Saturday, May 21, 2016

Na-miss, Na-missed

Noong Lunes, bertdey pala ni Lola Nitz, lola ni E-boy. Hindi ko man lang naalala ang kaarawan ng matandang nagtatanong kung kumain na ba ako t'wing darating sa kanila. Pagod na pagod ako mula sa unang field day ko sa San Juan, Batangas. Hindi rin naman pala nagpaalala si E-boy. Wala rin naman akong maiabot kay Lola Nitz.


Martes. Hayun, pumunta sina E-boy sa San Juan para naman mag-outing ang mga pamilya ng mga pastor sa Tiaong. Absent ulit ako. Hindi naman ako legit na kapamilya biologically ng pastor pero parang ganun na rin daw yun. Kasama naman daw ako palagi sabi ni Ebs kaya lang sa pagkakataong ito ay hindi raw ako pwede dahil may trabaho na nga ako. Sabay tawa pa si Ebs.


Miyerkules. Dumalo ako ng Prayer Meeting. Kinumbida ako ng tropa kong si Nay Vergie dahil 80th birthday nya raw sa Sabado. Medyo na-miss ko nga rin ang mga seniors namin dahil sila lagi ang kahuntahan ko kada Linggo ng umaga.

Sa Linggo, baka kapusin na rin ang oras para makapag-kape pa kami nina Nikabrik. Sa Lunes at Martes, may retreat din ang church nina Ebs. Mami-missed ko rin ang event na 'to. Ganun naman talaga kapag balik full-time work ka na. Hit something and missed something pero parang missed a lot nga e.

Sabi ni E-boy, nagdadrama lang daw ako. Hindi pa nga raw ako nag-aabroad e. Para dadalawang linggo pa lang nga raw ako sa trabaho. Sabi ko hindi ako nagdadrama, nag-eexpress lang ako. Niyayakap ko lang ang realidad na malaki na ulit ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ko.

Kaya lang namimingaw ako talaga. Kung puwede lang sanang magkaroon ng mga accomplishments sa buhay habang hindi nalalayo sa mga tao, bagay, at lugar na mahal mo. Kaya lang yung paglayo talaga ang magpapakita sa'yo ng mga tao, bagay, at lugar na mahal mo pala at masyado ka lang malapit kaya di mo makita.


Nakahiga akong muli sa kusina-sala nina E-boy. Pakiramdam ko, nagbalik akong muli sa sinapupunan. Napunan ang malaking bahaging hinahanap ko sa loob ng dalawang linggo.


No comments: