Sunday, May 22, 2016

Dalaw sa Grace Bible Church

Dalaw sa GBC

Sa Grace Bible Church ako nag-church last week. Nag-training kasi ako sa Alabang para sa bago kong trabaho sa Kagawaran (DSWD) at sa parsonage nila ako tumutuloy para makatipid. Minabuti kong 'wag munang umuwi ng Sabado kahit tapos na ang training para sumama sa bahay nina Kuya Joey sa Paco.
Sa Paco, sa mismong bahay nina Kuya Joey s'ya nagtuturo sa mga bata sa lugar nila na medyo iskinita. Maraming barong-barong ang tirahan. Marami ring batang lansangan. Sila yung tinuturuan ni Kuya Joey.


Magulo sila sa loob ng bahay nina Kuya. Nakailang saway na si Kuya Joey. Kanya-kanyang awayan. Kanya-kanyang asaran. Kesyo malandi si ganito, at bakla kasi si ganyan. Pero meron ding ilang tahimik lang. Merong mga hindi raw nakakaligo talaga. Merong walang pamalit na damit. Maayos na nga raw ang mga batang 'to kaysa nung isang taon nang mag-umpisa silang magturo.


Kapag tinanong mo naman kung nasan ang mga magulang nila. May tatay na babagong aksidente. May nanay na nakipag-away. May mga magulang na pabaya at hinahayaang manlimos ang mga anak. Iba't ibang kuwento ng buhay. Sabi ko kay Kuya Joey, parang ganito yung mga settings ng sugod-bahay gang sa Eat Bulaga. Galing na nga raw dun minsan ang JoWaPao.

Tinuro ni Kuya Joey ang tungkol sa Salita ng Diyos. Nakuha ko sa review nila na ang salita ng Diyos ay isang/parang salamin, martilyo, apoy, at ngayon ay isa namang tanglaw sa ating daraanan. Aktibo naman ang mga batang nakikinig. Lalo na nung dumating si Ate Eve na bumili ng Fudgee Bar at Nesfruita Dalandan.


Pagkatapos magturuan, naghapunan naman kami nina soon-to-be-married Kuya Joey at Ate Eve ng itlog na maalat at kamatis na may maraming sibuyas.

"Kumakain ka ba nito?"

Ano namang akala sa'kin ni Kuya Joey rich kid?
Linggo ay sa Grace Bible Church ako aattend ng morning service.
Bumati ako sa mga ilang pamilyar na mukha. Mga nanay madalas ang kabatian ko rito. Ngayon ko lang din naabutan ang kanilang Breakfast Prayer Fellowship.


Niyaya ako ng isang nanay na palagi ko ring nakikita sa Prayer Meeting na makisali sa kanila doon sa may sulok at bandang likod ng simbahan. Nakatipon na pala doon ang mga dumadalo sa Breakfast Prayer. Nung andito pa ko nakatira kay Kuya Caloy, hindi ko naabutan ito dahil maaga. Mga 7 n.u., e halos 7:30 n.u. na ako nagigising noon. Hindi ko rin kilala ang mga mukha sa grupong ito.



Nagkantahan kami. Masigla at malakas naman kahit hindi kami sabay-sabay at kani-kaniya ang tiempo. Napansin kong nagpipilit magtagalog si Nanay na nagfafacilitate ng pre-service fellowship na 'to. Masyadong folk culture ang dating sa akin. Nasa tagalog din ang kanyang ibinahaging Salita mula sa Salmo. Nagpasalamat din ang ilan sa kabutihan ng Diyos. Dito ko na napag-alaman kung sino sila.

Nagpasalamat yung isa dahil sa natapos na eleksyon. Sana raw ay tuparin ni Mayor Duterte ang pangakong wala nang kontraktuwalisasyon. Lagi raw kasi silang natatanggal sa trabaho tapos sa patanda pa sila. Sana raw alisin na rin ang age limit lalo na at kaya pa namang magtrabaho. Sana raw ay hindi sila makalimutan na mahihirap.


Yung isa naman na saulong-saulo ang The Lord is my Shepherd Psalm ay nagpasalamat din. Medyo magulo nga lang kaya tinutulungan siya ni Nanay na sabihin kung anong ipinagpapasalamat n'ya talaga. Mukha na kasing preaching ang sinasabi n'ya. Kahit daw mahirap ang buhay, kasama naman n'ya ang Diyos at di s'ya pinababayaan. May pangamba rin naman daw kada may huli sa Luneta.


Sabat pa nung isa, kahit nababasa ang paa namin kapag natutulog tuwing tag-ulan, may saya pa rin. Sana raw mabigyan sila ng pabahay. Sana raw maabot sila ng programa ng DSWD. Napalunok naman ako. Pasensya na po, Linggo na ngayon.


Napag-alaman ko pa na yung isa pala ron, yung may life verse ng Psalm 23; ay nag-abroad sa Saudi. Padala nang padala sa pamilya dito sa Pinas, pero pag-uwi n'ya ay walang ipon at walang anak na gustong kumupkop sa kanya. Mapait ang katas ng Saudi sa kanya.

Haayys...ang daming kahirapan ng buhay. Maraming mapait na karanasan pero mabiyaya ang Diyos sabi nga sa panalangin ni Doktora na kasama namin nang umagang iyon. Nakapagdulot din ng ngiti ang tamis ng pasalubong n'yang pudding mula sa Malaysia.

Sa banayad na awit ng koro; sintamis ng pudding ang mga linya ng I'd Rather Have Jesus:
I'd rather have Jesus, than silver or gold.
I'd rather be His, than to have riches untold.
I'd rather be led by His nail-pierced hands

No comments: