Friday, May 27, 2016

SUPPLIES!!!!

May pa-meeting ako mamaya sa mga nais magkaroon ng trabaho na miyembro ng Pamilyang Pantawid. Dahil nand'yan na rin lamang sila mamaya, e papipirmahan ko na yung mga dapat pa-pirmahan para umusad agad yung papel nila.

Pumasok ako sa library. Mahusay namang may gar'ne silang departamento kung saan ipinapaayos ang mga usb flashdrive na may virus at pini-print ang mga dokumento ng mga empleyadong walang printer sa kanilang departamento. Gaya ng dukhang kagaya ko na walang printer at wala pa ring computer. Nakikidawdaw lang ako sa laptop ni Ate Digna. Ilang araw na rin akong nakiki-print sa library nila na wala naman masyadong libro.
Nagtanong ako kung puwedeng maki-print ulit. Kaya lang mga sandaang pirasong A4 ang kailangan ko dahil maraming nais magkatrabaho na darating. Medyo pumalag na si Kuya. Kailangan din daw nila ng typewriting. Ipaghahanap na lang daw muna ako. Itinawag n'ya pa sa Engineering para ipangutang. Sabi ni Kuyang librarian, kulang daw sila sa typewriting lalo na sa A4. Wala na raw A4 ang pinagtanungan n'ya pang mga departamento. Kaunti lang daw kasi ang ibinibigay na supplies sa kanila kaya ambilis lang maubos. Itinigil ko na ang pagpi-print dahil nahiya na ako. Makapunta na lang ng gubat at makakuha ng dahon ng saging para mag-print ng forms.

Tinext ko ang Cluster Monitor ko kung anung gagawin ko kapag walang supplies ang munisipyo? "Bibili ka haha," reply ni Ate Lorie. Kailangan ko ng mahigit sandaan na A4 at kailangan daw ay limang kopya ng proposal at attachments. Tumingin ako tampipi ko at napailang. Kahit mag-borrow 1 from 9 ay can not be. Hindi ako makakabili ng A4. Sakto lang para mabuhay ako ngayong araw ang laman ng pitaka ko. Nasa survival-poverty threshold na naman ako.
Nakapag-isip lang. Sinasagot namin ang kabuhayan ng mga mamayan at ang yabang ng mga programa dahil sa milyun-milyong pondo. Namimigay kami ng mga bigasan, makinarya, at iba pang pangkabuhayan showcase. Nagpapagawa ng mga paaralan, kalsada, at iba pang infra. PERO hikahos sa typewriting.

 Nagsasariling hugot na raw madalas ang mga kawani na job order at casual pa yung iba. E lahat ng proyekto, dumadaan sa typewriting kahit matagal nang digital at smart age ay sandamakmak pa rin ang kinokonsumong papel ng gobyerno ng Pilipinas. Dapat yatang i-edit out na ang "makakalikasan" sa'ting Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas.

May dumating naman na A4 galing daw ng Engineering. 'yun na lang daw ang A4 nila. Ipinaubaya na sa akin. Marami-rami naman, mga walo-cha kapag binilang. So ganito na lang, ipapasama ko na sa requirements ng mga beneficiaries ang pagbili ng dalawang pirasong A4.

No comments: