WAT?!
Galing kami sa isang Provincial Convergence Operations Meeting kung saan nagtatagpo ang mga Municipal Links ng 4Ps at Project Development Officer IIs ng Sustainable Livelihood Program kung saan naman ako kabilang. Sa pulong na ito pinag-uusapan ang mga ulat, problema, at suhestiyon na rin tungkol sa mga programa ng DSWD.
Isinama kami ni Lianne at Ate Digna doon para makita namin kung paano magreport ng mga status at updates sa aming programa. Si Ate Lorie, ang Cluster Monitor na nagtetrain sa'min, ang nag-ulat sa mga kawani ng DSWD. Bago pa s'ya nag-ulat ay namura na s'ya ng Mayor ng bayan na nag-host ng pagpupulong dahil sa mga naantalang proyekto. Aligaga si Ate Lorie sa pagpaparoo't parito bago makapag-ulat. 'yung buong programa at mga teknikalidad ay hindi rin naman namin ma-absorb lahat dahil nasa learning curve pa nga kami.
Maya-maya, nagbigay ng ilang salita ang Mayor. Ang laki ng tiyan ni Mayor. S'ya raw ulit ang nanalong punong-bayan doon. Nagulat ako sa pauna n'yang mga pahayag: "'yung mga 4Ps n'yo ga ay nakatulong sa eleksyon o naka-perwisyo?" Napakunot ang noo ko dahil hindi ko na-gets agad. Inulit n'ya pa ang tanong at pinataas ang kamay na mga Municipal Links kung sinong mga benepisyaryo ang nakatulong at nakaperwisyo sa eleksyon. Meron nga namang nagtaas ng kamay pero hesitant.
Tahimik ang lahat ng MLs ng 4Ps. Siguro na-gets na nila ang ibig sabihin ni Mayor sa salitang "nakatulong". Ibig sabihin ni Mayor ay kung nakatulong ba ang 4Ps para maihalal muli ang administrasyon sa mga bayan-bayan namin. Ibig sabihin ni Mayor sa nakaperwisyo ay kung natalo ba ang administrasyon dahil sa iba ang ibinoto ng 4Ps. Hindi ang isyu ay ipinagbili ba ang boto o hindi. Ang isyu, para pala kay Mayor ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid ay political machinery. Hindi na naman ako makahinga ng maayos kahit matagal nang uso ang oxygen.
Matagal na ring uso ang R.A. 6713 o yung batas na tumutukoy sa Ethical Standards ng mga sa Public Office, pero tila hindi ito alam ng ating mga politiko. Hindi nila alam na we should practice political neutrality. Hindi nila talaga bang alam na DAPAT ang serbisyo publiko ay walang kinikilalang kulay politikal. Ang public service ay color blind! Si Mayor, hindi na ipinagmakahiya ang sarili.
At sa tono pa ng kanyang pananalita ay may nais s'yang ipatanggal sa programa. Paano ga raw natatanggal sa 4Ps? Gaano ga raw katagal bago matanggal? Parang gusto ko nang awatin si Mayor. "Mayor tama na po, at sobrang nakakahiya na kayo." Concern lang ako sa image n'yo.
Napag-alaman ko pa na sumugod ito sa tanggapan ng Pantawid at kinagalitan ang mga Municipal Links doon dahil hindi nakapasok ang kanyang mga konseho. Nang matapos si Mayor sa kanyang privilege speech, binati s'ya ng host ng " Thank you po Mayor for your words of encouragement!"
No comments:
Post a Comment