Halalan 2016
Maaga akong bumoto. Ala-sais pa lang bumangon na 'ko. Ala-siete nasa elementary na'ko. Wala pang dalawang minutong dumaan ako sa gate ng elementary, nakakuha ako ng lampas sa sampung pulyeto. Tsk. Tsk. Tsk. Marami na ring nagkalat na pulyeto sa lupa. Kahit na papel at biodegradble ang mga 'to, masakit pa rin sa mata. Masakit din sa dibdib na ang mga taong walang disiplina, walang pagpapahalaga sa paligid, ay naghahangad ng 'tamang presidente' at silang mga nasyonalista raw.
Mabilis ko namang nakita ang presinto ko. Nakasulat sa blackboard na ang susi sa mabilis na pagboto ay ang maayos na pagpila. Behave naman ang mga kabaranggay ko kaya ayos naman ang daloy ng pagboto.
Inuuna ang mga senior, heavily preganant, at differently-abled. 'yung malalaki ang tiyan na nanay nagbibiruan pang buntis daw sila. Mga wala pang dalawang oras ang hinintay ko at nakaboto din ako. Smooth and sound. Ang kinis-kinis ng papel, ansarap himasin ng munti kong kapangyarihang makilahok sa pagbabago ng bansa. Ang sarap ding pakinggan ng pagkain ng VCM sa ballot sheet ko, yung "toooot" ay nakakaluwag ng paghinga. Paghinga dahil di nagka-aberya sa pagregister ng boto mo at paghinga dahil nakapag-ehersisyo ka ng kapangyarihang pantay-pantay na iginawad sa atin ng Konstitusyon.
Umuwi rin ako agad. Hindi ako sumakay sa mga libreng sakay. Kahit pa sabi ng nanay ko may libreng sakay si meyor gan'to at meyor gay-an. Pagka-uwi ko ay nagbukas ako ng telebisyon agad. Nakikinig sa live coverage ng halalan habang nag-iimpake.
Ang busy ng news room. Ang ingay daw sa social media. Trending daw ang #b1nayonly. Sa balita ay may mga taong na-disdranchise. Nagpilit pumila at pumanhik ng hagdan ang mga senior citizens para lang makaboto. May mga di gumaganang VCMs matapos ang 50-80 na balota. May di umano'y mga VCMs na namataan sa isang hotel. Nakakalungkot yung isang elementary, narinig kong may 37, 000 registered voters sila pero meron lamang 3 officers from COMELEC ang naroon. Haaaaays.
Sa Mindanao, nagkalat ang Militar at Pulisya para sa seguridad ng halalan. Sa Marawi, merong elementary school na sinunog pero natuloy pa rin ang botohan. Pinakita pa ang umuusok na kahoy-kahoy. May mga flying voters pa rin. May mga menor de edad ding bumoboto. Sa Maguindanao, may mga pagsabog ng grenade launchers. Haaays.
Bandang hapon, medyo malaki na ang bilang ng transmitted na results. Partial at unofficial count pa lang. Inilabas na ang ranking. Bumaha ang mga commentarista at mga propesor. Umalingawngaw ang salitang protest votes at democracy fatigue. Nagsalita na ang taumbayan. Hindi naman nakakagulat ang resulta pero nakakalungkot pa rin. Mukhang galit na galit nga kami. Mukhang nakalimot na rin kami.
Naalala ko 'yung nabasa ko sa elementary kanina, sabi ng nakapaskin;
"The DepEd Vision
We dream of Filipinos who passionately love their country and whose values and competencies enable them to realize full potential and contribute meaningfully to building the nation."
Maaga akong lumuwas. Umpisa ko na rin ng trabaho. Kawani na ako ng gobyerno.
No comments:
Post a Comment