Miyerkules ng gabi. Prayer Meeting. Medyo maraming dumalo. Karamihan mga kabataan, mga nasa Grade 5- 8, at mas marami sila sa katandaan.
Dahil malapit na ang eleksyon, makabayan-themed ang mensahe ni Pastor. Wala naman talaga sa presidente o sa iisang tao ang pag-asa pero puwede silang gamitin ng Diyos para sa pagbabago. Puwedeng ako at ikaw rin.
Maya-maya pa ay napunta na ang sermon sa mga mag-aaral na maging huwaran sila. Mag-review ng mabuti bago mag-exam. Magsikap para makakuha ng mataas na marka. Huwag mangopya. Huwag magsulat sa CR at sa mga upuan.
"'yung mga songbook natin, ang daming sulat sa likod, mga juniors!", sabi ni Mrs. David.
Juniors ang tawag sa kabataan na nasa elementarya at sila rin ang suspek sa pagbabandal sa mga songbooks namin na mas matanda pa sa kanila.
Matapos ang sermon ni Pastor, kinuha ni Mrs. David ang isang sampol ng songbook namin at ipinakita sa kanila ang mga pangalan nilang nakasulat doon. Umpisa na ng umaatikabong tanggihan.'yung may mga pangalang nakita na, siempre wala nang maidadahilan.
"Nakita ng mga 'yan sa mga young people," sabi naman ni Kuya Jun-jun ang guro ng mga Juniors. "May mga sulat din ni Mimay".
"Nasan ang sulat ni Mimay d'yan?! Buklatin n'yo lahat ng songbook!", sabi ni Mrs. David habang binubukas-sara at binabanggit ang mga
pangalan at nakasulat sa likod o flag leaf ng songbook. "Kapag may nakita akong sulat ni Mimay d'yan lagot sa'kin si Mimay. Alam ko ang sulat ni Mimay. Alam ko ang sulat ng mga young people." Anak ni Mrs. David si Mimay.
"Bernadette!" Bog!
"Arwin!" Bog!
"Crush ko si Neno!" Bog!
Napapapikit ako sa pagbubukas-sara ng mga kaawa-awa naming mga songbook. Mga songbook na pamana ng makadaysayang Baptista ay ginawang slumbook at puro love, love, love, ang nakasulat. Mga tula at musika nina Fanny Crosby, Reynolds, John Newton, John Rice at iba pang mga dakilang manunulat ng imno; ay malamang ngang kinakanta linggo-linggo pero hindi kinikilala ang kanilang mga akda.
Malamang sinulat ang mga nasulat sa songbook kapag inip na inip ang Juniors sa preaching ni Pastor. Malamang hindi sila makaugnay sa mga danas na tinatalakay sa pulpito kaya pinili nilang makipag-ugnayan sa isa't isa at magsulat ng mga danas na meron sila.
Hindi isyu sa'kin kung sino ang sumulat sa mga likod ng songbook namin. Mas isyu sa'kin ang hindi pagpapahalaga sa mga aklat. Mas problema ang mga nakasulat dahil salamin ito ng mga damdamin at nasa natin. Mas isyu kung hindi nabibigyang pansin ang mga karanasan at nasa ng mga kabataan na hindi na isyu sa katandaan.
Hays, paano na ang pag-asa ng bayan?
No comments:
Post a Comment