Tuesday, April 29, 2014

Nabasa ko yung 'Si Janus Silang Series'


   Nang i-pitch sakin ni Xi Zuq ang blog tour para sa nobelang ito ni Sir Edgar Samar, walang pagsalang tinanggap ko. Una, pakiramdam ko umaantas ang aking pagbabasa at pangalawa, ay dahil may libre akong kopya. Aarte-arte ka pa ba? 

   Hindi ko alam kung may saysay ba ang rebyu ko sa awtor at sa mga mambabasa. Hindi ko rin alam kung sa ginagawa ko'y nakakaambag ako sa pagsulong ng panitikan. Pero sana naman makatulong.

   Maligayang pagbabasa!




   Tungkol sa Aklat:

   Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sa iba’t ibang panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!



   Phil Lit na YA sci-fi men!


   Dahil Adarna House ang publisher, inakala kong illustrated 'yung libro. Kahit yung kada chapter divider lang ay inasahan kong may drawing, pero wala. 'Yung lang misteryoso nitong book cover ang drawing sa buong libro. Sa bandang huli, nagpasalamat akong hindi graphic novel ito. Buti na lang talaga. 

   Mabilis mag-register ang mga imahe sa nobela. Hindi ka mahihirapang ilagay ang sarili mo sa pinangyayarihan ng kwento. Maayos na napadaloy ni Sir Edgar Samar ang pagsasalaysay mula sa narrator, kay Janus, kay Joey; napausad rin ang kuwento ng mga nakakabiting dialouge. Sa mga sumunod na aklat mas lumalawak pa 'yung ginagalawang mundo ng kuwento, mas dadami ang mga paliwanang.



   Alam ni Sir Edgar na hindi matiyaga ang mga kabataang mambabasa, naandoon yung gigil kapag gusto mo nang malaman kung bakit. Kung naandoon lang ako sa mga tagpo, e baka nakapangurit na 'ko para ilahad na niya lahat. Magaling ang mga paraan niya ng mga reveals. 



   Hindi ko alam kung layunin ba ng nobela na magustuhan ito pero hindi ko ito nagustuhan. Nakakatakot kasi. Nang nabasa ko ang blurb ni Manix, akala ko OA lang siya. Pero nakakatakot nga noong dumadaan ako sa madilim na lugar pauwi sa bahay. Hindi muna ako nagpagabi ng uwi pagkatapos ko basahin. 'yung kaibigan kong si Bo, dalawang gabing nakitulog muna sa kuwarto ng mommy nya. Walang ibang salita kundi nakakakilabot. Umaga ko pa binasa yun, hanggang nung gabi ay nakipaghabulan ako sa tulog.

   Pero sa mga susunod na aklat, medyo huhupa na 'yung takot, mas makakaradam ka ng pagkamangha sa paglabas ng iba-ibang nilalang ng Santinakpan.  

   Relatable ang nobela: Una, dahil dati rin akong adik na adik sa online games. Hindi nagkakalayo ang buhay namin ni Janus, hindi nga lang ako pumupusta. Pangalawa, yung mga lugar ay hindi rin nalalayo sa amin. Magkatabing bayan lang ang Tiaong at San Pablo kaya pakiramdam ko tuloy nangyayari lang yung tagpo isang sakay ng dyip mula sa amin. Abot na abot ako ng Tiyanak. Creepy talaga. Ikatlo, yung mga newspeg na ginamit, hindi ko na vinerify no. Alam ko naman na may mga ganun talagang kaso. Lalo na sa ibang bansa. Naipakita rin dito ang mga #estudyante problems mula sa pressures sa pag-aaral, pamilya, kaibigan, at lovelife. 

   Nakakainis dahil yung ibang parte ng kuwento (sa unang aklat) mukhang sanaysay - totoong-totoo ang dating. 'yung mga sumunod na aklat parang mas ano, guide to Santinakpan. Mas pinalawak 'yung ginagalawang mundo habang unti-unting pinauusad ang kuwento. Nakakahanga ang cyber-folkloric-teenstuff fusion ng nobelang ito. 





   Malaking enerhiya ang nagamit ko sa ilang bahagi ng nobela. Para bumuo ng bagong konsepto't imahe sa mga bagong nasugagaang Philippine mythological creatures, at kilala ng nanay ko (Bisaya siya) ang ilan sa mga ito. Malaking enerhiya din para gibain ang konsepto ko dati ng tiyanak. Bago lang din sa'kin ang cyber-kinesis. Gayunman, kada may mag-e-explain e mapapakunot ang noo mo para unawain ang mga paliwanag. Lalo na sa kakayahan ng mga pusong, bawal mag-passive reading.

   Marami sa mga nilalang, umuusad ang buhay dahil sa inatas na tungkulin ng mga bathala sa kanila, may kailangang protektahan, panatilihin, hintayin, at iba pang atas. Manananggal pa lang 'yung lumipad nang malayo sa kung anong layon sa kanilang pagkakalikha. Lahat nagsasakripisyo. Lahat seryoso, liban kay Harold at kay Miro na p'rehong wala na. Siguro dahil mas mabibigat pa 'yung susunod na mga aklat. Inaasahan kong marami pang mamatay sa bawat ending ng susunod na mga aklat! 

 
   





   Tungkol sa Manunulat:



   Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang makakilala ng isang Púsong.


   Links:
Wattpad: http://www.wattpad.com/story/13119778-janus-silang-at-ang-tiyanak-ng-t%C3%A1bon

Friday, April 25, 2014

Trip to Tiaong: Ang Magdarasal

Sumakay ako ng isang dyip na madami ng pasahero kaya napunta ako doon sa kadulo-duluhan, sa likod na ni Manong drayber. At dahil nasa likod niya ako awtomatik ako ang secretary general ng drayber. Ako ang taga-abot ng bayad at taga-abot uli ng sukli, isa ito sa mga di-napapag-usapang batas sa pagsakay sa dyip. Hindi mo pwedeng takasan, ni magbingi-bingihan kung may nakiki-abot ng bayad. 

Luminga-linga ako sa dyip para sa disenyo, mga sabit-sabit, mga kapit-kapit para masiyahan sa kalahating oras na paglalakbay at pag-aabot ng bayad bilang sec.Gen. Aba may mga talata mula sa Bible, miyembro ata si Manong ng isang spiritual movement; at dahil dito makokonsensiyang mag-da moves ang mga holdaper. 

Napansin kong makata rin si Manong dahil sa mga tula na nakalagay. Yung isa ay parang ganito: "Ang matalinong pasahero ay laging nagbabayad ng sakto" kaya hindi niya ko sinuklian ng dalawang piso mula sa sampung pisong plata ng binayad ko. Hindi nako umapela.



Nakakapit yon sa dashboard ng sasakyan niya. 

Minsan, nag-dyip ako sa Baguio dahil 8.50 raw ang pamasahe papuntang palengke, nagbayad din ako ng sampung pisong plata; laking gulat ko nang makatanggap ng 1.50 bilang sukli. Nakita ko sa unahan may mga 25 sentimos na nakahanda yung drayber. That time gusto kong maglakad ng paluhod sa Lourdes Groto para ipanalangin ang kaluluwa ng mga drayber sa aming bayan. 

Meron pa siyang isang tula: 

"Inyo pong ingatan at pagpalain ang mga pasahero hindi tapat sa'kin." 

Antaray ng tugmaan, kahit si Abra mahihiya. Kung yung isa Anti-theft, ito naman Anti-batusai; makokonsensya kang bumatos o hindi magbayad. 

Nakaka-aliw ang mga paandar ni Manong. Aliw na napalitan din ng inis. 

May Ale kasing nagbayad ng 5o peso at humihingi na ito ng sukli. 
"Wala namang singkwenta inabot dito" sabi ni Manong. 

"Meron ho, 2 Lagalag." pagtutol ng Ale at pina-alala pa nga kung saan sila baba. 

Ako ang nag-abot kaya alam ko na nagbayad ang Ale. 

Maya-maya pa'y bumuntong hininga si Manong, na parang nagoyo siya; nagbuo na ng isusukli at pagkatapos ay ipinahid ang sukli sa dasal para sa mga Batusai, bago iabot ang sukli. 


Nakakaasar! Bakit kasi itong mga drayber ayaw magsukli agad para hindi nila nakakalimutan. Kapag pasahero naman ang nakakalimot humingi ng sukli, hindi naman sila nagkukusa. Sa ginawa niyang pagpunas ng sukli, sinasabi niyang hindi tapat yung Ale. Patawarin... 

Gayunpaman, bilang secretary general ay iniabot ko pa rin ang sukli hindi para tulungan yung drayber kundi para doon sa Ale. 

Hindi ako napagpala sa byaheng yaon. Patawarin...

Wednesday, April 23, 2014

Tatlong Gabi, Tatlong Buwan

Ang inet-inet ng summer. Bawat labas kailangan kong gumastos para sa palamig, halo-halo, banana-ice, atbp. Pero paglabas ko ngayong gabi, may Moon Halo. Pero summer ngayon, wala sigurong ice crystals para magkaron ng halo. Pwede sigurong bumilog lang ang ulap sa paligid ng buwan. Ang danda, nakakangalay lang tingalain. 

Gusto kong malaman kung moon halo nga kaya nagcheck ako ng news feeds pero tila walang nakapansin o hindi ito visible sa ibang lugar. Bleh! Ang ganda-ganda talaga. 

Wala naman, baka cloud formation lang talaga na pa-bilog. 


April 12, 2014 




Tumingala-tingala ako. Mainit lang dito kaninang bandang hapon pagdaan ko. Kasi ba naman pinagpuputol yung mga puno, hindi naman banta sa buhay at wala ring proyekto ng gobyerno pero nakakapagputol sila. 

Kung sa kapatagan ganito lang kadali tumabas ng mga puno, mas lalo na sa bundok di ba. 

Pero init man ng araw ang sikad sa hapon, madali mo namang matatanaw ang langit kung gabi. Bilog at maliwanag ang buwan, wala masyadong bitwing matatanaw. "Gabi ko ito" sabi ng liwanag ng buwan. 

Walang masyadong kakaiba. 

Payapa. 

April 13, 2014


Blood Moon. Ito ang pangyayari kumalat sa newsfeed. Sinubukan kong unawain kung paano magiging pula ang buwan sa pagbabasa ng ilang articles pero wala. Wala akong maintindihan. 


Siguro dahil kailangan mo ng basic knowledge tungkol sa eclipse. At kung ipapaliwanag nyu sakin ang eklips, e di ko rin kayang ipaliwanag. Sisihin nyo titser ko nung Grade 6 sa science. Basta magiging pula ang buwan. Tapos! 

Ang alam ko magiging mas makapangyarihan ang mga blood benders sa gabing ito. :)) 

Abang-abang ako. Parang wala naman. Binuksan ko ang balita- pak! Blood moon sakto! 

Visible lang daw ang phenomena sa South at North America pati na sa Australia. 

April 14, 2014 



Tatlong gabi. Tatlong buwan. 


May mga pangyayaring magaganda na ikaw lang ang makakapansin. Meron ding hindi mo makita.Di maipaliwanag. Meron ding payapa lang.



Tuesday, April 15, 2014

Pagluluto ng mga Itlog

Pwedeng nilaga, pwede rin namang kinawkaw o binati. 
Hindi bibitawan ng masa 
Paniniwala pa ri'y nakakabuni. 
Tatanganan hanggang pumikit. 
Butas na mga pangako. Bulag sa pag-asa. 
Sa mga mapuputi at sa linis ng baluti, 
Ngunit lansa ang nasa loob, 
Taliwas sa sinasabi 
Ang laman ng butsi. 
Sariwa pa ang alok. 
Ngunit kabugoka'y di maitatanggi 
Dahil ang pagdarang sa apoy 
Lilitaw ang mapakla! 
Huhusgahan ng maselang panlasa 
Mga bugok na itlog 
Na ipinirito sa sariling mantika. 

Iluluwa't-iluluwa, 
Idudura't-idudura!

Seyls 3: Ako Mismo (Part 2)

Ayoko ng sales. Pero ngayon, ako mismo na ang gagawa nito para sa mga magagandang maituturo nito sakin. 


Poblacion IV, Sa may bandang ilalim ng Tulay ng Lalig. 

Dito ang una naming area, mga pagitan ng alas-3 at alas-4 ng hapon. Naglako kami nina Joseph, Richard, at Neno habang sina Mil at Gino ay dinadalaw si M.A. 

Kasagsagan ng siesta kaya unang bahay pa lang na tinapatan namin ay nasaway na kami dahil may mga natutulog daw. Sinubukan namin sa may bandang ilalim ng tulay. 

Parang mga eskinita sa mga depressed area sa Maynila yung mga daan. Ilang dipa lang ilog na; Modernong Mesopotamia. Halatang mahihirap. Hindi ko alam kung may linya ng tubig rito, pero may mga telebisyon pa rin sila. May mga lugar na mistulang public bathroom, di gaya sa ibang bansa, bukas talaga ito literally sa publiko kaya dapat nakatapi rito habang naliligo. 

Pa-lambak ang oryentasyon ng mga barung-barong. Ilan naman mga sementado, pero maraming kahoy ang ding-ding. Perpekto itong pag-shootingan ng chase scene ng Bourne Legacy. Hindi sa hinahamak ko ang kapwa ko mahihirap, nagbibigay lang ako ng akmang pagsasalarawan. 


Ang alam ko hayskul pa lang ako ganito na ang set-up dito. Malamang 19-kopong-kopong pa nga. Naalala ko nang minsang tamaan ang Katagalugan ng isang bagyo ay umapaw ang ilog at may naanod na bahay sa lugar na ito. Nagpakolekta kasi ng tulong sa klasrum namin noon kaya lang biktima rin kami ng baha noon. Ewan ko kung namatayan sila pero kami oo, ilang mga manok at ang nakaligtaang dagang costa. Tila walang ginawang aksyon ang lokal na pamahalaan para sa mga naninirahan dine. Malamang ilang politiko na rin ang inasahan nila. 

May isang matanda na inaabot ang kamay na tila humihingi ng abuloy. Nasa isang kwartong walang pinto na halatang ginawa para sa naghihintay na ng paglubog ng araw. 

Anung iaabot ko? Babasahin? Hindi na siya nakakapagbasa. Dishwashing liquid? Baka nga hindi na nadudumihan ang plato nila. Awa? Yun yun na nga lang. 

Anong ending? Itatanong mo pa? Wala kaming nabenta. Wala, wala kahit isa. 


Cassandra Subd., Brgy. Quipot. 

Ang ikalawang area para sa ikalawang araw ng pagbabahay-bahay. Ang araw ng pagbawi. Si Joseph pa rin ang partner ko, sina Richard at Neno ay kabilang sa ibang team. 

Unang bahay pa lang namin, tumanggi na dahil nakakasulasok daw ang amoy ng produkto namin. Ikalawa, tumanggi rin. Ikatlo, tumanggi and so on and so forth. 

Bakit? Maayos naman ang pagtawag at pagpapaliwanag namin. May lambing at ngiti (kahit pilit) naman. Why, why, why Delilah at wala pa rin kaming benta? 

"Tao pooooo!!!" 

"Wala!!! Walang tao dito!" sabi ng isang mama na parang nagmumura. 

Lumayo na kami ni Joseph. Nag-aaway ata yung mag-asawa naririnig pa namin yung linya mula sa malayo. "Wala nakong ginawang tama dito!" 


Ay, siguro may shooting ng Tanging Yaman Part 2 tapos imbyernang direktor yung nakausap namin. 

Katok. Alok. Tanggi. Sapok. Kung pwede lang pero nagpapasalamat pa rin kami sa mga pagtangging natatanggap at nag-aabot ng babasahin. 

May ilang gusto ay may pangalan. Marami ay may ginagamit pa raw sila. May ilan ding honesto dahil wala pa daw silang maibibili. Pero higit sa lahat meron ding maawain. 

"Pabili ngang isa." sabi ni Ate ng malamang kami ay affiliated sa isang youth ministry at for a cause naman ang kanyang pagbili. 

"Joy ang ginagamit ko, ako'y naaawa sa inyo't pagkainit-init ng inyong yaan(pagbebenta)" sabi ng butihing nanay. 

Abot-abot ang pasalamat namin. Weee...unang benta namin matapos ang 50 kabahayan. 

"Ang mga anak ko'y youth din sa YFC, kakagaling lang nila ng Palawan, nito lang" pagbibida pa ng maybahay. Paraan niya siguro ito ng pagsuporta sa mga ganitong gawaing pangkabataan. 

Pagka-abot ng bayad ay muntik na kaming mapakanta ng tenkyu-tenkyu ambabait ninyo, tenkyu. 

Matapos ang mahigit isang oras ng paglalako ay naka-dalawa kaming produktong naibenta. Isang 20 at 15, kay trentay-singko pesos lahat. 

Pinitch na ang mga sales. May nakabenta ng 17, 13, 10,...sina Richard at Neno ang top earners. Ipa-Forbes na yan!!!



Lapid's Ville, Brgy. Lumingon. 

Dahil maaga pa para sa tanghalian ay pinasyang suyurin din ang Lapid's Ville. Go! Resbak!

Hindi ko alam kung totoo na proyekto daw ito ni Lito Lapid kaya ganun yung pangalan o jinojoke lang ako ng kaklase ko nung elementary. Hindi ko na yun naverify up to this day. 

Unang bahay na inalok namin, Pak! Benta agad kay Manong. Woot! Woot! [brass band: Pasko na Naman] 

Umakyat pa kami, dahil ang oryentasyon naman ng bahayan rito ay pa-burol. Aba, parang mahihirap yung mga tao. Ibibili na lang daw nila ng bigas yung ibibili nila ng dishwashing. Yung iba nagpapaumanhin pa dahil wala daw silang maibili. Aba village to di ba? May guard pa nga na humarang samin bago kami pumasok dito. Bakit parang mga aba yung mga tao. May ilan lang sa bandang bukana na may estado sa buhay. 

Alok at tanggi na naman ang pattern. Hanggang inabot namin ang mga dulo pang kabahayan. 

Marami pang bahay, wala ng tao. Maraming abandonado. Parang ghost town. 

Bumaba na kami pabalik ng sasakyan.

Pagdating namin sa sasakyan, niremit na ang mga sales. May 4, 3, 1, at wala pa nga. At pre-prehas kami ng obserbasyon: Nasa village sila at mahirap sila. Bakit?! 

Buti na lang kasama namin si Ate Lis, sa kanyang ginintuang edad ay naipaliwanag niya ang sitwasyon. Ang Lapid's Ville raw kasi ay proyekto ng GSIS na hinulugan ng mga teachers. May mga teachers kasing nangungupahan lang, nagbanggit pa siya ng mga apelyido. Ngayon ka, naging problema ang palinya ng tubig sa lugar kaya yung ibang bahay ay pinagbili rin at di na tinirhan. Kaya ang mga pobreng teachers ay bumalik sa pangungupahan. Siguro nakapundar na ang marami sa kanila ngayon. 

Saan galing yung mga taong nakatira dun ngayon? 

Mga mahihirap daw na sukdulang walang matirhan. Nakikiusap lang sila sa gobyerno o sa may-ari nung bahay na inookupahan nila. Hindi lang pala dapat karapatan ng urban poor ang pinapansin natin, meron din sa rural areas niyan. 

E andami pa kayang bahay na kagagawa lang sa bandang dulo. Housing project na ayaw patirahan? Ewan.


Brgy. Bungoy, Dolores, Quezon. 

Hindi kami nagbenta dito. Nanginain lang kami kina Mil, Mic, at Meg na bahay. 

Tanghalian na tumapos sa umaga ng produktibong gawain. Daan-daang babasahing naipakalat at Php 880 na gross sales. 

Nagsalu-salo kami sa fried chicken fillet, paksiw, gulay:), at kanin. Nagpalamig at ice cream. 

Nagkwentuhan. Nagpahinga. 


Pasasalamat: 

Kay Boss, sa pag-iingat at pagbibigay-lakas. Huh! Kapawis! 

Kay Ate Nova at Kuya Ramil, sa kanilang hosting ng victory party ng sales distribution ng Rejoice. Yan nga pala ang pangalan ng dishwashing liquid namin. 

Sa lahat ng nagbenta, sa lahat ng bumili, sa lahat ng tumanggi, solomot po! :))

Seyls 3: Ako Mismo


     Ayoko ng sales. 

Meron nga akong sanaysay-series tungkol sa salesmen na minsang nakapanayam ko. Seyls 1, 2, at ito nga ang pangatlo. 

Ayoko ng sales. Alam ko hindi bahagi ng pagkatao ko ang mangumbinsi, mambola, at magbenta ng produkto sa kliyente. Ang mga salesman rin ang madalas nakakaranas ng rejections. 

     Ayoko ng sales. 


Ilang ako kapag nilalapitan ng mga sale staff sa mall, gaya ng marami satin. Pakiramdam natin ay pinaghihinalaan nila tayong shoplifter. Mahirap din nga kasing masalisihan sila, bawas pa iyon sa karampot nilang sinusweldo. Pero yung pag-a-assist kasi ay bilin daw sa kanila at parte lang ng kanilang trabaho. 

     Gayunman, ayoko pa rin ng sales staff kapag nagmo-malling. 

Pero, nito lang ay nagpadala ako ng Resume sa isang anime-merchandise-chain sa bansa, may pagka-otaku rin kasi ako. At isa pa, marami kang matututunan sa mga salesman at pagse-sales. 

     Ayoko ng sales. Pero nito lang Pebrero ay nagtimpla ang Fortress (grupo ng mga kabataan) ng dishwashing liquid para makaipon ng pondo para sa mga pupuntahang summer camps. At siyempre, kailangan naming maibenta ang mga ito sa halagang 15 at 20. Pwede mo pang patungan ng kaunti para mas makaipon. Dagdag kasi ang kikitain sa mga savings account mula sa mga baon nila. 


Tinulungan kami ng church. Marami ang nagbenta sa kani-kanilang lugar. Pinangunahan din ng aming Pastor (na siya ang may ideya ng nasabing microbusiness) ang pagbebenta ng mga produkto. Sa kagustuhang maka-ipon, at makapagpadala ng mga delegado sa camp, ay sinuyod niya ang mga simba-simbahan sa bayan. Bisita-iglesia. 

Nakailang ulit rin ng timpla at benta. Timpla at benta. Habang lumalapit ang unang summer camp. Kayanaman, napagpasyahan na ni Pastor na maglako kami ng dishwashing liquid. House-to-house. Door-to-door. Wala raw kaming paliligtasing mga bahay. Sabay abot na rin ng babasahin-gospel tracts. Dual purpose na: Earthly at Heavenly Business. 


     Ayoko ng sales. Pero may magandang dulot ang paglalako: 

1. Personality Development. Kailangan ngumiti at maging masayahin Walang bibili sayo kapag nakasimangot ka. 

2. Community Immersion. Makikita mo ang ibat-ibang estado ng pamumuhay. Makikita mo ang ibat-iba nilang pakikitungo sa tao. Kung anung ginagawa nila sa mga oras na iyon. Makikita mo rin kung anung pangangailangan nila sa komunidad at mapapatanong kuna ano kayang ginagawa ng lokal na pamahalaan para tugunan ang mga ito. 

3. Psychological at Emotional Strenghtening. Kung paano mo aaluin ang sarili mo na hindi ikaw ang tinanggihan nila kundi ang produktong biyabit mo. Cheer up self, it's not the end of the world. Kahit ganun ang pakiramdam talaga, lalo na kung nasigawan ka pa. 

4. Spiritual Maturity. Kasi sa kabuuan, matutunan mong makibagay sa mga tao, magpasalamat kahit tinanggihan, magmahinahon kahit nabulyawan, at magbigay kahit napagdamutan. Hindi ka man nabilhan ay hindi naman sila na makakatanggi sa libreng babasahin at libreng kaligtasang mababasa rito. Kapag naisip mo rin na front act lang ang dishwashing liquid at promotion talaga ng Father's business ang inaatupag nyo, ay sulit na rin ang pagpapawis. 

Kapag naalala mong si Hesus nga dinura-duraan pa, ikaw nga di pa krus ang dala-dala mo tapos umaarte-arte ka pa? Matatanggal na ang hiya-hiya mo. 

5. Competence. Kapag marami kasi kayong teams na nagbenta, ay magkakaroon ng healthy na kumpetisyon pagdating sa top earners. Nasa top earners namin ang mga bata at mga babae. Nakaka-frustrate na wala kaming charm at cuteness. Ayoko ng sales. 


     Gayunpaman, cheer up self! It's not the end of the world. 



P.S. Pasensya na po sa mga maling gramatika-maling paggamit ng bantas, o mispelled, o sva; unawain pagod ang salesman.

OSO 2014!!


Isa po itong isports artikel. 

Ika-lima ng Abril, 91 mga bata mula sa iba't-ibang baranggay ng Tiaong ang nagtagisan sa mga palarong pampalakasan sa ginanap na Outreach Summer Olympics 2014 sa Covered Court ng Brgy. Quipot. 

Wala namang naitalang sugatan. Isa umiyak. 



Ang mga kaliliitang bata mula lima hanggang 12 taong gulang ay mga tinuturuan ng mga kabataan ng Tiaong Baptist Church (TBC). Extension Classes, Children Outreach, o Saturday School ang mga katawagan rito na nagtuturo ng mga Christ-centered values sa mga common community children (CCC). Ang OSO2014 ay napagplanuhan na una pa lang ng Enero 4 ng parehong taon. 

At dumating nga ang araw ng pagtutuos. Mula alas-siete hanggang alas-nuebe ay isinagawa ang paghahanda ng lugar gaya ng pagsasabit ng banderitas at paglilinis ng benyu. Kaalinsabay nito ang pagsusundo sa mga bata mula sa kanilang itinakdang pick-up locations. 

Isa-isang dumagsa ang mga grupo na abala sa last-minute preparation sa mga props at pagpapraktis ng kani-kanilang mga cheering.

Nag-umpisa ng alas-nuebe ang aktwal na programa. Ilang sandaling kantahan. Kitang-kita na ang asbok ng competitiveness pero pinigil muna ng mga bata ang excitement para sa munting devotion mula kay Kuya Jun-Jun tungkol sa 'Ang Dapat Ugaliin ng Isang Bata' hango sa Epeso 6:1. 

Mga bata magsitalima kayo sa inyong magulang sa Panginoon sapagkat ito ay katuwiran. 

Naging ilustrasyon pa nga ang buhay ni Noe na sumunod sa Diyos nang pinagawa siya ng arko at pinapangaral. Ihinambing rin ito sa pagsuway ni Jonah ng pasakayin naman siya sa barko para mangaral sa Nineveh. Pero sumunod din naman si Jonah sa bandang huli pero natuto siya ng kanyang leksyon in the hard way. 

Hindi lang ito para sa mga bata kundi para sa bawat isa. 


Matapos ang pananalangin ng pagtalima at pag-iingat sa buong paglalaro ay humudyat na ang pito ng simula. 

Yellow Cats + Red Horse vs. Silver Swan vs. Pink Crocodiles vs. Blue Bird vs. White Dove 

Unang pinaglabanan ang Cheering. Kung saan binuladas ang mga kalabang ng Silver Swan gamit ang kanilang feather-man cosplayer. Ito ang ekserpt mula sa kanilang cheer: 




Nanggigil kami, saming mga kalaban. 
Nanggigigil kami, 
di namin mapigilan. 
Nanggigil kami, 
sa inyo (turo!), sa inyo (turo!), sa inyooo!!!! 

Sa patnubay at panggigil na rin ng kanilang guest coach-cheer mentor na si Ate Aurea. 

Pero ito ang wag ninyong ismolin, harmless man ang White Dove pero nilapa nila ang iba pang kalabang hayop sa cheering pa lang. May ibon-girl coser din sila. Ito ang ekserpt mula sa kanilang award-winning cheer: 

Go! go! white dove! 
Go! go! Go white dove go! (2X).... 

Bata1: Ano nga ang Pink Crocodile?! 

All: Lantutay! 

Bata2: Ano nga ang Yellow Cats?! 

All: Mahinang kumagat! 

..at inisa-isa nilang ibagsak ang fighting spirit ng iba pang grupo. 

Pero sa loob ng 8 games, parang walang silbe ang buladas ng cheering dahil kumalmot ang Yellow Cats kasama ang sikad ng Red Horse. Na nanguna sa preliminary tally mula sa tabulation ng mga games. 

Dahil tila bitin ang mga palaro sa enerhiya ng mga bata ay nagluluto na ng part two ang palakasan. Rematch. 

Gayunman, credited na ang mga scores para sa rematch at iginawad ang mga bago(ng nakalkal) na mga medalya para sa mga special awardee. 

Masaya na rin ang mga bata sa ganitong mga medalya dahil maaring wala silang natatanggap na pagkilala sa paaralan. 

Bago matapos ang palaro ay hinikayat ang mga bata na magsama pa ng kapwa para sa susunod na palaro. Bago rin iwanan ang court ay inudyukan munang maglinis ng mga kalat bilang patotoo ng kalinisan sa komunidad. 

Kahit papaano'y nakapagtanim ng sense of sportmanship, values, at social responsibility sa mga bata. No bullying cases. 

Ito ang tama! 

Natapos ang kalahating araw na nakakapawis na aktibidad sa masarap na tanghalian. 

"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Mic sa kanyang estudyante. 

"Hindi ko po alam" sagot ng munting Blue bird. 

Tears of joy. 


Pasasalamat: 
Kay Kapitan ng Brgy. Quipot sa kanyang pagsuporta sa adhikain ng TBC. 

Sa mga nagpawis sa matagumpay na isports event. Kudos! 

Kay Boss! Sa 0 casualties. Sa uulitin po.XD 

Para sa karagdagang mga cuts bisitahin ang link na ito:

Friday, April 11, 2014

Mayaman?!

Wala namang ayaw yumaman. Marami ang ayaw magpagal para yumaman. Marami-rami rin ang mga kwentong rags to riches at vice-versa sa Pinas. Kaunti lang talaga, mga isang porsyento ng populasyon sa bansa, ang pinanganak ng may kutsarang pilak sa bibig. 

Mga anak ng eletista. Mga namulat ng may yaman na talaga. Sila yung 10 Pilipino (na may mga apelyidong Intsik) na kasama na sa listahan ng burgis na lathalaing Forbes bilang mga bilyonaryo. Sa dolyares. Ang masaya rito hindi sila ang top tax payers ng Pilipinas, at protektado ng batas ang mga tax deductions nila. 

Dapat nating ipagbunyi, dahil Pinoy pride di ba ga? Mga Pinoy na narecognize sa international scene? Pero wag na tayong maglokohan, may mga Hitler sa bawat isa sa'tin na mahinang sumisigaw ng "Even Distribution of Wealth!" 

Kaya na lang nga siguro maraming Pinoy ang palaging nakikipagsapalaran para sa pag-asang instant milyonaryo ng mga lotto outlets. Ang pag-asang lumalamon ng milyong-milyong pag-asa ng mamayang Pilipino. Salamat sayong dampi ng pagmamamahal...Utot! 


Marami rin siguro ang naghahangad na magising sa mahabang bangungot ng kahirapan. Pero mas kailangang magising tayo sa realidad. 

Isang umaga pagkagising ko, iniligpit ko na ang higaan ko. Pinatas ang unan. Tiniklop ang kumot at panlatag. Sunod ang pag-alis ng tinuwid na foam ng isang dating office chair na nagsisilbing kutson. Tiniklop naman ang dalawang banig na nagsisilbing panaklob para sa makalawang na folding bed na frame na lang ang natira. Lahat 'to ginagawa ko ng reverse kapag matutulog na sa gabi. 

Maya-maya pa'y andyan na ang bunso kong kapatid may dalang baso ng orange juice. Tumingin ako sa orasan, alas-siete lang. Orange juice sa umaga? Mayaman na ba tayo R? 

Ipinainom ko na lang sa aso yung juice. Kumuha ng tasa at nagtimpla ng kape. 



Kahit pa siguro yumaman ako, magkakape't magkakape ako sa umaga.

Tuesday, April 8, 2014

Tapos ka na Jet-Jet!!!

Maligayang Pagtatapos! 

Sa wakas tapos na ang mga pasakit ng quizes, laboratories, reports, at exams. Tapos na rin ang mga tuition dues na kailangang bayaran bago maka-exam. Tapos na ang pangcha-chaka ng prof sa mga presentations. Tapos na ang paglalamay ng mga requirements at thesis. 

Ewan ko kung nangyari sayo ang mga 'to sa buong college life mo. Hindi naman kita kaklase, kapatid ka ng kaibigan ko. Kapatid rin kita. Palagi kaming nasa inyo, kaya binabati kita. 

Tapos na rin ang mga "extra-curriculars". Tapos na ang mga "overtimes". Mga ekstrang araw para pumasok na may gala, at pag-uwi ng gabi dahil sa project na may lakwatsa. Minsan gala at lakwatsa lang talaga. Ewan ko kung ginawa mo yan, pero ako, ginawa ko at mas malala pa nga. Malamang ginawa rin 'to ni Jeuel. Esensyal yan e, bilang mga siyentipiko talagang hindi tayo mapipigilang tumuklas/w. Pero kung aamin ka, hindi naman kita isusumbong kay Mrs. P. 

Alam mo pangarap ko rin yan dati. Magsuot ng puting lab gown, magsalamin ng may black frame, at sumipat ng test tube sa may ilaw. 'Yan kasi ang picture ng scientist nung bata pa ako. Sinubukan ko nung college na tanggapin ang apprenticeship na ini-offer ng Indian-national na biochemist pero hindi ng school admin. Mga kontrabida kasi. Hindi, hindi lang talaga ako dun tinawag. 


Naisip ko kasi: Aba! Pwede akong gumawa ng bacteria/viroids na magzozombify sa host. Fulfillment of my dreams! Pero dahil may tendency akong maging evil mad scientist na gustong sakupin ang Earth; e hindi yon pinahintulutan. Kaya umaasa ako sayo. [insert kontrabida laugh here] 

Pero seryoso na, natutuwa kami na tutungtong ka na sa entablado para tumanggap ng diploma. Rejoice with them that rejoice. Ipag-gagawa ka pa ata ng lil' brother mo ng fansign. Mas lubos na matutuwa rin sina Pastor at Mrs. P. At binabati ko rin sila sa kanilang pagpapagal. Kasama ring magtatapos ang pang-araw-araw na baon. 

We'll be praying para sa iyong karera. Alalay lang sa pagtakbo at stay on the track! 


Hanggang sa Mokingjay, 
J. Earving [G.]

Dalawang Bunga ng Itim na Sanga

Korapsyon! 
Mas masagana sana 
Bumili raw ng dalawang Pancit Canton 
Ang salaping iniwan 
Ibinili lang ng dal'wang itlog, 
Ng kapatid na tuso, 
At ang tinaga, ipinang-sigarilyo. 


Imbyerna! 
Masaganang Maghapon: 
Embutido, Dinuguan, at may Pancit Canton. 
At ng sumapit ang dilim 
Sarado na ang mga tindahan. 
Waaah!!! 
Wala ng tut peyst! 
Wala na kahit konti.

Saturday, April 5, 2014

Instink


Kanina kasi walang makain sa bahay. Pero lagi namang garne, hindi lang talaga ata ako nasanay. 

Kadalasang hakbang kapag nakaramdam na ng gutom matapos magbasa't magsulat ay ang magbungkal. Magbungkal kung may makakain. Hayun! May bahaw naman. May bawang? Oo. Eh sibuyas? Tsek! Mag-aadobo ba'ko? Sana nga pero hindi magsasangag lang ako ng kanin. 

Eh para san ang sibuyas? Gagawa ako ng sawsawan para sa namataan kong isang galunggong -mga 40 grams naman. 

Asan ang kawali? Hayun, hindi pa nahuhugasan. Tamang-tama naiwan pa yung pinagpritusan ng longganisa. Isinalang ko na ang hiniwa-hiwang sibuyas, mas masarap daw kasi ito kapag nagkakaron ng contact with heat nakacaramelized daw kasi yung sugar content nito sabi ng pinapanood kong cooking show. Matapos nito, hinalo ko na siya sa toyo at kalamansi. May sawsawan nako! 

Nagsangag naman ako ng kanin, mga 30 minutos din yun. Kailangan medyo buhaghag yung kanin kapag hinango. Bago ako makakain ay pasal na pasal nako dahil mag-uumpisa lang naman akong magluto kapag nakaramdam na lang ng gutom. At siyempre, unang kakain si Dashu kaya hinatian ko na siya ng mga dalawang sandok. Umuusok-usok pa ang tanghalian. 


Matapos patahimikin ang dragon sa aking tiyan ay oras na muling buklatin ang nobelang binabasa, binuhay ang elektrik pan, humiga, at nagtalukbong ng kumot. Digital reading ako ngayon, kaya ayos lang na nakatalukbong at tuluyang tumakas sa realidad na antukin. 

Pag-gising ko ang araw naman ang namahinga. 

Ilang linggo nakong ganito. Gigising, magbabasa, magsusulat, magugutom, kakain, matutulog, at gigising uli. 

Pagbasa at pagsulat na lang ba ang lamang ko sa mga hayop? 


O hinde, dalawang araw nakong walang ligo.

Tuesday, April 1, 2014

#ThrowBackasyon (April-May)

Bakasyon na ng mga mag-aaral! At para sa mga katulad kong tapos nang mag-aral, aksyon na! 

Oo, teka, wag excited sa magiging trabaho ko. Ako nga hindi alam ang gusto kong gawin, ikaw pa? Darating din diyan basta't maghintay ka lang. 

Aba! Akala mo, trabaho kaya ang magsulat. Wala nga lang sweldo pero di ba it's not about the money, money, money. Pero kailangan pa rin natin yan. Trabahong-trabaho ang mag-maintain ng blog. Nakakapawis, lalo na ngayong summer is here. 

Malalathala dito ay mga tulang pambahay at pang-kalye na naisulat ko nang mga nakalipas na taon. May mga sanaysay pa rin o anekdota para sa iba. 

Ang panahon na ito ay hamon, ang tag-init ko nang nakaraang taon ay cool dahil sa halo-halong karanasan. Mga lugar at taong, napuntaha't nakilala na nagpatamis sa mga kinaing merienda. 

Ikaw, pasaan ka?



Listahan ng Summer 2014 Goals

Marami akong gustong mapangyari ngayong bakasyon. Medyo maplano kasi akong tao, kapag nagkamali kang hindi magplano ay nagpapaplano ka talagang magkamali, sabi nila. 

Natutunan ko noon sa Farm Mgt. 3 na subject ko (na matutunan rin sa ibang management subjects), dapat daw ang mga objectives ay SMART. 

S-pecific 
M-easurable 
A-hh nakalimutan ko 'to. 
R-ealistic 
T-ime-bound 

At inilista ko nga ang mga gusto kong mapangyari: 

1. Makapagbasa ng 3 Sci-fi, 2 Creative Non-fic, at 1 Christian Lit. 

2. Makapagsulat ng 14 na sanaysay/journal entry. 

3. Makapag-submit ng mga nasulat na poetry sa 7 Call-for-Submissions Online. 

4. Makatanggap ng 3 rejection e-mails. 

5. Makapag-travel. 

6. Makapag-update ng 2 kong blogs, tama, dalawa na sila kaya lang hindi pa handa for public viewing yung isa. 

7. Makapag-guest post sa pinaplanong buksan na blog ng The Fortress. 

8. Mabasang muli ang paglalagalag ng mga Israelita (Exodus-Deutoronomy) kasabay ng mainit na panahon. 

9. Makabisita ng kahit isang museo. 

10. Makakain ng halo-halo, mais-con yelo, at banana-sagolite. Ganan mga malamig. 

11. Makapag-movie marathon/kwek-kwek time/siomai session with bradees. 

12. Makapaghanap ng trabaho bago matapos ang tag-araw. Kailangan na raw e. 

13. Makapag-ayos ng mga papers na pagkamamahal just to prove na may pinag-aralan ako. Eto kasing mga paaralan masyadong komersyal ang oryentasyon. Nakakainit ng ulo. 

14. Magawa lahat ng ito. 
"So teach us to number our days, that we may apply our hearts unto wisdom." 
                                                                                                          -Psl. 90:12