Prolouge: Gravity! Halos nasa last quarter na'ko ng aking pag-aasikaso ng rekusitos para sa aking pinaka-unang #trabaho. Mabilis kong natapos yung NBI Clearance dahil automated na yung application, halos wala pang trenta minutos para sa biometrics at; viola! May NBI Clearance na'ko! Ganito! Ganito dapat!
Kailangan ko ng harapin ang pinaka-kinatatakutan ko: And Medikal.
Mahigit isang buwan ko nang dinala sa dibdib ko ito. Dugs-dugs talaga kapag sumasagi sa isip kong magpapa-medikal na'ko. Tapos ko na lahat ng rekusitos, medikal na lang talaga. Kailangan na raw ako sa opisina. Tapos na ang mahigit isang buwang pananakot sa'kin ng medikal. Kailangan ko na siyang harapin.
Lahat yata ng trabaho ngayon nagpapa-medikal. Tiba-tiba naman ang mga ospital at lab clinic sa dami ng aplikante. Maraming aplikanteng nagpapamedikal, ibig sabihin marami pa lang trabaho sa bansa. Marami rin sa mga nagpapa-medikal ay nag-aabroad, gaya ng mga DH at SM (seamen o pwede ring nagtatrabaho sa SM).
Bakit kasi kailangan ko pang dumaan d'yan sa medi-medikal na yan?! Wala naman akong AIDS or Ebola. Magsusulat lang naman ako, kahit nga may lagnat pa'ko o Ebola, feeling ko keri pa rin namang magsulat. Ang sagot ay sistema at proseso. Kailangan naman talagang masigurado ng kumpanya na "fit to work" ang aplikante na magiging empleyado nila. Para na rin ito sa kabutihan ng empleyado, siyempre ayaw nating makonpromiso ang kalusugan kapalit ng kabuhayan.
Kaunti lang. Hindi marami. Hindi marami and dahilan ko kung bakit takot ako sa medikal.
1. Ayoko ng amoy ng ospital.
2. Takot ako sa karayom.
3. Nakakahiyang magbigay ng ihi at ....
tae.
4. Ayokong maghubad.
(Lalo na maghubo.)
Kada papasok ako ng ospital, pakiramdam ko nakaka-amoy ako ng formaline. Sa sobrang linis ng amoy, nasusulasok ang gaya kong dugong dugyot. Pader, puti. Nars, puti. Doktor, puti. Parang lalo kong nararamdaman ang aking karumihan. Pero madali lang pagtagumpayan ang takot sa ospital: "Pumasok ka tapos alisin mo sa isip mo na ida-disect at pag-eeksperimentuhan ka dahil sa mga pelikula lang 'yon!". Lumaklak ka ng pampalakas ng loob - Suka; datu puti.
Sa ospital ng mga mandaragat ako pinagmedikal. Sa SEAMEN'S Hospital sa Intramuros. Sagot ng kumpanya ang bayad. Sagot ko naman ang pagharap sa mga takot ko. Andaming pasikot-sikot ng medikal lalo na sa malalaking ospital. Andaming tao. Andaming kwarto. Una kong istasyong tinigilan ang Out Patient Department (OPD). Dito yung mga hindi naman seaman pero nasa ospital ng mga seaman. Hindi ako pumila dito, accelerated agad sa konsultasyon kapag galing sa kumpanyang pinanggalingan ko. (Itago natin sa pangalang *Philippine Daily Bulletin (PDB) )
"Dyord :Isa sa mga dakilang kolumnista" sabi noong doktor na nag-e-encode ng medical records ko. Ngumiti lang ako. Nagkwento-kwento na siya na marami daw ngayong nagpamedikal doon na galing sa *PDB. Kesyo taga-saan daw ako. Kesyo kung una ko ba raw na trabaho ito. Unang beses ko ring magpapamedikal kako. Na-sense niya siguro na kinakabahan ako kaya kinukwento niya 'ko. Marami kasi sa doktor na kilala ko parang bored sa pakikipag-usap sa pasyente at palaging patalilis. Hindi naman pala lahat ng doktor ay concern lang sa pagpatay sa mga mikrobyo sa katawan mo, may mga concern din sa emotional at psychological condition ng pasyente nila. Sa mga gaya ko na mabaliw-baliw sa pagpapa-medikal. Para hindi ako panawan ng bait, sinasabi ko sa sarili ko "Dyord, medikal lang yan, wala ka pang kanser. Ok? Kalma lang" .
Proceed ako sa susunod na level.
Radiology.
Kung kasama ko ro'n ang kaibigan kong si Roy, ijo-joke niya agad na "Radiology is the study of radio". Sana mas magaan ang pagpapa-x-ray. Kumuha ako ng number, tapos umupo lang saglit tapos ay tinawag na'ko. Pumasok ako sa puting-puti na kwarto, may puting higaan, at puting mga aparato.
"Kuya, hubad na." sabi ni kuyang nars.
"Kuya, bitiwan mo na yung gamit mo, tapos hubad na" ulit pa niya. "Tapos tapat ka dito."
Mahirap sa'kin ang maghubad ng may makakakita sa katawan ko. Sa katawan ko. Hindi ako sanay. Kahit pa pare-parehong lalaki pa, hindi ako naghuhubad basta-basta. Pumupunta pa 'ko sa CR para magbihis. Akin lang ang katawan ko. Parang privacy issues ganan. Hindi na nga ako nag-artista. Naalala ko tuloy yung binitawan kong isteytment dati kay E-boy, "Mag-aartista na lang ako, tapos maghuhubad, mas madaling kumita kesa sa pagsusulat." Dala ng frustration sa laki ng sweldo sa modeling.
Di ba lahat ng gagawin ko ay "for the glory of God"? Hindi ko pwedeng isipin 'to ngayon, hindi ko pwedeng sabihing "Maghuhubad ako ngayon para sa Lord". Anlaswang pakinggan. Ewan ko lang kung ito yung iniisip ng mga artistang naghuhubad kahit Christian diumano. Maghuhubad ako para sa x-ray!
Naghubad na'ko.
Ang hirap isulat kahit sentence lang siya. Inisip ko na lang na hindi naman kanasa-nasa yung katawan kong pat-patin. Tsaka suuuuuper once in a lifetime lang naman akong maghuhubad na may ibang makakakita bukod sa honey-bebe ko in the near future.
Oks nga rin pala 'tong si kuyang nars. Kinukwento rin ako tungkol sa trabaho ko bilang manunulat sa *PDS. Kung matagal na ba raw ako. Kung pailang medikal ko na ba raw ito. Siguro napansin niyang kinakabahan (at mababaliw) ako. Tapos nabanggit niya na may annual medical daw sa *PDS. Hindi ako magpapa-abot ng isang taon sa pahayagang ito.
Extraction
Kapag tinuturukan ako ng karayom, parang bumabara 'to sa daluyan ko ng hangin tapos tumutusok sa puso ko. Kahit sa may braso (likod ng siko) ko naman talaga tinuturok yung syringe. Sobrang iba yung pakiramdam. Ito yata ay dala ng trauma ko nung bata pa'ko dahil sa palagiang pagpapaturok ko noong na-dengue ako ng Stage 3 lang naman. Kinamusta ako ng karayom.
Tinalian na ang braso ko. Dugs.dugs. dugs.
Kumuha na siya ng panturok. DUGS. DUGS. DUGS.
"Relax mo lang kuya ha" sabi ni Ate Nars ng palambing.
Pinahinga niya ako ni Ate Nars ng malalim. Hmmmmm tapos pumikit ako. Pag-exhale ko tapos na siya. Hindi ko man lang naramdaman yung karayom. Wew! Wala pala yang karayom nyo e! Isa pa nga!
Tapos, binigyan niya na'ko ng dalawang maliit na botelya. Yung isa medyo mahaba para raw 'yun sa Urinalysis at yung maliit na glass bottle ay sa fecalysis. "Pupunuin ko po ba ito?". "Yung ihi, kahit hanggang 25 lang. Yung, dumi kahit konti lang, mga ganito pwede na". Ipinorma niya ang daliri para sabihing sapat na ang kurot sa dumi mo.
Pumunta ako ng CR. Umihi. Naku, hanggang 10 lang yung inabot. Umupo, at dinayal ang kalikasan pero mukhang busy ang kalikasan. Hindi ako ma-jebs. Bumili ako ng tubig. Lak-lak para maihi at majebs. Ilang minuto pa ay naihi ako at naabot ko pa ang 40. Pero tumatakbo ang oras at wala pa ring senyales ng jebs.
Inspiration
Umuwi ako ng San Miguel, sa may Nagtahan. Sa Kumbento o sa parsonage ng Grace Bible Church kung saan ako nanunulyuan. Upo sa trono. Wala. Inom ng kape. Upo ulit. Wala rin. Cotton buds. Kalikot. Wala pa rin. Kape ulit.
Dumating si Ate Jobelle, nag-aaply din ito ng trabaho at pansamantala ring naninirahan sa Kumbento. Siyempre, nagpa-medikal din si Ate Jobelle. Kaya mas senior siya sa akin. Humingi ako ng tips. Kape raw. Sabi ko, pinalya na'ko ng kape ngayon. Pauwi, bumili na'ko ng kikiam, kwe-kwek, lumpiang gulay, lumaklak ng suka. Pero hindi ako nag-tae talaga.
Isang beses lang kasi ako nakakadumi sa isang araw. Tapos, nakadumi na'ko kaninang umaga. Sabi niya pwede naman daw yun bukas ng umaga, basta raw within 2 hours pa lang nailabas. Na-comfort naman ako. Ibig sabihin made-delay na naman ang endorsement ko sa HR. Delay ang umpisa ng trabaho.
Kinabukasan, nag-return call na ang kalikasan. Ihi, puti. Dumi, basa. Sobrang kadiri yung pagkuha ko sa sample, hindi ko na isusulat dito dahil baka hindi ka makapagtanghalian. Bumalik ako ng Extraction at ibinigay ang sample. Gusto ko sanang itanong kung mahal ba nila ang trabaho nila at kung anong inspiration nila para piliin ang ganitong propesyon kaya lang nakita ko namang masayang nagtatrabaho ang dalawang BS Bio na graduate, hindi pala sila nars. Maghintay daw ng dalawa hanggang tatlong oras. Tamang-tama lang dahil dala ko ang Alternative Alamat na pwede kong basahin.
Findings
Hindi ko ma-gets. Kaya dinala ko na lang sa nars ng *PDB para siya ang mag-interpret. Sabi niya kailangan ko pa raw ng apicolordific view ng x-ray. Tapos may past cells daw sa ihi ko kailangan gamutin. May consultation pa raw ako sa Medical Center of Manila. Kulang na lang i-disect ako. Ang resulta ay maiipod na naman ang pag-uumpisa ko sa trabaho, manganganak na ang mga utang ni Mudra. Wala ng patuka ang mga manok ni Pudar.
Ang hirap tiisin lahat ng oras ng paghihintay pero kailangang dumaan sa madugo, mapanghi, at malabsak na proseso. Pagkatapos nito malamang medical expert na'ko.