Tuesday, April 15, 2014

Seyls 3: Ako Mismo (Part 2)

Ayoko ng sales. Pero ngayon, ako mismo na ang gagawa nito para sa mga magagandang maituturo nito sakin. 


Poblacion IV, Sa may bandang ilalim ng Tulay ng Lalig. 

Dito ang una naming area, mga pagitan ng alas-3 at alas-4 ng hapon. Naglako kami nina Joseph, Richard, at Neno habang sina Mil at Gino ay dinadalaw si M.A. 

Kasagsagan ng siesta kaya unang bahay pa lang na tinapatan namin ay nasaway na kami dahil may mga natutulog daw. Sinubukan namin sa may bandang ilalim ng tulay. 

Parang mga eskinita sa mga depressed area sa Maynila yung mga daan. Ilang dipa lang ilog na; Modernong Mesopotamia. Halatang mahihirap. Hindi ko alam kung may linya ng tubig rito, pero may mga telebisyon pa rin sila. May mga lugar na mistulang public bathroom, di gaya sa ibang bansa, bukas talaga ito literally sa publiko kaya dapat nakatapi rito habang naliligo. 

Pa-lambak ang oryentasyon ng mga barung-barong. Ilan naman mga sementado, pero maraming kahoy ang ding-ding. Perpekto itong pag-shootingan ng chase scene ng Bourne Legacy. Hindi sa hinahamak ko ang kapwa ko mahihirap, nagbibigay lang ako ng akmang pagsasalarawan. 


Ang alam ko hayskul pa lang ako ganito na ang set-up dito. Malamang 19-kopong-kopong pa nga. Naalala ko nang minsang tamaan ang Katagalugan ng isang bagyo ay umapaw ang ilog at may naanod na bahay sa lugar na ito. Nagpakolekta kasi ng tulong sa klasrum namin noon kaya lang biktima rin kami ng baha noon. Ewan ko kung namatayan sila pero kami oo, ilang mga manok at ang nakaligtaang dagang costa. Tila walang ginawang aksyon ang lokal na pamahalaan para sa mga naninirahan dine. Malamang ilang politiko na rin ang inasahan nila. 

May isang matanda na inaabot ang kamay na tila humihingi ng abuloy. Nasa isang kwartong walang pinto na halatang ginawa para sa naghihintay na ng paglubog ng araw. 

Anung iaabot ko? Babasahin? Hindi na siya nakakapagbasa. Dishwashing liquid? Baka nga hindi na nadudumihan ang plato nila. Awa? Yun yun na nga lang. 

Anong ending? Itatanong mo pa? Wala kaming nabenta. Wala, wala kahit isa. 


Cassandra Subd., Brgy. Quipot. 

Ang ikalawang area para sa ikalawang araw ng pagbabahay-bahay. Ang araw ng pagbawi. Si Joseph pa rin ang partner ko, sina Richard at Neno ay kabilang sa ibang team. 

Unang bahay pa lang namin, tumanggi na dahil nakakasulasok daw ang amoy ng produkto namin. Ikalawa, tumanggi rin. Ikatlo, tumanggi and so on and so forth. 

Bakit? Maayos naman ang pagtawag at pagpapaliwanag namin. May lambing at ngiti (kahit pilit) naman. Why, why, why Delilah at wala pa rin kaming benta? 

"Tao pooooo!!!" 

"Wala!!! Walang tao dito!" sabi ng isang mama na parang nagmumura. 

Lumayo na kami ni Joseph. Nag-aaway ata yung mag-asawa naririnig pa namin yung linya mula sa malayo. "Wala nakong ginawang tama dito!" 


Ay, siguro may shooting ng Tanging Yaman Part 2 tapos imbyernang direktor yung nakausap namin. 

Katok. Alok. Tanggi. Sapok. Kung pwede lang pero nagpapasalamat pa rin kami sa mga pagtangging natatanggap at nag-aabot ng babasahin. 

May ilang gusto ay may pangalan. Marami ay may ginagamit pa raw sila. May ilan ding honesto dahil wala pa daw silang maibibili. Pero higit sa lahat meron ding maawain. 

"Pabili ngang isa." sabi ni Ate ng malamang kami ay affiliated sa isang youth ministry at for a cause naman ang kanyang pagbili. 

"Joy ang ginagamit ko, ako'y naaawa sa inyo't pagkainit-init ng inyong yaan(pagbebenta)" sabi ng butihing nanay. 

Abot-abot ang pasalamat namin. Weee...unang benta namin matapos ang 50 kabahayan. 

"Ang mga anak ko'y youth din sa YFC, kakagaling lang nila ng Palawan, nito lang" pagbibida pa ng maybahay. Paraan niya siguro ito ng pagsuporta sa mga ganitong gawaing pangkabataan. 

Pagka-abot ng bayad ay muntik na kaming mapakanta ng tenkyu-tenkyu ambabait ninyo, tenkyu. 

Matapos ang mahigit isang oras ng paglalako ay naka-dalawa kaming produktong naibenta. Isang 20 at 15, kay trentay-singko pesos lahat. 

Pinitch na ang mga sales. May nakabenta ng 17, 13, 10,...sina Richard at Neno ang top earners. Ipa-Forbes na yan!!!



Lapid's Ville, Brgy. Lumingon. 

Dahil maaga pa para sa tanghalian ay pinasyang suyurin din ang Lapid's Ville. Go! Resbak!

Hindi ko alam kung totoo na proyekto daw ito ni Lito Lapid kaya ganun yung pangalan o jinojoke lang ako ng kaklase ko nung elementary. Hindi ko na yun naverify up to this day. 

Unang bahay na inalok namin, Pak! Benta agad kay Manong. Woot! Woot! [brass band: Pasko na Naman] 

Umakyat pa kami, dahil ang oryentasyon naman ng bahayan rito ay pa-burol. Aba, parang mahihirap yung mga tao. Ibibili na lang daw nila ng bigas yung ibibili nila ng dishwashing. Yung iba nagpapaumanhin pa dahil wala daw silang maibili. Aba village to di ba? May guard pa nga na humarang samin bago kami pumasok dito. Bakit parang mga aba yung mga tao. May ilan lang sa bandang bukana na may estado sa buhay. 

Alok at tanggi na naman ang pattern. Hanggang inabot namin ang mga dulo pang kabahayan. 

Marami pang bahay, wala ng tao. Maraming abandonado. Parang ghost town. 

Bumaba na kami pabalik ng sasakyan.

Pagdating namin sa sasakyan, niremit na ang mga sales. May 4, 3, 1, at wala pa nga. At pre-prehas kami ng obserbasyon: Nasa village sila at mahirap sila. Bakit?! 

Buti na lang kasama namin si Ate Lis, sa kanyang ginintuang edad ay naipaliwanag niya ang sitwasyon. Ang Lapid's Ville raw kasi ay proyekto ng GSIS na hinulugan ng mga teachers. May mga teachers kasing nangungupahan lang, nagbanggit pa siya ng mga apelyido. Ngayon ka, naging problema ang palinya ng tubig sa lugar kaya yung ibang bahay ay pinagbili rin at di na tinirhan. Kaya ang mga pobreng teachers ay bumalik sa pangungupahan. Siguro nakapundar na ang marami sa kanila ngayon. 

Saan galing yung mga taong nakatira dun ngayon? 

Mga mahihirap daw na sukdulang walang matirhan. Nakikiusap lang sila sa gobyerno o sa may-ari nung bahay na inookupahan nila. Hindi lang pala dapat karapatan ng urban poor ang pinapansin natin, meron din sa rural areas niyan. 

E andami pa kayang bahay na kagagawa lang sa bandang dulo. Housing project na ayaw patirahan? Ewan.


Brgy. Bungoy, Dolores, Quezon. 

Hindi kami nagbenta dito. Nanginain lang kami kina Mil, Mic, at Meg na bahay. 

Tanghalian na tumapos sa umaga ng produktibong gawain. Daan-daang babasahing naipakalat at Php 880 na gross sales. 

Nagsalu-salo kami sa fried chicken fillet, paksiw, gulay:), at kanin. Nagpalamig at ice cream. 

Nagkwentuhan. Nagpahinga. 


Pasasalamat: 

Kay Boss, sa pag-iingat at pagbibigay-lakas. Huh! Kapawis! 

Kay Ate Nova at Kuya Ramil, sa kanilang hosting ng victory party ng sales distribution ng Rejoice. Yan nga pala ang pangalan ng dishwashing liquid namin. 

Sa lahat ng nagbenta, sa lahat ng bumili, sa lahat ng tumanggi, solomot po! :))

No comments: