Friday, February 13, 2015

Takot x Tamad x Tulat

   Nakakatakot na. Nangyayari na nga 'yung kinakatakot ko noong wala pa'kong "totoong" trabaho. Alam na alam ko na kasi na kapag nag-8-to-5 na work ako ay siguradong hindi na'ko makakapagsulat. Paano na ang aking pagsasanay, ang aking pag-unlad, ang aking minamahal? Tampo na sa'kin ang aking bolpen. Kaya nga't nagde-date kami ngayon at nagsusulat ako.

   Kapag nasa opisina kasi ako, nakakaengganyo lang magsurf ng magsurf. Parang wala yung ambiance na hinahanap ko para makasulat. Ayoko palang magsulat ng may mga gumagalaw na mga tao. Hindi naman malilikot itong dadalawa kong ka-opismeyt, hindi rin nila ako kinakausap madalas. Nasa akin lahat ng oras para makasulat sa opisina kaya lang tinatamad ako. Tamad na tamad, bagot na bagot kahihintay sa mood na hindi ko alam kung saan naipit ng trapik. Kaya nga bumabawi ako ngayon.

  Pag-uwi ko sa 'kumbento', pagod na'ko at naakit lang mag-Wifi. Isa pa, maraming kadaldalan doon at natatapos lang ang aming talkshow tungkol sa mga ka-opisinang abusado, pagsakay sa PNR, hart-hart problems (nila), at usaping politikal, ng bandang alas-onse na. Inaantok na'ko. Ang mas nakakatakot pa ay hindi lang pagsusulat ang nababawasan kundi ang pagbabasa. Kapag ganito ng ganito, malalayo na'ko sa tamang landasin.

   Napaka-kaunti na ng librong nababasa ko ngayon. Simula noong Enero ay baka wala pang sampo ang mga nabasa kong libro. Karamihan pa roon ay komiks at maninipis lang. 'Yung tinatapos kong Bata, Bata, Paano ka Ginawa?, ay tinatapos ko pa rin hanggang ngayon. Ito pa lang ang nobela kong binabasa ngayong taon at inabot na'ko ng dalawang buwan. Grabe! Anong problema ko?

   Nagkaroon din ako ng kaunting problema. Nabangga ng pick-up sina Roy, Alquin, at Jeuel, pakiramdam ko nabangga din ako ng imbisibol na trak! Ang hirap pala 'pag ganun. Hindi ako makasulat. Hindi rin makabasa. Wala akong panlasa. Parang ayoko ng kahit anong pleasure o pagpapasaya sa sarili. Tinanggal ko rin muna ang panonood ng anime at paglalaro ng Pokemon.

  Pero hindi ko dapat 'yun gawing dahilan. Iniisip ko nga kapag nasa trabaho "Dyord, propesyunal ka, iwanan lahat ng problema sa bahay. Trabaho, now na!". Pero siyempre, hindi 'yun ganun. Dala-dala ko ang utak ko sa trabaho at kada hihinto ako para mag-isip, e sumasagi sa isip ko na nakaratay sila sa hospital bed at kumikirot ang anuman sa kanila habang ako ay nasa erkon na opis at maayos ang lagay. Hindi maihihiwalay ang pagiging kaibigan at manunulat. Ito yung mga bihirang pagkakataon na hiniling kong sana hindi na lang ako writer, sana doktor na lang. Sana neurosurgeon para matulungan ko sila. Pero hindi e, iba ang tinawag sa pagsulat, iba sa paggamot. Kailangang magtiwala ka sa tumawag sa kanila.

   Nakalabas na sila ngayon. At nag-uumpisa na muling lumakad-lakad. Ako, nag-uumpisa na rin umakda-akda kahit papaano. Kailangan kong alisin ang maling kaisipan ko sa pagsusulat. Kailangan kong baliin ang mga pangit kong gawi na:

1.Hindi magsusulat dahil may ibang tao. Kahit tahimik pa sila. Basta may ibang tao, tinatamad ako magsulat.

2.Hindi magsusulat dahil wala sa mood. 

3.Hindi magsusulat dahil may papanoorin o lalaruin. 

4.Hindi magsusulat dahil may bukas pa naman.

   Paano kung ako naman ang nabangga? E di mas marami na'kong oras para magsulat at magbasa. Ayun ay kung buhay pa. 
   

No comments: