 metro pa lang akong nalalayo sa aking tahanan, nangyari ang inasam.


     Habang islomong nangyayari ang inaasam…


     Naalala ko ang isang kaibigan, isang BEEd freshman; minsan naikwento niya na nadulas daw siya sa loob ng unibersidad at madaming nakasaksi at ang malupit pa niyan; tinawanan siya ng isa pa naming kaibigan. ‘Yan ang pagkakaibigan. Kat’wiran niya: “College ka na, nadudulas ka pa?!” Habang naririnig ko ang kanyang salaysay ngumiti lang ako. “Di ba’t for all ages naman ang pagkadupilas”, sabi ko sa aking mumunting kaisipan. Ilang beses ba tayo natisod bago tayo natutong maglakad? At halos kahit Ph.D na tayo sa larangan ng paglakad ay nadadapa pa rin tayo.
     Ang mga suprermodel, kahit maging mega o gigamodel pa sila ay maari pa rin silang sumemplang. Pero di ba hindi naman tayo natatapos sa pagkakadapa, bagkos ay buong poise na babangon, papag-pagan ang sarili at babalik sa paglalakad. ‘Wag ka lang paulit-ulit na matisod sa parehong bato. “Na-miss ko tuloy yung feeling na madulas.” Sabi ko sa kanila at sila naman ang napangiti ko.


     Biglang bumilis ang kaninang islomong paghigit sakin ng gravity. “Bagsak na! Dami pang drama!” aniya siguro.

    Blag!

   Kinayod ng maitim kong tuhod ang basing lupa at pinower-hug ko ang lupang rampa. Kumpirmado nadulas nga ako.

“For a just man falleth seven times and riseth up again…”
     

No comments: