Sumakay ako ng isang dyip na madami ng pasahero kaya napunta ako doon sa kadulo-duluhan, sa likod na ni Manong drayber. At dahil nasa likod niya ako awtomatik ako ang secretary general ng drayber. Ako ang taga-abot ng bayad at taga-abot uli ng sukli, isa ito sa mga di-napapag-usapang batas sa pagsakay sa dyip. Hindi mo pwedeng takasan, ni magbingi-bingihan kung may nakiki-abot ng bayad.
Luminga-linga ako sa dyip para sa disenyo, mga sabit-sabit, mga kapit-kapit para masiyahan sa kalahating oras na paglalakbay at pag-aabot ng bayad bilang sec.Gen. Aba may mga talata mula sa Bible, miyembro ata si Manong ng isang spiritual movement; at dahil dito makokonsensiyang mag-da moves ang mga holdaper.
Napansin kong makata rin si Manong dahil sa mga tula na nakalagay. Yung isa ay parang ganito: "Ang matalinong pasahero ay laging nagbabayad ng sakto" kaya hindi niya ko sinuklian ng dalawang piso mula sa sampung pisong plata ng binayad ko. Hindi nako umapela.
Nakakapit yon sa dashboard ng sasakyan niya.
Minsan, nag-dyip ako sa Baguio dahil 8.50 raw ang pamasahe papuntang palengke, nagbayad din ako ng sampung pisong plata; laking gulat ko nang makatanggap ng 1.50 bilang sukli. Nakita ko sa unahan may mga 25 sentimos na nakahanda yung drayber. That time gusto kong maglakad ng paluhod sa Lourdes Groto para ipanalangin ang kaluluwa ng mga drayber sa aming bayan.
Meron pa siyang isang tula:
"Inyo pong ingatan at pagpalain ang mga pasahero hindi tapat sa'kin."
Antaray ng tugmaan, kahit si Abra mahihiya. Kung yung isa Anti-theft, ito naman Anti-batusai; makokonsensya kang bumatos o hindi magbayad.
Nakaka-aliw ang mga paandar ni Manong. Aliw na napalitan din ng inis.
May Ale kasing nagbayad ng 5o peso at humihingi na ito ng sukli.
"Wala namang singkwenta inabot dito" sabi ni Manong.
"Meron ho, 2 Lagalag." pagtutol ng Ale at pina-alala pa nga kung saan sila baba.
Ako ang nag-abot kaya alam ko na nagbayad ang Ale.
Maya-maya pa'y bumuntong hininga si Manong, na parang nagoyo siya; nagbuo na ng isusukli at pagkatapos ay ipinahid ang sukli sa dasal para sa mga Batusai, bago iabot ang sukli.
Nakakaasar! Bakit kasi itong mga drayber ayaw magsukli agad para hindi nila nakakalimutan. Kapag pasahero naman ang nakakalimot humingi ng sukli, hindi naman sila nagkukusa. Sa ginawa niyang pagpunas ng sukli, sinasabi niyang hindi tapat yung Ale. Patawarin...
Gayunpaman, bilang secretary general ay iniabot ko pa rin ang sukli hindi para tulungan yung drayber kundi para doon sa Ale.
Hindi ako napagpala sa byaheng yaon. Patawarin...
No comments:
Post a Comment