Kanina kasi walang makain sa bahay. Pero lagi namang garne, hindi lang talaga ata ako nasanay.
Kadalasang hakbang kapag nakaramdam na ng gutom matapos magbasa't magsulat ay ang magbungkal. Magbungkal kung may makakain. Hayun! May bahaw naman. May bawang? Oo. Eh sibuyas? Tsek! Mag-aadobo ba'ko? Sana nga pero hindi magsasangag lang ako ng kanin.
Eh para san ang sibuyas? Gagawa ako ng sawsawan para sa namataan kong isang galunggong -mga 40 grams naman.
Asan ang kawali? Hayun, hindi pa nahuhugasan. Tamang-tama naiwan pa yung pinagpritusan ng longganisa. Isinalang ko na ang hiniwa-hiwang sibuyas, mas masarap daw kasi ito kapag nagkakaron ng contact with heat nakacaramelized daw kasi yung sugar content nito sabi ng pinapanood kong cooking show. Matapos nito, hinalo ko na siya sa toyo at kalamansi. May sawsawan nako!
Nagsangag naman ako ng kanin, mga 30 minutos din yun. Kailangan medyo buhaghag yung kanin kapag hinango. Bago ako makakain ay pasal na pasal nako dahil mag-uumpisa lang naman akong magluto kapag nakaramdam na lang ng gutom. At siyempre, unang kakain si Dashu kaya hinatian ko na siya ng mga dalawang sandok. Umuusok-usok pa ang tanghalian.
Matapos patahimikin ang dragon sa aking tiyan ay oras na muling buklatin ang nobelang binabasa, binuhay ang elektrik pan, humiga, at nagtalukbong ng kumot. Digital reading ako ngayon, kaya ayos lang na nakatalukbong at tuluyang tumakas sa realidad na antukin.
Pag-gising ko ang araw naman ang namahinga.
Ilang linggo nakong ganito. Gigising, magbabasa, magsusulat, magugutom, kakain, matutulog, at gigising uli.
Pagbasa at pagsulat na lang ba ang lamang ko sa mga hayop?
O hinde, dalawang araw nakong walang ligo.
No comments:
Post a Comment