Friday, July 31, 2015

So Ano Na? (SONA 2015)

So, Ano Na?

Diskleymer: Wala akong balak batikusin si PNoy (ng sobra). Sa edad ko, wala pa akong naiaambag na malaki sa pag-unlad ng bansa. Di ko rin sure kung maabot ko ang edad ni PNoy ngayon ay mapapantayan ko ang ambag niya sa bansa. Simpleng kritik lamang po ito.

Kung si Donya De Explorer ng Sugod Bahay Gang (ng Eat Bulaga) ang tatanungin sa etomolohiya ng SONA, baka sabihin niya nga na ang SONA ay mula sa 'SO, ano NA?'. Parang nangagamusta nga lang. Sa kalagayan ng ating bansa.

Huling SONA na ni PNoy. Matatapos na ang anim na taong termino ng pamamalakad ng bansa. Nararapat lang na mag-ulat ang Pangulo sa tinagurian niyang mga 'boss' niya, ang sambayanang Finoy. Ikinararangal daw niyang pamunuan tayong mga boss niya. Siguro dahil sa magiging bahagi na siya ng kasaysayan at karangalan nga namang tapusin ang naatas na tungkulin sa kanya mula sa kanyang matataluti't maliligalig na mga boss na muntik na siyang sibakin sa puwesto.

Heart and Humor. Ito ang bihis ng buong SONA 2015 kung ako ang magtatatak. Bakit humor? Ilang beses bumitaw ng punchlines ang Pangulo, higit na marami sa kanyang pag-ubo. Binanggit ang kanyang kakaunti nang buhok na nahihirapan daw ang hair stylist niyang ayusin. Mistula raw itong nagsusuffice ng unlimited wants with limited resources. Tawa ang lahat. Binanggit din niyang sa susunod na humiga ulit sa kalsada yung congresswoman sa Negros dahil sa sobrang galak sa naipagawang kalsada, ay ipahuhuli na niya raw ito. Tawa na naman ang lahat. Ang pang-uuyam niya sa mga gustong manungkulan at magpaunlad kuno ng bayan ngunit walang mailatag na plano o pamamaraan, kung matatanda raw ito ang reaksiyon "Ah ganun?" (+taas kilay); at kung kabataan naman daw ang magrereact ay "Edi wow!". Tawa ulit ang lahat.

Pangitang-pangita na tinumbok ni PNoy ang natural na pagiging palabiro natin kahit na seryosong pangyayari ang SONA para sa buong bansa. Baka alam niya na may mga manonood na hayskul dahil pina-assignment ang SONA ng mga Araling Panlipunan teachers nila, kaya may mga bitaw siya ng biro para hindi mainip ang mga kabataan.

Puso. Una, napansin ko na may nag-ASL sa gilid ng monitor, para ito sa mga kababayan nating hearing impaired. Pangalawa, maraming testimonial videos ang ipinalabas. May mga beneficiaries ng 4Ps na napag-aral at honor student pa. May testimonya ng nakapag-TESDA at umasenso. May mga lugar na nagkaroon ng kuryente na nagbigay liwanag sa mga opurtunidad sa Mt.Province. Mayroon ding lugar sa Aklan na napagawaan ng kalsada at naging daan para sa mas masiglang kalakalan at pamumuhay. Mga nagkasakit at natulungan ng benepisyo mula sa PhilHealth. Hindi ko maitatangging nakaka-antig ang mga patotoo. At sa huling bahagi ng #SONA2015 ay pinasalamatan niya ang mga naging katuwang at inspirasyon sa pamumuno ng bansang kayumanggi. Pinasalamatan niya ang mga miyembro ng Gabinete (pati yung mga nadawit sa isyu ng pandarambong) na ginagabi sa kanilang mga pagpupulong. Yung hairstylist at stylist niya na nagbibihis at nag-aayos sa kanya upang mas lalong maging dignified ang looks niya sa mga pagharap sa mga boss niya ay pinasalamatan niya rin. Pati mga PSG na nagbabantay sa kanya at mga ulo ng estado na bumisita sa bansa ay nakatanggap din ng pasasalamat.

Andami-daming pinasalamatan ni PNoy, pero may isang mas tumagos sa 'kin yung pinasalamatan niya ang Presedential Household Staff (PHS), hinagip ng kamera ang isang matandang babae sa mga nakaupo kahilera ng mga kagalang-galang na mga pinuno ng bansa. Naluha ito, marahil hindi niya inasahan na mapapasalamatan siya dahil sa ginawa lang niya ang trabaho niya. Marahil ito ang namamahal sa paghahanda ng pagkain, paglilinis ng silid at buong bahay ni PNoy; parang pambansang katulong.

Napakalaki ng papel ni PHS sa bansa. Kung siya ang namamahala sa pagkain at paglilinis ng silid o tinutuluyan ng Pangulo, malaki ang naibabawas niya sa stress o sakit ng ulo na nakuha ng ulo ng estado sa maghapon. Ang mainit na sabaw na ihahain niya ay maaring magpaliwanag sa isip ng Pangulo at magdulot ng maayos na pasyang aapekto sa buobng bansa. Di ba? Malaking tulong sa bansa dahil katulong siya ng Pangulo. A helping hand kumbaga.

You got me there! Tumagos sa'kin yon. Kaya kudos para kay PNoy at ang creative media team na kumatha ng SONA 2015.



Saturday, July 25, 2015

Taon-Taon na Lang Nag-Aanibersari


Tatlong taon na'ko sa blogging. Parang kahapon lang ako nag-umpisang mag-blog. Parang wala naman akong ikinatuto sa pagsusulat. Madami ngang nai-publish na entries pero parang wala namang kalidad o substance. Dapat sana quality over quantity. Parang puro patawa imbes na tuwa. Puro cliche. Puro hugot. Parang hindi ko yata blog ito. "Parang" nga lang ba o talagang alter ego ko lang ang blog ko? Parang tainga ko lang ang nahagip ng kamera sa 'kin sa pagkuha ng litrato ko.

(-)Dyord
July 11, 2015

Hindi ka nomon kasi talaga nagsusulat. Tapos, kapag tinanong ka ng "anung ginagawa mo ngayon sa bahay?"; sasabihin mo; "nagbabasa at nagsusulat". Mas marami kang time para maglaro ng PSP. Mas maraming time ang ginugugol mo kay Yaya Dub. Mas maraming oras kang tulog. Hindi ka naman talaga nagsusulat most of the time. E ambagal mo pa magbasa. Wala kang disiplina at determinasyon. Magiging inhinyero kang puro plano pero walang naitayong gusali. Tsk. Tsk.

(-)Dyord
Hulyo 18, 2015

O, ano may naisulat ka na ba ulit? Tatlong araw ang nakalipas, nakatapos ka ng isang series ng anime, may inilago ka ba? May akda kang natapos? Wala na naman. Wala ka nang pag-asa boy! Hanap ka na lang ng ibang pagkakaabalahan, wag na ang pagsusulat. Dahil ang pagsusulat ay isang disiplina ng pagtuklas. Pagtuklas sa sarili. Pagtuklas sa pupuntahan ng buhay. Pagtuklas ng marami pang buhay.

May patimpalak ka na namang sinalihan? Sa Ingles pa? Mananalo ka ba ga naman d'yan? Tsk. Tsk. Mabuti pa sa lotto, may pag-asang manalo...

(-)Dyord
Hulyo 22, 2015

Yung boses mo sa blog parang hindi pa rin ikaw. Parang kopya pa rin sa ibang manunulat. Hindi pa rin tunog-Dyord. Ganyan ka ba talaga kapag nagkuwento? Ikaw na ba talaga ang nagsasalita sa blog mo? Kasi parang hindi naman ikaw na ikaw. Baka naman meron kang imahen na gustong buuin para sa sarili mo. Dapat talagang may honesty ka, talagang tapat at totoo ka sa craft mo. 'Wag masyadong magkulay kung abo talaga ang naganap. Panatiihin mong pula ang pula at puti ang puti. Suggestion ko lang naman sa'yo. Ikaw rin.

(-)Dyord
Hulyo 23, 2015

Hoy! Negamind! Namumuro ka na! Nanahimik lang ako. Talagang talaga ka. May mga napangyari naman ang blog kahit papano. Hindi naman nasayang ang isang taon. Wag kang ano d'yan. Halimbawa....

1. Nakasali ng blog tour recently. Yung umuulan ng libro.

2. Nabigyang pagkilala ang isang tula sa Saranggola Blog Awards noong Disyembre 2014 lang.

3. May isang entry na nakapasok sa isang antolohiya ng mga sanaysay. Hindi pa nga lang nailalabas yung proyekto.

4. Nakapagrebyu rin ng ilang libro.

Ang konti nga no? Pero oks lang yan. Hindi mo naman sinusukat ang tagumpay nh blog sa dami ng #achievements o bilang ng views. Ang mahalaga ay nakapagsulat ako. Naka-akda. Nagkaroon ng mga pagkakataong mas makilala ang sarili at matuto sa buhay. Isang taon na dapat ipagpasalamat sa nagbigay sa 'kin ng panulat.

Sa marami pang mga akda sa papel, pisikal man o cyber! (Taas ang bolpen)

Amen.

(+)Dyord
Hulyo 25, 2015

Tuesday, July 21, 2015

Umuulan ng Libro - Mga Gustong Mabasa/Masulat

Bahagi pa rin ito ng Umuulan ng Libro blogtour. At ngayon pag-usapan natin yung mga gusto kong mabasa o masulat na kuwentong pambata. Sinubukan ko na dating magsulat ng kwentong pambata, sobrang hirap! Pero maganda pa ring mangarap na makapagsulat ako ng kuwentong pambata. Ituring mo na rin itong project listing. Game!

1. Librong pambata tungkol sa paghahalaman. Parang crop production guide for children para i-promote ang pagsasaka sa kabataan.

2. Kuwento tungkol sa trabaho ng agriculturists para naman mabigyan sila ng pagkilala o pagpapakilala sa chikiting. Dahil baka 1 sa isang daang mga bata ang magsasabing "gusto kong maging agriculturist paglaki ko".

3. Adaptasyon/Retelling ng Alamat ng Lake Tikub at Paanong Naging Tiaong ang Bayan ng Tiaong. Hindi na alam ng mga bata sa amin ang mga kuwentong bayan na ito.


Yan lang! Nawa ay magawa ko ito sa hinaharap. Kasihan nawa ako at ang aking bagong sumisibol na panulat. Sana ay sa susunod nating pagbuklat ng aklat pambata ay mas makulay na ang tingin natin dito.

Salamat sa pagbisita!

Saturday, July 18, 2015

Plata x Brain x Pulot



Kanina, papunta ako kena E-boy dahil sa simbahan nila gaganapin ang Prayer Force. Sa gawaing ito sama-samang nanalangin ang Christian community ng bayan ng Tiaong; iba-ibang denominasyon.

Hindi na 'ko nagtanghalian dahil mag-isa lang akong kakain, kaya minabuti ko na lang na mas maagang pumunta kena E-boy. Bandang alas dose ay naglakad na 'ko papuntang palengke. Sa palengke, dun naman ako sasakay pa' Lusacan.

Habang nagmumuni-muni ako sa daan. Habang iniisip ko kung bakit kaya hindi ako nagugutom gayong pandesal lang ang almusal ko. Habang iniisip ko ang puwedeng mangyari sa buhay ko next week. Habang iniisip ko yung panaginip ko kagabi. E nakindatan ako ng magkaibigang Bonifacio at Mabini! Parang awtomatikong yumuko ang katawan ko at pinulot ang sampung pisong plata. Kahit pala maraming naglalaro sa utak, ambilis makilala ang pera.

Iba yung tuwa na naramdaman ko. Aba! Sampumpisong plata na mainit-init pa dahil sa bilad sa araw kaya ang napulot ko. Biyaya na ito. Saan ka makakapulot ng sampum pisong plata ngayon? Mas maliit pa sa 20000000000000/1 ang probability na makapulot ka ng sampum pisong platang mainit-init pa. Yung feeling na natanggap ka sa trabaho na maraming kakompitensyang aplikante, ganun! Ganun ang saya ko sa sampum pisong napulot.

Salamat sa Diyos dahil puwede ko na itong ipambili ng palamig sa palengke. O ipamasahe papunta kena E-boy. Ang ibig kong sabihin malaking tulong na 'to! Di pa man ako nanalangin, may biyaya na agad sa'kin!

Dyord
Hulyo 17, 2015

Tuesday, July 14, 2015

Umuulan ng Libro - Dream Date


Bahagi pa rin ito ng blog tour para sa National Children's Book Day sa July 21. Pero month-long ang selebrasyon. At sa ikalawang bahagi ng blog tour ang tanong ng may pakana: "Sinong manunulat/illustrator ng panitikang pambata/pangkabataan ang gusto mong makasama isang araw/gabi?"

Si Bob Ong.
The End.



Wala naman kasing sinabing "at bakit". Pero kahit na, gusto ko pa ring mag-explain. Gusto kong maka-date si BO sa isang candle light dinner. May lechong kawali, Mang Tomas, crab and corn soup, cupcake at kape. Mangangarap ka rin lang e, dinamihan ko na ang foods. Magkukwentuhan kami ng paborito nyang mga libro, mga paborito ko ring libro, paborito niyang ulam, paborito ko ring ulam, mga gusto nya pang isulat, mga pangarap kong isulat. Haaaaayssss... hart... hart...
Kung mas makatotohanan ang sagot, ang mga sumusunod ang gusto kong makapanayam sa kanila mismong bahay: Almusal, hapunan, merienda, anytime ako na ang mag-aadjust. 

1. Lola Grace Chong
Napaka-prolific ni Lola. At hindi lang quantity of works, quality din ang usapan. Pagkwekwentuhan namin kung paano siya nagbabalangkas ng kwento at paano siya nagsusulat. Magkukwentuhan din kami ng mga ispiritwal na bagay, ano ba ang panulat kung titingnan mula sa ispiritwal na lente.

2. Robert Magnuson
Hindi ko pa ito nami-meet evah! Gusto ko lang makilala. Isa pa lang na katha niya ang nakita ko. Yung Poso Maximo. At napangiti ako ng silent komiks na 'yon. Hihingi rin ako ng tips sa pagdodrowing. (Paneees ka!)

3. Bebang Siy
Nabasa ko na ang Marne Marino. Narinig ang nakakainspire na the-making-of-Dada-Isda Story. Tatlong beses na yata sa ibat-ibang events pero di ako nanawa. Gusto ko rin palang mabasa ang archives niya ng Gospy. Gusto ko lang ding dalawin si Kuya Poy at si Dagat. Whoooosh!

Yan lang naman ang gusto kong maka-date. Abangan ang finale ng blog tour tungkol naman ito sa Wish List. Paalam hanggang sa muli mga mambabasa (kung meron man)!

Wednesday, July 8, 2015

Teachable Moment

Teachable Moment

Third year educ na dapat si Charmaine kundi dahil sa dinadala niyang karamdaman. Kasamahan namin siya sa Kubo. Kasamahan ko rin siya sa Traviesa noon. Editor niya ako sa graphics (kahit hindi ka pa maniwala). Kaya naman binisita namin siya sa kanila sa Sariaya kasama nina Van, Sheenabi, Jul, Nikabrik, Joshee, Alison, Keisha, at Ate Abby.

Pagdating namin do'n, napansin ko kagad na mas lumaki yung bukol niya sa kanang balikat. Nakuwento niya na ito dati sa mga fellowships sa Kubo, kapag nag-a-umbrella time kami. Sabi n'ya pinacheck-up na raw yung bukol sa mga ospital sa San Pablo at Lucena, pero wala raw findings. Alangan naman s'yang sundin ang suhestiyon ng magulang n'yang magpa-albularyo. Nabalitaan din namin nitong bakasyon na nagpatingin siya ng ilang beses sa Maynila.

Halata mang mas lumaki ang bukol sa kanyang balikat, e agad namang naagaw ang aming atensyon ng kanyang mainit na ngiti. Matamis pa sa dala naming....wala pala, wala pala kaming pasalubong sa kanya.

Pagkatapos magmano, ipinakilala niya agad kami sa Nanay at Lola niya. Inisa-isa ang aming pangalan kahit hindi naman matatandaan lahat ng Nanay at Lola ang mga modernong pangalan namin. Mukhang ako ang naging moderator ng kamustahan. Tinanong ko kung kamusta naman si Charmaine. Hindi talaga ako sanay na Charmaine ang tawag sa kanya, Agawin ang tawag ko sa kanya simula pa nong magkasama kami sa Trav, kaya lang dahil baka magrespond ang buong pamilya niya kung Agawin ko pa rin siya tutukuyin.

Sabi niya nakakagalaw-galaw naman daw siya at malakas naman. Sabi naman ni Nanay talagang naka-full rest si Charmaine ngayon, kung magwawalis man, saglit lang. Si Lola naka-upo lang sa may hagdan. Kada oras nga kumakain, pagkatapos kumain, kakain na naman dagdag ni Charmaine na natatawa. Pero ramdam ko na may kung ano sa loob ni Nanay niya.

Maya-maya pa ay napunta nga kami sa kanyang kalagayang medikal. Naka-apat na biopsy na raw ito pero wala raw resulta. Hindi naman niya dinidetalye ang biopsy at results. Hindi ko na rin inalam. Inalam ko na lang kung nakakapag-drowing pa siya. Sabi niya hindi na raw dahil medyo pino ang drawing activity kaya masakit sa balikat niya. Kaya nga raw titigil muna siya ngayong taon, pero titingnan daw niya kung pwede siyang mag-enrol kahit ilang units lang. Sabi ko kung kaya mo, mas mabuti. Kasi baka lalo kang ma-stress kung mabo-bored ka, kako. Sabi niya yung sulat-sulat daw ay baka pwedeng potokapi na lang. Patango-tango lang si Nanay, si Lola nakatulog sa may hagdanbuti and'yan si Alison para basagin ang seryosong usapan. Para raw kaming nasa consultation. Nag-merienda kami ng pansit. Nag-abala pa talaga.

Maya-maya sina Sheenabi, Ate Abby, at Keisha na ang bumangka. Tiniis namin ang mga bahaging korni. Maya-maya ay si Nikabrik naman ang kaudap ni Charmaine parang consultation. Sumabat ako, hanggang napag-usapan muli ang kanyang biopsy. Sumusubok daw sila ng alternative med ngayon. May progress naman kako, meron naman daw. Hanggang sa nagdetalye na siya ng resulta. Tatlo raw ang nag-negative. Isa lang ang positive sabi ni Charmaine. Walang gustong bumanggit ng bad word. Pwede ko namang itanong kung anong positive kaya lang yun yung bad word.

Nirekomenda raw sa kaniya na magpa-chemo. Kaya lang nang sabihin ng doktor na ang side effects ay di lang pagkakalbo kundi ang risks ng heart at kidney failure. Mahalang pati yon. Pasalamat nga raw siyana may mga tiyahin siyang tumutulong sa gastusin. Salamat din daw dahil ngayon dumating yung 'pagsubok' kung kelan meron na siyang "WORD". Patuloy daw naming ipanalangon na hindi ito cancer. Binanggit na ang bad word na nagpaiyak na rin sa Nanay. Humingi rin ito ng suporta sa panalangin habang humihibik.

Bago kami umalis ipinalangin namin si Charmaine. Arya! Charmaine marami ka pang puwedeng iguhit. Arya!







Pag-uwi namin ni Jul. Lumapagi ako sa sahig ng simbahan. Ang liit lang pala ng minumukmok ko na problema. Akala ko end of the world na dahil hindi ako natanggap sa inaplayan kong univeristy. Para lang akong nagpapabebe sa dunggot na tagyawat kung ikukumpara sa pasan-pasan ni Charmaine.

Umuulan ng Libro - Mga Paboritong Aklat (Kathang Juan)

Nakasali pala ulit tayo ng isang blog tour ngayong Hulyo. T'wing buwan kasi ng Hulyo ipinagdiriwang ang Children's Book Day (July 21) bilang pag-alala sa pagkakalimbag ng "The Monkey and the Turtle" ni Dr. Jose Rizal sa Trubner's Oriental Records sa London.


Para sa unang tukoy ng blogtour, ibabahagi ko ang aking mga paboritong aklat pambata/kabataan na kinatha ng mga manunulat natin. Medyo limitado pa ang saklaw ng nababasa ko pagdating sa panitikang pambata/pangkabataan dahil hindi ako lumaking binibilhan ng libro mula Adarna, Hiyas, Lampara, at Tahanan. Lahat ng kuwentong pambata ko noon ay sa Pagbasa (Filipino Subject) lang at sa mga tig-sasampung pisong coloring books lang sa sidera. Kolehiyo na'ko nang malaman kong may 'literature pala for children'. Bagaman baguhan pa ay ishe-share ko na rin ang mga paborito kong aklat pambata/kabataan.


Mga Paboritong Aklat Pambata at Pangkabataan (as of July 2015)

Pambata:
Bakit Hindi na Naka-lipstik si Nanay (No Lipstick for Mother)












Sinulat ni: Grace Chong
Salin ni: Dr. Luis Gatmaitan
Guhit ni: Kora Albano
Publisher: Hiyas (OMF Lit)

Maganda yung aklat dahil nagdulot agad ito sa'kin ng tanong "Anyare?" Bakit wala ng lipstik si Nanay? Nagulat ako (spoiler alert) dahil namatay pala yung tatay noong bata sa kuwento. Traysikel drayber 'yung tatay niya at dahil kailangang dalawang papel na ang gampanan ng nanay niya kaya hindi na ito makapagkoloretes. Kailangan na ng nanay niyang maglaba, magluto, at pumasada para itaguyod ang pamilya kaya hindi na ito makapag-lipstik man lang. Maganda yung aklat dahil pinasadahan ng kuwento kung paano ba dapat sumabay sa pasada ng buhay kung may di inaasahang trahedya sa pamilya gaya na lang ng pagpanaw ng tatay. Binibigyang pugay din nito ang mga biyuda/biyudo na nagpapagal para sa mga anak at nagtuturong pahalagahan at tulungan sila. Ito ang aklat na sumagasa sa'king pananaw na "ang librong pambata ay para lang sa bata" kaya nagbabasa na rin ako ng mga pambatang kuwento ngayon. Okay lang pati, may lipstik man o wala si Nanay.


Bakit ang Tagal ng Sundo Ko?















Kuwento ni: Kristine Canon
Guhit ni: Mariano Ching
Publisher: Adarna House

Para ito sa mga mas batang mambabasa. Bagay sa mga 3-6 taong gulang, yung mga sinusundo pa ng magulang. Tungkol kasi ito sa isang bata na hinihintay niya ang nanay niya dahil uwian na, e wala pa si nanay niya. Stressing ito para sa batang mag-aaral. Marami nga'y nagngangal-ngal pa dahil sa pagkatakot at pag-aalala.

Maganda yung kuwento dahil sa makulay na imahinasyon noong bata na malikhain ring nailarawan sa mga drawings. Kung ano-ano ang pumasok sa isip noong bata kesyo sakay ng balyena ang sundo niya, kesyo sakay ng malaking elepante at naipit sa trapik, pero kahit na anong nangyari, e hindi siya umalis sa tagpuan nila ng nanay niya. Itinuturo ng kuwento na sa mga ganitong pagkakataon ay huwag mag-panic, magtiwala, at sumunod sa mga bilin.

Ang dalawang paborito kong kuwentong pambata ay hiniram ko lang sa kasamahan ko noon sa campus paper. Salamat PJ sa pagpapahiram!

Sa Pangkabataan, ito naman ang mga paborito kong aklat:

Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon












Akda ni: Sir Egay Samar
Publisher: Adarna

Ito ang nagpaalam sa'kin na may Young Adult (YA) books na pala ang Adarna. Cyber-Philippine Mythology-fusion ang aklat dahil makikita mong gumagalaw sa cyber space ang manananggal, tiyanak, bungisngis, at iba pang Pinoy mythlogical creatures. Isa ito sa mga paborito ko dahil nakarelate ako bilang isang batang gamer. Mahusay nitong naipakita ang buhay ng modernong kabataang hayskuler. Hindi ko ito nirekomenda dahil seryosong hindi ako nito pinatulog ng isang gabi. Ito ang link para sa rebyu ko nito dito rin sa'king blog: Janus


Alamat ng Gubat















Sulat ni: Bob Ong
Guhit ni: Klaro
Publisher: Visprint

So far ito pa lang ang akda ni Bob Ong na may illustrations. Puwede siyang isang pabula para sa mga bata pero may aral na dapat ay batid na ng matatanda. Kaya nilagay ko ito rito sa pangkabataan dahil dito sa edad na'to maari nang makita ng mambabasa ang mensahe ng aklat.

Tungkol ito sa isang prinsipeng talangka na naghahanap ng lunas para sa kanyang amang hari na may sakit. Mula sa karagatan ay baon niya ang mga perlas na magpapatakbo sa kaniyang kuwento sa loob ng gubat. Kung wala ang mga perlas na ito malamang hindi magpaprogress ang kuwento dahil sa loob ng gubat makikilala niya ang ibat-ibang hayop at kanilang kahayupan para lang makuha ang inaasam na pansariling mga pangarap. Hindi raw ito salamin ng Philippine government kundi salamin ng society. Ipinakita dito na hindi crab mentality, corruption, poverty, government system, ang pinakamatinding sakit ng lipunan kun'di ang pagiging wala nating pakialam at pakikialam.




Monday, July 6, 2015

T'wing Umuulan...

T'wing Umuulan...

Sumasarap ang kape
Nagkalat ang kabute
Maalat na sarubot
Sinisisi ang poot
Nakakapag-senti nga
Makata'y naglipana
Mga tula't awit
Basta na sumisirit
Baha ng kalumbayan
Anurin sana't ibsan
Nahihimbing sa tulog
Saksi ang kanyang uhog
Ito nga ang panahon
Ng sugat ay humilom






Dyord
Hulyo 4, 2015

Thursday, July 2, 2015

Road to Turo-turo (Part 3)


"Ansakit.
Ansakit-sakit na.
Dito. Ansakit dito."

Ang tagal kong naghintay pero hindi pala mangyayari gaya ng maganda kong inaasahan. Tungkol ito sa application ko sa aking Alma Mater (SLSU-Tiaong) bilang instructor.

Dahil ilang araw na lang at magpapasukan na, pinasya namin ni Ate Tin na i-follow up na ang aplikasyon namin. Meron na siyang notice. Ako wala. Pero sumama pa rin daw ako para matanong kung meron ba para sa'kin na teaching load. Naku! Parang nakakahiya naman na ikaw lang ang may paramdam tapos makikisakay ako, kako. Sabi niya para malaman daw namin kung meron, kung wala e di move on. Pero nakakahiya talaga sabi ko.


Naisip ko na antagal-tagal ko na ring naghihintay. Wala ni ho ni ha. Naubusan na ng analysis, ng sapantaha. Dapat harapin ko na mismo ang katotohanan. Am I in or out?

Dapat lunukin ang hiya at ipagiling sa kumakalam na sikmura. Para kasing ang dating ay nagmamaka-awa ako para sa loads. Parang desperado. Desperado naman talaga ako. Sige, puntahan na ang campus directot para sa ikatatahimik ng kaluluwa ko.

Usapan namin ni Ate Tin before lunch pero after lunch na siya dumating. Kakatanghalian lang daw niya. Oks lang wala pa rin naman si direktor kanina, ngayon lang din ata dumating. Tinungo agad namin ang opisina niya, sinabi ni Ate Tin na kasama niya ko. Binungaran agad ako na isa pa lang daw ang kailangan nila. Hindi pa ko nakakabuwelo nang marinig na hindi ako makakapagturo. Hindi pa rin ako umalis sa opisina kahit na mukhang design lang ako ron. Habang binibigyan ni direktor ng teacher's advise si Ate Tin ay hindi ko alam kung saang sulok ng langit ko itatago ang pagkadismaya.

Hindi ko mapapasok ang akademya sa susunod pang dalawang school year dahil sa K-12. Magsi-senior high-an ang mga estudyante kaya mawawalan ng freshmen sa college. Sa pakonti ang population ng college sa loob ng two years kaya kaya na ito ng existong faculty. Kaya kahit magka-license pa ako sa next year, wala pa ring chance sa unibersidad.

Sinamahan ko pa rin si Ate Tin sa pagkuha ng syllabus niya. Pumapasok na sa isip kong magtrabahong muli sa Kamaynilaan na lalong nagpapabigat sa loob ko. Masaya naman ako at nakapasok naman si Ate Tin. Cum laude siya, licensed, at magaling naman talaga sa akademya. Kaya lang, medyo mahirap pagsabayin ang saya at dismaya.

Minahal ko kasi agad ang trabaho ko bago pa ito maging akin. Lahat ng balak kong gawin sa klase. Lahat ng gusto ko sanang ituro. Lahat ng kwento ko na dapat ibabahagi sa labas ng klasrum. Lahat ay natunaw sa lurok ng ulan sa'king diwa.

Binigyan pala ako ng pamasahe ni Ate Tin pauwi. Singkwenta. Pambili ko rin ng komport pud. Sumakay ako ng dyip [Backstreet Boys at adele ang playlist]. Kena Jul ako dumeretso. Sa isang mahabang bangko ako nahiga muna. Nagluluksa pero hindi umiiyak. Naghihinayang pero hindi susuko. Nagpapahinga lang.

Maya-maya lumabas na si Jul. Binalita ko nga. Inulit ang mga pangyayari. Hiniram ko ang kanyang dramatic lines na nasa taas, sabi ko ako ang may karapatang gumamit n'yan sa ngayon.







Dyord
Hulyo 1, 2015


™ Ang linya sa taas ay naisip ni Jul sa isang what-if scenario niya na hindi bagay isama sa post entry na 'to.