Tuesday, February 17, 2015

Cabalen Times


    Nasa Tiaong ako noong Pebrero 14, Sabado. Hindi ako pumasok dahil inoff-set ko nga ito, nagdalawang araw ako na twelve hours plus isang overtime. Imagine yung 8-to-5 na bagot na bagot ako, ay ginawa ko pang 8-to-8. Muntik na'kong ma-stress! Tapos, pagdating ko pa sa terminal ng bus halos maniwala ako sa forever dahil ang daming uuwi ng probinsya. Nasa dulo na'ko ng walang hanggan.

Sa may Maharlika Highway sa Brgy. Lusacan.

     Pero sulit lahat ng pagod dahil matagumpay ang aking naging bakasyon.

  Nakipag-bondingan lang ako ng kaunti sa mga aso ko noong Sabado ng umaga dahil kailangan kong makipag-bonding kena Kakoy (Roy), Uloy (Alquin), at Jeuel (E-boy o pwede ring Ebs). Kaya nga rin ako umuwi. Naligo ako. Nagbihis. Nag-abot pala muna ng buwis kay Mama at sinabi kong P 300 pesos lang muna ngayon dahil may paggagamitan ako, nag-iipon ako pambayad sa bahay (kapag lilipat na'ko). Maliit lang din kako ang sinuweldo ko ngayon dahil may mga absent at leave ako sa trabaho. Isa pa, mukhang nagugutom at hindi napapaliguan ang mga aso kaya may deductions siya.

    Bago ako umalis, tinanong niya kung saan daw ako pupunta at bihis na bihis ako. Naka-black shoes, black pants, at dark blue na long sleeves; dala ko pa ang biyulin at bag ko paalis. Akala niya pabalik na rin ako ng Maynila. Sinabi kong sa Lusacan, kena Roy kako. Iisang baranggay lang naman nakatira yung tatlo, medyo magkakalayo lang ng bahay, isang sakay lang ng dyip mula sa baranggay namin. At kung bakit bisting-bisti ako ay dahil wala akong dalang tsinelas, wala ring rubber, black shoes lang. So, wala akong choice kundi magsuot ng formal. 

     Wala akong date.

     Dinala ko muna yung pasalubong ko kena E-boy para ipalagay sa ref. Natutunaw na kasi yung chocolate sa ibabaw nung brownies. Ihinabilin ko rin muna ang aking malaking bag ng mga supplies at biyulin. Tapos, konting kamu-kamusta kung nakakatulog ba ng maayos, kung ilan ba ang oras ng naipapahinga, kung hindi nahihilo at kung anong mga kinakain. Tapos, noong medyo malamig na ang brownies ay pinuntahan ko na si Roy dahil siya naman talaga ang una sa listahan ko.

Kena Kakoy (Roy):

  Medyo may papasok na eskinita yung bahay nina Roy. Isang compound silang magkakamag-anak eh. Si Lola Cherry ang nagbukas ng gate na yero at sumalubong sa'kin. Kanina pa raw ako inaantay. Nagpabili pa nga raw ng pandesal at kape si Roy dahil doon daw ako mag-aalmusal. Nahiya naman ako dahil alas diyes na'ko dumating. Pwede pa naman akong magkape at pandesal kasi hindi pa naman ako talaga nag-aalmusal.

    Iniabot ko sa kanya ang dalawang brownies na pasalubong ko. Tapos, iniabot ko rin yung clay. Ipinaliwanag ko yung clay art contest namin. Tinanong ko kung nahihilo pa ba siya. Anong mga gamot ang iniinom pa niya. Anong gamot ang hindi na. Saan na siya nakakalakad-lakad. At nalaman kong nakakapunta na ito sa palengke, kaya lang daw pag-uwi niya ay hilong-hilo siya. Bakit naman kasi doon, e nakaka-stress doon, dapat unti-unting layo lang kako.

   Pinagkwentuhan namin yung mga natutunan namin sa 'aksidente'. Marami kasing nag-iinterpret na yung aksidente nila ay 'yun na yung hudyat para mag-pastor na nga sila pagkatapos ng graduation. Pinag-usapan namin kung anong damdamin niya sa usaping 'yon.

    Mas nakakapag-usap kami ng seryoso ni Roy kaysa kay E-boy, kahit na mabiro itong si Roy at si E-boy ang mukhang seryoso. Nang tanungin ko kasi siya sa usaping 'pagpapastor' at pagpasok sa bible school ay pabiro pa nitong sinabing papasok daw siyang janitor sa bible school. Magiging masaya't panatag naman ako kung magpapastor nga ang mga kaibigan ko, kung 'yun 'yung trabaho ni BOSS sa kanila, e di go! Pero aamin kong may makasariling bahagi ko ang malulungkot.

   Marami kaming napag-usapan at nakalimutan ko na nga 'yung iba. Hindi na namin namalayan ang oras at mag-aalas dose na pala. Doon na 'ko nananghalian dahil nagpahain na si Roy sa kanyang Lola Cherry. Hindi na'ko tumanggi dahil naaamoy kong maanghang-anghang 'yung bopis. Si Roy nag-ulam ng paborito niyang sinaing na tulingan na may taba. Nagpatunaw lang ako ng saglit at umalis na rin ng bandang alas-dose. Bitin man, kailangan ko nang umalis dahil bibisitahin ko pa 'yung dalawa.

     Bago ko umalis, sabi ko pagpray niya muna 'ko. Parang baligtad? Dapat sana ako ang magpepray para sa kanya.  Sabi ko siya na muna at hindi ko kaya.


Kena Uloy (Alquin):

     Medyo malayo-layong lakaran ito mula kena Roy. Dumaan muna ulit ako kena E-boy para makahinga-hinga. Kumakain na siya ng tanghalian. Kumuha ako ng dalawa uling brownies at dinala ang isa pang kahon ng clay. Bago ko umalis, sinabihan ko si E-boy na matulog na muna kung magpapraktis siya ng gitara mamayang alas-tres.

    Pagdating ko kena Alquin, kapatid niya ata ang nan'dun. Wala raw si Alquin kasama ng Inay nagpapa-terapi sa San Pablo. Tatlong beses isang linggo nga pala ang terapi nito sa likod. Sabi ko pasabi na lang na dumaan ako dun.

   Bumalik ako kena E-boy at ibinalik ulit ang brownies sa ref. Hindi pa ito natutulog, ang tigas ng ulo. Sabi ko nang matulog at baka mastress mamaya sa praktis. Ako, mag-aaral muna ng aking bagong course na inenrol online- Clinical Neurology. Tineks ko si Alquin na dumaan siya kena E-boy at doon na lang kami maghuntahan.

May magbebertdey yata.


Kena E-boy:

     Halos tatlong linggo din akong hindi naka-uwi. "Sa atin" na nga ang tawag namin sa bahay nina E-boy. Simula pa nung nabangga sila, ngayon lang ako nakabalik.

  Nag-umpisa na'kong mag-aral. Mga dalawang oras din akong nag-aral at naglaro. Halinhinan lang kasi nakakadugo ng utak 'yung subject pero marami akong natututunan. Tinuturo din doon ang pagbasa sa Brain CT Scan. May layer ng tissues (Meninges) pala sa pagitan ng brain at skull, dahil kung wala, mamamaga agad ito kada maumpog ka kahit mahina laang. 

    Nahahati pa rin pala ang Meningial tissue sa tatlong layer pa ang Dura, Arachnoid, at Pia Mater kung saan pinaghihiwalay pa ng Epidural, Subdural, at Subarachnoid Space na kinalalagyan naman ng mga arteries na kapag naumpog tayo ng malakas ay siyang nasisira at nagdudulot ng brain hemorrhage o hematoma.  Nakakalula yung lectures kaya lumipat na uli ako ng ibang subject, Animal Health and Welfare naman.

  Bandang alas-tres, lumabas na si E-boy at nakatulog naman daw ng kaunti. Sabi ko i-momonitor ko ang pagtugtog niya. Kapag nahilo pwede namang iba muna ang tumugtog. Habang tumutogtog si E-boy. May naramdaman akong negatibong 'aura'. Lumabas ako. At sinasabi ko na nga ba, paparating na si Alquin kabuntot ang kanyang Inay.

   Kahit malakas ang tugtugan kena E-boy, ay nagkwentuhan kami ni Alquin tungkol sa kasama niyang tineterapi din. Puro raw kasi kwentong pag-ibig ang kwentuhan ng mga PT at ng mga tineterapi. Meron daw doong tatlong magkakapatid na maliliit yung binti. Meron lang daw silang parang walker para masuportahan ang paglakad. "Yung tatlong babaeng magkakapatid, lahat ay balahura" dagdag pa ng Inay ni Alquin. Sabi ko baka nasa genes na nila 'yun. 'Yung maliit na binti.

   Eniweys, ganito raw ang kwento. Yung isa sa mga magkakapatid ay super proud sa kanyang lablayf. Nakipag-tanan daw ito dati. Hindi naging hadlang ang kapansanan sa katutayan ni Ati. Ang tanong paano siya nakapagtanan? Maririnig at maririnig yung walker niya. Tuk-tuk-tuk ang sasabihin noon. Ang inakala ko ay binuhat siya noong lalaki palabas ng bahay nila. Pero hindi pala ganoon.

   Ganito raw: Itinaon daw na tulog ang lahat.Maririnig pa rin dapat yung tuk-tuk-tuk. Lumabas siya ng bahay mag-isa. Tapos, sumakay pa siya ng dyip! Ito ang pasabog: saktong ala-sais daw sa kanilang tagpuan siya dumating, nauna pa siya sa boypie niya. Bigyan ng medalya! Most punctual award!

     Pero ito talaga ang pinakapasabog, nuclear-level: Nalaman niyang may anak na pala yung boypie niya. Kung paano siya nakauwi ay sinundo raw siya ng tatay nila, may kasamang baranggay. 

   Maya-maya'y natapos nang tumugtog si E-boy at nagkayayayaang magmerienda sa kusina. Sabi ko me pansit doon. Nagkalkal naman si E-boy ng mangangatang tinapay. Matagal na nag-antay ang Inay ni Alquin sa kanya dahil hindi maubos ang aming kwentuhan lalo na sa lablayf nilang dalawa ni E-boy dahil nag-aagawan sa iisang prinsesa. Halos pauwiin na ni Alquin ang Inay dahil baka naiinip na ito. Kaya na raw niya mag-isa. Kayabangan laang ni Alquin, naiilang lang itong makipagkwentuhan dahil naririnig ng kanyang Inay lahat-lahat.

    Bandang ala-sais, kumuha na ng traysikel ang nanay ni Alquin, pauwi sa kanila. Ako naman ay papunta na ng church para magpractice ng choir. Si Jul, pinagpahinga ko na ulit. Babalik pa naman ako mamaya dahil may editing session pa ulit ako sa kanila at doon ako matutulog. 

     Pumunta na'ko ng simbahan para sa ensayo ng choir. Isang piesang tagalog at isang Ingles, nakakatuwa naman dahil kumakanta na kami ngayon ng Tagalog sa choir at kapanising-pansing hirap na hirap kami sa pagkanta ng Tagalog. Grabe! Kinalakhang wika kaya namin 'yun! Natapos ang praktis at hinatid naman ako pabalik sa Lusacan ng bandang mag-aalas neube na.

    Gising pa nga si E-boy. Ipinalabas ko sa kanya ang i-eedit kong manuscript niya. Para hindi na ito matambakan kapag pumasok na ulit sa iskul. Ipinalabas ko rin ang laptop. Tapos naglabas si Mrs. P (mami ni E-boy) ng tinapay. Tumambay lang ng kaunti si E-boy, kailangan niya na ring magpahinga dahil napagod itong tiyak sa maghapon. May simba pa bukas. Sa kwarto pa nina Mrs. P ito natutulog dahil bawal pa itong matulog uling mag-isa. Hindi rin lalong pwedeng ako, dahil patay na patay akong matulog. Kapag inatake 'to ng seizure ay baka naghihilik lang ako.

      Naghugas lang ako ng katawan tapos naglatag na ko sa salas nina E-boy, maganda rito dahil kalapit lang ng kusina. Binuksan ang laptop. Nagtimpla ng kape. Sumubo ng tinapay. Lasap ko ang cinnamon. 

     Humahagod ang kape sa pagod kong lalamunan kakakanta at kadadal-dal  maghapon.  Nag-iimbita na ang malambot na kutson para higaan, pero hindi may babakahin pa kong manuskrito. Trabaho talaga ang maging editor, trabaho rin ang maging kaibigan, pero mahal ko ang trabaho ko.







Pasasalamat:

Kay Lola Cherry and Family: Sa pag-aabyad sa'kin habang binibisita ko si Roy. 

Kena Babes, Jet-jet, Pastor at Mrs. P, at Tay Noli at Lola Nitz: Sa pagpapatuloy at pagpapakain niyo sa gutom na editor/manunulat na tulad ko. 

Kay Inay ni Alquin: Na matiyagang naghintay sa aming pagdadal-dalan.

Kay GOD: Sa pagbibigay ng blessing, ng off day, at pag-iingat sa aking daliy busy stressy work. Tsaka na rin sa pagpapabuti nina Roy, Alquin, at Jeuel. Walang tamis ang brownies kung nawala sila. SALAMAAAAAAT!!!!!!!

   

   




     

     

No comments: