Friday, February 13, 2015

Chocolatey na Balentayms (Hindi Cheesy)


     Uuwi ako ng Tiaong ngayong weekends. May pasok talaga ako kapag Sabado, pero dahil nag-12 hours akong istreyt ng dalawang magkasunod na araw ay entitled akong mag-off set ng trabaho ko sa Saturday. Si Mam Sally ang nagbigay sa'kin ng tip na'to. Kaya tineks ko si Sir Zac, ang aking exec.editor ng ganito:

     "Sir, I'll be staying at the office until 8pm. Also, spend the same working hours on friday. Most likely I'll be off by Saturday."

     Ganyan ang sabi ko. Parang nakiki-usap na pautos. I'll get a no for an answer. Marami akong kailangang gawin pag-uwi. Kailangan kong kumanta at tumugtog sa simbahan, magspent ng time sa mga aso, magdilig ng halaman, at bisitahin sina Roy, Alquin, at Jeuel. O yung tinatawag ko ngayong bundol boys. Nakauwi na silang tatlo mula sa ospital. Gusto ko silang dalawin, masama?

   Gusto kong makitang nakakalakad-lakad na nga sila. Gusto kong malaman kung nakakapahinga nga ba sila o naglalaro lang ng PSP/Android. Hindi pwedeng mastress masyado si Roy at si Jul dahil may traumatic brain injury sila. Under observation sila ng ilang buwan. Lalo na si Jul, nagka-seizure pa naman ito noong nasa ospital. Ang problema kasi, ambilis ng mga 'tong mabagot, gusto lagi ay may kinakalikot kaya nakakapaglaro ng matagal sa selpown, e bawal nga munang magbabad.

      Kaya nang swelduhan na ay bumili ako ng clay. Oo, clay yung hinuhulma na may iba-ibang kulay. May aktibiti kami pero hindi pa opisyal ang rules at guidelines. Kailangan nilang malibang ng hindi masyadong nai-stress kaya clay ang naisip ko. Isa pa, national arts month ngayon. National Arts Month!

Puso is hart hart.


      Nakaka-chat ko naman si Jul at binigyan ko ito ng powers magdemand ng gusto niyang pasalubong at ito ang sabi niya: "kahit ano, surprise me!!!!". Wow ha, at mag-iisip pa'ko ng ikakasurpresa niya. E pano kung nasurpresa nga at na-stress siya at atakihin ng siezure? E di kasalanan ko pa.

    Bibili na lang ako ng tsokolate, tigi-tigisa kaming apat. Pumunta akong mall dito lang pagkatawid ng opis ko. Boring medyo sa opis kaya malling muna. Kitang-kita ko na baha ang mga tao, andaming nakapila sa kung saan-saan. Friday the 13th ah, akala ko ba malas ngayon? Bakit galang-gala ang mga tao. May mga dalang bulaklak, teddy bear, tsokolate, at mga cards. Pwe!

     Ako, pumila ako sa may bilihan ng brownies at bumili ng box of ten. Ito na lang ang ipapasalubong ko sa kanila. Makakain pa'ko at pwede pa kaming magtiga-tigalawa. Pag-abot sakin nung kahon may nilagay na disenyo. Puso-puso. Pwe!

       Bakit puso-puso? Pwede namang painting ang disenyo kasi National Arts Month. O di kaya ay Edsa Shrine bilang pag-alaala sa pagbabalik ng demokrasya sa bansa. Pwede ring ngipin dahil Oral health month ngayon, at least mapapaalalahanan ang mga mamimili nila na pagkatapos kumain ng brownies ay dapat maghiso. O kaya libro sana yung disenyo dahil International Book-Giving Day kinabukasan. Puso pa talaga?

      Ipapaliwanag ko na lang sa knila na natapat ng Balentayms e. Kung pasko kayo nabangga, edi sana krismas tri ang disenyo; o kung halowin naman, e di sana bungo. Ang punto ko kasi sana hindi lang sana mga bukstor ang nagdidiwang ng Int'l Book Giving Day, o di kaya'y mga dentista, DOH, at kumpanya ng tutpeyst ang nagseselebra ng Oral health month. Lunod na lunod na tayo sa komersalisasyon! Make love, not money.

    Bago ko umuwi at bumyahe papuntang terminal ng bus sa Buendia, umuhi muna ako at kinilig-kilig.





No comments: