Problem: Paano kung ang ka-date/ka-relasyon mo ay Boo-panes sa Ingles?
Definition of Terms:
Boo-panes - wrong grammar &/or pronunciation
Uk-ok na Editor- OC (Obsessive-Compulsive) na OC sa paggamit ng salita.
Naiintindihan ko kung ganito ang kalagayan ng ilan. Ilan lang, hindi marami ang may ganitong problema kaya naman kakaunti lang din ang nasusulat ukol sa paksang ito. Nasa minority group ang mga Uk-ok na Editors kaya hindi napapag-usapan ang isyung ito.
Ma' babae o ma' lalaki, nakaka-turn off kapag mali-mali mag-Ingles. Nakakalukot ng mukha ang mga maling grammar sa mga sulat niya sa'yo. Malamang nagiging 'simpula ng Pebrero dahil prinoofread mo pa ng red bolpen. Nakakangibit din kapag naririnig mong mali ang mga pronunciations n'ya. Tila ba may umuuk-ok sa loob mo na gustong kumawala.
Naalala ko 'yung patalastas dati ng isang sikat na pasta-chain sa bansa. May pumasok na gwapong lalaki, e di kilig-kilig naman agad ang mga babaeng crew, tapos umorder na si guy: "One lasag-na please". Gimbal. Hindi pa editors yung mga crew pero halatang nalasag ang paghanga nila sa guwapong guy dahil mali ang pagkaka-pronounce nito sa lasagna. Pero bigyan natin ng patas na paghusga 'yung lalaki . Isaalang-alang natin na hindi naman salitang Ingles ang lasagna (la-zan-iauh) at isa pa ay hindi naman bahagi ng kulturang pinoy ang la-zan-iauh kaya intrinsically wala sa hinagap ng diwa natin ang paraan ng pagbigkas nito.
Bilang kapatid sa hanapbuhay, ito ang ilang payo ko sa ka-Uk-okan mo:
1. 'Wag siyang i-tama sa harap ng madla kasi nakakahiya 'yun para sa kanya. Oks lang tumawa-tawa kung obvious 'yung pagkakamali ng pronunciation niya pero kung nabigkas lang niya na ke-rot ang car-rot, 'wag mo nang i-correct in public. Sarilinin mo na lang muna.
2. 'Wag magpunta sa mga 'academic' events gaya ng Dictionary Club, Grammarians United, at Word Porns Festival. Baka ikaw lang ang mag-enjoy.
3. 'Wag kang magprisinta na mag-edit ng paperworks niya o ng kapatid niya sa school. Lalong-lalo na ng libreng grammar workshop, wag na wag kang magvovolunteer! Baka hindi na yan magpakita sa'yo. Kahit na gusto mo siyang ma-improve, nakakasakit yan sa loob ng ka-date mo.
Gumawa ka ng mga very light yet subtle na paraan para ma-improve ang English skills niya gaya ng paglalaro ng 4 pics-1 word, bookworm 1& 2, at scrabble. Pahabol: bawal din siyang bilhan ng mga school charts ng parts of speech.
4.'Wag i-send sa chat ang link na ito: http://www.englishgrammar.org/. Kahit na makakatulong pa yan sa kanya ng malaki. 'Wag kang makulit.
5. 'Wag puro Holywood o anumang topic na magti-trigger para mag-Inglesan ang pag-usapan n'yo. Pag-usapan n'yo ang panitikang Pilipino, na ang husay ng mga bagong akda, na ang mga Pilipinong manunulat ay dapat basahin. Mga ganan, para naman mapayabong n'yo ang kakayahang gumamit ng sariling wika.
6. 'Wag mong isipin na mababang uri ng nilalang ang ka-date mo dahil boo-panes siyang mag-Ingles. Getting-to-know-you stage nga 'yan kahit pa mag-on na kayo. Kung nakita mong mahina siya sa linguistic skills, ukilkilin mo 'yung iba pa niyang intelligence, virtues o kagalingan. Malay mo isporti pala 'yan. Malay mo astig ang leadership. Malay mo tatlong orchestral piece ang kayang tug-tugin. Malay mo may collection siya ng metal sculptures sa bahay. Malay mo nagvo-volunteer pala yan sa humanitarian org.
Alamin mo lahat, wag lang ang kakayahan niya sa pagco-construct ng sentence o pagbigkas sa rendezvous. Hindi mo malalaman kung nagpapasalubong ba siya ng hopia sa nanay niya kung titingnan mo lang ang coherence ng sentence niya. Hindi mo malalamang mabuti pala siya sa mga kaibigan niya kung lagi kang nakatuon sa pagbigkas niya sa Ingles. Hindi mo makikilala ang tao sa pamamagitan lang ng general average niya sa English.
Naikahon kasi tayo sa kaisipang matatalino ang mahuhusay sa Ingles. Na may kinabukasan ka dahil mahusay ka sa Ingles. Na edukado kapag mahusay mag-Ingles. Na sosyal kapag ingles ka ng ingles. Hindi ko sinasabing hindi mahalaga ang Ingles, ang sinsabi ko kung ang paggamit ng ibang wika ay madudulot ng hindi pagkakaintindihan at lamat sa usaping relasyonal, e di gumamit kayo ng wika na pareho kayong bihasa para may mutual understanding.
Mga kapatid na Uk-ok, tingnan natin ang kalaguyo natin... kalaguyo n'yo lang pala na parang isang 6-sided dice. Hindi dahil sugal ang isang relasyon na-swertehan lang. Hindi ko pinaniniwalaan 'yun. Isang dice dahil marami itong mukha. Hindi ka dapat nakatuon lang doon sa kulay pula dahil 'yun nga ang pinakamamababa ang iskor. Dapat habang gumugulong ang mga araw, nakikita mo ang iba't-iba niyang mukha.
Isasa-alang-alang din
ang sariling payo sa hinaharap,
Dyord
P.S.
Isang 6-sided dice. Hindi mali 'yan. Historically speaking, tama ka na ang singular ng dice ay die pero sa modern English Standards, ang dice ay pareho nang singular at plural. Ang bago nga nitong plural form ay dices. I-tsek mo pa sa oxford dictionary o di kaya ay sa Wiktionary.
No comments:
Post a Comment